Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Kautusan ay Naging Tagapagturo Natin”

“Ang Kautusan ay Naging Tagapagturo Natin”

“Ang Kautusan ay Naging Tagapagturo Natin”

HINDI lahat ng bata ay natutuwa kapag inuutusan sila at dinidisiplina. Para sa kanila, nakakainis ang mga paghihigpit. Pero alam ng mga may pananagutang mangalaga sa mga bata na kailangang-kailangan ng mga ito ang tamang pagsubaybay. Habang lumilipas ang panahon, malamang na mauunawaan din ng karamihan ng mga bata ang kahalagahan ng natanggap nilang patnubay. Ginamit ni apostol Pablo ang halimbawa ng isang lalaking tagapag-alaga ng bata upang ilarawan ang mga hakbang na ginawa noon ng Diyos na Jehova para pangasiwaan ang kaniyang bayan.

Sa lalawigan ng Galacia na dating sakop ng Roma, iginigiit ng ilang unang-siglong Kristiyano roon na ang sinasang-ayunan lamang ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kautusan na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. Alam ni apostol Pablo na hindi ito totoo, dahil nagkaloob ang Diyos ng banal na espiritu sa ilan na hindi kailanman napasailalim sa kautusang Judio. (Gawa 15:12) Kaya itinuwid ni Pablo ang kanilang maling ideya gamit ang isang ilustrasyon. Ganito ang isinulat niya sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Galacia: “Ang Kautusan ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo.” (Galacia 3:24) Sinasabi ng isang iskolar na noon pa man, napakahalaga na ng papel ng isang tagapagturo. Ang pagkaunawa rito ay tutulong sa atin na maintindihan ang puntong nais palitawin ni apostol Pablo.

Ang Tagapagturo at ang Kaniyang mga Pananagutan

Karaniwan noon sa mayayamang pamilyang Griego, Romano, at marahil ay maging sa mga pamilyang Judio na kumuha ng tagapagturo na susubaybay sa kanilang mga anak mula pagkasanggol hanggang sa pagbibinata. Isang mapagkakatiwalaang alipin ang kinukuha nilang tagapagturo at kadalasang may-edad na ito. Siya ang nangangalaga sa bata at tumitiyak na nasusunod ang kagustuhan ng ama para sa kaniyang anak. Sa buong maghapon, sinasamahan ng tagapagturo ang bata saanman ito pumunta, tinitiyak niyang malinis ito, inihahatid sa paaralan, at malimit pa ngang siya ang nagbibitbit ng mga aklat at iba pa nitong gamit. Sinusubaybayan din niya ang pag-aaral ng bata.

Ang tagapagturo ay karaniwan nang hindi isang guro na nagtuturo ng mga asignatura sa paaralan. Bilang tagapag-alaga ng bata, tinitiyak lamang ng tagapagturo na nasusunod ang mga tagubilin ng ama. Gayunman, nakapagtuturo din siya sa pamamagitan ng pagsubaybay at pagdidisiplina sa bata. Kasama rito ang pagtuturo ng tamang asal, pagsaway, at pagpaparusa kung kinakailangan. Sabihin pa, ang ama at ina ang pangunahing may pananagutan sa pagtuturo sa bata. Pero habang lumalaki ang bata, ang kaniyang tagapagturo ang nagsasanay sa kaniya na lumakad nang may magandang tindig, at nagtuturo sa kaniya ng wastong pag-upo, pagkain, at pagsusuot ng balabal. Tinuturuan din niya ang bata na tumayo para magbigay-galang sa mga may-edad na, mahalin ang kaniyang mga magulang, at iba pa.

Kumbinsido ang pilosopong Griego na si Plato (428-348 B.C.E.) na dapat masuheto ang mga bata. “Kung paanong hindi mabubuhay ang tupa o ang iba pang nanginginaing hayop nang walang pastol, hindi rin mabubuhay ang bata nang walang tagapagturo, ni ang alipin man nang walang panginoon,” ang isinulat niya. Maaaring sabihing eksaherado ito, pero iyan ang pangmalas ni Plato.

