Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Ang Buhay Ko sa Paglilingkod Para sa Kaharian

Ang Buhay Ko sa Paglilingkod Para sa Kaharian

Noong 1947 sa Santa Ana, El Salvador, sinulsulan ng mga paring Katoliko ang mga tao para guluhin ang mga Saksi. Habang idinaraos ng mga kapatid ang kanilang lingguhang Pag-aaral sa Bantayan, may mga batang lalaki na nagpukol ng malalaking bato sa nakabukas na pinto ng missionary home. Sinundan ito ng prusisyon na pinangungunahan ng mga pari. Ang ilan ay may hawak na sulô; ang iba’y may dalang imahen. Dalawang oras nilang pinagbabato ang gusali habang isinisigaw: “Mabuhay ang Birhen!” at, “Mamatay nawa si Jehova!” Panakot iyon sa mga misyonero para umalis sila. Alam ko, dahil isa ako sa mga misyonero at naroon ako sa pulong na iyon 67 taon na ang nakalilipas. *

DALAWANG taon bago nito, ako at si Evelyn Trabert, na kapartner ko sa pagmimisyonero, ay nagtapos sa ikaapat na klase ng Watchtower Bible School of Gilead, na noon ay malapit sa Ithaca, New York. Inatasan kaming maglingkod sa Santa Ana. Pero bago ko ipagpatuloy ang maikling kuwento tungkol sa halos 29 na taon ko sa pagmimisyonero, ikukuwento ko muna kung bakit ko pinasok ang gawaing iyan.

ANG ESPIRITUWAL NA PAMANA SA AKIN

Ang mga magulang ko, sina John at Eva Olson, ay nakatira sa Spokane, Washington, E.U.A., nang isilang ako noong 1923. Mga Luterano sila, pero hindi sila naniniwala sa turo ng simbahan tungkol sa impiyerno, dahil hindi nila ito maitugma sa kanilang paniniwala na ang Diyos ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Nagtatrabaho si Tatay sa isang bakery, at isang gabi, sinabi sa kaniya ng katrabaho niya na hindi itinuturo ng Bibliya na ang impiyerno ay lugar ng pagpapahirap. Di-nagtagal, nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ang mga magulang ko, at natutuhan nila kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay.

Siyam na taon lang ako noon, pero natatandaan ko pa kung gaano kasaya ang mga magulang ko dahil sa mga natutuhan nila sa Bibliya. Lalo pa silang natuwa nang malaman nila ang pangalan ng tunay  na Diyos, Jehova, at mapalaya sila mula sa nakalilitong turo ng Trinidad. Natutuhan ko rin ang magagandang turong iyon ng Bibliya, ang ‘katotohanan na nagpapalaya’ sa isang tao. (Juan 8:32) Kaya kahit kailan, hindi ko naisip na nakakainip ang pag-aaral ng Bibliya, at lagi akong nasisiyahang suriin ito. Kahit mahiyain ako, sumasama ako sa mga magulang ko sa pangangaral. Nabautismuhan sila bilang mga lingkod ni Jehova noong 1934, at ako naman noong 1939 sa edad na 16.

Kasama sina Nanay at Tatay sa asamblea noong 1941 sa St. Louis, Missouri

Noong Hulyo 1940, ibinenta ng mga magulang ko ang bahay namin, at nagsimula kaming maglingkod nang buong panahon bilang mga payunir sa Coeur d’Alene, Idaho. Nangupahan kami sa isang apartment sa itaas ng isang talyer. Nagsilbi ring pulungan ang aming tirahan. Noong panahong iyon, iilang kongregasyon ang may Kingdom Hall kaya nagpupulong ang mga kapatid sa mga bahay o mga nirentahang kuwarto.

