Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Ang tinutukoy ba ni apostol Pablo sa Efeso 2:11-15 ay isang literal na harang nang banggitin niya ang tungkol sa isang pader na naghihiwalay sa mga Judio at sa mga Gentil?
Sa pagsulat ni apostol Pablo ng liham sa mga taga-Efeso, ipinakita niya ang pagkakaiba ng mga Israelita sa “mga taga-ibang bayan.” Sinabi niya na mayroong “pader” na “naghihiwalay” sa dalawang grupo. (Efeso 2:11-15) Ang tinutukoy ni Pablo ay “ang Kautusan ng mga utos” na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, pero ang paggamit niya ng salitang “pader” ay posibleng nagpapaalaala sa mga mambabasa ng isang literal na batong pader.
Noong unang siglo C.E., ang templo ni Jehova sa Jerusalem ay mayroong mga loobang hindi puwedeng pasukin ng ibang tao. Puwedeng pumasok ang sinuman sa Looban ng mga Gentil, pero mga Judio at proselita lamang ang puwedeng pumasok sa mga looban ng templo. Ang Soreg, isang magarbong balustradang bato na sinasabing mga 1.3 metro ang taas, ang naghihiwalay sa mga reserbadong lugar at sa mga lugar na puwedeng pasukin ng sinuman. Ayon sa unang-siglong mananalaysay na Judio na si Flavius Josephus, may mga inskripsiyon sa wikang Griego at Latin na nakapaskil sa harang na ito. Ang mga inskripsiyong ito ay nagbababala sa mga Gentil na huwag tatawid doon para hindi sila makapasok sa mga loobang banal.
Isang inskripsiyon sa wikang Griego, na nakapaskil sa partisyong pader na ito, ang natagpuan. Ganito ang mababasa roon: “Huwag tatawid sa harang at sa bakod na nasa palibot ng santuwaryo ang sinumang dayuhan. Papatayin ang sinumang máhúling pumasok.”
Lumilitaw na ginamit ni Pablo ang salitang Soreg bilang paglalarawan sa tipan ng Kautusang Mosaiko, na matagal nang naghihiwalay sa mga Judio at Gentil. Pinawalang-bisa ng kamatayan ni Jesus bilang hain ang tipang Kautusan at sa gayo’y ‘giniba ang pader na nasa pagitan nila.’
Bakit madalas banggitin na 12 ang tribo ng Israel samantalang 13 tribo talaga ito?
Ang mga tribo, o mga pamilya, ng Israel ay nagmula sa mga anak ni Jacob, na ang pangalan ay ginawang Israel. Ang patriyarkang ito ay may 12 anak na lalaki—sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Dan, Neptali, Gad, Aser, Isacar, Zebulon, Jose, at Benjamin. (Genesis 29:32–30:24; 35:16-18) Labing-isa sa mga magkakapatid na ito ay may tribong ipinangalan sa kanila, pero walang tribong ipinangalan kay Jose. Sa halip, dalawang tribo ang ipinangalan sa kaniyang mga anak na sina Efraim at Manases, na ang bawat isa ay itinuring na ulo ng tribo. Kaya umabot sa 13 ang bilang ng mga tribo sa Israel. Kung gayon, bakit 12 tribo ang madalas banggitin sa Bibliya?
Sa mga Israelita, pinili ang mga lalaki sa tribo ni Levi para maglingkod sa tabernakulo ni Jehova at nang maglaon ay sa templo. Kaya hindi sila hinihilingang maglingkod sa hukbo. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Tanging ang tribo ni Levi ang hindi mo irerehistro, at ang kabuuang bilang nila ay huwag mong kukuning kasama ng mga anak ni Israel. At atasan mo ang mga Levita sa tabernakulo ng Patotoo at sa lahat ng mga kagamitan nito at sa lahat ng bagay na nauukol doon.”—Bilang 1:49, 50.
Ang mga Levita ay hindi binigyan ng teritoryo sa Lupang Pangako bilang takdang bahagi. Sa halip, binigyan sila ng 48 lunsod na nasa iba’t ibang lugar sa teritoryo ng Israel.—Bilang 18:20-24; Josue 21:41.
Dahil sa dalawang dahilang ito, karaniwan nang hindi kasama ang tribo ni Levi kapag itinatala ang mga tribo. Kaya madalas na binibilang na 12 ang mga tribo ng Israel.—Bilang 1:1-15.
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Archaeological Museum of Istanbul