Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

“Ang Iyong Kaharian ay Tiyak na Magiging Matatag”

“Ang Iyong Kaharian ay Tiyak na Magiging Matatag”

2 SAMUEL 7:1-16

SA BUONG kasaysayan ng tao, marami nang tagapamahala ang naalis sa kanilang posisyon. Ang ilan ay natalo sa eleksiyon, ang iba naman ay sapilitang pinatalsik. Maaari din kaya itong mangyari kay Jesu-Kristo, ang Hari sa Kaharian ng Diyos sa langit? May makahahadlang ba sa kaniyang pamamahala bilang Hari na hinirang ng Diyos? Malalaman natin ang sagot sa sinabi ni Jehova kay Haring David ng sinaunang Israel na nakaulat sa 2 Samuel kabanata 7.

Binanggit sa unang mga talata ng kabanatang iyon na nahihiya si David sapagkat siya, na isa lamang haring tao, ay nakatira sa isang magandang palasyo samantalang ang kaban ng Diyos ay nasa hamak na tolda lamang. * Ipinahayag ni David ang kaniyang hangaring magtayo ng isang bahay, o templo, na nararapat para kay Jehova. (Talata 2) Pero sinabi ni Jehova kay David sa pamamagitan ni propeta Natan na hindi siya ang magtatayo ng templo kundi isa sa kaniyang mga anak na lalaki.​—Talata 4, 5, 12, 13.

Natuwa si Jehova sa taos-pusong hangarin ni David. Kasuwato ng debosyon ni David at ng layunin ng Diyos, nakipagtipan Siya kay David na magbabangon Siya ng isa mula sa maharlikang linya ni David na mamamahala magpakailanman. Sinabi ni Natan ang pangako ng Diyos kay David: “Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tiyak na magiging matatag hanggang sa panahong walang takda sa harap mo; ang iyo mismong trono ay magiging isa na itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.” (Talata 16) Sino ang permanenteng Tagapagmana sa tipang ito​—ang Isa na mamamahala magpakailanman?​—Awit 89:20, 29, 34-36.

Si Jesus ng Nazaret ay inapo ni David. Nang ipahayag ng isang anghel ang tungkol sa pagsilang kay Jesus, sinabi niya: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Kaya ang tipan kay David ay natupad kay Jesu-Kristo. Namamahala si Jesus, hindi sa pamamagitan ng mga tao, kundi sa pamamagitan ng pangako ng Diyos. Ito ang nagbigay sa kaniya ng karapatang mamahala magpakailanman. Tandaan natin na ang mga pangako ng Diyos ay laging natutupad.​—Isaias 55:10, 11.

Dalawang mahalagang aral ang matututuhan natin sa 2 Samuel kabanata 7. Una, nakatitiyak tayo na walang anuman at sinuman ang makahahadlang sa pamamahala ni Jesu-Kristo. Kaya makatitiyak tayo na tutuparin niya ang layunin ng kaniyang pamamahala​—ang lubusang ganapin ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya ng sa langit.​—Mateo 6:9, 10.

Ikalawa, itinuturo sa atin ng ulat na ito ang isang napakagandang aral tungkol kay Jehova. Tandaan na nakita ni Jehova ang hangarin ng puso ni David at pinahalagahan Niya iyon. Nakatutuwang malaman na pinahahalagahan ni Jehova ang ating debosyon sa pagsamba sa kaniya. Pero dahil sa mga kalagayang hindi natin kontrolado, gaya ng paghina ng kalusugan o pagtanda, maaaring mahadlangan tayong gawin ang lahat ng nais nating gawin sa paglilingkod sa Diyos. Kung gayon, magkaroon nawa tayo ng kaaliwan sa pagkaalam na nakikita ni Jehova ang taimtim na hangarin ng ating puso na sambahin siya.

[Talababa]

^ par. 2 Ang kaban ng tipan ay isang sagradong kaban na ginawa ayon sa utos at disenyo ni Jehova. Kumakatawan ito sa presensiya ni Jehova sa sinaunang Israel.​—Exodo 25:22.