Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magpakabanal Tayo sa Lahat ng Ating Paggawi

Magpakabanal Tayo sa Lahat ng Ating Paggawi

“Kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi.”—1 PED. 1:15.

1, 2. (a) Ano ang inaasahan ng Diyos sa kaniyang mga lingkod pagdating sa paggawi? (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?

KINASIHAN ni Jehova si apostol Pedro na pag-ugnayin ang kabanalang idiniriin ng Levitico at ang kahilingan sa mga Kristiyano na maging banal sa kanilang paggawi. (Basahin ang 1 Pedro 1:14-16.) Inaasahan ng “Isa na Banal,” si Jehova, na gagawin ng mga pinahiran at ng “ibang mga tupa” ang buong makakaya nila para maging banal sa lahat ng kanilang paggawi—hindi lang sa ilang bahagi nito.—Juan 10:16.

2 Kapaki-pakinabang ang higit pang pagsusuri sa aklat ng Levitico, at ang pagkakapit sa mga natututuhan natin dito ay tutulong sa atin na magpakabanal sa lahat ng ating paggawi. Isasaalang-alang natin ang mga tanong na: Paano natin dapat ituring ang pakikipagkompromiso? Ano ang itinuturo ng Levitico tungkol sa pagtataguyod ng soberanya ni Jehova? Ano ang matututuhan natin sa paghahandog ng mga hain noon?

HUWAG MAKIPAGKOMPROMISO

3, 4. (a) Bakit hindi dapat ikompromiso ng mga Kristiyano ang mga utos at simulain sa Bibliya? (b) Bakit hindi tayo dapat maghiganti o magkimkim ng sama ng loob?

3 Para mapalugdan si Jehova, dapat tayong manghawakang mahigpit sa kaniyang mga utos at simulain, na hindi kailanman iniisip na puwede nating ikompromiso ang mga ito. Bagaman wala tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, matututuhan natin dito kung ano ang katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap sa Diyos. Halimbawa, inutusan ang mga Israelita: “Huwag kang maghihiganti ni magkikimkim ng sama ng loob laban sa mga anak ng iyong bayan; at iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili. Ako ay si Jehova.”—Lev. 19:18.

4 Inaasahan ni Jehova na hindi tayo maghihiganti at iiwasan nating magkimkim ng sama ng loob. (Roma 12:19) Kung babale-walain natin ang mga utos at simulain ng Diyos, matutuwa ang Diyablo at mauupasala ang pangalan ni Jehova. Sinadya man tayong saktan ng iba, hindi tayo dapat magkimkim ng sama ng loob. Binigyan tayo ng Diyos ng pribilehiyong maging mga “sisidlang luwad” na naglalaman ng kayamanan, ang ating ministeryo. (2 Cor. 4:1, 7) Hindi dapat maglaman ng nakalalasong hinanakit ang gayong mga sisidlan!

5. Ano ang matututuhan natin sa ulat tungkol kay Aaron at sa pagkamatay ng kaniyang mga anak? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

5 Isang napakalungkot na pangyayari sa pamilya ni Aaron ang nakaulat sa Levitico 10:1-11. Siguradong napakasakit sa kanila nang lamunin ng apoy mula sa langit ang mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu habang nasa tabernakulo ang mga ito. Pero inutusan si Aaron at ang kaniyang pamilya na huwag ipagdalamhati ang mga namatay. Tiyak na nasubok nito ang kanilang pananampalataya! Kumusta ka naman? Sinisikap mo bang magpakabanal sa pamamagitan ng hindi pakikisama sa mga natiwalag, kapamilya man o hindi?—Basahin ang 1 Corinto 5:11.

6, 7. (a) Kapag nagpapasiya tungkol sa pagdalo sa isang kasal sa simbahan, anong mahahalagang punto ang dapat nating isaalang-alang? (Tingnan ang talababa.) (b) Paano natin maaaring ipaliwanag sa mga kamag-anak na di-Saksi ang pasiya natin hinggil sa kasal sa simbahan?

6 Baka hindi naman natin maranasan ang gaya ng nangyari kay Aaron at sa kaniyang pamilya. Pero paano kung isang kamag-anak na di-Saksi ang ikakasal sa simbahan at inimbitahan tayong dumalo at magkaroon ng partisipasyon doon? Walang tuwirang utos sa Bibliya na nagbabawal sa atin na dumalo, pero may nasasangkot bang mga simulain sa Bibliya? *

7 Dahil determinado tayong manatiling banal, baka hindi maintindihan ng mga kamag-anak nating di-Saksi ang pasiya natin sa gayong sitwasyon. (1 Ped. 4:3, 4) Siyempre, ayaw nating masaktan sila, pero kadalasan nang mas mabuting magpaliwanag sa kanila nang deretsahan pero sa mabait na paraan. Puwede nating gawin ito bago pa dumating ang okasyon. Maaari natin silang pasalamatan at sabihing natutuwa tayo na inanyayahan nila tayong maging bahagi ng kanilang kasal. Pagkatapos, puwede nating sabihin na dahil sa mga relihiyosong isyu, ang partisipasyon natin sa espesyal na araw na iyon ay baka makabawas sa kasayahan ng okasyon o ikapahiya nila at ng ibang dadalo. Isang paraan ito para hindi natin maikompromiso ang ating pananampalataya at mga paniniwala.

