Ang Banal na Espiritu—Bakit Nalilito ang mga Tao Tungkol Dito?
Ang Banal na Espiritu—Bakit Nalilito ang mga Tao Tungkol Dito?
ANO ang banal na espiritu? Simple lamang ang tanong na ito pero mahirap sagutin. Ganito ang sinabi ni Pope Benedict XVI sa mga tao sa Australia: “Halos imposibleng maunawaan ang tungkol sa Espiritu.”
Totoo, maraming opinyon at pag-aalinlangan kung ano ang sagot sa tanong na, Ano ba ang banal na espiritu? Ito ang ilan sa karaniwang sagot:
• Ito ay isang tunay na persona na tumatahan sa loob ng mga alagad ni Kristo.
• Ito ang presensiya ng Diyos na kumikilos sa sanlibutan.
• Ito ang ikatlong persona sa Trinidad.
Bakit may gayong kalituhan? Ang kalituhang ito ay mula pa noong ikaapat na siglo C.E., nang igiit ng ilang teologo na isang persona ang banal na espiritu at sa paanuman ay kapantay ng Diyos. Pero hindi ito itinuturo ng Kasulatan o ng unang mga tagasunod ni Kristo. Sinabi ng Katolikong akda na Diccionario de la Biblia, na inedit ni Serafin de Ausejo: “Hindi inilalarawan ng Matandang Tipan ang espiritu ng Diyos bilang isang persona . . . Ito ang puwersang ginagamit ni Yahweh [o Jehova].” Idinagdag pa nito: “Isinisiwalat ng karamihan ng teksto sa Bagong Tipan ang espiritu ng Diyos (o Espiritu Santo) bilang isang puwersa, . . . hindi isang persona.” Sinabi rin nito: “Kitang-kita ito sa paghahambing sa ‘Espiritu Santo’ at sa ‘kapangyarihan’ [ng Diyos].”
Sabihin pa, hindi matanggap ng mga tao na ang kapangyarihan ay isang persona. Kaya ipinakikita ng isang surbey kamakailan sa Estados Unidos na hindi tinatanggap ng karamihan ang ideya na ang banal na espiritu ay isang persona o isang “buháy na indibiduwal.” Tama kaya sila? Dapat ba nating paniwalaan ang mga teologo na naggigiit na “ang Espiritu Santo ay isang Persona na talagang hiwalay sa Ama at sa Anak”?
Para malaman ang tamang sagot, kailangan nating tingnan ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na detalyadong nagpapaliwanag hinggil sa banal na espiritu. Sumulat si apostol Pablo: “Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral.”—2 Timoteo 3:16, Magandang Balita Biblia.
Bakit dapat mong alamin ang katotohanan tungkol sa banal na espiritu? Dahil kapag nalaman mo ang katotohanang iyan, maaari kang tumanggap ng tulong mula sa Diyos. Nadarama mo ba kung minsan na nanghihina ka at nangangailangan ng isa na tutulong sa iyo? Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo . . . Kung kayo . . . ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”—Lucas 11:9, 13.
Sa susunod na mga artikulo, ipaliliwanag sa atin ng Kasulatan kung ano talaga ang banal na espiritu at kung paano tayo matutulungan nito.
[Blurb sa pahina 3]
Ipinaliliwanag sa atin ng Kasulatan kung ano talaga ang banal na espiritu