Turuan ang Iyong mga Anak
Hindi Huminto si Marcos
SI Marcos ang sumulat ng isa sa apat na aklat ng Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus. Iyon ang pinakamaikli at pinakamadaling basahin. Sino ba si Marcos? Sa palagay mo, kilala kaya niya si Jesus?— * Tingnan natin kung anong mahirap na pagsubok ang dinanas ni Marcos at kung bakit hindi siya huminto sa pagiging Kristiyano.
Unang binanggit sa Bibliya ang pangalang Marcos nang ipabilanggo ni Haring Herodes Agripa si apostol Pedro. Isang gabi, pinakawalan ng isang anghel si Pedro at dali-dali itong pumunta sa bahay ng nanay ni Marcos, si Maria, na nakatira sa Jerusalem. Nakalaya si Pedro sa bilangguan mga sampung taon matapos patayin si Jesus noong Paskuwa ng 33 C.E.—Gawa 12:1-5, 11-17.
Alam mo ba kung bakit pumunta si Pedro sa bahay ni Maria?— Maaaring dahil kilala niya ang pamilya ni Maria at alam niyang sa bahay nila nagpupulong noon ang mga alagad ni Jesus. Matagal nang alagad ang pinsan ni Marcos na si Bernabe, at posibleng mula pa ito noong Kapistahan ng Pentecostes 33 C.E. Binanggit sa Bibliya ang kaniyang pagkabukas-palad noon sa mga bagong alagad. Kaya tiyak na kilala ni Jesus si Bernabe pati na ang kaniyang tiyahing si Maria at ang anak nitong si Marcos.—Gawa 4:36, 37; Colosas 4:10.
Sa kaniyang Ebanghelyo, isinulat ni Marcos na noong gabing arestuhin si Jesus, may isang kabataan doon na may suot lamang na isang kasuutan “sa kaniyang hubad na katawan.” Nang darakpin na ang kabataan, isinulat ni Marcos na tumakas ito. Sa palagay mo, sino ang kabataang iyon?— Oo, malamang na si Marcos nga iyon! Kaya nang umalis na si Jesus at ang kaniyang mga apostol nang hating-gabing iyon, posibleng dali-daling isinuot ni Marcos ang isang kasuutan at sumunod siya sa kanila.—Marcos 14:51, 52.
Tiyak na palagi ngang nakakasama ng mga lingkod ng Diyos si Marcos. Malamang na naroroon siya nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., at malapít siya sa tapat na mga lingkod ng Diyos, gaya ni Pedro. Pero kasa-kasama rin siya ng kaniyang pinsang si Bernabe, na tumulong kay Saul para magkakilala sila ni Pedro mga tatlong taon matapos magpakita si Jesus kay Saul sa isang pangitain. Pagkalipas ng ilang taon, pumunta si Bernabe sa Tarso para hanapin si Saul.—Gawa 9:1-15, 27; 11:22-26; 12:25; Galacia 1:18, 19.
Noong 47 C.E., pinili sina Bernabe at Saul para maging misyonero. Isinama nila si Marcos, pero sa hindi malamang dahilan, iniwan sila ni Marcos at umuwi ito sa Jerusalem. Ikinagalit ito ni Saul, na nakilala sa Romanong pangalan nito na Pablo. At hindi niya pinalampas ang itinuring niyang malaking pagkukulang na ito ni Marcos.—Pagbalik nina Pablo at Bernabe mula sa paglalakbay bilang mga misyonero, ibinalita nila ang matagumpay nilang gawain. (Gawa 14:24-28) Pagkalipas ng ilang buwan, nagplano ang dalawa na bumalik sa kanilang pinangaralan para dalawin ang mga bagong alagad. Gusto sanang isama ulit ni Bernabe si Marcos, pero alam mo ba ang inisip ni Pablo?— ‘Hindi niya inisip na wasto ito’ dahil iniwan sila noon ni Marcos at umuwi ito. Tiyak na ikinalungkot ni Marcos ang sumunod na nangyari!
Nagkasagutan sina Pablo at Bernabe, at pagkatapos ng “isang matinding pagsiklab ng galit,” naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos para mangaral sa Ciprus, at pinili naman ni Pablo si Silas para dalawin ulit ang mga bagong alagad, gaya ng unang plano. Tiyak na napakasakit sa loob ni Marcos na siya ang naging dahilan ng pagkakagalit nina Pablo at Bernabe!—Gawa 15:36-41.
Hindi natin alam kung bakit umuwi noon si Marcos. Malamang na may makatuwiran siyang dahilan. Anuman iyon, maliwanag na naniniwala si Bernabe na hindi na iyon mauulit. At tama naman siya. Hindi huminto si Marcos! Nang 1 Pedro 5:13.
maglaon, kasama na siya ni Pedro sa pagmimisyonero sa napakalayong Babilonya. Mula roon, nagpadala si Pedro ng mga pagbati, na may dagdag: “At gayundin si Marcos na aking anak.”—Talagang naging matalik na magkaibigan sina Pedro at Marcos! Kitang-kita rin ito kapag binasa natin ang Ebanghelyo ni Marcos. Isinulat doon ni Marcos ang aktuwal na nasaksihan ni Pedro sa panahon ng ministeryo ni Jesus. Bilang halimbawa, paghambingin natin ang mga ulat tungkol sa bagyo sa Dagat ng Galilea. Idinagdag ni Marcos kung saan sa bangka natutulog si Jesus at kung ano ang kaniyang hinihigan, mga bagay na napansin ng mangingisdang si Pedro. Basahin natin mismo at paghambingin ang mga tekstong ito ng Bibliya sa Mateo 8:24; Marcos 4:37, 38; at Lucas 8:23.
Nang maglaon, nang mabilanggo si Pablo sa Roma, pinuri niya si Marcos dahil sa mga naitulong nito. (Colosas 4:10, 11) At nang mabilanggo ulit doon si Pablo, sumulat siya kay Timoteo at hiniling na isama niya si Marcos, na sinasabi: “Kapaki-pakinabang siya sa akin sa paglilingkod.” (2 Timoteo 4:11) Oo, nagkaroon si Marcos ng napakagandang pribilehiyo ng paglilingkod dahil hindi siya huminto!
[Mga talababa]
^ Ang Juan na tinutukoy rito ay siya ring si Marcos.
^ Kung may kasama kang bata sa pagbasa, ang gatlang ay isang paalaala na titigil ka muna at tatanungin ang bata kung ano ang kaniyang masasabi.
Mga Tanong:
○ Saan nakatira si Marcos, at bakit mo masasabing kilala niya si Jesus?
○ Sino ang nakatulong nang malaki kay Marcos?
○ Ano ang nangyari na posibleng maging dahilan para huminto si Marcos?
○ Paano natin nalaman na hindi na galit si apostol Pablo kay Marcos?
[Larawan sa pahina 25]
Sino kaya ang kabataang ito? Ano ang nangyayari sa kaniya, at bakit?
[Larawan sa pahina 26]
Anong mga pagpapala ang tinanggap ni Marcos dahil hindi siya huminto?