Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Handang Maglingkod kay Jehova, Kahit Saan

Handang Maglingkod kay Jehova, Kahit Saan

Hindi ko pa nasubukang mangaral mag-isa. Nangangatog ang mga binti ko sa nerbiyos tuwing lalabas ako sa larangan. Tapos, ayaw pang makinig ng mga tao. Ang tatapang ng ilan at may mga nagbanta pa ngang gulpihin ako. Noong unang buwan ng pagpapayunir ko, isang buklet lang ang placement ko!—Markus.

TAÓNG 1949 iyon, mahigit 60 taon na ang nakalilipas. Pero hindi diyan nagsimula ang kuwento ko. Ang aking ama, si Hendrik, ay isang sapatero at hardinero sa Donderen, isang maliit na nayon sa hilaga ng Drenthe, sa Netherlands. Ipinanganak ako roon noong 1927, pang-apat sa pitong magkakapatid. Ang aming bahay ay nasa tabing-daan. Karamihan sa aming mga kapitbahay ay magsasaka, at gustung-gusto ko ang buhay sa bukid. Noong 1947, nang 19 anyos ako, nalaman ko ang katotohanan mula sa kapitbahay naming si Theunis Been. Hindi ko gusto ang ugali ni Theunis noong una ko siyang makilala, pero nang maging Saksi ni Jehova siya pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, napansin kong bumait siya. Nagtaka ako sa kaniyang pagbabago kaya nakinig ako noong kausapin niya ako tungkol sa pangako ng Diyos na paraisong lupa. Tinanggap ko agad ang katotohanan at naging magkaibigan na kami ni Theunis mula noon. *

Nagsimula akong mangaral noong Mayo 1948, at nang sumunod na buwan, Hunyo 20, nabautismuhan ako sa isang kombensiyon sa Utrecht. Nagpayunir ako noong Enero 1, 1949 at naatasan sa isang maliit na kongregasyon sa Borculo, sa silangang bahagi ng Netherlands. Mga 130 kilometro ang lalakbayin ko papunta roon kaya nagbisikleta ako. Akala ko mga 6 na oras lang ang biyahe, pero dahil sa malakas na ulan at hangin, inabot ako ng  12 oras, kahit pa nga sumakay na ako ng tren sa natitirang 90 kilometro! Gabing-gabi na nang makarating ako sa bahay ng pamilyang Saksi na titirhan ko habang nagpapayunir doon.

Dahil katatapos lang ng digmaan, walang gaanong gamit ang mga tao. Isang amerikana at isang pantalon lang ang mayroon ako—napakalaki ng amerikana at napakaikli naman ng pantalon! Gaya ng nabanggit ko sa umpisa, mahirap ang unang buwan ko sa Borculo, pero pinagpala ako ni Jehova ng maraming Bible study. Pagkaraan ng siyam na buwan, inatasan ako sa Amsterdam.

MULA PROBINSIYA PATUNGONG SIYUDAD

Dahil laki ako sa probinsiya, nanibago ako pagdating sa Amsterdam, ang pinakamalaking siyudad sa Netherlands. Mabunga ang ministeryo at mas marami akong na-place na literatura sa unang buwan ko roon kaysa sa siyam na buwan ko sa Borculo. Hindi bababa sa walo ang Bible study ko. Matapos akong atasan bilang lingkod ng kongregasyon (tinatawag ngayong koordineytor ng lupon ng matatanda), iniskedyul agad akong magpahayag. Kabado ako kasi unang pahayag pangmadla ko iyon, kaya laking pasasalamat ko nang mailipat ako ng kongregasyon bago pa ang nakaiskedyul na pahayag. Hindi ko alam na sa paglipas ng mga taon, makapagpapahayag ako nang mahigit 5,000 beses!

