Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Masdan ang Kaigayahan ni Jehova’

‘Masdan ang Kaigayahan ni Jehova’

Napakalaki ng puwedeng maging epekto sa atin ng mabibigat na problema—iyon ang laging naiisip natin, nasasaid ang ating lakas, at nagiging negatibo tayo. Si Haring David ng sinaunang Israel ay dumanas ng maraming problema. Paano niya ito hinarap? Sa isang nakaaantig na awit, sinabi ni David: “Sa pamamagitan ng aking tinig ay humingi ako ng saklolo kay Jehova; sa pamamagitan ng aking tinig ay humiling ako ng lingap kay Jehova. Sa harap niya ay patuloy kong ibinuhos ang aking pagkabahala; sa harap niya ay patuloy kong isinaysay ang tungkol sa aking kabagabagan, nang ang aking espiritu ay manlupaypay sa loob ko. Sa gayon ay nalaman mo ang aking daan.” Oo, mapagpakumbabang nanalangin si David sa Diyos para humingi ng tulong.Awit 142:1-3.

Kapag may mabibigat na problema, mapagpakumbabang humihingi ng tulong si David kay Jehova

Sa isa pang awit, sinabi ni David: “Isang bagay ang hinihiling ko kay Jehova—ito ang hahanapin ko, na ako ay makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kaigayahan ni Jehova at tumingin nang may pagpapahalaga sa kaniyang templo.” (Awit 27:4) Hindi Levita si David, pero isip-isiping nakatayo siya sa labas ng banal na looban, malapit sa pinakasentro ng tunay na pagsamba. Punô ng pasasalamat ang puso ni David at gusto niyang manatili roon para “mamasdan ang kaigayahan ni Jehova.”

Ang salitang “kaigayahan” ay iniuugnay sa pagiging “kaayaaya sa isip, damdamin, o mga pandamdam.” Laging pinahahalagahan ni David ang kaayusan ng Diyos sa pagsamba. Makabubuting itanong sa sarili, ‘Ganoon din ba ang nadarama ko?’

“TUMINGIN NANG MAY PAGPAPAHALAGA” SA KAAYUSAN NG DIYOS

Sa ngayon, ang kaayusan ni Jehova para sa paglapit sa kaniya ay hindi na nakasentro sa isang gusali. Sa halip, nasasangkot dito ang dakilang espirituwal na templo ng Diyos—ang sagradong kaayusan para sa tunay na pagsamba. * Kung ‘titingin tayo nang may pagpapahalaga’ sa kaayusang ito, ‘mamamasdan din natin ang kaigayahan ni Jehova.’

Isaalang-alang ang tansong altar ng handog na sinusunog na nasa harap ng pasukan ng tabernakulo. (Ex. 38:1, 2; 40:6) Ang altar na iyon ay lumalarawan sa pagiging handa ng Diyos na tanggapin ang buhay-tao ni Jesus bilang hain. (Heb. 10:5-10) Isip-isipin ang kahulugan niyan para sa atin! Isinulat ni apostol Pablo: “Noong tayo ay mga kaaway pa, naipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Roma 5:10) Kung mananampalataya tayo sa itinigis na dugo ni Jesus, matatamasa natin ang pagsang-ayon at pagtitiwala ng Diyos bilang kaibigan niya. Sa gayon, magkakaroon tayo ng “matalik na kaugnayan kay Jehova.”Awit 25:14.

Dahil ‘pinapawi ang ating mga kasalanan,’ nakararanas tayo ng ‘mga kapanahunan ng pagpapaginhawa mula kay Jehova.’ (Gawa 3:19) Maikukumpara tayo sa isang bilanggo na nagsisi at lubos na nagbago habang hinihintay ang pagbitay sa kaniya. Nang malaman ito ng mabait na hukom, pinawalang-sala niya ang taong iyon at inalis ang sentensiyang kamatayan. Tiyak na tuwang-tuwa ang bilanggo! Tulad ng hukom, kinaaawaan ni Jehova ang mga taong nagsisisi at inaalis sa kanila ang hatol na kamatayan.

MASIYAHAN SA TUNAY NA PAGSAMBA

Ang ilang aspekto ng tunay na pagsamba na naobserbahan ni David sa bahay ni Jehova ay ang pagtitipon ng mga kapuwa niya Israelita, pangmadlang pagbabasa at pagpapaliwanag ng Kautusan, pagsusunog ng insenso, at ang sagradong paglilingkod ng mga saserdote at Levita. (Ex. 30:34-38; Bil. 3:5-8;  Deut. 31:9-12) Ang mga bahaging ito ng tunay na pagsamba sa sinaunang Israel ay may katumbas sa ngayon.

Gaya rin noon, “anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” (Awit 133:1) Napakalaki na ng ating pandaigdig na “samahan ng mga kapatid.” (1 Ped. 2:17) Ang Salita ng Diyos ay binabasa at ipinaliliwanag sa ating mga pulong. Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, naglalaan si Jehova ng mahusay na programa ng pagtuturo. Sagana rin tayo sa mga inimprentang espirituwal na pagkain para sa personal at pampamilyang pag-aaral. Isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang nagsabi: “Sa pagbubulay-bulay sa Salita ni Jehova, sa kahulugan nito, at sa paghahanap ng karunungan at unawa, ang aking buhay ay napunô ng espirituwal na mga kayamanan at kasiyahan.” Oo, ‘ang kaalaman ay maaaring maging kaiga-igaya sa ating kaluluwa.’Kaw. 2:10.

Sa ngayon, ang katanggap-tanggap na mga panalangin ng mga lingkod ng Diyos ay pumapailanlang kay Jehova araw-araw. Para sa kaniya, ang gayong mga panalangin ay tulad ng mabangong amoy ng insenso. (Awit 141:2) Napakasarap ngang isipin na nalulugod si Jehova sa mapagpakumbabang mga panalangin natin!

Nanalangin si Moises: “Sumaamin nawa ang kaigayahan ni Jehova na aming Diyos, at ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo nga nang matibay.” (Awit 90:17) Habang masigasig tayong nakikibahagi sa ministeryo, pinagpapala ni Jehova ang ating gawain. (Kaw. 10:22) Maaaring may mga natulungan na tayong makaalam ng katotohanan. Baka patuloy tayong nagbabata sa ministeryo sa kabila ng kawalang-interes ng mga tao, pag-uusig, pagkakasakit, o paghihirap ng kalooban. (1 Tes. 2:2) Gayunman, hindi ba’t namamasdan natin “ang kaigayahan ni Jehova” at nauunawaang natutuwa siya sa mga pagsisikap natin?

“Si Jehova ang sukat ng aking takdang bahagi at ng aking kopa,” ang sabi ni David. “Hinahawakan mong mahigpit ang aking kahinatnan. Ang mga pising panukat ay nahulog para sa akin sa mga kaiga-igayang dako.” (Awit 16:5, 6) Ipinagpapasalamat ni David ang kaniyang “takdang bahagi,” ibig sabihin, ang pagkakaroon niya ng mabuting kaugnayan kay Jehova at ng pribilehiyong maglingkod sa Kaniya. Gaya ni David, maaaring dumaranas tayo ng mga problema, pero napakarami naman nating espirituwal na pagpapala! Kaya patuloy sana tayong masiyahan sa tunay na pagsamba at “tumingin nang may pagpapahalaga” sa espirituwal na templo ni Jehova.

^ par. 6 Tingnan ang Bantayan, Hulyo 1, 1996, pahina 14-24.