Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Ang Ama ng mga Batang Lalaking Walang Ama

Ang Ama ng mga Batang Lalaking Walang Ama

Exodo 22:22-24

ANG “ama ng mga batang lalaking walang ama [ay] ang Diyos sa kaniyang banal na tahanan.” (Awit 68:5) Ang kinasihang mga salitang ito ay nagtuturo ng isang aral tungkol sa Diyos na Jehova na nakaaantig sa ating puso. Alam na alam niya ang mga pangangailangan ng mahihirap. Malinaw na makikita sa Kautusang ibinigay niya sa Israel ang pagmamalasakit niya sa mga batang namatayan ng magulang. Suriin natin ang unang pagbanggit ng Bibliya tungkol sa “batang lalaking walang ama,” * na nasa Exodo 22:22-24.

Nagbabala ang Diyos: “Huwag ninyong pipighatiin ang sinumang . . . batang lalaking walang ama.” (Talata 22) Ito ay hindi lamang isang pagsusumamo para tulungan ang mga batang ulila; utos ito ng Diyos. Ang isang bata na namatayan ng kaniyang ama​—na siya ring tagapangalaga at tagapaglaan ng kaniyang mga pangangailangan​—ay walang kalaban-laban. Hindi dapat ‘pighatiin’ ng sinuman ang batang iyon sa anumang paraan. Sa ibang mga salin ng Bibliya, ang salitang “pipighatiin” ay isinaling “aabusuhin,” “pagmamalupitan,” at “pagsasamantalahan.” Seryosong bagay sa paningin ng Diyos na pagmalupitan ang batang lalaking walang ama. Gaano kaseryoso ito?

Ganito pa ang sinasabi ng Kautusan: “Kung pipighatiin mo siya, kapag dumaing nga siya sa akin ay walang pagsalang diringgin ko ang kaniyang daing.” (Talata 23) Sa talata 22, ginamit ang salitang ‘ninyo’ at sa talata 23 naman ay “mo.” Ipinakikita nito na ang bawat indibiduwal at ang buong bansa ay dapat sumunod sa batas na ito ng Diyos. Nagmamasid si Jehova; pinakikinggan niya ang mga batang lalaking walang ama, anupat laging handang tumugon sa kanilang paghingi ng tulong.​—Awit 10:14; Kawikaan 23:10, 11.

Ano kaya ang mangyayari kung pagmamalupitan ng isa ang batang lalaking walang ama, anupat hihingi ng tulong ang bata sa Diyos? “Ang aking galit ay lalagablab nga,” ang sabi ni Jehova, “at tiyak na papatayin ko kayo sa pamamagitan ng tabak.” (Talata 24) Sinasabi ng isang reperensiya sa Bibliya na ito ay “literal na ‘at mag-iinit ang aking ilong,’ isang idyoma na nangangahulugan ng matinding galit.” Pansinin na hindi ipinaubaya ni Jehova sa mga hukom sa Israel na ipatupad ang kautusang ito. Ang Diyos mismo ang hahatol sa sinumang nagsasamantala sa walang kalaban-labang bata.​—Deuteronomio 10:17, 18.

Hindi nagbabago si Jehova. (Malakias 3:6) Naaawa siya sa mga batang ulila o namatayan ng isang magulang. (Santiago 1:27) Huwag magkakamaling pagmalupitan ang mga inosenteng batang ito sapagkat mapupukaw sa galit ang Ama ng mga batang lalaking walang ama. Ang mga magsasamantala sa walang kalaban-labang bata ay hindi makatatakas sa “nag-aapoy na galit ni Jehova.” (Zefanias 2:2) Malalaman ng napakasasamang taong iyon na “isang bagay na nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.”​—Hebreo 10:31.

[Talababa]

^ par. 1 Ang pananalitang “batang lalaking walang ama” ay lumilitaw nang mga 40 ulit sa Bibliya. Bagaman ang ginamit na salitang Hebreo ay nasa kasariang panlalaki, ang simulaing ito ay kapit din sa mga batang babae na namatayan ng kanilang ama. Kinikilala ng Kautusang Mosaiko ang mga karapatan maging ng mga batang babae na walang ama.​—Bilang 27:1-8.