“Patagin Mo ang Landasin ng Iyong Paa” Para Sumulong Ka
NANG umalis ang bayan ng Diyos sa Babilonya noong 537 B.C.E., nagbigay si Jehova ng tagubilin tungkol sa rutang daraanan nila pabalik sa Jerusalem. Sinabi niya sa kanila: “Hawanin ninyo ang daan ng bayan. Tambakan ninyo, tambakan ninyo ang lansangang-bayan. Alisan ninyo iyon ng mga bato.” (Isa. 62:10) Paano kaya nila ito ginawa? Maaaring may mga Judio na nauna para ayusin ang daan, tambakan ang mga lubak, at alisin ang mga nakaharang na bato. Tiyak na nakatulong ito para maging mas maginhawa ang paglalakbay ng mga kababayan nila pauwi sa kanilang lupain.
Parang ganiyan din ang daan patungo sa mga espirituwal na tunguhin. Gusto ni Jehova na walang makasagabal sa pagtahak ng mga lingkod niya sa daang ito. Hinihimok tayo ng kaniyang Salita: “Patagin mo ang landasin ng iyong paa, at maitatag nawa nang matibay ang lahat ng iyong lakad.” (Kaw. 4:26) Kabataan ka man o hindi, makikinabang ka sa payong ito ng Diyos.
MAGING MATALINO SA PAGDEDESISYON
May narinig ka na sigurong nagsabi tungkol sa isang tin-edyer: ‘Malayo ang mararating niya.’ Kadalasan, ang mga kabataan ay malalakas, matatalas ang isip, at pursigidong magtagumpay. Tama ang sinasabi ng Bibliya: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan.” (Kaw. 20:29) Kapag ginagamit ng isang kabataan ang kaniyang kakayahan at lakas sa paglilingkod kay Jehova, makakaabót siya ng mga espirituwal na tunguhin at magiging tunay na maligaya.
Gayunman, nakikita rin ng mga tagasanlibutan ang kakayahan ng ating mga kabataan. Kapag ang isang kabataang Saksi ay mahusay sa paaralan, baka kumbinsihin siya ng kaniyang mga guro at kaklase na kumuha ng mataas na edukasyon para magtagumpay sa sanlibutang ito. O kung magaling naman ito sa sports, baka hikayatin siya ng iba na gawin itong karera. Nangyari na ba iyan sa iyo, o may kilala
ka ba na nakakaranas ng ganiyang panggigipit? Ano ang makakatulong sa isang Kristiyano na maging matalino sa pagdedesisyon?Makakatulong ang mga simulain sa Bibliya para makapaghanda ang isa sa pagtahak sa pinakamainam na daan ng buhay. “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan,” ang sabi ng Eclesiastes 12:1. Paano lubusang ‘aalalahanin ng isa ang kaniyang Dakilang Maylalang’?
Pag-isipan ang karanasan ni Eric * na taga-West Africa. Gustong-gusto niyang maglaro ng soccer. Sa edad na 15, napili siyang maglaro sa national team. Kaya di-magtatagal, posibleng ipadala siya sa Europe para tumanggap ng pinakamahusay na pagsasanay at maging propesyonal na soccer player. Pero paano kaya makakaapekto sa kaniya ang payong ‘alalahanin ang Dakilang Maylalang’? At ano ang matututuhan mo o ng kaibigan mong kabataan sa karanasan ni Eric?
Noong estudyante pa si Eric, nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Natutuhan niya na ang Maylalang ang lulutas sa lahat ng problema ng tao. Nakita niya na mahalagang gamitin niya ang kaniyang panahon at lakas sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Kaya imbes na piliing maging propesyonal na soccer player, nagpabautismo siya at naging masigasig sa espirituwal. Nang maglaon, naging ministeryal na lingkod siya at naimbitahang mag-aral sa Bible School for Single Brothers.
