Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa New York

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa New York

ILANG taon na ang nakararaan, ang mag-asawang Cesar at Rocio ay namumuhay nang maalwan sa California. Nagtatrabaho si Cesar nang full time sa larangan ng heating, ventilation, at air-conditioning samantalang si Rocio naman ay nagtatrabaho nang part-time sa opisina ng isang doktor. May sarili silang bahay, at wala silang anak. Pero nagbago ang buhay nila. Bakit?

Noong Oktubre 2009, sumulat ang tanggapang pansangay ng Estados Unidos sa lahat ng kongregasyon doon. Ang mga may kasanayan na gustong magboluntaryo ay inanyayahang mag-aplay para pansamantalang maglingkod sa Bethel at tumulong sa pagpapalawak ng mga pasilidad ng sangay sa Wallkill, New York. Inanyayahan ding mag-aplay kahit ang mga lampas na sa karaniwang age limit ng mga tinatawag para maglingkod sa Bethel. “Dahil sa edad namin, alam namin na baka ito na lang ang pagkakataon na makapaglingkod kami sa Bethel,” ang sabi nina Cesar at Rocio. “Hindi namin mapapalampas ang pagkakataong ito!” Ipinasa agad ng mag-asawa ang kanilang aplikasyon.

Ilan sa mga boluntaryong nagtatrabaho sa Warwick

Makalipas ang mahigit isang taon, hindi pa rin inaanyayahan sina Cesar at Rocio sa Bethel. Pero para maabot ang kanilang tunguhin, sinimulan nilang pasimplehin ang kanilang buhay. “Ginawa naming studio apartment ang garahe namin para mapaupahan ang bahay. Mula sa aming dream house na 200 metro kuwadrado at dalawang taon pa lang naitatayo, lumipat kami sa aming apartment na 25 metro kuwadrado. Dahil sa ginawa namin,” ang sabi ni Cesar, “mas madali na para sa amin na tanggapin ang paanyaya sa Bethel sakaling dumating iyon.” Ano ang nangyari? “Isang buwan pagkalipat namin sa apartment,” ang sabi ni Rocio, “nakatanggap kami ng paanyaya na pansamantalang magboluntaryo sa Wallkill. Nakita namin na nang pasimplehin namin ang aming buhay, binigyan namin si Jehova ng dahilan para pagpalain kami.”

Jason, Cesar, at William

PINAGPALA ANG KANILANG MAPAGSAKRIPISYONG ESPIRITU

Gaya nina Cesar at Rocio, maraming kapatid ang nagsasakripisyo para makibahagi sa gawaing pagtatayo sa New York. Ang ilan sa kanila ay tumutulong sa pagpapalawak ng mga pasilidad sa Wallkill, at ang ilan naman ay nagkapribilehiyong tumulong sa pagtatayo ng pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick. * Iniwan ng maraming mag-asawa ang kanilang magandang bahay, trabaho, pati mga alagang hayop para higit na mapaglingkuran si Jehova. Pinagpala ba niya ang gayong mapagsakripisyong espiritu? Oo!

Way

Halimbawa, ibinenta ng electrician na si Way at ng asawa niyang si Debra, parehong mahigit 50 anyos, ang kanilang bahay at mga gamit sa Kansas at lumipat sa Wallkill para maglingkod bilang mga commuter Bethelite. * Kahit kinailangan nilang mag-adjust, para sa kanila, sulit ang kanilang mga sakripisyo. Tungkol sa atas niya sa Bethel, sinabi ni Debra: “Minsan pakiramdam ko nasa construction na ako sa Paraiso, gaya ng ipinakikita sa mga publikasyon natin!”

Ibinenta nina Melvin at Sharon ang kanilang bahay at mga gamit sa South Carolina para makapagboluntaryo sa Warwick. Hindi ito madaling gawin, pero pribilehiyo para sa kanila ang makasama sa makasaysayang proyektong iyon. Sinabi nila: “Ang sarap sa pakiramdam kapag alam mong may nagagawa kang kapaki-pakinabang para sa pambuong-daigdig na organisasyon.”

