Sa Langit ba Mapupunta ang Lahat ng Mabubuting Tao?
Sa Langit ba Mapupunta ang Lahat ng Mabubuting Tao?
NANGAKO si Jesus sa kaniyang mga apostol bago siya mamatay na gagantimpalaan niya sila ng dako sa langit. Sinabi niya: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. Kung hindi ay sinabi ko sana sa inyo, sapagkat paroroon ako upang maghanda ng dako para sa inyo.” (Juan 14:2) Bakit sila pinaglaanan ni Jesus ng dako sa langit? Ano ang gagawin nila roon?
May pantanging atas si Jesus para sa kaniyang mga alagad. Nang gabi ring iyon, sinabi niya: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:28, 29) Nangako ang Diyos kay Jesus na gagawin Niya siyang Hari ng isang mabuting pamahalaan, na kailangang-kailangan ng mga tao. Ililigtas ni Jesus ang mga taong napipighati at dudurugin niya ang mga nandaraya sa kanila. Bagaman ang mga sakop ni Jesus ay hanggang sa “mga dulo ng lupa,” siya ay maghahari mula sa langit.—Awit 72:4, 8; Daniel 7:13, 14.
Pero hindi lamang si Jesus ang mamamahala. Kaya naman, nangako siya sa kaniyang mga alagad ng dako sa langit. Sila ang mga unang pinili para ‘mamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.’—Apocalipsis 5:10.
Ilan ang magtutungo sa langit? Katulad ng anumang pamahalaan, iilan lamang ang mamamahala sa Kaharian ng Diyos sa langit kung ihahambing sa bilang ng mga sakop nito. Sa mga mamamahalang kasama ni Jesus, sinabi niya: “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32) Ang bilang ng “munting kawan” na iyon ay 144,000. (Apocalipsis 14:1) Kaunti lamang iyan kung ihahambing sa milyun-milyong mabubuhay nang walang hanggan sa lupa bilang tapat na mga sakop ng Kaharian.—Apocalipsis 21:4.
Kaya nangangahulugan iyan na hindi lahat ng mabubuting tao ay mapupunta sa langit. Tungkol sa mabuting hari na si David, ganito ang sinabi ni apostol Pedro: “Hindi umakyat si David sa langit.” (Gawa 2:34) Mabuting tao rin si Juan Bautista. Pero ipinahiwatig ni Jesus na hindi siya mamamahala bilang hari sa langit. Sinabi niya: “Sa gitna niyaong mga ipinanganak ng mga babae ay walang sinumang ibinangon na mas dakila kaysa kay Juan Bautista; ngunit ang isa na nakabababa sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.”—Mateo 11:11.
Tatanggapin Mo ba ang Gantimpala Para sa Mabubuting Tao?
Upang tumanggap ng gantimpalang buhay na walang hanggan sa lupa, ano ang dapat gawin ng isa? Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Pansinin na dahil sa pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, naging bukás para sa lahat ang pag-asang buhay na walang hanggan, pero ang mga “nananampalataya” lamang ang tatanggap ng gantimpalang iyon.
Dapat na nakasalig sa tumpak na kaalaman ang pananampalataya ng isa. (Juan 17:3) Maipakikita mo na mabuti kang tao kung kukuha ka pa ng higit na kaalaman tungkol sa layunin ni Jehova para sa tao. Ikapit mo ang iyong matututuhan. Kung gayon, tiyak na magkakaroon ka ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan.
[Kahon sa pahina 7]
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Tanong:
Ano ang nangyayari sa mabubuting tao kapag namatay sila?
Sagot:
“Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”—ECLESIASTES 9:5.
Tanong:
Anong pag-asa ang inilalaan ng Bibliya para sa mabubuting tao na namatay na?
Sagot:
“Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang [si Jesus] tinig at lalabas.”—JUAN 5:28, 29.
Tanong:
Saan titira ang karamihan ng mabubuting tao?
Sagot:
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—AWIT 37:29.