Si Markus (dulong kanan), nagpapatotoo sa lansangan malapit sa Amsterdam noong 1950

Noong Mayo 1950, naatasan ako sa Haarlem. Nakatanggap ako ng paanyaya sa gawaing pansirkito. Tatlong gabi akong hindi nakatulog. Sinabi ko kay Robert Winkler, isang brother na naglilingkod sa tanggapang pansangay, na pakiramdam ko’y hindi ako kuwalipikado. Pero sabi niya: “Basta ipasa mo lang ang form. Matututo ka rin.” Di-nagtagal, isang buwan akong sinanay at nagsimula na ako sa aking atas bilang lingkod (tagapangasiwa) ng sirkito. Sa isang kongregasyong dinalaw ko, nakilala ko si Janny Taatgen, isang masayahing payunir na mapagsakripisyo at may malalim na pag-ibig kay Jehova. Ikinasal kami noong 1955. Pero bago ko ituloy ang kuwento ko, sasabihin muna ni Janny kung paano siya naging payunir at kung paano kami nagkakilala.

MAGKASAMA SA PAGLILINGKOD BILANG MAG-ASAWA

Janny: Naging Saksi ang nanay ko noong 1945; 11 anyos ako noon. Agad niyang nakita na mahalagang turuan sa Bibliya ang kaniyang tatlong anak. Pero hindi ito nagustuhan ng tatay ko, kaya tinuturuan kami ni Nanay kapag wala si Tatay.

Isang kombensiyon noong 1950 sa The Hague ang unang nadaluhan ko. Pagkaraan ng isang linggo, dumalo ako ng pulong sa Kingdom Hall sa Assen (Drenthe). Galít na galít ang tatay ko at pinalayas niya ako. Sinabi ni Nanay, “Alam mo na kung sino ang matatakbuhan mo.” Mga kapatid ang tinutukoy niya. Nakitira ako sa isang pamilyang  Saksi malapit sa amin. Pero ginugulo pa rin ako ni Tatay kaya lumipat ako ng kongregasyon sa Deventer (Overijssel), na mga 95 kilometro ang layo. Kinuwestiyon ng mga awtoridad si Tatay sa pagpapalayas sa akin dahil menor de edad ako, kaya pinabalik niya ako sa bahay. Bagaman hindi kailanman tumanggap ng katotohanan ang tatay ko, pinayagan na rin niya akong mangaral at dumalo sa lahat ng pulong.

Si Janny (dulong kanan) nang mag-vacation pioneer siya noong 1952

Pagbalik ko sa bahay, nagkasakit nang malubha ang nanay ko kaya ako ang inasahan sa lahat ng gawaing-bahay. Magkagayunman, sumulong ako sa espirituwal at nabautismuhan noong 1951 sa edad na 17. Noong 1952, nang gumaling si Nanay, dalawang buwan akong naglingkod bilang vacation (auxiliary) pioneer kasama ng tatlong payunir na sister. Tumira kami sa isang houseboat at nangaral sa dalawang bayan sa Drenthe. Naging regular pioneer ako noong 1953. Pagkaraan ng isang taon, dumalaw sa kongregasyon namin ang isang binatang tagapangasiwa ng sirkito—si Markus. Nagpakasal kami noong Mayo 1955, dahil naisip naming mas makapaglilingkod kami kay Jehova bilang mag-asawa.Ecles. 4:9-12.

Araw ng aming kasal noong 1955

Markus: Pagkatapos naming ikasal, inatasan kami bilang payunir sa Veendam (Groningen). Tumira kami sa isang maliit na kuwarto na dos por tres metro ang sukat. Pero naayos at napaganda iyon ni Janny. Sa gabi, itinatabi namin ang aming mesa at dalawang maliit na upuan para maibaba ang kamang nakakabit sa dingding.

Pagkaraan ng anim na buwan, inatasan kami sa gawaing paglalakbay sa Belgium. Noong 1955, mga 4,000 lang ang mamamahayag sa bansa. Ngayon, mas marami na nang anim na beses ang bilang na iyan! Sa Flanders, sa hilaga ng Belgium, katulad din ng wika sa Netherlands ang ginagamit. Pero may puntong Belgian ang mga tagaroon kaya medyo nahirapan kami sa umpisa.