Kenneth

Ang retiradong construction worker na si Kenneth at ang asawa niyang si Maureen, parehong mga 55 anyos, ay lumipat mula sa California para makapagboluntaryo sa proyekto sa Warwick. Para magawa ito, isang sister sa kanilang kongregasyon ang kinausap nilang mangalaga sa bahay nila. Kinausap din nila ang kanilang mga kapamilya para tumulong sa pag-aalaga sa may-edad nang tatay ni Ken. Pinagsisisihan ba nila ang mga sakripisyong ginawa nila para makapaglingkod sa Bethel? Hindi! “Ang laki ng naitulong nito sa amin,” ang sabi ni Ken. “Nahirapan din ba kami? Oo, pero naging napakamakabuluhan ng buhay namin, at talagang inirerekomenda namin sa iba ang ganitong paglilingkod.”

PAGDAIG SA MGA HAMON

Kinailangang daigin ng karamihan sa mga nagboluntaryo ang ilang hamon. Halimbawa, sina William at Sandra, parehong mahigit 60 anyos, ay may komportableng pamumuhay sa Pennsylvania. May kompanya sila na gumagawa ng mga piyesa ng makina at 17 ang kanilang empleado. Ang kinauugnayan nilang kongregasyon ay ang kongregasyon nila mula pa noong mga bata sila, at nakatira sa kanilang lugar ang karamihan sa mga kamag-anak nila. Kaya nang magkaroon sila ng pagkakataong maglingkod bilang mga commuter sa Wallkill, alam nila na kakailanganin nilang iwan ang halos lahat ng kakilala nila at ang mga bagay na pamilyar sa kanila. “Walang duda, ang pinakamahirap para sa amin ay ang iwan ang mga nakasanayan namin,” ang sabi ni William. Pero pagkatapos ng maraming panalangin, itinuloy ng mag-asawa ang paglipat, na hindi nila pinagsisihan. “Walang kasinsaya ang maglingkod kasama ng pamilyang Bethel,” ang sabi ni William. “Ngayon lang kami naging ganito kasaya ni Sandra!”

Ilan sa mga mag-asawang nagtatrabaho sa Wallkill

Si Ricky, isang construction project manager sa Hawaii, ay inanyayahang maglingkod bilang commuter Bethelite para tumulong sa proyekto sa Warwick. Gusto ng asawa niyang si Kendra na tanggapin niya ang paanyaya. Pero nag-aalala sila para sa 11-anyos nilang anak na si Jacob. Iniisip nila kung tamang lumipat ang kanilang pamilya sa New York at kung makapag-a-adjust ang anak nila sa bagong lugar.

“Ang isang priyoridad namin ay humanap ng kongregasyon na may mga kabataang masulong sa espirituwal,” ang sabi ni Ricky. “Gusto naming magkaroon si Jacob ng maraming mabubuting kasama.” Kaya lang, kakaunti ang mga bata sa kongregasyong nalipatan nila, pero may ilang Bethelite. “Noong una kaming dumalo roon, tinanong ko si Jacob kung ano ang masasabi niya sa bago naming kongregasyon, lalo pa’t wala siyang kaedad doon,” ang sabi ni Ricky. “Ang sagot niya sa akin, ‘Okey lang naman, Dad. Y’ong mga kabataang brother na taga-Bethel ang magiging kaibigan ko.’ ”

Nag-e-enjoy si Jacob at ang mga magulang niya sa kanilang kongregasyon na may mga Bethelite

Kinaibigan nga ng mga kabataang Bethelite si Jacob. Ano ang naging epekto nito? “Isang gabi, pagdaan ko sa kuwarto ng anak ko, nakita kong bukás pa ang ilaw,” ang kuwento ni Ricky. “Akala ko naglalaro siya ng video game, pero nagbabasa pala siya ng Bibliya! Nang itanong ko kung ano ang ginagawa niya, sinabi ni Jacob, ‘Kunwari Bethelite ako, at babasahin ko ang Bibliya nang isang taon.’ ” Siyempre, tuwang-tuwa sina Ricky at Kendra, hindi lang dahil nakapagtatrabaho si Ricky sa konstruksiyon sa Warwick kundi dahil nakatutulong din sa espirituwal na pagsulong ng kanilang anak ang paglipat nila.Kaw. 22:6.

