Paano Ka Makapipili ng Magandang Salin ng Bibliya?
Paano Ka Makapipili ng Magandang Salin ng Bibliya?
ANG Bibliya ay orihinal na isinulat sa sinaunang wikang Hebreo, Aramaiko, at Griego. Kaya kailangang umasa sa isang salin ng Bibliya ang karamihan sa mga gustong bumasa nito.
Sa ngayon, ang Bibliya ang aklat na may pinakamaraming salin—anupat makukuha ang ilang bahagi nito sa mahigit 2,400 wika. Ang ilang wika ay may iba’t ibang bersiyon o salin. Kung may mapagpipilian ka sa iyong wika, tiyak na nanaisin mong gamitin ang pinakamagandang salin na makikita mo.
Para makapili ka nang tama, dapat mo munang malaman ang mga sagot sa sumusunod na mga tanong: Anu-anong uri ng salin ang makukuha? Ano ang maganda at di-magandang mga katangian ng bawat uri ng salin? At bakit ka dapat maging maingat sa pagbasa ng ilang salin ng Bibliya?
Sobrang Literal, Sobrang Liberal
Napakaraming istilo ang mga salin ng Bibliya, pero nahahati lamang ang mga ito sa tatlong pangunahing kategorya. Ang saling interlinear ay sobrang literal. Ang mga saling ito ay naglalaman ng mga teksto sa orihinal na wika at salita-por-salitang salin sa ibang wika.
Ang saling pakahulugan naman ay sobrang liberal. Inuulit ng mga tagapagsalin ng mga bersiyong ito ang mensahe ng Bibliya ayon sa pagkaunawa nila, sa paraang sa tingin nila’y magugustuhan ng kanilang mambabasa.
Ang ikatlong kategorya ay naglalaman ng mga salin na pinagsikapang maging timbang, hindi sobrang literal at hindi rin naman sobrang liberal. Sinikap ng mga bersiyong ito ng Bibliya na maitawid ang kahulugan at istilo ng mga pananalita sa orihinal na wika pero sa paraang madaling basahin.
Pinakamaganda ba ang Salita-Por-Salitang mga Salin?
Karaniwan nang hindi magandang gamitin ang salita-por-salitang salin para makuha ang kahulugan ng bawat talata sa Bibliya. Bakit hindi? Maraming dahilan. Narito ang dalawa:
1. Walang dalawang wika ang eksaktong magkatulad sa balarila, bokabularyo, at pagbuo ng pangungusap. Sinabi ng propesor sa wikang Hebreo na si S. R. Driver na ang mga wika ay “nagkakaiba-iba hindi lamang sa balarila at pinagmulan, kundi gayundin . . . sa paraan ng pagbuo ng mga ideya sa isang pangungusap.” Ang mga taong iba’t iba ang wika ay iba’t iba rin ang pag-iisip. “Dahil dito,” patuloy pa ni Propesor Driver, “hindi pare-pareho ang pagbuo ng mga pangungusap ng iba’t ibang wika.”
Dahil walang wika ang eksaktong katulad ng bokabularyo at balarila ng mga wikang Hebreo at Griego sa Bibliya, ang salita-por-salitang pagsasalin ng Bibliya ay magiging malabo o baka magbigay pa nga ng maling kahulugan. Tingnan natin ang sumusunod na mga halimbawa.
Sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso, gumamit si apostol Pablo ng pananalitang literal na isinaling “sa (dais) kubiko ng mga tao.” (Efeso 4:14, The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures) * Ang pananalitang ito ay tumutukoy sa pandarayang ginagawa ng iba kapag gumagamit sila ng dais. Pero sa karamihan ng mga wika, hindi ito masyadong maiintindihan kung literal na isasalin. Mas maliwanag na maitatawid ang kahulugan ng pananalitang ito kung isasaling, “pandaraya ng mga tao.”
Nang lumiham si Pablo sa mga taga-Roma, gumamit siya ng pananalitang Griego na literal na nangangahulugang “pakuluin ang espiritu.” (Roma 12:11, Kingdom Interlinear) May kahulugan ba ang pananalitang ito sa inyong wika? Ang aktuwal na kahulugan ng pananalitang ito ay maging ‘maningas sa espiritu.’