Janny: Kailangan sa gawaing paglalakbay ang tunay na pagsasakripisyo. Dumadalaw kami sa mga kongregasyon gamit ang aming mga bisikleta at nakikituloy sa bahay ng mga kapatid. Dahil wala kaming sariling bahay, Martes ng umaga na kami umaalis sa aming tinutuluyan papunta sa susunod na kongregasyon. Pero lagi naming iniisip na isang pagpapala ang paglilingkod kay Jehova.

Markus: Kahit hindi pa namin kilala ang mga kapatid sa mga kongregasyon, mababait sila at mapagpatuloy. (Heb. 13:2) Sa paglipas ng mga taon, ilang beses naming nadalaw ang lahat ng kongregasyong nagsasalita ng Dutch sa Belgium. Nagdulot ito ng maraming pagpapala. Halimbawa, nakilala namin ang halos lahat ng kapatid sa distritong Dutch, at napamahal sila sa amin. Nakita namin ang daan-daang kabataan na lumaki, sumulong sa espirituwal, nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova, at inuna ang Kaharian sa kanilang buhay. Nakakatuwang makita na marami sa kanila ang tapat na naglilingkod kay Jehova nang buong  panahon. (3 Juan 4) Ang ganitong “pagpapalitan ng pampatibay-loob” ay nakatulong para buong-puso kaming magpatuloy sa aming atas.Roma 1:12.

ISANG MALAKING HAMON AT ISANG TUNAY NA PAGPAPALA

Markus: Mula nang araw na ikasal kami, tunguhin na naming makapag-aral sa Paaralang Gilead. Nag-aaral kami ng Ingles mga isang oras bawat araw. Pero hindi madaling matuto ng Ingles gamit ang mga libro, kaya nagbabakasyon kami sa England para masanay habang nangangaral doon. Sa wakas, nakatanggap kami ng sobre noong 1963 mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn. May dalawang sulat doon, isa para sa akin at isa para kay Janny. Iniimbitahan ako sa espesyal na sampung-buwang klase sa Gilead. Pangunahin nang nakapokus ang kursong ito sa pagsasanay sa mga brother at pagbibigay ng instruksiyong pang-organisasyon. Kaya sa 100 estudyanteng naimbitahan, 82 ay mga brother.

Janny: Sa natanggap kong sulat, hinilingan akong pag-isipang mabuti kung payag akong maiwan sa Belgium habang nag-aaral sa Gilead si Markus. Aaminin ko, dismayado ako noong una kasi parang hindi pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap ko. Pero inisip ko ang layunin ng Paaralang Gilead—tulungan ang mga estudyante para maisagawa ang pangangaral ng mabuting balita sa buong mundo. Kaya pumayag akong maiwan at naatasan ako bilang special pioneer sa lunsod ng Ghent sa Belgium kasama sina Anna at Maria Colpaert, dalawang makaranasang special pioneer.

Markus: Para masanay ako sa wikang Ingles, inimbitahan ako sa Brooklyn limang buwan bago magsimula ang klase. Nagtrabaho ako sa Shipping Department at Service Department. Sa paglilingkod ko sa punong-tanggapan at pagtulong sa paghahanda ng mga literaturang ipadadala sa Asia, Europa, at Timog Amerika, lalo kong napahalagahan ang ating internasyonal na kapatiran. Hindi ko malilimutan si Brother A. H. Macmillan, na naging pilgrim (naglalakbay na tagapangasiwa) noong panahon ni Brother Russell. Matanda na siya at halos hindi na makarinig, pero hindi siya lumiliban sa mga pulong. Tumatak iyan sa isip ko at natutuhan kong hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang ating mga Kristiyanong pagtitipon.Heb. 10:24, 25.