Noong 1941, dumalo kami sa asamblea sa St. Louis, Missouri. Ang araw ng Linggo ay “Araw ng mga Kabataan,” kaya pinaupo sa harap mismo ng entablado ang mga kabataang edad 5 hanggang 18. Sa pagtatapos ng pahayag ni Joseph F. Rutherford, sinabi niya sa mga kabataan: “Kayong lahat . . . na mga kabataan na . . . sumang-ayong sundin ang Diyos at ang kaniyang Hari, pakisuyong tumayo kayo!” Tumayo kaming lahat. Pagkatapos, malakas na sinabi ni Brother Rutherford: “Narito, mahigit na 15,000 bagong mga saksi para sa Kaharian!” Nang sandaling iyon, lalong tumibay ang pasiya kong gawing karera ang pagpapayunir.

MGA ATAS NG AMING PAMILYA

Ilang buwan pagkatapos ng asamblea sa St. Louis, lumipat kaming mag-anak sa timugang California. Inatasan kaming bumuo ng kongregasyon sa lunsod ng Oxnard. Nakatira kami sa isang maliit na trailer na may isang kama. Gabi-gabi, ginagawa naming “kama” ko ang aming mesa—ibang-iba kaysa noong may sarili akong kuwarto.

Bago kami dumating sa California, inatake ng Japan ang Pearl Harbor sa Hawaii, noong Disyembre 7, 1941. Kinabukasan, sumali ang Estados Unidos sa Digmaang Pandaigdig II. Dahil may mga submarino ng Japan na nagpapatrulya sa baybayin ng California, nagpatupad ang mga awtoridad ng blackout. Kailangan naming patayin ang lahat ng ilaw kapag gabi. Makakatulong ito para walang ma-target ang mga Hapon.

Makalipas ang ilang buwan, noong Setyembre 1942, dumalo kami sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea sa Cleveland, Ohio. Napakinggan namin ang pahayag ni Nathan H. Knorr na “Kapayapaan— Mananatili ba Ito?” Tinalakay niya ang Apocalipsis kabanata 17, kung saan inilalarawan ang isang “mabangis na hayop” na “naging siya, ngunit wala na, at gayunma’y malapit nang umahon mula sa kalaliman.” (Apoc. 17:8, 11) Ipinaliwanag ni Brother Knorr na ang “mabangis na hayop” ay ang Liga ng mga Bansa na naging di-aktibo noong 1939. Inihula ng Bibliya na ang Liga ay hahalinhan, na susundan ng isang panahon ng relatibong kapayapaan. At noong 1945, nagwakas nga ang Digmaang Pandaigdig II. Pagkatapos nito, muling lumitaw ang “hayop” bilang ang United Nations. Mula noon, pinalawak pa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pambuong-daigdig na pangangaral, at napakalaki nga ng naging pagsulong!

Ang diploma ko sa Gilead

Natulungan ako ng hulang iyan para maunawaan ang mga susunod na mangyayari. Nang ipatalastas na magsisimula ang Paaralang Gilead sa susunod na taon, pinangarap kong magmisyonero. Noong 1943,  naatasan akong magpayunir sa Portland, Oregon. Nagpapatugtog kami noon ng mga sermon sa pintuan ng may-bahay gamit ang ponograpo. Pagkatapos, nag-aalok kami ng mga literatura tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa buong taóng iyon, hindi maalis sa isip ko ang pagmimisyonero.

Noong 1944, tuwang-tuwa akong makatanggap ng paanyayang mag-aral sa Gilead kasama ang kaibigan kong si Evelyn Trabert. Sa loob ng limang buwan, ipinakita ng mga instruktor namin kung paano kami masisiyahan sa pag-aaral ng Bibliya. Kahanga-hanga ang kanilang kapakumbabaan. Kung minsan, ang mga brother na ito ang nagsisilbing waiter habang kumakain kami. Nagtapos kami noong Enero 22, 1945.

ANG ATAS KO BILANG MISYONERO

Ako at si Evelyn, pati sina Leo at Esther Mahan, ay inatasan sa El Salvador, at dumating kami roon noong Hunyo 1946. Nakita namin na ang mga teritoryo doon ay “mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Ipinakikita ng pangyayaring ikinuwento ko sa simula kung gaano katindi ang galit ng mga klero. Isang linggo bago noon, idinaos ang una naming pansirkitong asamblea sa Santa Ana. Ipinag-anyaya namin sa publiko ang pahayag pangmadla at tuwang-tuwa kami na halos 500 ang dumalo. Imbes na matakot at umalis, naging mas determinado kaming manatili at tulungan ang mga tapat-puso. Kahit pinagbawalan ng mga klero ang mga tao na magbasa ng Bibliya at kaunti lang ang kayang bumili ng sarili nilang kopya, marami pa rin ang uháw sa katotohanan. Pinahalagahan ng mga tao ang pagsisikap naming matuto ng Spanish para maituro sa kanila ang tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova, at sa kaniyang napakagandang pangako na muling gawing paraiso ang lupa.