Sa isa sa kaniyang bantog na talumpati, gumamit si Jesus ng pananalitang madalas isaling: “Mapapalad ang maralita sa espiritu.” (Mateo 5:3) Pero ang literal na salin ng pananalitang ito ay malabo sa maraming wika. Kung minsan, ipinahihiwatig pa nga ng isang literal na salin na “ang maralita sa espiritu” ay di-timbang ang pag-iisip o walang determinasyon at walang sigla. Pero sa pagkakataong ito, itinuturo ni Jesus sa mga tao na ang kanilang kaligayahan ay depende, hindi sa pagkakaroon ng pisikal na pangangailangan, kundi sa pagkilala na kailangan nila ang patnubay ng Diyos. (Lucas 6:20) Kaya ang mga saling, “yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” o “mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos” ay mas tumpak na nagsasabi ng kahulugan ng pananalitang ito.—Mateo 5:3; Magandang Balita Biblia.
2. Posibleng magbago ang kahulugan ng isang salita o pananalita depende sa konteksto nito. Halimbawa, ang pananalitang Hebreo na karaniwang tumutukoy sa kamay ng tao ay posibleng magkaroon ng iba’t ibang kahulugan. Depende sa konteksto, ang salitang ito, halimbawa, ay posibleng mangahulugang “pamamahala,” “pagkabukas-palad,” o “kapangyarihan.” (2 Samuel 8:3; 1 Hari 10:13; Kawikaan 18:21) Sa katunayan, ang partikular na salitang ito ay isinalin sa mahigit 40 iba’t ibang paraan sa edisyong Ingles ng New World Translation of the Holy Scriptures.
Dahil apektado ng konteksto kung paano isasalin * Bakit kaya nagkaroon ng ganitong iba’t ibang salin sa mga salita? Napagkaisahan ng komite ng pagsasalin na mas mahalagang makuha ang pinakatumpak na kahulugan ng mga salitang ito ayon sa konteksto kaysa isalin ito sa literal na paraan. Magkagayunman, pare-pareho pa rin hangga’t maaari ang pagkakasalin ng New World Translation sa mga salitang Hebreo at Griego.
ang isang salita, ang New World Translation ay gumamit ng halos 16,000 pananalitang Ingles para isalin ang mga 5,500 terminong Griego sa Bibliya, at gumamit ito ng mahigit 27,000 pananalitang Ingles para isalin ang mga 8,500 terminong Hebreo.Maliwanag na sa pagsasalin ng Bibliya, hindi palaging iyon at iyon ding salita ang dapat gamitin sa isang orihinal na wika sa tuwing lilitaw ito. Dapat pagpasiyahang mabuti ng mga tagapagsalin kung aling mga salita ang gagamitin nila para matumbasan ang ideya ng orihinal na wika sa paraang tumpak at madaling maunawaan. Bukod diyan, kapag nagsasalin sila, kailangan nilang buuin ang mga pangungusap ayon sa mga tuntunin ng balarila ng wika.
Kumusta Naman ang Liberal na mga Salin?
Ang mga tagapagsalin ng Bibliya na gumagawa ng karaniwang tinutukoy na mga saling pakahulugan, o liberal na mga salin, ay gumagamit ng pananalitang malayo sa orihinal na wika. Paano? Nagsisingit sila ng sariling opinyon na inaakala nilang ibig sabihin ng teksto o nagbabawas sila ng ilang impormasyon mula sa orihinal na teksto. Maaari ngang magustuhan ng mga mambabasa ang mga saling pakahulugan dahil madali itong basahin. Pero dahil sobrang liberal ito kung minsan, lumalabo o nababago ang kahulugan ng orihinal na teksto.