Janny: Nagsusulatan kami ni Markus ilang beses bawat linggo. Miss na miss namin ang isa’t isa! Pero nag-e-enjoy si Markus sa kaniyang pagsasanay sa Gilead, at masaya ako sa ministeryo. Pagbalik ni Markus mula sa Estados Unidos, 17 na ang Bible study ko! Hindi madaling magkahiwalay nang 15 buwan, pero pinagpala ni Jehova ang aming pagsasakripisyo. Nang araw ng pagdating ni Markus, atrasado nang ilang oras ang eroplano. Kaya nang magkita na kami, nagyakapan kami at nag-iyakan. Mula noon, lagi na kaming magkasama.

NAGPAPASALAMAT SA BAWAT PRIBILEHIYO SA PAGLILINGKOD

Markus: Pagkagaling ko sa Gilead noong Disyembre 1964, inatasan kaming maglingkod sa Bethel. Pero hindi pala iyon ang aming permanenteng atas. Pagkaraan lang ng tatlong buwan, inatasan kami sa gawaing pandistrito sa Flanders. Nang ipadala sa Belgium ang mga misyonerong sina Aalzen at Els Wiegersma, inatasan sila sa gawaing  pandistrito, kaya pinabalik kami sa Bethel at naglingkod ako sa Service Department. Mula 1968 hanggang 1980, palipat-lipat ang atas namin, kung hindi sa Bethel ay sa gawaing paglalakbay. At mula 1980 hanggang 2005, naglingkod uli ako bilang tagapangasiwa ng distrito.

Kahit pabagu-bago ang aming atas, hindi namin nalilimutan na ang aming buhay ay inialay namin para maglingkod kay Jehova nang buong kaluluwa. Talagang nag-enjoy kami sa bawat atas at nagtiwalang anumang pagbabago sa aming paglilingkod ay para sa pagsulong ng gawaing pang-Kaharian.

Janny: Tuwang-tuwa ako nang magpunta kami sa Brooklyn noong 1977 at sa Patterson noong 1997 para sa karagdagang pagsasanay kay Markus bilang miyembro ng Komite ng Sangay.

ALAM NI JEHOVA ANG KAILANGAN NAMIN

Markus: Noong 1982, naoperahan si Janny at naka-recover naman siya. Pagkaraan ng tatlong taon, ipinagamit sa amin ng kongregasyon sa Louvain ang apartment sa itaas ng kanilang Kingdom Hall. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 30 taon, nagkaroon kami ng sariling lugar. Kung Martes, kapag may dadalawin kaming kongregasyon, manhik-manaog ako sa 54 na baitang ng hagdan para ibaba ang aming mga bagahe! Buti na lang noong 2002, binigyan kami ng apartment sa ibaba. Nang mag-78 anyos ako, inatasan kami bilang special pioneer sa bayan ng Lokeren. Napakasaya namin na makapaglingkod sa ganitong paraan at makapangaral pa rin araw-araw.

“Talagang naniniwala kami na hindi mahalaga kung saan o kung anong atas iyon; ang mahalaga ay kung kanino kami naglilingkod”

Janny: Kung pagsasamahin ang mga taon namin ni Markus sa buong-panahong paglilingkod, aabot ito nang mahigit 120 taon! Naranasan namin mismo kung gaano katotoo ang pangako ni Jehova na ‘hindi niya kami sa anumang paraan iiwan’ at na kung tapat kaming maglilingkod sa kaniya, ‘hindi kami magkukulang ng anuman.’Heb. 13:5; Deut. 2:7.

Markus: Inialay namin ang aming sarili kay Jehova noong kabataan pa kami. Hindi kami naghangad ng mararangyang bagay. Handa kaming maglingkod anumang atas ang ibigay sa amin dahil talagang naniniwala kami na hindi mahalaga kung saan o kung anong atas iyon; ang mahalaga ay kung kanino kami naglilingkod.

^ par. 5 Pagkaraan ng ilang taon, ang aking ama, ina, ate, at dalawang kapatid na lalaki ay naging mga Saksi rin.