Lima mula sa aming klase sa Gilead na ipinadala sa El Salvador. Mula kaliwa pakanan: Evelyn Trabert, Millie Brashier, Esther Mahan, ako, at Leo Mahan

Si Rosa Ascencio ang isa sa mga una kong estudyante. Nang magsimula siyang mag-aral ng Bibliya, nakipaghiwalay siya sa lalaking kinakasama niya. Nang maglaon, nag-aral din ng Bibliya ang lalaking iyon. Nagpakasal sila, nabautismuhan, at naging masisigasig na Saksi ni Jehova. Si Rosa ang unang payunir na taga-Santa Ana. *

May maliit na tindahan ng groseri si Rosa. Kapag lumalabas siya sa larangan, isinasara niya ito at nagtitiwalang ilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan niya. Pagbalik niya sa tindahan makalipas ang ilang oras, nagdaratingan ang mga kostumer. Napatunayan niya mismo kung gaano katotoo ang Mateo 6:33, at nanatili siyang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan.

Sa isang pagkakataon naman, pinuntahan ng pari ang kasero ng bahay na inuupahan namin; anim kaming misyonero na nakatira doon. Pinagbantaan siya ng pari na kung hindi kami paaalisin, ititiwalag silang mag-asawa sa simbahan. Ang kasero, na isang kilaláng negosyante, ay dismayado na sa ginagawa ng mga klero kaya binale-wala niya ang pananakot. Sinabi pa nga niya sa pari na okey lang sa kaniya na matiwalag sa simbahan. Tiniyak niya sa amin na puwede kaming tumira doon hangga’t gusto namin.

 NAGING SAKSI ANG ISANG RESPETADONG MAMAMAYAN

Ang tanggapang pansangay na itinayo noong 1955

Sa lunsod ng San Salvador, ang kabisera, isang misyonero ang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa asawa ng inhinyerong si Baltasar Perla. Ang mabait na taong ito ay nawalan ng pananampalataya sa Diyos dahil sa pagpapaimbabaw ng mga lider ng relihiyon. Nang kailanganing magtayo ng tanggapang pansangay, nagboluntaryo si Baltasar na tumulong sa pagdidisenyo at pagtatayo nito nang walang bayad, bagaman wala pa siya sa katotohanan.

Pagkatapos makatrabaho ni Baltasar ang mga Saksi sa proyekto ng pagtatayo, nakumbinsi siya na natagpuan na niya ang tunay na relihiyon. Nabautismuhan siya noong Hulyo 22, 1955, at di-nagtagal, pati ang kaniyang asawang si Paulina. Tapat ding naglilingkod kay Jehova ang kanilang dalawang anak. Ang anak nilang si Baltasar, Jr. ay 49 na taon nang naglilingkod sa Bethel sa Brooklyn, kung saan sinusuportahan niya ang lumalawak na pambuong-daigdig na pangangaral. Miyembro siya ngayon ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos. *

Nang magsimula kaming magdaos ng mga kombensiyon sa San Salvador, tinulungan kami ni Brother Perla para magamit namin ang isang malaking gymnasium. Noong una, ilang seksiyon lang nito ang ginagamit namin; pero dahil sa pagpapala ni Jehova, patuloy kaming dumami taon-taon hanggang sa mapuno ang gymnasium, at nang bandang huli ay hindi na kami magkasya roon. Sa masasayang okasyong ito, nakita ko ang mga dati kong Bible study. Masayang-masaya ako kapag ipinakikilala sa akin ng mga dati kong estudyante ang mga “apo” ko—mga bagong-bautismo na ini-study nila!

