Kaayon ba ng Layunin ng Diyos ang Iyong mga Plano?
Kaayon ba ng Layunin ng Diyos ang Iyong mga Plano?
ANG Clark’s nutcracker ay isang kulay-abo at puting ibon na maganda ang huni. Makikita itong palipad-lipad sa mga kagubatan ng kanluraning bahagi ng Hilagang Amerika. Nangunguha ito at nagbabaon sa lupa ng hanggang 33,000 buto ng mga pananim taun-taon, at itinatago ang mga ito sa mga 2,500 magkakaibang lugar bilang paghahanda sa mga buwan ng matinding taglamig. Talagang kitang-kita ang “likas na karunungan” ng ibong ito sa paraan nito ng paglalaan sa kaniyang sarili para sa hinaharap.—Kawikaan 30:24.
Higit na kahanga-hanga ang abilidad ng tao. Sa lahat ng nilalang ni Jehova sa lupa, di-matutumbasan ang kakayahan ng tao na matuto mula sa kaniyang mga karanasan at hayaang makaimpluwensiya ang mga aral na ito sa kaniyang pagpaplano para sa hinaharap. “Marami ang mga plano sa puso ng tao,” ang sabi ng matalinong si Haring Solomon.—Kawikaan 19:21.
Magkagayunman, karaniwan nang halos walang magawa ang mga tao kundi ibatay ang kanilang mga plano sa pala-palagay tungkol sa hinaharap. Halimbawa, nagpaplano ka ng mga gagawin mo bukas batay sa palagay na sisikat ang araw at na buhay ka pa kinabukasan. Ang unang palagay ay may matibay na saligan; ang ikalawa naman ay di-gaanong sigurado. Binanggit ng manunulat ng Bibliya na si Santiago ang katotohanang ito: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.”—Santiago 4:13, 14.
Walang gayong limitasyon ang Diyos na Jehova. Alam niya ang “wakas mula pa sa pasimula.” Magaganap ang inihayag niyang layunin, anuman ang mangyari. “Ang aking pasiya ay mananatili,” ang sabi niya, “at ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko.” (Isaias 46:10) Gayunman, ano ang mangyayari kung hindi kaayon ng layunin ng Diyos ang mga plano ng mga tao?
Kapag Ipinagwalang-bahala ng mga Tao ang Layunin ng Diyos sa Kanilang mga Plano
Mga 4,000 taon na ang nakalilipas, nagplano ang mga tagapagtayo ng Tore ng Babel na hadlangang mangalat ang mga tao sa iba’t ibang lugar. “Halikayo!” ang sabi nila. “Ipagtayo natin ang ating sarili ng isang lunsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok nito ay nasa langit, at gumawa tayo ng bantog na pangalan para sa ating sarili, dahil baka mangalat tayo sa ibabaw ng buong lupa.”—Genesis 11:4.
Gayunman, ibang-iba ang layunin ng Diyos Genesis 9:1) Ano ang ginawa ng Diyos sa plano ng mga rebeldeng mamamayan ng Babel? Ginulo niya ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan. Ang resulta? “Kaya pinangalat sila ni Jehova mula roon sa ibabaw ng buong lupa.” (Genesis 11:5-8) Napilitan ang mga tagapagtayo ng Babel na matutuhan ang isang mahalagang aral. Kapag hindi magkaayon ang plano ng mga tao at ang layunin ng Diyos, “ang layon ni Jehova ang siyang tatayo.” (Kawikaan 19:21) Hinahayaan mo bang makaimpluwensiya sa iyong buhay ang gayong mga aral?
para sa lupa. Inutusan niya si Noe at ang mga anak nito: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Isang Mayamang Tao na Kumilos Nang May-Kamangmangan
Baka hindi ka naman nagpaplanong magtayo ng isang tore, pero maraming tao sa ngayon ang nagpaplanong magkaroon ng malaking deposito sa bangko at magpundar ng materyal na mga ari-arian upang maging maginhawa ang kanilang buhay kapag nagretiro sila. Natural lamang na gusto ng isang tao na masiyahan sa mga pinaghirapan niya. “Ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal,” ang isinulat ni Solomon. “Iyon ang kaloob ng Diyos.”—Eclesiastes 3:13.
Mananagot tayo kay Jehova sa paraan natin ng paggamit sa kaloob na iyan. Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, idiniin ni Jesus ang puntong ito sa kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng isang ilustrasyon. Sinabi niya: “Ang lupain ng isang taong mayaman ay nagbubunga nang sagana. Dahil dito ay nagsimula siyang mangatuwiran sa kaniyang sarili, na sinasabi, ‘Ano ang gagawin ko, ngayong wala na akong dako na mapagtitipunan ng aking mga inani?’ Kaya sinabi niya, ‘Ito ang gagawin ko: Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki, at doon ko titipunin ang lahat ng aking butil at ang lahat ng aking mabubuting bagay; at sasabihin ko sa aking kaluluwa: “Kaluluwa, marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.”’” (Lucas 12:16-19) Mukhang makatuwiran naman ang gustong mangyari ng mayamang taong iyon, hindi ba? Tulad ng ibong Clark’s nutcracker na nabanggit sa pasimula, ang taong iyon sa ilustrasyon ay waring naghahanda para sa kaniyang kinabukasan.
