Pagiging Born Again—Ano ang Nagagawa Nito?
Pagiging Born Again—Ano ang Nagagawa Nito?
BAKIT ginamit ni Jesus ang pananalitang ‘maipanganak mula sa espiritu’ nang banggitin niya ang tungkol sa bautismo sa banal na espiritu? (Juan 3:5) Sa makasagisag na paraan, ang salitang “kapanganakan,” o pagsilang, ay nangangahulugang “pasimula.” Samakatuwid, ang terminong “bagong pagsilang,” o born again, ay tumutukoy sa “bagong pasimula.” Kaya idiniriin ng mga pananalitang “maipanganak” at “bagong pagsilang” na magkakaroon ng bagong pasimula ang kaugnayan sa Diyos ng mga taong binabautismuhan sa banal na espiritu. Paano nangyayari ang malaking pagbabagong iyon?
Ginamit ni apostol Pablo ang ilustrasyong hango sa buhay pampamilya upang ipaliwanag kung paano inihahanda ng Diyos ang mga tao para mamahala sa langit. Sumulat siya sa mga Kristiyano noong panahon niya na sila ay ‘aampunin bilang mga anak,’ kaya naman pakikitunguhan sila ng Diyos na “gaya ng sa mga anak.” (Galacia 4:5; Hebreo 12:7) Para maunawaan ang pagbabagong daranasin ng isa na binautismuhan sa banal na espiritu, balikan natin ang halimbawa ng kabataang lalaki na gustong pumasok sa paaralan ng mga katutubo.
Pagbabago Dahil Inampon
Sa ilustrasyon, hindi makapasok ang kabataang lalaki sa paaralan dahil hindi siya isang katutubo. Pero gunigunihin na isang araw, nagkaroon ng malaking pagbabago. Legal siyang inampon ng isang katutubo. Ano ang epekto nito sa kabataan? Dahil inampon siya ng isang katutubo, maaari na siya ngayong magkaroon ng mga karapatan na gaya ng ibang mga kabataang katutubo—kasama na ang karapatang makapasok sa paaralang iyon. Dahil sa pag-aampon, lubusang nagbago ang kaniyang kalagayan.
Sa paanuman, ipinakikita nito ang mangyayari sa mga taong nagiging born again. Pansinin ang ilang pagkakatulad. Ang kabataang lalaki sa ilustrasyon ay makapapasok lamang sa paaralan kung maaabot niya ang kahilingan—dapat na isa siyang katutubo. Pero hindi niya iyon magagawa kung sa ganang sarili lamang niya. Sa katulad na paraan, ang ilang tao ay magiging tagapamahala lamang sa Kaharian ng Diyos, o sa makalangit na gobyerno, kung maaabot nila ang kahilingan—ang “maipanganak muli” o maging born again. Pero kung sa ganang sarili lamang, hindi nila iyon magagawa dahil ang Diyos ang magpapasiya kung ang isa ay magiging born again.
Paano nabago ang kalagayan ng kabataang lalaki? Dahil legal siyang inampon. Sabihin pa,
siya pa rin ang kabataang iyon. Pero maituturing na siya ngayon na isang katutubo. Oo, nagkaroon siya ng bagong pasimula—isang bagong pagsilang, wika nga. Itinuturing na siyang anak, anupat puwede na siyang pumasok sa paaralan at maging kapamilya ng umampon sa kaniya.Sa katulad na paraan, nabago ang kalagayan ng isang grupo ng di-sakdal na mga tao nang legal silang ampunin ni Jehova bilang kaniyang mga anak. Si apostol Pablo, na kasama sa grupong iyon, ay sumulat sa kaniyang mga kapananampalataya: “Tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.” (Roma 8:15, 16) Oo, dahil inampon ang mga Kristiyanong iyon, naging bahagi sila ng pamilya ng Diyos, o “mga anak ng Diyos.”—1 Juan 3:1; 2 Corinto 6:18.
Sabihin pa, hindi pa rin sakdal ang mga taong inampon ng Diyos. (1 Juan 1:8) Pero gaya ng ipinaliwanag pa ni Pablo, nabago ang kalagayan nila matapos silang legal na ampunin. Kasabay nito, dahil sa espiritu ng Diyos, kumbinsido ang mga inampon ng Diyos na maninirahan sila sa langit kasama ni Kristo. (1 Juan 3:2) Ang walang pag-aalinlangang pananalig na iyon dahil sa banal na espiritu ang nagbigay sa kanila ng bagong pananaw sa buhay. (2 Corinto 1:21, 22) Oo, nagkaroon sila ng bagong pasimula—isang bagong pagsilang, wika nga.
Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga inampon ng Diyos: “Sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6) Kasama ni Kristo, ang mga inampon ng Diyos ay magiging mga hari sa Kaharian ng Diyos, o makalangit na gobyerno. Sinabi ni apostol Pedro sa kaniyang mga kapananampalataya na tatanggap sila ng “walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana” na “nakataan sa langit” para sa kanila. (1 Pedro 1:3, 4) Isa ngang napakahalagang mana!
Pero ang pamamahalang iyon ay nagbabangon ng isa pang tanong. Kung magiging mga hari sa langit ang mga naging born again, sino ang paghaharian nila? Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 10]
Ano ang sinabi ni Pablo hinggil sa pag-aampon?