Tingnan natin ang isang saling pakahulugan ng bantog na modelong panalangin ni Jesus: “Ama naming nasa langit, isiwalat mo kung sino ka.” (Mateo 6:9, The Message: The Bible in Contemporary Language) Ganito naman ang pagkakasabi ng mas tumpak na salin sa mga salita ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” Pansinin din ang pagkakasalin ng ilang Bibliya sa Juan 17:26. Ayon sa isang liberal na salin, nang gabing dakpin si Jesus, nanalangin siya sa kaniyang Ama: “Ipinakilala kita sa kanila.” (Today’s English Version) Pero ang mas tamang salin sa panalangin ni Jesus ay kababasahan: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan.” Nakita mo ba kung paano aktuwal na itinatago ng ilang tagapagsalin ang katotohanang may pangalan ang Diyos na dapat gamitin at parangalan?
Bakit Dapat Mag-ingat?
Pinalalabo ng ilang liberal na pagsasalin ang pamantayang moral na gustong ipabatid ng orihinal na teksto. Halimbawa, ang sabi ng The Message: The Bible in Contemporary Language sa 1 Corinto 6:9, 10: “Hindi ba ninyo nababatid na hindi dapat maging ganito ang paraan ng pamumuhay? Ang mga taong di-makatarungan na walang pakialam sa Diyos ay hindi makakasama sa kaniyang kaharian. Yaong mga gumagamit at umaabuso sa isa’t isa, gumagamit at umaabuso sa sekso, gumagamit at umaabuso sa lupa at sa lahat ng naroroon, ay hindi kuwalipikadong maging mga mamamayan ng kaharian ng Diyos.”
Ihambing natin ang bersiyong ito sa mas tumpak na salin ng New World Translation: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa
idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Pansinin na hindi man lamang binanggit sa liberal na salin ang mismong mga paggawing inisa-isa ni apostol Pablo na dapat nating iwasan.Naaapektuhan din ang pagsasalin dahil sa pinaniniwalaang doktrina ng tagapagsalin. Halimbawa, ayon sa Today’s English Version, karaniwang tinatawag na Good News Bible, ganito ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Pumasok kayo sa makitid na pintuang-daan, sapagkat ang pintuang-daan patungo sa impiyerno ay malapad at ang daan patungo rito ay madali, at marami ang naglalakbay rito.” (Mateo 7:13) Isiningit ng mga tagapagsalin ang salitang “impiyerno” kahit maliwanag na sinasabi sa ulat ni Mateo na “pagkapuksa.” Bakit kaya nila ito ginawa? Malamang na dahil gusto nilang itaguyod ang ideya na ang masasama ay parurusahan magpakailanman, hindi pupuksain. *
Kung Paano Malalaman ang Pinakamagandang Salin
Ang Bibliya ay isinulat gamit ang karaniwan at pang-araw-araw na salita ng mga ordinaryong tao, gaya ng mga magsasaka, pastol, at mangingisda. (Nehemias 8:8, 12; Gawa 4:13) Samakatuwid, sinisikap ng magandang salin ng Bibliya na ang mensahe nito ay mabasa ng taimtim na mga tao, anuman ang kanilang pinagmulan. Masasabi ring maganda ang isang salin kapag ganito ang paraan ng pagsasalin:
◼ Itinatawid ang orihinal na mensaheng kinasihan ng Diyos sa tumpak na paraan.—2 Timoteo 3:16.
◼ Isinasalin ang kahulugan ng mga salita sa literal na paraan depende sa mga salitang ginamit at pagkakabuo ng mga pangungusap sa orihinal na teksto.
◼ Ipinaliliwanag ang tamang kahulugan ng isang salita o parirala kapag ang literal na pagsasalin ng orihinal na wika ay pumipilipit o nagpapalabo sa kahulugan nito.
◼ Gumagamit ng natural at madaling-maunawaang mga salita na makaeengganyo sa mga mambabasa na basahin ito.
Mayroon bang ganitong salin? Milyun-milyong mambabasa ng magasing ito ang gumagamit ng New World Translation. Bakit? Dahil nagustuhan nila ang paraang ginamit ng komite ng pagsasalin, gaya ng binabanggit sa paunang-salita ng unang edisyon sa Ingles: “Hindi namin binigyan ng pakahulugan ang Kasulatan. Sinikap naming maisalin ito nang literal hangga’t ipinahihintulot ng modernong gamit ng wikang Ingles at kapag napalilitaw naman ang kahulugan.”