Gayunman, may mali sa pangangatuwiran ng taong iyon. Nagpatuloy si Jesus: “Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Ikaw na di-makatuwiran, sa gabing ito ay hihingin nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Kung gayon, sino kaya ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?’” (Lucas 12:20) Sinasalungat ba ni Jesus ang pananalita ni Solomon na ang pagtatrabaho at ang mabubuting bagay na ibinubunga nito ay mga kaloob mula sa Diyos? Hindi. Kung gayon, ano ang punto ni Jesus? “Gayon ang nangyayari,” ang sabi ni Jesus, “sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:21.
Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na nais ni Jehova na isaalang-alang natin Siya kapag gumagawa tayo ng mga plano. Naging mayaman sana sa Diyos ang taong mayamang iyon kung humanap siya ng mga paraan upang patibayin ang kaniyang debosyon sa Diyos, sumulong sa karunungan, at sa pag-ibig. Makikita sa pananalita ng taong iyon na hindi siya interesado sa gayong mga bagay, ni gusto man niyang mag-iwan ng ilan sa kaniyang ani para mahimalay ng mga dukha, ni nais man niyang maghain ng handog na kaloob kay Jehova. Ang gayong espirituwal at di-makasariling mga gawain ay hindi makikita sa buhay ng taong mayamang iyon. Ang kaniyang mga plano ay puro lamang para sa kaniyang kagustuhan at kaalwanan.
Napapansin mo ba na maraming tao sa ngayon ang may mga priyoridad sa buhay na gaya ng sa taong mayaman na inilarawan ni Jesus? Tayo man ay mayaman o mahirap, napakadaling mahulog sa silo ng pagiging materyalistiko at mapabayaan ang ating kaugnayan sa Diyos dahil naaagaw ang ating pansin ng mga pangangailangan at naisin natin sa pang-araw-araw na buhay. Ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ang silong iyan?
Pagpaplano ng Diumano’y Normal na Buhay
Hindi tulad ng taong mayaman sa ilustrasyon ni Jesus, baka kinakapos ka ng pananalapi. Gayunpaman, kung may-asawa ka na, tiyak na nagpaplano kang paglaanan ang iyong pamilya ng mga pangangailangan nila sa buhay at, kung posible, mapag-aral mo ang iyong mga anak. Kung wala ka pang asawa, malamang na kasama sa mga plano mo ang maghanap ng trabaho o mapanatili ito, para hindi ka maging pabigat sa iba. Kapaki-pakinabang na mga tunguhin ito.—2 Tesalonica 3:10-12; 1 Timoteo 5:8.
Magkagayunman, posible pa rin na ang pagtatrabaho, pagkain, at pag-inom—ang pagkakaroon ng itinuturing na normal na buhay—ay maging dahilan upang mamuhay ang isang tao nang salungat sa kalooban ng Diyos. Paano ito maaaring mangyari? Sinabi ni Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
Bago ang Baha, nasisiyahan ang mga tao sa itinuturing nilang normal na buhay. Ngunit ang problema, “hindi sila nagbigay-pansin” sa layunin ng Diyos na lipulin ang masamang sanlibutan sa pamamagitan ng pangglobong baha. Tiyak na itinuturing nilang di-normal ang paraan ng pamumuhay ni Noe. Pero nang dumating ang Baha, napatunayang ang paraan ng pamumuhay ni Noe at ng kaniyang pamilya ang talagang matalino.
Sa ngayon, ipinakikita ng lahat ng ebidensiya na nabubuhay na tayo sa panahon ng kawakasan. (Mateo 24:3-12; 2 Timoteo 3:1-5) Hindi na magtatagal, ‘dudurugin at wawakasan’ ng Kaharian ng Diyos ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Daniel 2:44) Sa ilalim ng Kahariang iyon, ang lupa ay magiging paraiso. Aalisin ng Kaharian ang sakit at kamatayan. (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3-5) Ang lahat ng nilalang sa lupa ay mamumuhay nang may pagkakaisa at hindi na magugutom.—Awit 72:16; Isaias 11:6-9.
Ngunit bago kumilos si Jehova, nilayon niya na ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian ay ‘maipangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.’ (Mateo 24:14) Kaayon ng layunin ng Diyos, mga pitong milyong Saksi ni Jehova ang nangangaral ng mabuting balitang ito sa 236 na lupain at sa mahigit apat na raang wika.
Para sa mga tao, waring kakatwa o katawa-tawa pa nga sa ilang paraan ang pamumuhay ng mga Saksi ni Jehova. (2 Pedro 3:3, 4) Gaya ng mga nabuhay bago ang Baha, abala ang karamihan sa mga tao sa ngayon sa kanilang pang-araw-araw na gawain sa buhay. Baka ituring nilang di-balanse ang sinumang ayaw tumulad sa paraan ng pamumuhay na itinuturing ng lipunan bilang normal. Subalit mula sa pananaw ng mga may pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, ang buhay na nakasentro sa paglilingkod sa Diyos ang talagang balanse.
Kung gayon, ikaw man ay mayaman o mahirap o katamtaman ang kalagayan sa buhay, matalinong suriin sa pana-panahon ang iyong mga plano sa malapit na hinaharap. Habang ginagawa mo ito, tanungin ang iyong sarili, ‘Kaayon ba ng layunin ng Diyos ang mga plano ko?’
[Larawan sa pahina 11]
Kapag hindi magkaayon ang plano ng mga tao at ang layunin ng Diyos, ang layon ni Jehova ang siyang magtatagumpay
[Larawan sa pahina 12]
Hindi isinaalang-alang ng taong mayaman sa talinghaga ni Jesus ang layunin ng Diyos sa paggawa niya ng mga plano