ITAGUYOD ANG SOBERANYA NI JEHOVA

8. Paano itinatampok ng Levitico ang soberanya ni Jehova?

8 Itinatampok ng Levitico ang soberanya ni Jehova. Ang mga kautusang nilalaman nito ay mahigit 30 beses na binabanggit na galing kay Jehova. Kaya naman sinunod ni Moises ang mga iniutos sa kaniya. (Lev. 8:4, 5) Gaya ni Moises, dapat na lagi rin nating sundin ang iniuutos ng ating Soberano, si Jehova. Sinusuportahan tayo ng organisasyon ng Diyos sa paggawa niyan. Pero maaaring masubok ang ating pananampalataya sa mga pagkakataong nag-iisa tayo, gaya ng nangyari kay Jesus noong nasa ilang siya. (Luc. 4:1-13) Kung nakapokus tayo sa soberanya ng Diyos at nagtitiwala tayo sa kaniya, hindi tayo mauudyukan o matatakot ninuman na makipagkompromiso.—Kaw. 29:25.

9. Bakit kinapopootan ang mga lingkod ng Diyos?

9 Bilang mga tagasunod ni Kristo at mga Saksi ni Jehova, tayo ay pinag-uusig sa iba’t ibang panig ng daigdig. Alam nating mangyayari iyan dahil sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mat. 24:9) Kahit kinapopootan tayo, patuloy tayong nangangaral tungkol sa Kaharian at nagsisikap na manatiling banal sa harap ni Jehova. Pero bakit gayon na lang ang pagkapoot sa atin ng iba kahit tayo ay tapat, namumuhay nang disente, at masunurin sa batas? (Roma 13:1-7) Dahil si Jehova ang kinikilala nating Soberanong Panginoon! ‘Sa kaniya lamang’ tayo nag-uukol ng sagradong paglilingkod, at hinding-hindi natin ikokompromiso ang kaniyang matuwid na mga utos at simulain.—Mat. 4:10.

10. Ano ang nangyari sa isang brother na nakipagkompromiso?

10 Bukod diyan, ‘hindi tayo bahagi ng sanlibutan.’ Kaya naman nananatili tayong neutral pagdating sa digmaan at politika. (Basahin ang Juan 15:18-21; Isaias 2:4.) May mga nakaalay sa Diyos na nagkompromiso ng kanilang neutralidad. Marami sa mga indibiduwal na ito ang nagsisi at nanumbalik kay Jehova. (Awit 51:17) Pero may ilan na hindi nagsisi. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II, marami sa ating mga kapatid sa Hungary ang walang-katarungang ikinulong sa iba’t ibang bilangguan doon. Ang 160 sa kanila, edad 45 pababa, ay tinipon sa isang bayan at inutusang magserbisyo sa militar. Matatag na tumanggi ang tapat na mga brother, pero siyam ang nakipagkompromiso. Nanumpa silang maglingkod sa militar at nagsuot ng uniporme. Makalipas ang dalawang taon, ang isa sa kanila ay isinama sa isang firing squad na papatay sa mga Saksi na nanatiling tapat, at isa roon ang sarili niyang kapatid! Mabuti na lang at hindi natuloy ang pagpatay.

IHANDOG KAY JEHOVA ANG IYONG PINAKAMAINAM

11, 12. Ano ang matututuhan natin sa mga probisyon ni Jehova sa paghahain ng sinaunang Israel?

11 Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay dapat maghandog ng espesipikong mga hain. (Lev. 9:1-4, 15-21) Dapat na walang kapintasan ang mga hain dahil lumalarawan iyon sa sakdal na hain ni Jesus. Bukod diyan, may espesipikong tagubilin para sa bawat uri ng handog, o hain. Pansinin ang kahilingan sa isang ina na may bagong-silang na sanggol. Sinasabi ng Levitico 12:6: “Pagkaganap ng mga araw ng kaniyang pagpapadalisay dahil sa anak na lalaki o dahil sa anak na babae ay magdadala siya ng isang batang barakong tupa na nasa unang taon nito bilang handog na sinusunog at isang inakáy na kalapati o isang batu-bato bilang handog ukol sa kasalanan sa pasukan ng tolda ng kapisanan sa saserdote.” Espesipiko ang mga kahilingan ng Diyos, pero kitang-kita sa Kautusan ang kaniyang pag-ibig at pagkamakatuwiran. Kung hindi kaya ng ina na magbigay ng isang tupa, puwede siyang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati. (Lev. 12:8) Ang mananambang ito, kahit mahirap lang, ay minamahal at pinahahalagahan tulad ng isa na nakapagbigay ng mas mahal na kaloob. Ano ang matututuhan natin dito?