Ang New World Translation ay inilimbag sa kabuuan o bahagi nito sa mahigit 60 wika, na umabot nang mahigit 145,000,000 kopya lahat-lahat! Kung mayroon nito sa inyong wika, bakit hindi humingi ng isang kopya sa mga Saksi ni Jehova upang makita mo mismo ang mga kapakinabangang makukuha mula sa tumpak na saling ito?
Gustong maunawaan ng taimtim na mga estudyante sa Bibliya ang mensahe mula sa Diyos at kumilos ayon doon. Kung isa kang taimtim na estudyante ng Bibliya, kailangan mo ng isang tumpak na salin ng Bibliya. Oo, dapat kang magkaroon nito upang mabasa mo ito at maunawaan.
[Mga talababa]
^ Ang saling interlinear ay tumutulong sa mga mambabasa na makita ang literal na salin ng bawat salita kasama ng teksto sa orihinal na wika.
^ Kapansin-pansin na may mga salin ng Bibliyang Ingles na gumamit ng mas maraming katumbas na salita kaysa sa New World Translation kung kaya mas hindi nagkakapare-pareho ang kanilang pagkakasalin.
^ Itinuturo ng Bibliya na kapag tayo ay namatay, bumabalik tayo sa alabok at nawawala ang ating alaala o pakiramdam. (Genesis 3:19; Eclesiastes 9:5, 6; Ezekiel 18:4) Wala itong itinuturo na ang kaluluwa ay pahihirapan magpakailanman sa maapoy na impiyerno.
[Blurb sa pahina 21]
Maaari ngang magustuhan ng mga mambabasa ang mga saling pakahulugan dahil madali itong basahin. Pero dahil sobrang liberal ito kung minsan, lumalabo o nababago ang kahulugan ng orihinal na teksto.
[Blurb sa pahina 22]
Ang New World Translation of the Holy Scriptures ay inilimbag sa kabuuan o bahagi nito sa mahigit 60 wika, na umabot nang mahigit 145,000,000 kopya lahat-lahat!
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
SINAUNANG SALING PAKAHULUGAN
Ang mga saling pakahulugan, o liberal na mga salin, ng Bibliya ay hindi na bago. Noong sinaunang panahon, tinipon ng mga Judio ang tinatawag ngayong mga Aramaikong Targum, o liberal na pagpapakahulugan sa Kasulatan. Bagaman hindi tumpak ang mga saling ito, isinisiwalat dito kung ano ang pagkaunawa ng mga Judio sa ilang teksto na tumutulong naman sa mga tagapagsalin na matukoy ang kahulugan ng ilang mahihirap na bahagi. Halimbawa, sa Job 38:7, ang “mga anak ng Diyos” ay ipinaliliwanag na nangangahulugang “mga grupo ng mga anghel.” Sa Genesis 10:9, ipinahihiwatig ng mga Targum na ang Hebreong pang-ukol na ginamit upang ilarawan si Nimrod ay may negatibong kahulugan na “laban” o “salansang kay” sa halip na basta mangahulugang “sa harap” sa neutral na diwa nito. Inilakip ang mga saling pakahulugang ito sa teksto ng Bibliya pero hindi kailanman nilayon na maging kapalit ng Bibliya mismo.
[Larawan]
ISANG SEKSIYON NG “BIBLIA POLYGLOTTA” NI WALTON, NATAPOS NOONG 1657 JOB 38:1-15
Hebreong teksto ng Bibliya (may kalakip na Latin Interlinear Translation)
Katumbas na teksto sa Aramaikong Targum
[Larawan sa pahina 19]
ISANG SEKSIYON NG “THE KINGDOM INTERLINEAR TRANSLATION OF THE GREEK SCRIPTURES,” EFESO 4:14
Makikita sa kaliwang kolum ang isang salita-por-salitang salin. Nasa kanang kolum naman ang isang salin ng kahulugan
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Background: Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem