Limang Dahilan Upang Matakot sa Diyos at Hindi sa Tao
Limang Dahilan Upang Matakot sa Diyos at Hindi sa Tao
NAGULAT ang binata. Talagang hindi niya inaasahan ang nangyari. May bago siyang natutuhan mula sa dalawang Saksi ni Jehova na nakausap niya. Matagal na niyang pinag-iisipan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, ngunit nasagot na ito ngayon nang maliwanag mula sa Bibliya. Hindi niya alam na ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming impormasyon na kapaki-pakinabang at nagdudulot ng kaligayahan.
Mga ilang minuto pagkaalis ng mga bisita, sumugod sa silid niya ang kaniyang kasera at pagalít na nagtanong, “Sino ang mga taong iyon?”
Palibhasa’y nagulat, hindi nakasagot ang binata.
“Kilala ko sila,” ang sigaw ng babae, “at kung patutuluyin mo silang muli, maghanap-hanap ka na ng ibang matitirhan!”
Ibinagsak niya ang pinto at umalis.
Inaasahan ng Tunay na mga Tagasunod ni Kristo ang Pagsalansang
Hindi na bago ang naranasan ng binatang ito. Sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Ang mga tunay na Kristiyano ay karaniwan nang inaayawan ng mga tao. Bakit? Sinabi ni apostol Juan sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Inilalarawan din si Satanas na Diyablo bilang “isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Juan 5:19; 1 Pedro 5:8) Isa sa pinakamabisang sandatang ginagamit ni Satanas ang pagkatakot sa tao.
Maging si Jesu-Kristo, na maraming ginawang kabutihan at hindi gumawa ng kasalanan, ay tinuya Juan 15:25) Noong gabi bago siya mamatay, inihanda niya ang kaniyang mga tagasunod, sa pagsasabi: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alam ninyo na napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo. Isaisip ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.”—Juan 15:18, 20.
at pinag-usig. Sinabi niya: “Kinapootan nila ako nang walang dahilan.” (Dahil dito, marami ang atubiling manindigan sa tunay na pagsamba. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga naghahanap noong minsan kay Jesus: “Sabihin pa, walang sinuman ang nagsasalita tungkol sa kaniya nang hayagan dahil sa takot sa mga Judio.” (Juan 7:13; 12:42) Pinagbantaan ng mga lider ng relihiyon noong panahong iyon na ititiwalag ang sinumang mananampalataya kay Kristo. Kaya marami ang hindi naging Kristiyano dahil sa pagkatakot sa tao.—Gawa 5:13.
Nang maglaon, pagkatapos maitatag ang kongregasyong Kristiyano, mababasa natin ang “malaking pag-uusig” na naranasan ng kongregasyon sa Jerusalem. (Gawa 8:1) Sa katunayan, sa buong Imperyo ng Roma, ang mga Kristiyano ay nagbata ng mga pag-uusig. Sinabi kay apostol Pablo ng prominenteng mga lalaki sa Roma: “Kung tungkol sa sektang ito ay nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito ng masama.” (Gawa 28:22) Oo, ang mga tunay na Kristiyano ay sinalansang sa lahat ng dako.
Kahit sa ngayon, ginagamit pa rin ni Satanas ang pagkatakot sa tao upang hadlangan ang marami na maging tunay na mga tagasunod ni Kristo. Ang mga taong taimtim na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ay sinasalansang o tinutuya ng kanilang mga kaeskuwela, katrabaho, kapitbahay, o mga kaibigan. Baka matakot silang mawala ang paggalang sa kanila, ang mga kaibigan nila, o ang materyal na tulong. Sa ilang lalawigan, natatakot ang mga magsasaka na baka hindi sila tulungan ng kanilang mga kapitbahay sa pag-aani o sa pangangalaga sa kanilang hayupan. Pero sa kabila nito, determinado pa rin ang milyun-milyon na magtiwala sa Diyos at mamuhay ayon sa Salita ng Diyos, bilang pagtulad kay Jesu-Kristo. Pinagpala sila ni Jehova sa paggawa nang gayon.
Kung Bakit Dapat Matakot sa Diyos, Hindi sa Tao
Hinihimok tayo ng Bibliya na matakot sa Diyos, hindi sa tao. Sinasabi nito: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10) Ang pagkatakot na ito ay hindi ang nakapanghihilakbot na takot, kundi ang pagkabahala na hindi mapalugdan ang ating Tagapagbigay-Buhay. Ang pagkatakot na ito sa Diyos ay nauugnay sa pag-ibig. Pero bakit dapat tayong matakot sa Diyos at hindi sa tao? Isaalang-alang natin ang limang dahilan.
1 Si Jehova ang Makapangyarihan-sa-lahat. Di-hamak na mas makapangyarihan si Jehova kaysa kaninumang tao. Sa pamamagitan ng matinding paggalang at pagsunod sa utos ng Diyos, naninindigan tayo sa panig ng Makapangyarihan-sa-lahat, na sa kaniya “ang mga bansa ay gaya ng isang patak mula sa timba.” (Isaias 40:15) Dahil makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, may kapangyarihan siyang daigin ang “anumang sandata na aanyuan laban” sa mga matapat sa kaniya. (Isaias 54:17) At yamang siya ang magpapasiya kung sino ang karapat-dapat tumanggap ng buhay na walang hanggan, matalino tayo kung hindi tayo hihinto sa pag-aaral tungkol sa kaniya at sa paggawa ng kaniyang kalooban.—Apocalipsis 14:6, 7.