HINDI NAG-AALALA SA KINABUKASAN

Luis at Dale

Ang konstruksiyon sa Wallkill at Warwick ay matatapos din, kaya alam ng mga inanyayahang tumulong na pansamantala lang ang paglilingkod nila sa Bethel. Masyado bang nag-aalala ang mga kapatid na ito kung saan sila pupunta at ano ang gagawin nila pagkatapos ng proyekto? Hindi! Ang saloobin ng marami sa kanila ay gaya ng saloobin ng dalawang mag-asawang mahigit 50 anyos mula sa Florida. Si John, isang construction manager, at ang asawa niyang si Carmen, parehong temporary volunteer sa Warwick, ay nagsabi: “Nakita namin kung paano inilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan namin hanggang sa ngayon. Naisip namin na hindi kami dadalhin dito ni Jehova at pagkatapos ay pababayaan sa bandang huli.” (Awit 119:116) Si Luis, na nagdidisenyo ng mga sistema ng fire sprinkler, at ang asawa niyang si Quenia ay naglilingkod sa Wallkill. Sinabi nila: “Nakita namin kung paano saganang inilalaan ni Jehova ang materyal na pangangailangan namin. Kahit hindi namin alam kung paano, kung kailan, o kung saan, nagtitiwala kaming patuloy niya kaming pangangalagaan.”Awit 34:10; 37:25.

“ISANG PAGPAPALA HANGGANG SA WALA NANG KAKULANGAN”

John at Melvin

Karamihan sa mga tumutulong sa konstruksiyon sa New York ay may mga dahilan naman sana para hindi magboluntaryo. Pero sinubok nila si Jehova—gaya ng paanyaya niya sa ating lahat: “Subukin ninyo ako sa bagay na ito, pakisuyo, . . . kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”Mal. 3:10.

Susubukin mo rin ba si Jehova para maranasan mo ang kaniyang saganang pagpapala? Pag-isipan at ipanalangin kung ano ang magagawa mo para makabahagi sa kapana-panabik na mga gawaing pagtatayo ngayon, sa New York man o sa iba pang proyekto, at tingnan mismo kung paano ka gagantimpalaan ni Jehova.Mar. 10:29, 30.

Gary

Ang ganitong uri ng paglilingkod ay inirerekomenda ni Dale, isang civil engineer, at ng asawa niyang si Cathy, na mula sa Alabama. Bilang mga boluntaryo sa Wallkill, sinabi nila: “Kung may lakas ng loob ka na iwan ang mga nakasanayan mo, makikita mo kung paano kumikilos ang espiritu ni Jehova.” At ano ang kailangan para makapagboluntaryo ka? Sinabi ni Dale: “Pasimplehin, pasimplehin, at pasimplehin pa ang iyong buhay. Hinding-hindi mo ‘yon pagsisisihan!” Si Gary, mula sa North Carolina, ay may 30 taóng karanasan sa pangangasiwa sa konstruksiyon. Sinabi niya at ng asawa niyang si Maureen na ang isa sa mga pagpapalang tinatamasa nila sa Warwick ay ang “makilala at makatrabaho ang maraming mahuhusay na kapatid na ginagamit ang buhay nila sa paglilingkod kay Jehova sa Bethel.” Sinabi pa ni Gary: “Para makapaglingkod sa Bethel, kailangan mong mamuhay nang simple, at ‘yan ang pinakamagandang buhay habang nasa sistemang ito ng mga bagay.” Sinabi ni Jason, dating nagtatrabaho para sa isang electrical contractor, at ni Jennifer, na mula sa Illinois, na kapag nagtatrabaho ka sa proyekto ng Bethel sa Wallkill, “para ka na ring nasa bagong sanlibutan.” Dagdag pa ni Jennifer: “Napakasarap isipin na lahat ng ginagawa mo ay mahalaga kay Jehova at hindi mawawalang-saysay sa hinaharap. Titiyakin ni Jehova na pagpapalain ka nang higit kaysa sa inaasahan mo.”

^ par. 7 Ang part-time commuter Bethelite ang bumabalikat sa mga gastusin niya sa bahay at iba pang pangangailangan habang nagboboluntaryo nang isang araw o higit pa sa loob ng isang linggo sa Bethel.