Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sambahin si Jehova, ang Haring Walang Hanggan

Sambahin si Jehova, ang Haring Walang Hanggan

“Sa Haring walang hanggan . . . ay maukol nawa ang karangalan at kaluwalhatian magpakailan-kailanman.”1 TIM. 1:17.

1, 2. (a) Sino ang “Haring walang hanggan,” at bakit angkop sa kaniya ang titulong iyan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.) (b) Ano ang nag-uudyok sa atin na maging malapít kay Jehova?

SI Haring Sobhuza II ng Swaziland ay namahala nang halos 61 taon. Kahanga-hangang rekord iyan para sa isang monarka sa ating panahon. Pero may isang hari na ang pamamahala ay di-hamak na mas mahaba kaysa riyan. Sa katunayan, tinukoy siya ng Bibliya bilang “Haring walang hanggan.” (1 Tim. 1:17) Ipinakilala ng salmista ang Soberanong iyon sa pagsasabi: “Si Jehova ang Hari hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”Awit 10:16.

2 Dahil ang pamamahala ng Diyos ay walang hanggan, ibang-iba ito sa pamamahala ng tao. Pero ang paraan ng pamamahala ni Jehova ang nag-uudyok sa atin na maging malapít sa kaniya. Isang hari na namahala sa sinaunang Israel sa loob ng 40 taon ang pumuri sa Diyos: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Itinatag ni Jehova nang matibay ang kaniyang trono sa mismong langit; at ang kaniyang paghahari ay nagpupuno sa lahat.” (Awit 103:8, 19) Si Jehova ay hindi lang ating Hari; siya rin ay ating Ama—ang mapagmahal nating Ama sa langit. Kaya dalawang tanong ang bumabangon: Paano kumikilos si Jehova bilang Ama? Paano siya kumikilos bilang Hari mula nang maganap ang paghihimagsik sa Eden? Ang sagot sa mga iyan ay mag-uudyok sa atin na maging mas malapít  kay Jehova at sumamba sa kaniya nang buong puso.

LUMALANG NG PANSANSINUKOB NA PAMILYA ANG HARING WALANG HANGGAN

3. Sino ang unang miyembro ng pansansinukob na pamilya ni Jehova? Sino pa ang nilalang ng Diyos bilang kaniyang “mga anak”?

Tiyak na napakasaya ni Jehova nang lalangin niya ang kaniyang bugtong na Anak! Hindi niya itinuring ang panganay niya bilang isang hamak na sakop. Sa halip, minahal niya ito bilang Anak at inanyayahang makibahagi sa paglalang ng iba pang sakdal na nilikha. (Col. 1:15-17) Kasama riyan ang milyun-milyong anghel. Bilang “mga lingkod niya, na gumagawa ng kaniyang kalooban,” masayang pinaglilingkuran ng mga anghel ang Diyos, at binibigyang-dangal naman sila ni Jehova sa pagtawag sa kanila na kaniyang “mga anak.” Bahagi sila ng pansansinukob na pamilya ni Jehova.Awit 103:20-22; Job 38:7.

4. Paano naging bahagi ng pansansinukob na pamilya ng Diyos ang mga tao?

4 Nang malalang na ni Jehova ang pisikal na langit at lupa, pinalawak pa niya ang kaniyang pansansinukob na pamilya. Matapos ihanda ang lupa bilang isang maganda at kumpletong tahanan, nilalang ni Jehova ang pinakaespesyal sa lahat ng kaniyang mga nilikha sa lupa, ang unang taong si Adan, na ginawa ayon sa Kaniyang larawan. (Gen. 1:26-28) Bilang Maylalang, angkop lang na asahan ni Jehova na magiging masunurin si Adan. Bilang Ama, maibigin at may-kabaitang ibinigay ni Jehova ang kaniyang mga tagubilin. Hindi labis na nilimitahan ng mga utos na iyon ang kalayaan ng tao.Basahin ang Genesis 2:15-17.

5. Anong kaayusan ang ginawa ng Diyos para mapuno ng mga tao ang lupa?

5 Di-tulad ng maraming taong monarka, nalulugod si Jehova na mag-atas ng mga pananagutan sa kaniyang mga sakop, at pinagkakatiwalaan niya sila bilang mga miyembro ng kaniyang pamilya. Halimbawa, binigyan niya si Adan ng awtoridad sa iba pang nilalang na buháy; inatasan pa nga niya ito na pangalanan ang mga hayop, isang gawaing kasiya-siya pero hindi madali. (Gen. 1:26; 2:19, 20) Hindi lumalang ang Diyos ng milyun-milyong indibiduwal na taong sakdal para punuin ang lupa. Sa halip, isang sakdal na kapupunan ang nilalang niya para kay Adan—ang babaing si Eva. (Gen. 2:21, 22) Pagkatapos, binigyan niya ang mag-asawang ito ng pagkakataong punuin ang lupa ng mga supling nila. Sa ilalim ng perpektong mga kalagayan, unti-unti nilang gagawing Paraiso ang buong daigdig. Kaisa ng mga anghel sa langit, sasambahin nila si Jehova magpakailanman bilang bahagi ng kaniyang pansansinukob na pamilya. Napakaganda ngang pribilehiyo! At isang kahanga-hangang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova bilang Ama!

