Jesus—Ang Pinakamahusay na Huwaran na Dapat Tularan
Jesus—Ang Pinakamahusay na Huwaran na Dapat Tularan
GUSTO mo bang maging isang mas mabuting tao at maging mas maligaya? Ipinaliliwanag ni apostol Pedro kung paano natin ito magagawa. Sumulat siya: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Oo, dahil namumukod-tangi ang paraan ng pamumuhay ni Jesu-Kristo, marami tayong matututuhan sa kaniya. Kung pag-aaralan natin ang buhay ni Jesus at tutularan siya, tiyak na magiging mas mabuti tayong tao at magiging mas maligaya. Ating suriin ang ilan sa mga katangian ng dakilang taong ito at tingnan natin kung paano tayo makikinabang sa kaniyang halimbawa.
Namuhay si Jesus sa timbang na paraan. Bagaman sinabi ni Jesus na “walang dakong mahihigan [ang] kaniyang ulo,” hindi niya labis na pinagkaitan ang kaniyang sarili ni hiniling niya na gawin ito ng iba. (Mateo 8:20) Nagpunta siya sa mga handaan. (Lucas 5:29) Ipinakikita ng kaniyang unang himala—ginawa niyang mainam na alak ang tubig sa isang kasalan—na hindi siya tutol sa pagsasaya. (Juan 2:1-11) Gayunman, nilinaw ni Jesus kung ano ang pinakamahalaga sa kaniya. Sinabi niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”—Juan 4:34.
□ Nasuri mo na ba ang iyong buhay kung paano mo magagawang timbang ang pagtataguyod ng materyal na mga bagay at ang pagsisikap na magkaroon ng malapit na ugnayan sa Diyos?
Madaling lapitan si Jesus. Inilalarawan ng Bibliya si Jesus bilang isang taong magiliw at palakaibigan. Hindi siya nayayamot kapag inilalapit sa kaniya ng mga tao ang kanilang mga problema o kapag nagbabangon sila ng mga tanong na nakalilito. Sa isang pagkakataon sa gitna ng maraming tao, isang babaing nagdurusa na sa loob ng 12 taon dahil sa kaniyang sakit ang humipo sa damit ni Jesus sa pag-asang gagaling siya. Hindi itinaboy ni Jesus ang babae dahil sa ginawa nito, na maaaring ituring ng iba na kapangahasan. Sa halip, may-kabaitan niyang sinabi: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” (Marcos 5:25-34) Palagay rin ang loob ng mga bata kay Jesus, anupat hindi sila natatakot na hindi niya sila papansinin. (Marcos 10:13-16) Tapat at palakaibigan ang kaniyang pakikitungo at pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad. Hindi sila atubiling lumapit sa kaniya.—Marcos 6:30-32.
□ Madali ka bang lapitan ng iba?
May empatiya siya at mahabagin. Ang ilan sa pinakamainam na katangian ni Jesus ay na kaya niyang ilagay ang kaniyang sarili sa situwasyon ng iba, makiramay sa kanilang kalungkutan, at maglaan ng kinakailangang tulong. Inilahad ni apostol Juan na nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria dahil namatay ang kapatid nitong si Lazaro, si Jesus ay “dumaing sa espiritu at nabagabag” at “lumuha.” Kitang-kita ng mga tao kung gaano kamahal ni Jesus ang pamilyang iyon. Hindi ikinahiya ni Jesus na ipakita ang damdamin niyang ito. At tunay ngang ipinakita niya ang kaniyang pagkamahabagin nang buhayin niyang muli ang kaniyang kaibigan!—Juan 11:33-44.
Sa iba namang pagkakataon, isang lalaking may ketong—isang nakapandidiring sakit na naging dahilan kung bakit siya napilitang mamuhay nang mag-isa—ang nagsumamo kay Jesus: “Panginoon, kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Talagang nakaantig ng puso ang naging tugon ni Jesus: “Pagkaunat ng kaniyang kamay, hinipo niya siya, na sinasabi: ‘Ibig ko. Luminis ka.’” (Mateo 8:2, 3) Hindi pinagaling ni Jesus ang mga tao para lamang matupad ang mga hula. Ibig niyang pawiin ang kanilang kalungkutan. Ang lahat ng kaniyang ginawa ay kaayon ng isa sa kaniyang kadalasan nang natatandaang kasabihan: “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.”—Lucas 6:31.