Kinakausap ni Brother F. W. Franz ang mga misyonero sa isang kombensiyon

Sa isang asamblea, isang brother ang lumapit sa akin at nagsabing may ipagtatapat siya. Hindi ko siya kilala kaya nagtaka ako. Sinabi niya, “Isa po ako sa mga batang nambato sa inyo noon sa Santa Ana.” Tuwang-tuwa ako kasi kasama ko na siya ngayon sa paglilingkod kay Jehova! Napatunayan ko sa pag-uusap na iyon na ang buong-panahong paglilingkod ang pinakamakabuluhang karera na mapipili ninuman.

Ang unang pansirkitong asamblea na dinaluhan namin sa El Salvador

 MGA DESISYONG HINDI KO PINAGSISIHAN

Sa loob ng halos 29 na taon, nagpatuloy ako sa pagmimisyonero sa El Salvador; una ay sa lunsod ng Santa Ana, pagkatapos ay sa Sonsonate, sumunod ay sa Santa Tecla, at pinakahuli ay sa San Salvador. Noong 1975, matapos akong mag-isip na mabuti at manalangin nang maraming ulit, nagpasiya akong huminto sa pagmimisyonero at bumalik sa Spokane. Kailangan kong tulungan ang aking tapat na mga magulang na may-edad na.

Pagkamatay ni Tatay noong 1979, inalagaan ko si Nanay, na unti-unti nang humihina. Makalipas ang walong taon, namatay siya sa edad na 94. Sa mahirap na panahong iyon, damang-dama ko ang pagod at hirap ng kalooban. Dahil sa stress, nagkaroon ako ng shingles, isang makirot na sakit. Pero sa tulong ng panalangin at sa maibiging pag-alalay ni Jehova, nakayanan ko ang mga pagsubok na iyon. Gaya nga ng sinabi ni Jehova, ‘hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy ko siyang dadalhin at papasanin at paglalaanan ng pagtakas.’Isa. 46:4.

Noong 1990, lumipat ako sa Omak, Washington. Nakatulong uli ako sa teritoryong gumagamit ng Spanish, at ilang Bible study ko ang nagpabautismo. Nang hindi ko na maasikaso ang bahay ko, lumipat ako noong Nobyembre 2007 sa isang apartment sa kalapít na bayan, sa Chelan, Washington. Laking pasasalamat ko dahil inaalalayan ako ng kongregasyong Spanish dito. Ako ang nag-iisang may-edad na Saksi sa kongregasyon kaya “inampon” ako ng mga kapatid bilang kanilang “lola.”

Bagaman ipinasiya kong hindi na mag-asawa at magpamilya para lubusang makapaglingkod nang “walang abala,” marami akong espirituwal na anak. (1 Cor. 7:34, 35) Naisip ko na sa kasalukuyang sistema, imposibleng magawa ko ang lahat. Kaya inuna ko ang mas mahalaga—ang aking pasiyang paglingkuran si Jehova nang buong puso. Sa bagong sanlibutan, marami nang panahon para masiyahan sa lahat ng mabubuting gawain. Paborito kong teksto ang Awit 145:16, na tumitiyak sa atin na ‘sasapatan ni Jehova ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’

Parang hindi ako tumatanda dahil sa pagpapayunir

Sa edad na 91, mabuti-buti pa ang kalusugan ko, kaya nagpapayunir pa rin ako. Dahil sa buong-panahong paglilingkod, may layunin ang buhay ko at parang hindi ako tumatanda. Nang una akong dumating sa El Salvador, nagsisimula pa lang ang gawaing pangangaral doon. Sa kabila ng walang-lubay na pagsalansang ni Satanas, mayroon na ngayong mahigit 39,000 mamamahayag sa bansang iyon. Talagang napatibay nito ang pananampalataya ko. Maliwanag, sinusuportahan ng banal na espiritu ni Jehova ang pagsisikap ng kaniyang bayan!

^ par. 4 Tingnan ang 1981 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 45-46.

^ par. 19 1981 Yearbook, pahina 41-42.

^ par. 24 1981 Yearbook, pahina 66-67, 74-75.