TINANGGIHAN NG REBELDENG MGA ANAK ANG PAGHAHARI NG DIYOS

6. (a) Paano nagsimula ang paghihimagsik sa pamilya ng Diyos? (b) Bakit hindi iyon nangangahulugang wala nang kontrol si Jehova sa mga bagay-bagay?

6 Nakalulungkot, tinanggihan nina Adan at Eva si Jehova bilang kanilang Tagapamahala. Pinili nilang sumunod sa rebeldeng espiritung anak ng Diyos, si Satanas. (Gen. 3:1-6) Nagdulot ito sa kanila at sa kanilang mga anak ng kirot, pagdurusa, at kamatayan. (Gen. 3:16-19; Roma 5:12) Nawalan noon ng masunuring mga sakop ang Diyos sa lupa. Ibig bang sabihin, hindi na niya kontrolado ang mga bagay-bagay sa lupa at tinalikuran na niya ang pamamahala rito at sa mga tao? Hindi! Ipinakita niya ang kaniyang awtoridad nang palayasin niya ang lalaki at babae mula sa hardin ng Eden, at naglagay siya ng mga bantay na kerubin sa pasukan nito para hindi sila makabalik. (Gen. 3:23, 24) Kasabay nito, ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig bilang Ama; tiniyak niyang matutupad ang kaniyang layuning magkaroon ng pansansinukob na pamilya na binubuo ng tapat na mga  espiritu at mga tao. Nangako siya ng isang “binhi” na pupuksa kay Satanas at mag-aalis sa lahat ng epekto ng kasalanan ni Adan.Basahin ang Genesis 3:15.

7, 8. (a) Gaano kasamâ ang mga kalagayan noong panahon ni Noe? (b) Ano ang ginawa ni Jehova para linisin ang lupa at ingatan ang pamilya ng tao?

7 Sa sumunod na mga siglo, pinili ng ilang tao na maging tapat kay Jehova. Kasama rito sina Abel at Enoc. Pero tinanggihan ng karamihan si Jehova bilang kanilang Ama at Hari. Pagsapit ng panahon ni Noe, ang lupa ay “napuno ng karahasan.” (Gen. 6:11) Ibig bang sabihin, hindi na kontrolado ni Jehova ang mga nangyayari sa lupa? Ano ang ipinakikita ng kasaysayan?

8 Pansinin ang ulat tungkol kay Noe. Binigyan ni Jehova si Noe ng detalyadong plano at tagubilin para makagawa ng isang napakalaking arka na magliligtas sa kaniya at sa pamilya niya. Nagpakita rin ang Diyos ng malaking pag-ibig sa lahat ng tao nang atasan niya si Noe na maging “mangangaral ng katuwiran.” (2 Ped. 2:5) Tiyak na kasama sa mensahe ni Noe ang panawagang magsisi at ang babalang may darating na pagkapuksa, pero walang nakinig. Sa loob ng maraming dekada, namuhay si Noe at ang pamilya niya sa gitna ng marahas at napakaimoral na daigdig. Bilang mapagmalasakit na Ama, pinrotektahan at pinagpala ni Jehova ang walong tapat na taong iyon. Nang magpasapit si Jehova ng Baha, ipinakita niyang may awtoridad siya sa rebeldeng mga tao at masasamang anghel. Oo, kontrolado ni Jehova ang mga bagay-bagay.Gen. 7:17-24.

Mula’t sapol, si Jehova ay Hari (Tingnan ang parapo 6, 8, 10, 12, 17)

ANG PAGHAHARI NI JEHOVA PAGKATAPOS NG BAHA

9. Anong pagkakataon ang ibinigay ni Jehova sa mga tao pagkatapos ng Baha?

9 Pagkalabas ni Noe at ng kaniyang pamilya mula sa arka, tiyak na gayon na lang ang pasasalamat nila sa pangangalaga at proteksiyon ni Jehova. Agad na gumawa si Noe ng altar at naghandog ng mga hain bilang pagsamba kay Jehova. Pinagpala ng Diyos si Noe at ang pamilya niya at tinagubilinang ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.’ (Gen. 8:20–9:1) Muli, ang mga tao ay nagkaroon ng pagkakataong magkaisa sa pagsamba at punuin ang lupa.