□ Makikita ba sa iyong pagkilos na ikaw ay mahabagin sa mga taong nasa mahihirap na kalagayan?
Makonsiderasyon at maunawain si Jesus. Bagaman hindi nagkamali si Jesus, hindi niya kailanman inasahan ang kasakdalan sa iba o nag-astang mas magaling siya sa kanila; ni kumilos man siya nang hindi naman nauunawaan ang buong situwasyon. Minsan, isang babaing “kilala sa lunsod bilang isang makasalanan” ang nagpakita ng kaniyang pananampalataya at pagpapahalaga sa pamamagitan ng paghuhugas sa mga paa ni Jesus ng kaniyang mga luha. Pinahintulutan ni Jesus na gawin niya ito, na siyang ikinagulat ng punong-abala na tumingin nang may paghamak sa babae. Palibhasa’y nauunawaan ni Jesus ang kataimtiman ng babae, hindi niya ito hinatulan dahil sa mga kasalanan nito. Sa halip, sinabi niya: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka nang payapa.” Bilang resulta ng magiliw na pananalita ni Jesus, malamang na napakilos ang babaing iyon na magbagong-buhay.—Lucas 7:37-50.
□ Mabilis ka bang magbigay ng komendasyon pero mabagal sa paghatol?
Magalang siya at hindi nagtatangi. Malamang na dahil sa magkasundo sila sa maraming bagay at posibleng magkamag-anak, may natatanging pagmamahal si Jesus sa kaniyang alagad na si Juan. * Gayunpaman, hindi niya kailanman pinaboran ito sa ibang mga alagad. (Juan 13:23) Sa katunayan, nang hilingin ni Juan at ng kapatid niyang si Santiago na pagkalooban sila ng pinakamagagandang posisyon sa Kaharian ng Diyos, sumagot si Jesus: “Ang pag-upong ito sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagbibigay.”—Marcos 10:35-40.
Palaging magalang si Jesus sa kaniyang pakikitungo sa iba. Hindi siya nagtatangi. Halimbawa, noong panahon niya, karaniwan nang itinuturing na nakabababa ang mga babae sa mga lalaki. Pero pinakitunguhan ni Jesus ang mga babae nang may dignidad. Sa katunayan, sa isang babae siya unang nagpakilala bilang Mesiyas. Ang babaing ito ay hindi Judio, kundi isang Samaritana, na karaniwan nang hinahamak at hindi binabati ng mga Judio. (Juan 4:7-26) Mga babae rin ang binigyan ni Jesus ng pribilehiyo na unang makasaksi sa kaniyang pagkabuhay-muli.—Mateo 28:9, 10.
□ Pantay-pantay ba ang pakikitungo mo sa mga tao na may ibang lahi, kasarian, wika, o nasyonalidad?
Responsable siyang anak at kapatid. Malamang na namatay ang ama-amahan ni Jesus na si Jose noong siya’y kabataan pa. Kaya posibleng si Jesus ang sumuporta sa kaniyang ina at nakababatang mga kapatid sa pamamagitan ng paghahanapbuhay bilang karpintero. (Marcos 6:3) Noong huling mga sandali ng kaniyang buhay, inihabilin niya ang kaniyang ina sa kaniyang alagad na si Juan.—Juan 19:26, 27.
□ Matutularan mo ba si Jesus sa pagiging responsable sa pagtupad sa mga pananagutan mo sa iyong pamilya?
Isang tunay na kaibigan si Jesus. Namumukod-tangi si Jesus bilang isang kaibigan. Paano? Hindi niya itinakwil ang kaniyang mga kaibigan dahil lamang nagkakamali sila, kahit na iyon at iyong ding mga pagkakamali ang nagagawa nila. Hindi palaging ginagawa ng kaniyang mga alagad ang gusto niya. Pero ipinakita niya na isa siyang tunay na kaibigan sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa kanilang mabubuting katangian sa halip na isiping may masama silang mga motibo. (Marcos 9:33-35; Lucas 22:24-27) Hindi niya iginigiit ang kaniyang opinyon sa kanila. Sa katunayan, inaanyayahan niya sila na malayang ipahayag ang kanilang niloloob.—Mateo 16:13-15.
Higit sa lahat, inibig ni Jesus ang kaniyang mga kaibigan. (Juan 13:1) Gaano katindi ang kaniyang pag-ibig sa kanila? Sinabi niya: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Tiyak na wala nang maibibigay ang isang tao para sa kaniyang mga kaibigan na hihigit pa sa kaniyang buhay!
