Saan Tayo Nagmula?
Saan Tayo Nagmula?
BAKIT KAILANGANG MALAMAN ANG SAGOT? Maraming tao ang tinuruan na nagkataon lamang ang buhay sa lupa. Itinuro sa kanila na ang lahi ng tao, na kumpleto sa emosyonal, intelektuwal, at espirituwal na kakayahan, ay basta na lamang lumitaw sa pamamagitan ng ebolusyon.
Pero isipin ito: Kung talagang walang Maylalang at basta na lamang tayo sumulpot sa pamamagitan ng ebolusyon, sa diwa, ay ulila ang sangkatauhan. Walang mapagkukunan ng nakatataas na karunungan ang sangkatauhan—walang tutulong sa atin sa paglutas sa ating mga problema. Sa karunungan ng tao tayo aasa para mapigil ang pagkasira ng kapaligiran, malutas ang mga alitan sa pulitika, at matulungan tayo sa ating personal na mga problema.
Magkakaroon ka ba ng kapayapaan ng isip kung sa tao lamang tayo aasa? Kung hindi, ang sinasabi naman ng Diyos ang pag-isipan mo. Hindi lamang ito mas maganda, kundi mas makatuwiran.
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Itinuturo ng Bibliya na talagang nilalang ng Diyos ang tao. Hindi tayo nagmula sa walang damdamin at walang isip na ebolusyon. Sa halip, tayo ay mga anak ng isang maibigin at matalinong Ama. Pansinin ang malilinaw na pananalitang ito sa Bibliya.
Genesis 1:27. “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.”
Awit 139:14. “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”
Mateo 19:4-6. “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”
Gawa 17:24, 25. “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto, yamang ang Isang ito nga ay Panginoon ng langit at lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay, ni pinaglilingkuran man siya ng mga kamay ng tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay, sapagkat siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.”
Apocalipsis 4:11. “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”
Kung Paano Nagdudulot ng Tunay na Kapayapaan ng Isip ang Sagot ng Bibliya
Nababago ang pananaw natin sa ibang tao kapag nalaman nating ang Diyos ang “siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya . . . sa lupa.” (Efeso 3:15) Naaapektuhan din ng gayong kaalaman ang pangmalas natin sa ating sarili at sa ating mga problema. Nababago ang ating pag-iisip sa sumusunod na mga situwasyon.
Kapag kailangang gumawa ng mahihirap na pasiya, hindi na tayo malilito sa iba’t ibang opinyon ng tao. Sa halip, makapagtitiwala tayo sa payo ng Bibliya. Bakit? Dahil “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Totoo na kailangan ng pagsisikap at disiplina sa sarili para masunod ang payo ng Bibliya. Kung minsan, baka pinapayuhan pa nga tayo nito na gawin ang mga bagay na taliwas sa ating hilig. (Genesis 8:21) Pero kung tinatanggap natin na nilalang tayo ng isang maibigin at makalangit na Ama, makatuwiran lamang na isiping alam niya ang pinakamabuting landasin para sa atin. (Isaias 55:9) Kaya tinitiyak sa atin ng Kaniyang Salita: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Kung susundin natin ang payong ito, mawawala ang mga kabalisahan natin kapag napapaharap tayo sa mga hamon at pagpapasiya.
Kapag may pagtatangi, hindi tayo manliliit anupat iniisip na wala tayong halaga kumpara sa ibang lahi o pinagmulan. Sa halip, mapauunlad natin ang angkop na paggalang sa sarili. Bakit? Dahil ang ating Ama, ang Diyos na Jehova, “ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Palibhasa’y alam natin ang mga bagay na ito, maiiwasan din nating magkaroon ng maling saloobin tungkol sa iba. Mauunawaan natin na walang makatuwirang dahilan na isiping nakahihigit tayo sa ibang lahi, dahil “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.”—Gawa 17:26.
Kung alam nating tayo ay nilikha at nagmamalasakit sa atin ang ating Maylalang, tiyak na aakay ito sa tunay na kapayapaan ng isip. Pero higit pa ang kailangan upang mapanatiling panatag ang ating kalooban.
[Blurb sa pahina 4]
Nagmula ba sa ebolusyon ang tao?
[Larawan sa pahina 5]
Kung alam nating nagmamalasakit sa atin ang ating Maylalang, aakay ito sa tunay na kapayapaan ng isip