Gamitin sa Tama ang Iyong Pagkamausisa
Gamitin sa Tama ang Iyong Pagkamausisa
“Ang tao ay likas na palatanong. Mula nang tayo ay isilang, nagsimula na tayong magtanong . . . Masasabi pa nga na ang kasaysayan ng tao ay kasaysayan ng mga tanong at sagot na tayo mismo ang nakaisip.”—Octavio Paz, Mexicanong makata.
ANO ang nagbibigay ng inspirasyon sa isang kusinera na gumawa ng bagong resipi? Ano ang nag-uudyok sa isa na galugarin ang malalayong lugar? Bakit napakaraming tanong ng mga bata? Madalas na ang dahilan ng lahat ng ito ay ang pagkamausisa.
Kumusta ka naman? Gustung-gusto mo bang mag-usisa kapag nakarinig ka ng bagong mga ideya o kapag gusto mong malaman ang sagot sa nakaiintrigang mga tanong? Halimbawa, Saan nanggaling ang buhay? Bakit tayo naririto? Talaga bang may Diyos? Mula pa sa ating pagkabata, marami na sa atin ang nag-uusisa para masagot ang gayong mga tanong at malaman ang dahilan ng mga bagay-bagay. Kapag interesado tayo sa isang ideya, gumagawa tayo ng paraan para matuklasan ang lahat ng puwede nating malaman hinggil dito. Kaya maaari tayong akayin ng ating pagkamausisa sa maraming kamangha-manghang bagay. Gayunman, maaari din itong magdulot sa atin ng mga problema, at maging ng kapahamakan.
Kailangang Maging Maingat at Timbang
Kung gagamitin natin ang ating pagkamausisa sa maling paraan, baka mapahamak tayo. Halimbawa, baka dahil sa pag-uusisa ng isang bata ay hawakan niya ang isang mainit na kalan at mapaso. Sa kabilang dako naman, ang pagkamausisa ay maaaring mag-udyok sa atin na dagdagan ang ating kaalaman at alamin ang sagot sa ating mga katanungan. Pero isang katalinuhan ba kung magiging mausisa tayo sa kahit anong bagay?
Maliwanag na may mga kaalaman na hindi kaayaaya at makapipinsala sa atin. Malamang na mapahamak tayo kung magiging mausisa tayo tungkol sa pornograpya, okulto, o mga turo ng kulto at radikal na mga grupo. Hinggil sa mga bagay na ito at sa iba pa, makabubuting tularan natin ang salmistang Hebreo na nanalangin: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”—Awit 119:37.
Gayundin, may mga kaalaman na hindi naman nakapipinsala pero walang saysay at hindi kapaki-pakinabang. Halimbawa, ano ang pakinabang kung alam ng isa ang lahat hinggil sa pribadong buhay ng mga artista at sikat na tao, mga detalye tungkol sa bawat koponan at manlalaro, o lahat ng impormasyon hinggil sa pinakabagong mga gadyet o pinakahuling modelo ng mga kotse? Para sa karamihan, ang pagiging “eksperto” sa ganitong mga bagay ay walang kabuluhan.
Isang Halimbawa na Nakapagbibigay ng Inspirasyon
Siyempre pa, may naidudulot na kapakinabangan ang pagkamausisa. Isaalang-alang ang halimbawa ni Alexander von Humboldt, isang Alemang naturalista at manggagalugad noong ika-19 na siglo. Sa kaniya ipinangalan ang Humboldt Current na matatagpuan sa kanlurang baybayin ng Timog Amerika.
Minsan ay sinabi ni Humboldt: “Binatilyo pa lamang ako ay gustung-gusto ko nang maglakbay sa malalayong rehiyon na bihirang puntahan ng mga Europeo.” Ayon sa kaniya, nagsimula ang pagnanais na ito nang makadama siya ng “di-mapigilang pagkamausisa ng isipan.” Sa edad na 29, naglakbay siya patungong Sentral at Timog Amerika. Inabot nang limang taon ang ekspedisyong ito. Sa dami ng impormasyong natipon niya, nakapagsulat siya ng 30 tomo ng aklat hinggil sa kaniyang mga paglalakbay.
Nakuha ang atensiyon ni Humboldt ng lahat ng bagay—temperatura ng karagatan, mga isda,
at halaman na natuklasan niya sa kaniyang paglalakbay. Inakyat niya ang mga bundok, ginalugad ang mga ilog, at tinawid ang mga karagatan. Malaki ang naiambag ng mga tuklas ni Humboldt sa ilang larangan ng makabagong siyensiya. Nagsimula ang lahat ng ito sa kaniyang pagkamausisa, at hindi kailanman naglaho ang kaniyang pagkauhaw sa kaalaman. Ayon sa Amerikanong manunulat na si Ralph Waldo Emerson, si “Humboldt ang isa sa mga kahanga-hangang tao . . . na bibihirang masumpungan sa kasaysayan, na nagtanghal ng kakayahan ng isip ng tao, ang lawak at saklaw ng kaalaman na kaya nitong tuklasin.”Isang Larangang Kapaki-pakinabang na Saliksikin
Sabihin pa, iilan lamang sa atin ang maaaring makapaggalugad sa daigdig o makatuklas ng isang pambihirang bagay sa larangan ng siyensiya. Pero may isang larangan ng kaalaman na maaari nating pag-aralan. Makikinabang tayo rito nang higit kaysa sa anupamang kaalaman. Tinukoy ito ni Jesu-Kristo nang manalangin siya sa kaniyang makalangit na Ama: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Maaaring masapatan ng kaalaman tungkol sa tunay na Diyos, na ang pangalan ay Jehova, at tungkol sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang pagkamausisa ng isa sa paraang hindi mapapantayan ng ibang kaalaman. Isiping muli ang mga tanong hinggil sa buhay na binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Maaari nating dagdagan ang mga tanong na iyon: Bakit laganap ang pagdurusa sa daigdig? Lubusan bang masisira ang lupa dahil sa kagagawan ng tao? At ano ang gagawin ng Diyos para matiyak na hindi sasapitin ng sangkatauhan ang gayong kapahamakan? Hindi lamang sasapatan ng sagot sa mga tanong na ito ang ating pagkamausisa. Gaya ng sinabi ni Jesus, “ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan.” Bakit tayo makatitiyak dito?
Ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Ganito ang sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pablo hinggil dito: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Pag-isipan ito—sinabi ng apostol na naglalaan ang Bibliya ng kaalaman na magsasangkap o makatutulong sa atin na gawin ang lahat ng mabubuting bagay. Matutulungan din tayo nitong tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ng Diyos. At batid natin na ang kaalaman at karunungan ng Diyos ay di-hamak na nakahihigit sa kaninupaman. Si propeta Isaias ay ginamit ng Diyos para iulat ang kaniyang makahulugang mga salita: “‘Ang mga kaisipan ninyo ay hindi ko mga kaisipan, ni ang aking mga lakad man ay inyong mga lakad,’ ang sabi ni Jehova. ‘Sapagkat kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.’”—Isaias 55:8, 9.
Gusto mo bang malaman ang tungkol sa matatayog na daan at kaisipan ng Diyos? Nauudyukan ka ba ng iyong pagkamausisa na tuklasin kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, hinggil sa kaniyang mga daan at kaisipan? Nananabik ka bang malaman kung ano ang gagawin ng Diyos upang wakasan ang lahat ng pagdurusa at kung anong magandang kinabukasan ang naghihintay sa masunuring sangkatauhan? Inaanyayahan ka ng Bibliya: “Tikman [mo] at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.”—Awit 34:8.
Ang mapuwersang katotohanan ng Salita ng Diyos ay may malaking epekto sa taimtim na puso ng isang tao, kagaya ng epekto ng liwanag sa taong nakakita sa kauna-unahang pagkakataon. Naudyukan si apostol Pablo na ipahayag: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” (Roma 11:33) Ang totoo, hinding-hindi natin lubusang maaarok ang kayamanan ng kaalaman at karunungan ng Diyos. Gayunman, nakalaan sa atin ang isang kapana-panabik na pag-asa, isang buhay na hindi kailanman magiging kabagut-bagot, kundi sa halip, isang buhay na laging may mga bagong kaalamang naghihintay na matuklasan.
Panatilihin ang Iyong Pagkamausisa
Totoo, iilan lamang sa atin ang maaaring maging kilalang mga manggagalugad o imbentor. At marahil, hindi sapat ang karaniwang haba ng buhay natin para pag-aralan ang lahat ng gusto nating malaman. Pero huwag mong hayaang mawala ang iyong pagkamausisa. Panatilihin ang iyong pagkauhaw sa kaalaman na maibiging ikinintal sa atin ng Diyos.
Gamitin sa tama ang kamangha-manghang kaloob na ito mula sa Diyos, at kumuha ng tumpak na kaunawaan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kung gagawin mo ito, magiging makabuluhan at maligaya ang iyong buhay ngayon, at makaaasa kang patuloy na masasapatan ang iyong pagkamausisa magpakailanman. “Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa kapanahunan nito,” ang sabi ng Bibliya. “Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”—Eclesiastes 3:11.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 21]
Alam Mo ba na . . .
• Daan-daang taon bago natuklasan nina Columbus at Magellan ang hugis ng lupa, sinabi na ng Bibliya na ang planetang ito ay hindi lapad kundi pabilog?—Isaias 40:22.
• Matagal pa bago nakita ng mga astronot na ang lupa ay nakabitin sa kalawakan, binanggit na ng Bibliya na ito ay nakabitin sa wala?—Job 26:7.
• Di-kukulangin sa 2,500 taon bago natuklasan ng Ingles na manggagamot na si William Harvey ang sistema ng sirkulasyon ng dugo sa katawan ng tao, tinukoy na ng Bibliya na ang puso ay bukal, o pinagmumulan, ng buhay?—Kawikaan 4:23.
• Mga 3,000 taon na ang nakalilipas, inilarawan ng Bibliya sa simpleng mga salita ang hinggil sa siklo ng tubig bilang bahagi ng ekosistema na nagtutustos sa buhay sa lupa?—Eclesiastes 1:7.
Hindi ba nakapagtataka na binanggit na ng Bibliya ang mga katotohanan sa siyensiya matagal pa bago ito maunawaan o matuklasan ng tao? Ang totoo, matatagpuan sa Bibliya ang di-matutumbasang kalipunan ng kaalaman na napakahalaga sa buhay, na naririyan lamang para tuklasin mo.
[Larawan sa pahina 19]
Alexander von Humboldt