Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagkukusa
BINIGYANG-DANGAL tayo ng ating Maylalang nang pagkalooban niya tayo ng isang napakahalagang regalo—ang kalayaang magpasiya. Sagana rin niyang pinagpapala ang mga walang-kasakimang gumagamit ng kanilang kalayaang magpasiya para itaguyod ang tunay na pagsamba at nagsisikap na pabanalin ang kaniyang pangalan at suportahan ang kaniyang dakilang layunin. Ayaw ni Jehova na sumusunod lang tayo sa kaniya dahil tinakot tayo at pinilit. Ang higit na pinahahalagahan niya ay ang kusang-loob na pagsamba udyok ng tunay na pag-ibig at taos-pusong pasasalamat.
Halimbawa, noong nasa ilang ng Sinai ang mga Israelita, inutusan sila ni Jehova na magtayo ng isang dako ng pagsamba. Sinabi niya: “Mula sa inyo ay lumikom kayo ng abuloy para kay Jehova. Dalhin iyon ng bawat isa na nagkukusang-loob bilang abuloy kay Jehova.” (Ex. 35:5) Bawat Israelita ay makapagbibigay ng anumang kaya niya, at bawat kusang-loob na abuloy—anuman ito o gaano man ang halaga nito—ay gagamitin sa tamang paraan para itaguyod ang layunin ng Diyos. Paano sila tumugon?
“Ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso” at “ang bawat isang napakilos ng kaniyang espiritu” ay kusang-loob na naghandog, oo, “bawat isa na may pusong nagkukusang-loob.” Ang mga lalaki at babae ay nagdala ng iba’t ibang bagay para sa gawain ni Jehova: alpiler, hikaw, singsing, ginto, pilak, tanso, sinulid na asul, lanang purpura, sinulid na iskarlata, mainam na lino, balahibo ng kambing, balat ng barakong tupa na tinina sa pula, balat ng poka, kahoy ng akasya, batong hiyas, balsamo, at langis. Nang bandang huli, “ang mga bagay ay sapat na para sa lahat ng gawaing isasagawa, at labis-labis pa.”—Ex. 35:21-24, 27-29; 36:7.
Pero ang higit na nakapagpasaya kay Jehova ay hindi ang mga bagay na inihandog kundi ang pagkukusa ng mga sumuporta sa tunay na pagsamba. Napakilos din silang gamitin ang kanilang panahon at lakas para sa gawain. “Ang lahat ng mga babae na may pusong marunong ay nag-ikid sa pamamagitan ng kanilang mga kamay,” ang sabi ng ulat. Oo, “ang lahat ng mga babae na naudyukan ng kanilang mga puso taglay ang karunungan ay nag-ikid ng balahibo ng kambing.” Bukod diyan, binigyan ni Jehova si Bezalel ng ‘karunungan, unawa, at kaalaman sa bawat uri ng kasanayan sa paggawa.’ Sa katunayan, ipinagkaloob ng Diyos kina Bezalel at Oholiab ang kasanayang kailangan para magawa ang lahat ng iniutos niya sa kanila.—Ex. 35:25, 26, 30-35.
Nang anyayahan ni Jehova ang mga Israelita na magbigay ng abuloy, nagtitiwala siyang “bawat isa na nagkukusang-loob” ay susuporta sa tunay na pagsamba. Bilang pagpapala sa mga kusang-loob na sumuporta, sagana siyang naglaan sa kanila ng patnubay at malaking kagalakan. Sa ganitong paraan, ipinakita ni Jehova na kapag pinagpapala niya ang kaniyang mga lingkod na nagkukusa, tinitiyak niya na magkakaroon sila ng sapat na pangangailangan o kasanayan para magawa ang kaniyang layunin. (Awit 34:9) Habang pinaglilingkuran mo si Jehova nang may pagkukusa, tiyak na pagpapalain ka niya.