Magpasalamat kay Jehova Para Pagpalain Ka
“Magpasalamat kayo kay Jehova, sapagkat siya ay mabuti.”
1. Bakit dapat nating pasalamatan si Jehova?
SI Jehova ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo,’ kaya dapat lang natin siyang pasalamatan. (Sant. 1:17) Bilang ating mapagmahal na Pastol, pinangangalagaan niya tayo sa pisikal at espirituwal. (Awit 23:1-3) Siya ang ating “kanlungan at kalakasan”
Ang ating taunang teksto para sa 2015: “Magpasalamat kayo kay Jehova, sapagkat siya ay mabuti.”
2, 3. (a) Bakit mapanganib na bale-walain ang ating mga pagpapala? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
2 Bakit mahalagang pag-isipan natin ang tungkol sa pagpapasalamat kay Jehova? Gaya ng inihula, ang mga tao sa mga huling araw na ito ay lalong nagiging walang utang na loob. (2 Tim. 3:2) Binabale-wala ng marami ang mabubuting bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila. Dahil sa impluwensiya ng komersiyo at advertising, milyon-milyon ang nagkukumahog para magkaroon ng higit pa imbes na makontento sa mga bagay na mayroon sila. Baka mahawa tayo sa ganitong saloobin at mawalan din ng pagpapahalaga. Tulad ng mga Israelita, baka maging walang utang na loob tayo at bale-walain ang ating napakahalagang kaugnayan kay Jehova at ang mga pagpapalang natatanggap natin.
3 Isipin din kung ano ang maaaring mangyari kapag dumanas tayo ng mahihirap na pagsubok. Sa gayong mga pagkakataon, baka agad tayong masiraan ng loob at mawalan ng pagpapahalaga sa mga pagpapala sa atin. (Awit 116:3) Kaya paano tayo makapananatiling mapagpasalamat? Ano ang makatutulong sa atin na maging positibo sa ilalim ng matitinding pagsubok? Tingnan natin.
“MARAMING BAGAY ANG IYONG GINAWA, O JEHOVA”
4. Paano tayo makapananatiling mapagpasalamat kay Jehova?
4 Kailangan nating magsikap para manatili tayong mapagpasalamat kay Jehova. Para magawa ito, isipin kung anong mga pagpapala ang natanggap mo mula kay Jehova. Pagkatapos, pag-isipang mabuti kung paano makikita sa mga pagpapalang ito ang masidhing pag-ibig ni Jehova. Nang gawin ito ng salmista, namangha siya sa maraming napakagandang bagay na ginawa ni Jehova.
5. Ano ang matututuhan natin kay apostol Pablo tungkol sa pagiging mapagpasalamat?
5 Marami tayong matututuhan kay apostol Pablo tungkol sa pagiging mapagpasalamat. Maliwanag na binulay-bulay niya ang kaniyang mga pagpapala, dahil madalas niyang ipahayag ang kaniyang buong-pusong pasasalamat. Aminado si Pablo na dati siyang “isang mamumusong at isang mang-uusig at isang taong walang pakundangan.” Kaya laking pasasalamat niya na sa kabila ng kaniyang mga nagawang kasalanan, pinagpakitaan siya ng Diyos at ni Kristo ng awa at pinagkatiwalaan ng isang ministeryo. (Basahin ang 1 Timoteo 1:12-14.) Malaki rin ang pagpapahalaga niya sa mga kapuwa Kristiyano at lagi niyang pinasasalamatan si Jehova dahil sa kanilang mabubuting katangian at tapat na paglilingkod. (Fil. 1:3-5, 7; 1 Tes. 1:2, 3) Nang mapaharap si Pablo sa matitinding pagsubok, agad niyang pinasalamatan si Jehova sa napapanahong tulong ng mga kapananampalataya niya. (Gawa 28:15; 2 Cor. 7:5-7) Kaya naman hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano: “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat . . . , magpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, mga papuri sa Diyos, mga espirituwal na awit na may kagandahang-loob.”
MAGBULAY-BULAY AT MANALANGIN PARA MANATILING MAPAGPASALAMAT
6. Ano ang partikular na ipinagpapasalamat mo kay Jehova?
6 Paano natin matutularan ang pagiging mapagpasalamat ni Pablo? Gaya niya, kailangan nating bulay-bulayin ang mga bagay na ginawa ni Jehova para sa atin. (Awit 116:12) Kung tatanungin ka, ‘Anong mga pagpapala ni Jehova ang pinasasalamatan mo?’ ano ang isasagot mo? Kasama ba sa sagot mo ang napakahalagang kaugnayan mo kay Jehova? O kaya’y ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan dahil sa pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo? Babanggitin mo ba ang pangalan ng mga kapatid na dumamay sa iyo sa panahon ng mahihirap na pagsubok? Siyempre, siguradong kasama sa sagot mo ang mahal mong asawa o mga anak. Kapag naglalaan ka ng panahon para bulay-bulayin ang magagandang pagpapala ng iyong maibiging Ama, si Jehova, mauudyukan ka nitong magpasalamat araw-araw.