Kung karera sa sports ang pinili ni Eric, baka sikát at mayaman na siya ngayon. Pero kumbinsido siyang totoo ang simulain sa Bibliya: “Ang mahahalagang pag-aari ng mayaman ay kaniyang matibay na bayan, at ang mga iyon ay gaya ng pananggalang na pader sa kaniyang guniguni.” (Kaw. 18:11) Oo, ilusyon lang ang seguridad na maibibigay ng kayamanan. At kadalasan na, dahil sa pagpupursigi ng iba na yumaman, “napagsasaksak [nila] ng maraming kirot ang kanilang sarili.”
Nakakatuwa na maraming kabataan ang naging maligaya at panatag dahil sa paglilingkod nang buong panahon. Sinabi ni Eric: “Kasali na ako ngayon sa malaking ‘team’ ng mga buong-panahong lingkod ni Jehova. Ito ang pinakamagaling na team na masasalihan ko, at nagpapasalamat ako kay Jehova na itinuro niya sa akin ang tanging daan tungo sa tunay na kaligayahan at tagumpay.”
Kumusta ka naman? Sa halip na mag-ambisyon sa sanlibutang ito, bakit hindi mo itatag nang matibay ang “iyong lakad” sa harap ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapayunir?
ALISIN ANG MGA SAGABAL SA IYONG DAAN
Isang mag-asawa ang bumisita sa tanggapang pansangay sa Estados Unidos, at nakita nila na masasaya ang mga Bethelite doon. Nang maglaon, isinulat ng sister: “Masyado kaming naging kampante sa buhay namin.” Kaya nagdesisyon silang mag-asawa na higit na gamitin ang kanilang panahon at lakas sa paglilingkod kay Jehova.
Noong una, parang hiráp gumawa ng mga pagbabago ang mag-asawa. Pero minsan, tinalakay sa pang-araw-araw na teksto ang sinabi ni Jesus sa Juan 8:31: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko.” Naisip nila: “Sulit ang anumang sakripisyong gagawin natin para pasimplehin ang ating buhay.” Ibinenta nila ang kanilang malaking bahay, inalis ang mga bagay na hindi kailangan, at lumipat sila sa kongregasyong nangangailangan ng tulong. Payunir na sila ngayon, pero tumutulong din sila sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at nagboboluntaryo sa mga pandistritong kombensiyon. Ano ang nadarama nila? “Hindi namin akalain na ganito pala kasaya ang pamumuhay nang simple, gaya ng ipinapayo sa atin ng organisasyon ni Jehova.”
MANATILI SA DAAN PATUNGO SA ESPIRITUWAL NA PAGSULONG
Isinulat ni Solomon: “Kung tungkol sa iyong mga mata, dapat itong tumingin nang deretso sa unahan, oo, ang iyong nagniningning na mga mata ay dapat tumitig sa mismong harap mo.” (Kaw. 4:25) Tulad ng isang drayber na nakapokus sa daan, dapat din tayong magpokus sa ating mga espirituwal na tunguhin at iwasan ang anumang makakahadlang dito.
Ano bang mga espirituwal na tunguhin ang puwede mong abutin? Magandang tunguhin ang buong-panahong paglilingkod. Maaari ka ring maglingkod sa isang kalapít na kongregasyon na malaki ang teritoryo at nangangailangan ng makaranasang mga mamamahayag. *
O baka puwede kang maglingkod sa isang kongregasyon na marami ang mamamahayag pero kulang naman ng mga elder at ministeryal na lingkod. Bakit hindi makipag-usap sa inyong tagapangasiwa ng sirkito para malaman kung puwede kang makatulong? Kung gusto mo namang maglingkod sa mas malalayong kongregasyon na nangangailangan ng tulong, maaari kang humingi ng impormasyon tungkol dito.Balikan natin ang Isaias 62:10. Malamang na talagang pinagsikapan ng ilang Judio na patagin at ayusin ang daan para makauwi ang bayan ng Diyos sa kanilang lupain. Kung nagsisikap kang umabót ng mga espirituwal na tunguhin, huwag kang susuko. Sa tulong ng Diyos, maaabot mo ang mga iyon. Patuloy na humingi ng karunungan kay Jehova habang sinisikap mong alisin ang mga sagabal sa harap mo. Di-magtatagal, makikita mo kung paano ka niya tutulungang “patagin . . . ang landasin ng iyong paa.”