Dahil palaging nakabuntot sa mga bata ang kanilang mga tagapagturo, itinuturing silang napakaistrikto at mapaniil na mga bantay, na pinagmumulan ng paulit-ulit, nakayayamot, at walang-katuturang mga bintang. Sa kabila ng ganiyang reputasyon, nakatulong sila para mapangalagaan ang moralidad ng mga bata at mailayo ang mga ito sa panganib. Ang Griegong istoryador na si Appian noong ikalawang siglo C.E. ay nagkuwento tungkol sa isang tagapagturo na nagsanggalang sa kaniyang alagang bata nang minsang papunta sila sa paaralan. Niyapos niya ang bata para maprotektahan ito mula sa mga gustong pumatay rito. Hindi binitiwan ng tagapagturo ang bata kaya pareho silang pinatay.

Laganap noon ang imoralidad sa Gresya. Kailangang protektahan ang mga bata, lalo na ang mga lalaki, mula sa pangmomolestiya. Dahil hindi mapagkakatiwalaan ang maraming guro sa paaralan, sinasamahan ng tagapagturo ang bata sa kaniyang mga klase. Sinabi pa nga ng mananalumpating Griego noong ikaapat na siglo C.E. na si Libanius na ang mga tagapagturo ay nagsisilbing “mga tagapagbantay ng mga nagbibinata” upang “mahadlangan ang di-kanais-nais na mga mangingibig, maitaboy at huwag hayaang makihalubilo, ni palapitin man ang mga ito sa mga batang lalaki.” Natamo ng maraming tagapagturo ang paggalang ng kanilang mga inalagaan. Ang namatay na mga tagapagturo ay ipinagpagawa pa nga ng mga monumento bilang pasasalamat ng mga adultong dati nilang inalagaan.

Ang Kautusan Bilang Tagapagturo

Bakit inihalintulad ni apostol Pablo sa isang tagapagturo ang Kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises? Bakit angkop ang ilustrasyong ito?

Buweno, ang Kautusan ay nagsilbing proteksiyon. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga Judio ay “nababantayan sa ilalim ng kautusan,” na para bang sila ay nasa ilalim ng pangangalaga ng isang tagapagturo. (Galacia 3:23) Naimpluwensiyahan ng Kautusan ang bawat aspekto ng kanilang buhay. Napigilan nito ang kanilang mahalay at makalamang mga pagnanasa. Sinupil nito ang kanilang paggawi, at patuloy silang sinaway nito sa kanilang pagkakamali nang sa gayo’y matanto ng bawat Israelita na hindi sila sakdal.

Ang Kautusan ay nagsilbi ring proteksiyon laban sa mapaminsalang mga impluwensiya, gaya ng mababang moralidad at relihiyosong gawain ng mga bansang nakapalibot sa Israel. Halimbawa, para mapanatili ang kanilang mabuting kaugnayan sa Diyos, ipinagbawal ng Diyos ang pakikipag-asawa sa mga mananamba sa idolo. (Deuteronomio 7:3, 4) Dahil sa gayong mga utos, napanatiling malinis ang pagsamba ng bayan ng Diyos at natulungan silang makilala ang Mesiyas. Talagang makikinabang sila sa pagsunod sa Kautusan na ito na maibiging inilaan ng Diyos. Pinaalalahanan ni Moises ang kapuwa niya mga Israelita: “Kung paanong itinutuwid ng isang tao ang kaniyang anak, gayon ka itinutuwid ni Jehova na iyong Diyos.”​—Deuteronomio 8:5.

Pero ang isang mahalagang punto sa ilustrasyon ni apostol Pablo ay ang pansamantalang awtoridad ng tagapagturo. Kapag nasa hustong gulang na ang bata, malaya na siya sa kontrol ng kaniyang tagapagturo. Ganito ang isinulat ng Griegong istoryador na si Xenophon (431-352 B.C.E.): “Kapag naging binatilyo na ang bata, inaalis na siya ng iba mula sa pangangalaga ng kaniyang [tagapagturo] at ng kaniyang [guro]; kaya wala na siya sa ilalim ng kanilang pangangasiwa, kundi hinahayaan na siyang magsarili.”

Masasabing ganiyan din ang Kautusan ni Moises. Pansamantala lamang ang ginampanan nitong papel​—‘ihayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi [si Jesu-Kristo].’ Ipinaliwanag ni apostol Pablo na para sa mga Judio, ang Kautusan ay “tagapagturo . . . na umaakay tungo kay Kristo.” Para makamit ng mga Judio noong panahon ni Pablo ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan nilang kilalanin ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos. Iyan ang ginawa ng ilang Judio, at sa gayong paraan ay natupad ang layunin ng tagapagturo.​—Galacia 3:19, 24, 25.