7. (a) Bakit dapat nating pasalamatan si Jehova sa panalangin? (b) Ano ang kapakinabangan ng pagpapasalamat kay Jehova sa panalangin?
7 Kapag pinahahalagahan natin ang ating Awit 95:2; 100:4, 5) Marami ang nananalangin lang kapag may hihingin sila sa Diyos. Pero alam natin na natutuwa si Jehova kapag pinasasalamatan natin siya sa ating panalangin para sa mga bagay na mayroon tayo. Maraming panalangin ng pasasalamat ang nakaulat sa Bibliya, kasama na ang mga binigkas nina Hana at Hezekias. (1 Sam. 2:1-10; Isa. 38:9-20) Kaya tularan ang pagiging mapagpasalamat ng tapat na mga lingkod na iyon. Oo, pasalamatan si Jehova sa panalangin para sa mga pagpapalang natatanggap mo. (1 Tes. 5:17, 18) Kapag ginawa mo ito, gagaan ang loob mo, mas mamahalin mo si Jehova, at mas mapapalapit ka sa kaniya.
8. Bakit maaaring mawala ang pagpapahalaga natin sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin?
8 Kung hindi tayo mag-iingat, maaaring mawala ang ating pagpapahalaga sa magagandang kaloob ni Jehova. Bakit? Dahil hindi tayo sakdal at namana natin mula sa ating unang mga magulang ang tendensiyang maging walang utang na loob. Isipin ito: Nakatira sa paraiso sina Adan at Eva. Ibinigay sa kanila ang lahat ng kailangan nila, at maaari silang mabuhay magpakailanman. (Gen. 1:28) Pero hindi nila pinahalagahan ang mga pagpapalang iyon. Naging sakim sila at naghangad ng higit pa. Bilang resulta, naiwala nila ang lahat. (Gen. 3:6, 7, 17-19) Dahil napalilibutan tayo ng mga taong walang utang na loob, baka hindi na natin mapahalagahan ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin. Baka bale-walain na rin natin ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Baka hindi na natin pahalagahan ang pribilehiyong maging bahagi ng pandaigdig na kapatiran. Baka mawili tayo sa mga bagay sa sanlibutang ito na malapit nang lumipas. (1 Juan 2:15-17) Para makaiwas sa ganitong silo, dapat nating bulay-bulayin ang maraming pagpapala ni Jehova at lagi siyang pasalamatan sa pribilehiyong maging bahagi ng kaniyang bayan.
KAPAG NAPAPAHARAP SA MGA PAGSUBOK
9. Kapag napaharap sa matitinding pagsubok, bakit dapat nating bulay-bulayin ang ating mga pagpapala?
9 Makatutulong sa atin ang pagiging mapagpasalamat para maharap ang matitinding pagsubok. Baka mahirapan tayong tanggapin ang masasaklap na pangyayari gaya ng pagtataksil ng kabiyak, malubhang sakit, pagkamatay ng isang minamahal, o ng kalunos-lunos na epekto ng kalamidad. Sa ganitong mga
pagkakataon, maaaliw tayo at mapalalakas ng pagbubulay-bulay sa ating mga pagpapala. Tingnan natin ang sumusunod na karanasan.10. Paano nakatulong kay Irina ang pagtingin o pagbubulay-bulay sa kaniyang mga pagpapala?
10 Ang regular pioneer na si Irina, * taga-North America, ay asawa ng isang elder. Pero pinagtaksilan siya nito at iniwan silang mag-iina. Ano ang nakatulong kay Irina na manatiling tapat sa paglilingkod kay Jehova? Sinabi niya: “Nagpapasalamat ako sa pangangalaga sa akin ni Jehova. Dahil mga pagpapala ang tinitingnan ko sa bawat araw, nakita ko kung gaano kalaking pribilehiyo na makilala at mahalin ng ating mapagkalingang Ama sa langit. Alam kong hinding-hindi niya ako iiwan.” Kahit napakasaklap ng mga pinagdaanan ni Irina, nakatulong sa kaniya ang pagiging masayahin at naging pampatibay siya sa iba.
11. Ano ang nakatulong kay Kyung-sook na makayanan ang malubhang sakit?
11 Si Kyung-sook, taga-Asia, ay mahigit 20 taon nang payunir kasama ang kaniyang mister. Pero na-diagnose siyang may malalang kanser sa bagà at tinaningan ng tatlo hanggang anim na buwan. Kahit marami nang pinagdaanang pagsubok ang mag-asawa, hindi nila naging problema ang kanilang kalusugan. Sinabi ni Kyung-sook: “Hindi ko talaga akalaing magkakasakit ako. Pakiramdam ko, nawala ang lahat sa akin; takót na takót ako.” Ano ang nakatulong sa kaniya na makayanan ang sitwasyon? Sinabi niya: “Tuwing gabi bago matulog, pumupunta ako sa rooftop namin at nananalangin nang malakas tungkol sa limang bagay na ipinagpapasalamat ko sa araw na iyon. Doon gumagaan ang pakiramdam ko, tapos nauudyukan akong ipahayag ang pag-ibig ko kay Jehova.” Ano ang naging epekto kay Kyung-sook ng pananalangin tuwing gabi? Sinabi niya: “Na-realize ko na inaalalayan tayo ni Jehova sa matitinding pagsubok at na mas marami pa rin ang pagpapala kaysa sa mga pagsubok.”
