Tanong ng mga Mambabasa
May Pasimula ba ang Diyos?
▪ Sinasabi ng Bibliya na walang pasimula ang Diyos. Talagang hindi maaabot ng ating isip ang konseptong ito, pero hindi ito dahilan para hindi tayo maniwala rito.
Makatuwiran bang isipin na mauunawaan natin ang lahat tungkol sa Diyos? Sinabi ni apostol Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” (Roma 11:33) Hindi kayang abutin ng ating isip ang lalim ng karunungan at kaalaman ng Diyos kung paanong hindi kayang unawain ng sanggol ang lahat tungkol sa kaniyang magulang. Ang kinasihang salita ni Pablo ay pangunahin nang tumutukoy sa pagiging natatangi ng karunungan at awa ng Diyos, pero matututuhan din natin dito na may mga bagay tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga gawa na hindi natin lubusang mauunawaan. Isa sa mga ito ang konsepto na ang Diyos ay walang pasimula. Gayunman, lubos tayong makapagtitiwala sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos. Sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa banal na mga kasulatan: “Ang iyong salita ay katotohanan.”—Juan 17:17.
Ganito ang sinabi ni Moises sa kaniyang panalangin kay Jehova: “Mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.” (Awit 90:2, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Inilalarawan dito ni Moises ang walang-katapusang pag-iral ng Diyos. Si Jehova ang “Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 4:10) Gayundin, noon pa man ay umiiral na siya. Sa ibang salita, walang pasimula ang Diyos ni mayroon mang lumikha sa kaniya.
May mga ideya na mahirap intindihin. Pero kung minsan, kailangan nating tanggapin ang ilang mahihirap na konsepto, gaya ng mga numerong mas mababa at mas mataas sa zero. Walang katapusan ang pagbibilang ng mga numero, pababa man ito o pataas. Puwede nating ihalintulad dito ang haba ng buhay ng ating Maylalang.
Kaya talagang ang Diyos lang ang maaaring magtaglay ng titulong “Haring walang hanggan.” (1 Timoteo 1:17) Isipin ito: Si Jesu-Kristo, ang laksa-laksang anghel sa langit, at ang mga tao sa lupa—silang lahat ay may pasimula dahil nilalang sila. (Colosas 1:15, 16) Pero hindi ang Diyos. Kung ipipilit natin ang ideya na nilalang ang Diyos, lilikha lang ito ng isang walang-patutunguhang argumento tungkol sa kung sino ang lumalang sa Maylalang. Si Jehova lang ang umiral “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 90:2) Oo, umiral siya “sa buong walang-hanggang nagdaan.”—Judas 25.
Napakahalagang malaman ang katotohanan na ang pag-iral ng Diyos ay walang hanggan, gaya ng makikita sa panalangin ni Moises. Dahil dito, makaaasa tayo sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan. Di-tulad ng buhay ng tao sa ngayon na mabilis na naglalaho, inilalarawan ang Diyos na “tunay na tahanang dako [natin] sa sali’t salinlahi.” Bilang isang maibiging Ama, si Jehova ay laging nariyan para sa kaniyang bayan—noon, ngayon, at magpakailanman. Lagi mo sanang alalahanin ang katotohanang iyan.—Awit 90:1.