Sakdal ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. Nagsilbi itong proteksiyon sa kanila at tumulong ito sa kanila na malaman ang matataas na pamantayan ng Diyos​—na siyang layunin ng Diyos kung bakit niya ibinigay ang Kautusan. (Roma 7:7-14) Naging mabuting tagapagturo ang Kautusan. Pero para sa mga nasa ilalim ng proteksiyon nito, ang mga kahilingan nito ay waring napakabigat. Kaya naman isinulat ni Pablo na nang dumating ang panahong itinakda ng Diyos, “sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan.” Nagmistulang “sumpa” ang Kautusan para sa di-sakdal na mga Judio yamang napasailalim sila sa mga pamantayang hindi nila lubusang nasunod. Kasama rito ang mahigpit na pagsasagawa ng mga ritwal. Pero napalalaya ang isang Judio mula sa tagapagturo, ang Kautusan, kapag tinanggap niya ang haing pantubos ni Jesus na di-hamak na nakahihigit ang bisa kaysa sa Kautusan.​—Galacia 3:13; 4:9, 10.

Kung gayon, itinulad ni Pablo ang Kautusan ni Moises sa isang tagapagturo para idiin na nilayon ito upang proteksiyunan ang mga Judio at ipakitang pansamantala lamang ito. Natatamo ng isa ang pagsang-ayon ni Jehova, hindi sa pagsunod sa Kautusang iyon, kundi sa pamamagitan ng pagkilala kay Jesus at pananampalataya sa kaniya.​—Galacia 2:16; 3:11.

[Kahon/Larawan sa pahina 21]

“MGA TAUHANG TAGAPANGASIWA” AT “MGA KATIWALA”

Bukod sa pagsulat hinggil sa isang tagapagturo, gumamit din si apostol Pablo ng ilustrasyon tungkol sa “mga tauhang tagapangasiwa” at “mga katiwala.” Sa Galacia 4:1, 2, mababasa natin: “Hangga’t ang tagapagmana ay isang sanggol ay hindi siya sa paanuman naiiba sa isang alipin, bagaman siya ay panginoon ng lahat ng bagay, kundi siya ay nasa ilalim ng mga tauhang tagapangasiwa at nasa ilalim ng mga katiwala hanggang sa araw na patiunang itinakda ng kaniyang ama.” Ang tungkulin ng “mga tauhang tagapangasiwa” at “mga katiwala” ay ibang-iba sa mga tagapagturo, pero iisa lamang ang puntong gustong palitawin ni Pablo.

Sa ilalim ng batas Romano, ang “tauhang tagapangasiwa” ay legal na tagapag-alaga ng isang naulilang menor de edad at siyang humahawak sa pananalapi at pag-aari nito hanggang sa maging adulto na ang bata. Kaya sinabi ni Pablo na bagaman ang bata ang talagang “panginoon” ng kaniyang mana, habang bata pa siya ay wala siyang karapatan sa mga ito, gaya ng isang alipin.

Ang “katiwala” naman ay isang kinatawan na inatasang mamahala sa pinansiyal na pag-aari ng isang sambahayan. Sinabi ng Judiong istoryador na si Flavius Josephus na isang binatang nagngangalang Hyrcanus ang humiling sa kaniyang ama ng liham na nagpapahintulot sa kaniyang katiwala na bigyan siya ng pera upang makabili siya ng anumang kailangan niya.

Kaya kung paanong walang kalayaan ang isang menor de edad habang nasa pangangalaga ng kaniyang tagapagturo, ganoon din kapag nasa ilalim siya ng pangangasiwa ng “tauhang tagapangasiwa” o ng “katiwala.” Ang buhay ng bata ay kontrolado ng iba hanggang sa panahong itinakda ng kaniyang ama.

[Larawan sa pahina 19]

Ipinintang larawan sa isang sinaunang plorera sa Gresya na nagpapakita ng isang tagapagturong may hawak na tungkod

[Credit Line]

National Archaeological Museum, Athens

[Larawan sa pahina 19]

Ipinintang eksena sa isang kopang gawa noong ikalimang siglo B.C.E. na nagpapakita ng isang tagapagturo (may tungkod) na nagmamasid habang tinuturuan ng tula at musika ang kaniyang alagang bata

[Credit Line]

Bildarchiv Preussischer Kulturbesitz/Art Resource, NY