Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Isang Mapagmalasakit na Pastol

Isang Mapagmalasakit na Pastol

Mateo 18:12-14

‘NAGMAMALASAKIT ba ang Diyos sa akin?’ Kung naitanong mo na ito sa iyong sarili, hindi ka nag-iisa. Marami sa atin ang napaharap na sa mga paghihirap at problema, kaya kung minsan, naiisip tuloy natin kung interesado pa kaya sa nangyayari sa atin ang Maylalang ng malawak na unibersong ito. Kailangan nating malaman, Nagmamalasakit ba ang Diyos na Jehova sa atin bilang indibiduwal? Nang nasa lupa si Jesus, na nakakakilala kay Jehova nang higit sa lahat, nagbigay siya ng ilustrasyon na nagpapakita ng isang nakaaantig-pusong sagot.

Inihalintulad ni Jesus ang pangangalaga ni Jehova sa pangangalaga ng isang pastol sa kaniyang tupa. Sinabi niya: “Kung ang isang tao ay magkaroon ng isang daang tupa at maligaw ang isa sa kanila, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa mga bundok at hahayo sa paghahanap sa isa na naliligaw? At kung mangyaring masumpungan niya ito, sinasabi ko sa inyo nang may katiyakan, siya ay magsasaya nang higit dahil dito kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Sa gayunding paraan hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.” (Mateo 18:12-14) Tingnan natin kung paano inilarawan dito ni Jesus ang magiliw na pangangalaga ni Jehova sa bawat mananamba Niya.

Nakadarama ng pananagutan ang pastol sa bawat isa sa kaniyang tupa. Kung ang isang tupa ay napawalay sa kawan, alam niya kung alin ang nawawala. Kilala niya ang bawat tupa sa pangalang ibinigay niya rito. (Juan 10:3) Hindi titigil ang mapagmalasakit na pastol hangga’t hindi niya naibabalik sa kawan ang nawawalang tupa. Sa paghahanap sa nawawalang tupa, hindi naman niya isinasapanganib ang 99 na naiwan. Kadalasan nang magkakasama ang mga pastol at hinahayaan nilang magkahalu-halo ang kanilang mga kawan. a Kaya puwedeng iwan muna ng pastol ang kaniyang natitirang tupa sa pangangalaga ng kapuwa niya mga pastol para hanapin ang isang nawawala. Kapag nakita niyang hindi naman nasaktan ang nawalang tupa, natutuwa ang pastol. Pinapasan niya ang nahihintakutang tupa at ibinabalik sa kawan para mapanatag ito.​—Lucas 15:5, 6.

Nang ipaliwanag ni Jesus ang ilustrasyong ito, sinabi niya na hindi gusto ng Diyos na “ang isa sa maliliit na ito ay malipol.” Bago nito, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad laban sa pagtisod sa “isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa [kaniya].” (Mateo 18:6) Kaya ano ang itinuturo sa atin ng ilustrasyon ni Jesus tungkol kay Jehova? Siya ay isang Pastol na lubhang nagmamalasakit sa bawat isa sa kaniyang tupa, kasama na ang “maliliit”​—yaong tila hindi mahalaga sa paningin ng tao. Oo, sa paningin ng Diyos, bawat isa sa kaniyang mananamba ay natatangi at mahalaga.

Kung gusto mong matiyak na talagang mahalaga ka sa Diyos, bakit hindi mo subukang mag-aral tungkol sa Dakilang Pastol, ang Diyos na Jehova, at kung paano ka mapapalapít sa kaniya? Kung gagawin mo ito, magkakaroon ka ng pagtitiwalang gaya ng kay apostol Pedro, na walang-alinlangang nakarinig mismo sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nawawalang tupa. Nang maglaon ay sumulat si Pedro: ‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’​—1 Pedro 5:7.

[Talababa]

a Hindi magiging problema na paghiwa-hiwalayin ang mga kawan dahil sumusunod ang bawat tupa sa tinig ng pastol nito.​—Juan 10:4.