12. Paano nakayanan ni Jason ang pagkamatay ng kaniyang asawa?
12 Mahigit 30 taon nang naglilingkod si Jason sa tanggapang pansangay sa Africa. Ikinuwento niya: “Pitong taon na ang nakararaan nang mamatay ang misis ko, pero napakasakit pa rin. Kapag naaalala ko ang hirap na pinagdaanan niya habang nakikipaglaban sa kanser, ang bigat sa dibdib.” Ano ang nakatulong kay Jason para makayanan ang nangyari? Sinabi niya: “Minsan, binalikan ko y’ong masayang samahan naming mag-asawa, ‘tapos, nanalangin ako kay Jehova para pasalamatan siya sa alaalang iyon. Nabawasan ang kirot na nararamdaman ko, at mula noon, lagi ko nang pinasasalamatan si Jehova sa gayong masasayang alaala. Malaki ang naitulong sa akin ng pagiging mapagpasalamat. Nangungulila pa rin ako, pero ang pagpapasalamat kay Jehova sa masayang pag-aasawa at sa pribilehiyong makapaglingkod sa kaniya kasama ng isa na may malalim na pag-ibig sa Diyos ay nakapagpabago ng aking pananaw.”
“Talagang nagpapasalamat ako na si Jehova ang aking Diyos.”
13. Ano ang nakatulong kay Sheryl na makayanan ang pagkawala ng halos buong pamilya niya?
13 Nawala ang halos lahat kay Sheryl nang hampasin ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan) ang rehiyon ng Visayas sa Pilipinas noong bago magtapos ang 2013. Trese anyos lang siya noon. Sinabi niya: “Nawalan ako ng tirahan, at halos buong pamilya ko ang nawala.” Dahil sa malakas na storm surge, namatay ang mga magulang niya at ang tatlo niyang kapatid. Ano ang nakatulong kay Sheryl na makayanan ang trahedyang ito nang hindi nagkikimkim ng hinanakit? Nakatulong sa kaniya ang pagbubulay-bulay sa mga pagpapalang mayroon siya para manatiling mapagpasalamat kay Jehova. “Nakita ko ang pagsisikap ng mga kapatid para magdala ng tulong at magbigay ng pampatibay sa mga nangangailangan. Alam kong isinasama ako
“SA GANANG AKIN, MAGBUBUNYI AKO KAY JEHOVA”
14. Anong pagpapala ang hinihintay natin? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
14 Sa buong kasaysayan, ang bayan ni Jehova ay nagbubunyi sa mga pagpapala sa kanila. Halimbawa, matapos maligtas ang mga Israelita mula sa kamay ni Paraon at ng hukbo nito sa Dagat na Pula, ipinahayag nila ang kanilang kagalakan sa pamamagitan ng mga awit ng papuri at pasasalamat. (Ex. 15:1-21) Sa ngayon, kabilang sa mga pagpapalang pinahahalagahan natin ang katiyakang mawawala na ang lahat ng kirot at pagdurusa. (Awit 37:9-11; Isa. 25:8; 33:24) Isip-isipin ang madarama natin kapag pinuksa na ni Jehova ang lahat ng kaniyang kaaway at pinahintulutan niya tayong makapasok sa mapayapa at matuwid na bagong sanlibutan. Tiyak na mag-uumapaw tayo sa pasasalamat sa araw na iyon!
15. Ano ang determinado mong gawin ngayong 2015?
15 Nananabik tayo sa napakaraming espirituwal na pagpapalang ibibigay ni Jehova sa taóng 2015. Siyempre, nariyan pa rin ang mga pagsubok. Pero anuman ang mangyari, alam nating hinding-hindi tayo iiwan ni Jehova. (Deut. 31:8; Awit 9:9, 10) Patuloy niyang ilalaan ang lahat ng kailangan natin para makapaglingkod tayo nang tapat sa kaniya. Kaya mapanatili nawa natin ang saloobing gaya ng kay propeta Habakuk, na nagsabi: “Bagaman ang puno ng igos ay hindi mamulaklak, at hindi magkaroon ng aanihin sa mga punong ubas; ang bunga ng punong olibo ay maaaring magmintis, at ang hagdan-hagdang lupain ay hindi magbibigay ng pagkain; ang kawan ay maaaring mahiwalay sa kural, at hindi magkakaroon ng bakahan sa mga kulungan; gayunman, sa ganang akin, magbubunyi ako kay Jehova; magagalak ako sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Hab. 3:17, 18) Oo, sa buong taóng ito, nawa’y may-kagalakan nating bulay-bulayin ang ating mga pagpapala at maudyukan tayong sundin ang payo ng ating taunang teksto para sa 2015: “Magpasalamat kayo kay Jehova, sapagkat siya ay mabuti.”
^ par. 10 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.