12 Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na maghandog sa Diyos ng “hain ng papuri.” (Heb. 13:15) Ang ating mga labi ay dapat gumawa ng pangmadlang paghahayag tungkol sa banal na pangalan ni Jehova. Sign language ang ginagamit ng ating mga kapatid na pipi para purihin ang Diyos. Ang mga Kristiyanong hindi makalabas ng kanilang tirahan o nursing home ay pumupuri sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga caregiver at bisita, o kaya’y sa sulat at telepono. Ang ating hain ng papuri, ang paghahayag natin ng pangalan ni Jehova at ng mabuting balita, ay dapat na sa abot ng ating makakaya at hangga’t ipinahihintulot ng ating kalusugan. Dapat na iyon ang ating pinakamainam.—Roma 12:1; 2 Tim. 2:15.

13. Bakit dapat nating iulat ang nagagawa natin sa ministeryo?

13 Ang ating mga hain ng papuri ay personal na handog natin sa Diyos udyok ng pag-ibig sa kaniya. (Mat. 22:37, 38) Pero hinihilingan tayong iulat ang nagagawa natin sa ministeryo. Ano ang dapat na maging saloobin natin sa kaayusang ito? Ang pagbibigay natin ng ulat buwan-buwan ay pagpapakita ng makadiyos na debosyon. (2 Ped. 1:7) Siyempre, hindi tayo dapat mapilitang gumugol ng maraming oras sa ministeryo para lang makapag-ulat nang malaki. Sa katunayan, ang isang mamamahayag na nasa nursing home o may anumang kapansanan ay puwedeng mag-ulat ng kahit 15 minuto lang kada buwan. Tinatanggap ni Jehova ang mga minutong iyon bilang ang pinakamainam na handog ng isa at bilang kapahayagan ng pag-ibig sa Kaniya at pagpapahalaga sa pribilehiyong maging Kaniyang Saksi. Gaya ng mga Israelitang hindi makapaghandog ng mas mahal na hain, ang mga lingkod ni Jehova na may mga limitasyon ay makapag-uulat pa rin. At ang ulat ng bawat isa sa atin ay nagiging bahagi ng kabuuang ulat ng mga Saksi sa buong mundo, na nakakatulong sa organisasyon para maiplano ang gawaing pang-Kaharian. Mabigat na kahilingan ba ang pag-uulat ng nagagawa natin sa ministeryo?

MGA KAUGALIAN SA PAG-AARAL AT MGA HAIN NG PAPURI

14. Ipaliwanag kung bakit dapat nating suriin ang ating mga kaugalian sa pag-aaral.

14 Matapos talakayin ang ilang mahahalagang aral mula sa Levitico, baka masabi mo, ‘Mas naiintindihan ko na ngayon kung bakit isinama ang aklat na ito sa kinasihang Salita ng Diyos.’ (2 Tim. 3:16) Baka mas determinado ka na ngayong manatiling banal, hindi lang dahil kahilingan ito ni Jehova, kundi dahil karapat-dapat siya sa iyong pagsisikap na palugdan siya. Malamang na ang natutuhan mo tungkol sa Levitico sa dalawang artikulong ito ay nakapagpasigla sa iyo na higit pang pag-aralan ang ibang bahagi ng Bibliya. (Basahin ang Kawikaan 2:1-5.) Suriin nang may pananalangin ang mga kaugalian mo sa pag-aaral. Tiyak na gusto mong maging katanggap-tanggap kay Jehova ang iyong mga hain ng papuri. Hinahayaan mo bang maagaw ng mga palabas sa TV, video game, sports, o libangan ang panahon mo para sa espirituwal na mga bagay? Kung oo, makakatulong sa iyo ang pagbubulay-bulay sa ilang pananalita ni apostol Pablo sa aklat ng Hebreo.

Inuuna mo ba sa iyong buhay ang personal na pag-aaral at Pampamilyang Pagsamba? (Tingnan ang parapo 14)

15, 16. Bakit naging prangka si Pablo sa kaniyang liham sa mga Kristiyanong Hebreo?