□ Nananatili ka bang isang kaibigan kahit na nakaiirita sa iyo ang iba o nasasaktan nila ang iyong damdamin?
Matapang siya. Si Jesus ay hindi isang taong mahina na gaya ng pagkakalarawan ng ilang pintor at eskultor. Inilalarawan siya sa mga Ebanghelyo bilang isang malakas at masiglang tao. Dalawang beses niyang itinaboy mula sa templo ang mga negosyante pati na ang mga itinitinda ng mga ito. (Marcos 11:15-17; Juan 2:14-17) Nang dumating ang mga mang-uumog upang arestuhin si “Jesus na Nazareno,” lakas-loob siyang lumabas at ipinakilala ang kaniyang sarili upang protektahan ang kaniyang mga alagad. Matatag niyang sinabi: “Ako nga siya. Samakatuwid, kung ako nga ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga ito.” (Juan 18:4-9) Kaya hindi kataka-taka na noong makita ni Poncio Pilato ang lakas ng loob ni Jesus nang ito’y arestuhin at maltratuhin, kinilala niyang si Jesus ay isang pambihira at matapang na tao.—Juan 19:4, 5.
□ Mayroon ka bang tibay at lakas ng loob na gawin kung ano ang tama?
Ang mga ito at iba pang namumukod-tanging mga katangian ni Jesus ang mga dahilan kung bakit siya ang pinakamahusay na huwaran para sa atin. Kung tutularan natin ang kaniyang paggawi, magiging mas mabuti tayong tao at magiging mas maligaya. Iyan ang dahilan kung bakit hinimok ni apostol Pedro ang mga Kristiyano na maingat nilang sundan ang mga yapak ni Jesus. Pinagsisikapan mo bang maingat na sundan ang mga yapak ni Jesus hangga’t maaari?
Higit Pa sa Isang Huwaran
Gayunman, si Jesus ay hindi lamang isang huwaran na dapat tularan. Sinabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ipinangaral ni Jesus ang katotohanan hinggil sa Diyos, na siyang nagbukas ng daan upang maging malapít ang tao sa Diyos. Bukod diyan, si Jesus din ang naging daan upang magkamit ng buhay ang mga tapat.—Juan 3:16.
May kinalaman sa pagparito ni Jesus sa lupa para magkamit ng buhay ang mga tao, sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang buhay bilang hain, naglaan si Jesus ng saligan para makamit ng mga tao ang buhay na walang hanggan. Ano ang dapat nating gawin bilang indibiduwal upang makinabang sa paglalaang iyan? Ipinaliwanag ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Oo, ang pagkuha ng kaalaman hinggil kay Jesus, pagtulad sa paraan ng kaniyang pamumuhay, at pagkakaroon ng pananampalataya sa kaniyang sakripisyong kamatayan ay mga kahilingan para magkamit ng buhay na walang hanggan. Inaanyayahan ka namin na maglaan ng panahon na pag-aralan ang pinagmumulan ng gayong kaalaman, ang Bibliya, at magsikap na gawin ang sinasabi nito, gaya ng ginawa ni Jesus. *
Itinuturo sa atin ng magandang halimbawa ni Jesus kung anong uri ng pagkatao ang dapat nating linangin. Ang kaniyang sakripisyong kamatayan ay maaaring magpalaya sa atin sa kasalanan at sa kabayaran nito, ang kamatayan. (Roma 6:23) Kaysaklap nga ng ating kalagayan kung wala ang napakahusay na halimbawa ni Jesu-Kristo! Huwag mong hayaang agawin ng mga kabalisahan sa buhay ang iyong pagkakataon na isaalang-alang at sundang mabuti ang halimbawa ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman—si Jesu-Kristo.
[Mga talababa]
^ Ang ina ni Juan, si Salome, ay maaaring kapatid ni Maria na ina ni Jesus. Ihambing ang Mateo 27:55, 56 sa Marcos 15:40 at Juan 19:25.
^ Para sa detalyadong ulat ng buhay ni Jesus sa lupa, tingnan ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 7]
◼ Hindi nagtatangi si Jesus at magalang siya sa lahat
◼ Isa siyang tunay na kaibigan hanggang sa wakas
◼ Matapang siya
Pinagsisikapan mo bang sundang mabuti ang mga yapak ni Jesus?
[Mga larawan sa pahina 5]
Si Jesus ay namuhay sa timbang na paraan . . .
madaling lapitan . . .
mahabagin