Tanong ng mga Mambabasa
Parusa Ba ng Diyos ang mga Pagdurusa sa Buhay?
Nakaranas ka na ba ng matinding dagok sa buhay anupat naitanong mo kung pinarurusahan ka ba ng Diyos? Kapag bigla tayong nagkasakit, nabalda dahil sa aksidente, o namatayan ng mahal sa buhay, baka isipin nating pinarurusahan tayo ng Diyos.
Pero hindi iyan ang dapat mong madama kasi gusto ng Diyos na ang mga tao ay maging maligaya at hindi magdusa. Makikita ito nang lalangin ng Diyos ang unang tao. Inilagay niya sila sa “hardin ng Eden,” isang magandang paraiso, kung saan walang pagdurusa.—Genesis 2:15.
Nakalulungkot, tinanggihan ng unang mag-asawa ang napakagandang pag-asang ito at kusang sumuway sa Diyos. Kapaha-pahamak ang naging resulta nito hindi lamang sa kanila kundi sa lahat ng kanilang naging mga anak, kasama na tayo. Bakit? Ang situwasyon ay maihahalintulad sa nangyayari kapag ang ulo ng pamilya ay hindi nagbayad ng renta ayon sa napagkasunduan—pinalalayas ang buong pamilya sa kanilang bahay kaya naman naghihirap at nagdurusa sila. Sa katulad na paraan, nagdurusa ang lahat dahil sa pagsuway ng una nating mga magulang. (Roma 5:12) Pagkalipas ng maraming taon, malungkot na sinabi ng matuwid na taong si Job na kung ang kaniyang kirot at pagdurusa ay ‘ilalagay sa timbangan,’ magiging “mas mabigat pa ito kaysa sa mga buhangin sa mga dagat.”—Job 6:2, 3.
Ang isa pang dahilan ng ating pagdurusa ay ang ating limitadong pananaw sa kinabukasan. Halimbawa, may isang taong nagtayo ng mga bahay sa isang lugar na madalas ang sunog at ibinenta niya ang mga ito. Dahil hindi mo ito alam, bumili ka ng isang bahay at tumira dito. Hindi ba’t inilalagay mo sa panganib ang iyong sarili at ang iyong pamilya? Anumang problema ang mangyari, tiyak na hindi ito masasabing parusa ng Diyos. Ganiyan ang sinasabi ng Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kawikaan 14:15.
Gayunman, nakaaaliw malaman na bagaman lahat tayo ay nagdurusa, layunin ng Diyos na guminhawa ang tao sa malapit na hinaharap. Sa panahong iyon, hindi mo na kailanman mararanasan ang pagdurusa, ni makikita o maririnig man ang tungkol dito. Ang mga luha ng kalungkutan, kirot, kamatayan, at pagdadalamhati ay “lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Nakaaantig-damdamin din ang pangako na ang mga tao ay hindi na kailanman magtatayo ng mga bahay at magtatanim na sisirain lamang ng mga digmaan o sakuna. Sa halip, ‘lubusan nilang tatamasahin’ ang gawa ng kanilang mga kamay.—Isaias 65:21-25.
Habang hinihintay mong lubusang alisin ng Diyos ang pagdurusa, ano ang magagawa mo ngayon upang hindi ka gaanong maapektuhan nito? Una sa lahat, nagpapayo ang Bibliya na “huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa,” sa halip, “magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso.” (Kawikaan 3:5) Sa kaniya ka umasa para sa patnubay at kaaliwan. Magbigay-pansin sa karunungan mula sa Diyos na mababasa sa Bibliya. Tutulong ito sa iyo na gumawa ng matatalinong pagpapasiya at makaiwas sa mga pagdurusa.—Kawikaan 22:3.