15 Naging prangka si Pablo sa kaniyang liham sa mga Kristiyanong Hebreo. (Basahin ang Hebreo 5:7, 11-14.) Hindi siya nagpaligoy-ligoy! Sinabi niya na “naging mapurol” sila sa pakikinig. Bakit deretsahang magsalita si Pablo? Gaya ni Jehova, mahal niya ang mga Kristiyanong iyon at nag-aalala siya dahil kontento na lang sila sa espirituwal na gatas. Mahalaga ang mga panimulang aral ng Kristiyanismo. Pero kailangan nila ang “matigas na pagkain” para sumulong sa Kristiyanong pagkamaygulang.

16 Imbes na sumulong ang mga Kristiyanong iyon para makapagturo sa iba, sila pa ang kailangang turuan. Bakit? Dahil umiiwas sila sa “matigas na pagkain.” Tanungin ang sarili: ‘Tama ba ang saloobin ko pagdating sa matigas na pagkaing espirituwal? Kumakain ba ako nito? O kinatatamaran ko ang pananalangin at malalim na pag-aaral ng Bibliya? Kung oo, may problema kaya ako sa mga kaugalian ko sa pag-aaral?’ Ang atas natin ay hindi lang ang mangaral; kailangan din tayong magturo at gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19, 20.

17, 18. (a) Bakit mahalaga na regular tayong kumain ng matigas na pagkaing espirituwal? (b) Ano ang dapat na maging pananaw natin sa pag-inom ng alak bago dumalo ng pulong?

17 Baka nahihirapan ang marami sa atin na mag-aral ng Bibliya. Siyempre, ayaw naman ni Jehova na mag-aral tayo dahil lang sa nakokonsensiya tayo. Pero tayo man ay matagal nang nakaalay na mga lingkod ng Diyos o bago pa lang, dapat tayong patuloy na kumain ng matigas na pagkaing espirituwal. Mahalaga iyan para makapanatili tayong banal.

18 Para maging banal, dapat nating suriing mabuti ang Kasulatan at gawin ang iniuutos ng Diyos. Balikan natin ang mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu. Pinuksa sila dahil sa paghahandog ng “kakaibang apoy,” maaaring habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak. (Lev. 10:1, 2) Pansinin ang sinabi ng Diyos kay Aaron nang pagkakataong iyon. (Basahin ang Levitico 10:8-11.) Ipinakikita ba niyan na hindi tayo maaaring uminom ng alak bago dumalo sa pulong? Isaalang-alang ang mga puntong ito: Wala tayo sa ilalim ng Kautusan. (Roma 10:4) Sa ilang bansa, ang mga kapatid ay umiinom ng katamtamang dami ng inuming de-alkohol sa kanilang hapunan bago dumalo ng pulong. Apat na kopa ng alak ang ginamit sa Paskuwa. Nang pasimulan ang Memoryal, pinainom ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng alak na lumalarawan sa kaniyang dugo. (Mat. 26:27) Hinahatulan ng Bibliya ang labis na pag-inom at ang paglalasing. (1 Cor. 6:10; 1 Tim. 3:8) At maraming Kristiyano ang inuudyukan ng kanilang budhi na umiwas sa lahat ng inuming de-alkohol bago makibahagi sa anumang sagradong paglilingkod. Pero iba-iba ang kalagayan sa bawat bansa; ang mahalaga ay “makilala [ng mga Kristiyano] ang pagkakaiba sa pagitan ng banal na bagay at ng di-banal” para gumawi sila nang may kabanalan at makalugod sa Diyos.

19. (a) Ano ang dapat nating tandaan pagdating sa pampamilyang pagsamba at personal na pag-aaral? (b) Ano ang determinado mong gawin para manatiling banal?

19 Marami tayong matututuhan kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos. Gamitin ang mga pantulong sa pagsasaliksik para maging mas makabuluhan ang inyong pampamilyang pagsamba at personal na pag-aaral. Palalimin ang kaalaman mo kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Sikaping maging mas malapít sa kaniya. (Sant. 4:8) Manalangin sa Diyos gaya ng salmista, na umawit: “Alisin mo ang takip sa aking mga mata, upang makita ko ang mga kamangha-manghang bagay mula sa iyong kautusan.” (Awit 119:18) Huwag ikompromiso ang mga utos at simulain sa Bibliya. Buong-pusong sumunod sa utos ng “Isa na Banal,” si Jehova, at masigasig na makibahagi sa “banal na gawain ng mabuting balita ng Diyos.” (1 Ped. 1:15; Roma 15:16) Magpakabanal sa maligalig na mga huling araw na ito. Lahat nawa tayo ay maging banal sa ating paggawi at sa gayon ay itaguyod ang soberanya ng ating banal na Diyos, si Jehova.

^ par. 6 Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Mayo 15, 2002.