10. (a) Pagkatapos ng Baha, saan at paano muling nagkaroon ng paghihimagsik laban kay Jehova? (b) Ano ang ginawa ni Jehova para matiyak na matutupad ang kaniyang layunin?

10 Gayunman, hindi naalis ng Baha ang di-kasakdalan ng mga tao, at kailangan pa rin nilang labanan ang impluwensiya ni Satanas at ng rebeldeng mga anghel. Di-nagtagal, muling nagkaroon ng paghihimagsik laban sa mabuting pamamahala ni Jehova. Halimbawa, labis na sinalansang ng apo sa tuhod ni Noe na si Nimrod ang pamamahala ni Jehova. Si Nimrod ay “isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” Nagtayo siya ng dakilang mga lunsod, gaya ng Babel, at ginawa niyang hari ang kaniyang sarili “sa lupain ng Sinar.” (Gen. 10:8-12) Ano ang gagawin ng Haring walang hanggan sa rebeldeng hari at sa pagsisikap nitong hadlangan ang Kaniyang layunin na ‘punuin ang lupa’? Ginulo ng Diyos ang wika ng mga tao, kaya ang mga sakop ni Nimrod ay nangalat “sa ibabaw ng buong lupa,” dala ang kanilang huwad na pagsamba at paraan ng pamamahala.Gen. 11:1-9.

11. Paano nagpakita si Jehova ng katapatan kay Abraham?

11 Kahit maraming sumasamba sa huwad na mga diyos pagkatapos ng Baha, may mga taong nagpaparangal pa rin kay Jehova. Isa na rito si Abraham. Bilang pagsunod sa Diyos, iniwan niya ang maalwang buhay sa lunsod ng Ur at nanirahan sa mga tolda sa loob ng maraming taon. (Gen. 11:31; Heb. 11:8, 9) Madalas na napalilibutan siya ng mga hari, na karamihan ay nakatira sa napapaderang lunsod. Pero pinrotektahan ni Jehova si Abraham at ang pamilya niya. Sinabi ng salmista tungkol sa tulad-amang pangangalaga ni Jehova: “Hindi niya pinahintulutang dayain sila  ng sinumang tao, kundi dahil sa kanila ay sumaway siya ng mga hari.” (Awit 105:13, 14) Nagpakita si Jehova ng katapatan sa kaibigan niyang si Abraham nang mangako siya: “Mga hari ang lalabas mula sa iyo.”Gen. 17:6; Sant. 2:23.

12. Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagkasoberano laban sa Ehipto? Ano ang naging epekto nito sa kaniyang piling bayan?

12 Inulit ng Diyos sa anak ni Abraham na si Isaac at sa apo niyang si Jacob ang pangakong pagpapalain sila, at kasama roon ang paghirang ng mga hari mula sa mga inapo nila. (Gen. 26:3-5; 35:11) Pero ang mga inapo ni Jacob ay naging alipin sa Ehipto. Nangangahulugan ba iyon na hindi na tutuparin ni Jehova ang pangako niya o na tinalikuran na niya ang pamamahala sa lupa? Hindi! Sa takdang panahon niya, ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan at pagkasoberano sa mapagmatigas na si Paraon. Nagtiwala kay Jehova ang mga Israelita at iniligtas niya sila sa kamangha-manghang paraan patawid sa Dagat na Pula. Maliwanag, si Jehova pa rin ang Pansansinukob na Soberano, at bilang mapagmalasakit na Ama, ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan para protektahan ang bayan niya.Basahin ang Exodo 14:13, 14.

NAGING HARI NG ISRAEL SI JEHOVA

13, 14. (a) Sa awit ng mga Israelita, ano ang sinabi nila tungkol sa paghahari ni Jehova? (b) Ano ang ipinangako ng Diyos kay David tungkol sa paghahari?

13 Matapos na makahimalang palayain, ang mga Israelita ay umawit ng isang awit ng tagumpay at papuri, na nakaulat sa Exodo kabanata 15. Mababasa sa talata 18: “Si Jehova ay mamamahala bilang hari hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” Oo, si Jehova ay naging Hari ng bagong bansang Israel. (Deut. 33:5) Pero ang mga Israelita ay hindi nakontento kay Jehova bilang kanilang di-nakikitang Tagapamahala. Mga 400 taon pagkaalis sa Ehipto, humingi sila sa Diyos ng taong hari dahil gusto nilang gayahin ang mga paganong bansa sa palibot nila. (1 Sam. 8:5) Pero si Jehova ay nanatiling Hari, gaya ng makikita noong namamahala si David, ang ikalawang taong hari ng Israel.