2 Tutulungan at ipagsasanggalang tayo ng Diyos. “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang,” ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 29:25. Ang pagkatakot sa tao ay isang silo sapagkat maaari itong humadlang sa atin na ipahayag ang ating pananampalataya sa Diyos. Tinitiyak sa atin ng Diyos na kaya niya tayong iligtas: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”—Isaias 41:10.
3 Iniibig ng Diyos ang mga lumalapit sa kaniya. Isinulat ni apostol Pablo ang nakaaantig-pusong pananalitang ito: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:37-39) Kung matututo tayong magtiwala at sumunod sa Diyos, mararanasan natin ang di-nagmamaliw na pag-ibig ng Soberano ng Sansinukob. Kaylaking karangalan nga na ibigin tayo ng Diyos!
4 Pinahahalagahan natin ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa atin. Si Jehova ang ating Maylalang, ang isa na pinagmulan ng buhay. Isa pa, inilaan niya hindi lamang ang mga pangangailangan natin sa buhay kundi pati ang mga bagay na makapagpapasaya sa buhay. Oo, siya ang Pinagmumulan ng bawat mabuting kaloob. (Santiago 1:17) Si David, isang taong tapat at nagpapahalaga sa maibiging-kabaitan ng Diyos, ay sumulat: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin . . . Ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.”—Awit 40:5.
5 Maaaring magbago ang ilan na sumasalansang sa atin. Kung lagi kang magpapakita ng pagkatakot sa Diyos at pag-ibig sa kaniya, at hindi ka makikipagkompromiso, matutulungan mo ang mga sumasalansang sa iyo. Isaalang-alang ang mga kamag-anak ni Jesus. Noong una hindi sila nananampalataya sa kaniya, kundi sinasabi nila: “Nasisiraan na siya ng kaniyang isip.” (Marcos 3:21; Juan 7:5) Nang maglaon, pagkaraan ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, marami sa kanila ang nanampalataya. Ang mga kapatid sa ina ni Jesus na sina Santiago at Judas ay sumulat pa nga ng ilang bahagi ng Kasulatan. Nariyan din ang panatikong mang-uusig na si Saul, na naging si apostol Pablo. Maaaring makita ng ilan na salansang sa atin ngayon na tayo ang tunay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo dahil sa ating lakas-loob na paninindigan na manatiling tapat.—1 Timoteo 1:13.
Halimbawa, matagal nang nananalangin si Aberash, isang babae sa Aprika, na malaman sana niya ang katotohanan tungkol sa Diyos. Nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, dumanas siya ng matinding pagsalansang mula sa mga kapamilya niya at mga lider ng relihiyon. Ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak, na nakipag-aral din ng Bibliya, ay huminto na sa pag-aaral dahil sa takot sa tao. Ngunit nagsumamo siya sa Diyos na bigyan siya ng lakas at tibay ng loob, at nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova. Ang resulta? Dahil sa kaniyang halimbawa, walo sa kaniyang mga kamag-anak ang napatibay, muling nag-aral ng Bibliya, at sumusulong sa kanilang pag-aaral.
Madaraig Mo ang Pagkatakot sa Tao
Upang huwag mahulog sa silo ng pagkatakot sa tao, gawin ang iyong buong makakaya na pasidhiin ang iyong pag-ibig sa Diyos. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa mga tekstong gaya ng Hebreo 13:6, na nagsasabi: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” Huwag kalilimutan ang mga dahilan kung bakit tama at isang katalinuhan na matakot sa Diyos sa halip na sa tao.
Tandaan din ang maraming pagpapala na matatanggap mo kung ikakapit mo ang natututuhan mo mula sa Bibliya. Masusumpungan mo ang kasiya-siyang mga sagot sa mahahalagang tanong sa buhay. Magkakaroon ka ng praktikal na karunungan para maharap mo nang matagumpay ang mahihirap na kalagayan sa buhay. Maaari kang magkaroon ng kahanga-hangang pag-asa sa kabila ng magulong mga kalagayan sa ngayon. At sa anumang panahon ay makalalapit ka sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat sa pamamagitan ng panalangin.
Sumulat si apostol Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Ngayon na ang panahon upang manindigang matatag at mamuhay taglay ang pagkatakot sa Diyos. Sa halip na panghinaan ng loob dahil sa pagkatakot sa tao, maaari mong piliing gawin ang ipinapayo ng Diyos: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Kaylaking karangalan nga na sundin ang payo na ito!
Tandaan, walang sinuman ang maaaring magbigay sa iyo ng maibibigay ng Diyos sa mga natatakot sa kaniya: “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”—Kawikaan 22:4.
[Larawan sa pahina 14]
Dahil sa kaniyang tibay ng loob, walo sa mga kamag-anak ni Aberash ang nasisiyahan sa kanilang pag-aaral ng Bibliya