Tanong ng mga Mambabasa
Talaga Bang Dinalaw ng Tatlong Pantas na Lalaki ang Sanggol na si Jesus?
Ang kuwento tungkol sa Pasko mula sa Timog Amerika hanggang sa Silangang Europa at Asia ay bumabanggit sa tatlong hari, o mga pantas na lalaking may dalang mahahalagang regalo para sa sanggol na si Jesus sa sabsaban. Totoo ba ito? Kasuwato ba ito ng mga ulat sa Bibliya? Tingnan natin.
Iniulat ng mga Ebanghelyo nina Mateo at Lucas ang tungkol sa pagsilang kay Jesus. Sinabi nito na hamak lamang na mga pastol mula sa kalapit na parang ang dumalaw kay Jesus nang isilang siya. Ang totoo, ang tinatawag na mga hari, o mga pantas na lalaki, ay hindi maharlika kundi astrologo. Hindi rin sinabi kung ilan sila. Hindi sa sabsaban nagpunta ang mga astrologo kundi nasumpungan nila ang batang si Jesus sa bahay. Muntik pa ngang mapahamak si Jesus dahil sa kanila!
Pansinin ang ulat ng manunulat ng Bibliya na si Lucas tungkol sa pagsilang kay Jesus: “[May] mga pastol . . . na naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. At bigla na lang, ang anghel ni Jehova ay tumayo sa tabi nila, at . . . sinabi . . . sa kanila: ‘. . . Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nakabalot ng mga telang pamigkis at nakahiga sa sabsaban.’ . . . At dali-dali silang pumaroon at nasumpungan si Maria at gayundin si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.”—Lucas 2:8-16.
Sa ulat ni Lucas, tanging sina Jose, Maria, at ang mga pastol ang naroroon kasama ng sanggol na si Jesus.
Ngayon, suriin ang ulat sa Mateo 2:1-11 mula sa Magandang Balita Biblia: “Si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan . . . Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria.”
Pansinin na binabanggit sa ulat ang “ilang Pantas,” hindi “tatlong Pantas,” at naglakbay sila mula sa silangan patungo sa Jerusalem, hindi sa Betlehem, ang lunsod kung saan isinilang si Jesus. Nang makarating na sila sa Betlehem, si Jesus ay isa nang “bata”—hindi isang sanggol—at wala na sa sabsaban kundi nasa bahay.
Bukod sa Magandang Balita Biblia na gumamit ng salitang “Pantas” upang tumukoy sa mga dumalaw kay Jesus, ginamit din ng ibang salin ang salitang “Mago” o “astrologo.” Ayon sa aklat na A Handbook on the Gospel of Matthew ang salitang “pantas” ay isinalin mula sa “isang pangngalang Griego na orihinal na tumutukoy sa mga saserdoteng Persiano na dalubhasa sa astrolohiya.” Binibigyang-kahulugan ng The Expanded Vine’s Expository Dictionary of New Testament Words ang salitang ito bilang “isang salamangkero, manggagaway, mago, isang dalubhasa sa sining ng pangkukulam.”
Bagaman popular pa rin ngayon ang astrolohiya at pangkukulam, nagbabala ang Bibliya hinggil dito. (Isaias 47:13-15) Ito ay mga anyo ng espiritismo at gawaing kinapopootan ng Diyos na Jehova. (Deuteronomio 18:10-12) Iyan ang dahilan kung bakit walang anghel ng Diyos ang naghayag sa mga astrologo hinggil sa pagsilang kay Jesus. Pero sa pamamagitan ng isang panaginip, binabalaan sila ng Diyos na huwag nang bumalik upang mag-ulat sa masamang hari na si Herodes na gustong pumatay kay Jesus. Kaya “sila ay umalis patungo sa kanilang lupain sa pamamagitan ng ibang daan.”—Mateo 2:11-16.
Hahayaan kaya ng mga tunay na Kristiyano na magpatuloy ang kuwento hinggil sa mga pantas na lalaking dumalaw sa sanggol na si Jesus sa sabsaban na taliwas naman sa itinuturo ng Bibliya? Tiyak na hindi.