14 Dinala ni David sa Jerusalem ang sagradong kaban ng tipan. Sa masayang okasyong iyon, ang mga Levita ay umawit ng papuri na may kapansin-pansing pananalita, na nakaulat sa 1 Cronica 16:31: “Sabihin nila sa gitna ng mga bansa, ‘Si Jehova ay naging hari!’ ” Pero kung si Jehova ang Haring walang hanggan, paanong siya ay naging Hari noong panahong  iyon? Si Jehova ay nagiging Hari kapag ginagamit niya ang kaniyang awtoridad o nagtatalaga siya ng kakatawan sa kaniya sa isang partikular na panahon o sitwasyon. Napakahalagang maintindihan ang aspektong ito ng kaniyang pagkahari. Bago namatay si David, ipinangako ni Jehova na ang paghahari nito ay magpapatuloy magpakailanman: “Ibabangon ko nga ang iyong binhi na kasunod mo, na lalabas mula sa iyong mga panloob na bahagi; at itatatag ko nga nang matibay ang kaniyang kaharian.” (2 Sam. 7:12, 13) Natupad ang pangakong iyon nang lumitaw ang “binhi” ni David pagkaraan ng mahigit 1,000 taon. Sino siya, at kailan siya magiging Hari?

HUMIRANG SI JEHOVA NG BAGONG HARI

15, 16. Kailan pinahiran si Jesus upang maging Hari? Noong narito sa lupa, anong kaayusan ang ginawa ni Jesus para sa kaniyang pamamahala?

15 Noong 29 C.E., sinimulang ipangaral ni Juan na Tagapagbautismo na “ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat. 3:2) Nang si Jesus ay bautismuhan ni Juan, pinahiran siya ni Jehova bilang ang ipinangakong Mesiyas at ang magiging Hari sa Kaharian ng Diyos. Ipinahayag ni Jehova ang pagmamahal niya kay Jesus bilang Ama sa pagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.”Mat. 3:17.

16 Sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus, niluwalhati niya ang kaniyang Ama. (Juan 17:4) Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Luc. 4:43) Itinuro pa nga niya sa kaniyang mga tagasunod na ipanalanging dumating nawa ang Kahariang iyon. (Mat. 6:10) Dahil siya ang Haring Itinalaga, masasabi ni Jesus sa mga sumasalansang sa kaniya: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Luc. 17:21) Noong gabi bago namatay si Jesus, nakipagtipan siya sa kaniyang mga apostol para sa isang kaharian. Sa gayon, ang ilan sa kaniyang tapat na alagad ay binigyan niya ng pagkakataong makasama niya bilang mga hari sa Kaharian ng Diyos.Basahin ang Lucas 22:28-30.

17. Paano naghari si Jesus sa limitadong paraan noong unang siglo? Pero ano ang kailangan pa niyang hintayin?

17 Kailan magsisimulang mamahala si Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos? Hindi agad-agad. Kinabukasan, nang bandang hapon, pinatay si Jesus at nangalat ang mga tagasunod niya. (Juan 16:32) Pero gaya ng dati, kontrolado ni Jehova ang mga bagay-bagay. Noong ikatlong araw, binuhay niyang muli ang kaniyang Anak, at noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nagsimulang maghari si Jesus sa Kristiyanong kongregasyon ng kaniyang pinahirang mga kapatid. (Col. 1:13) Gayunman, maghihintay pa si Jesus bago siya lubusang maghari sa lupa bilang ang ipinangakong “binhi.” Sinabi ni Jehova sa kaniyang Anak: “Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.”Awit 110:1.

SAMBAHIN ANG HARING WALANG HANGGAN

18, 19. Nauudyukan tayong gawin ang ano? Ano ang matututuhan natin sa susunod na artikulo?

18 Sa loob ng libu-libong taon, ang pagkahari ni Jehova ay hinamon sa langit at sa lupa. Hindi kailanman tinalikuran ni Jehova ang kaniyang pagkasoberano; lagi niyang kontrolado ang mga bagay-bagay. Bilang mapagmahal na Ama, pinrotektahan niya at pinangalagaan ang kaniyang tapat na mga sakop gaya nina Noe, Abraham, at David. Hindi ba tayo nauudyukan nito na magpasakop sa ating Hari at maging mas malapít sa kaniya?

19 Pero maitatanong natin: Paano naging Hari si Jehova sa ating panahon? Paano tayo magiging tapat na sakop ng Kaharian ni Jehova at sa gayon ay maging sakdal na mga anak sa kaniyang pansansinukob na pamilya? Ano ang ibig sabihin ng panalangin nating dumating nawa ang Kaharian ng Diyos? Sasagutin ang mga iyan sa susunod na artikulo.