Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lubusang Makinabang sa Pagbabasa ng Bibliya

Lubusang Makinabang sa Pagbabasa ng Bibliya

“Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos.”ROMA 7:22.

1-3. Ano ang mga pakinabang sa pagbabasa ng Bibliya at pagkakapit ng mga turo nito?

“TUWING umaga, nagpapasalamat ako kay Jehova na tinutulungan niya akong maunawaan ang Bibliya.” Iyan ang sinabi ng isang may-edad na sister na nagbabasa pa rin ng Bibliya kahit mahigit 40 beses na niya itong nabasa. Isinulat naman ng isang kabataang sister na ang pagbabasa ng Bibliya ay nakatulong sa kaniya para maging totoo si Jehova at maging malapít sa Kaniya. Sinabi niya, “Ngayon lang ako naging ganito kasaya!”

2 Hinihimok tayo ni apostol Pedro na “magkaroon . . . ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1 Ped. 2:2) Kapag sinasapatan natin ang pananabik na iyan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng mga turo nito, magkakaroon tayo ng malinis na budhi at ng layunin sa buhay. Magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan na nagmamahal at naglilingkod din sa tunay na Diyos. Ang lahat ng ito ay maiinam na dahilan para ‘malugod sa kautusan ng Diyos.’ (Roma 7:22) Pero marami pang ibang pakinabang. Ano ang ilan sa mga ito?

3 Habang natututo tayo nang higit tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak, lalong lumalago ang pag-ibig natin sa kanila at sa ating kapuwa. Dahil mayroon tayong tumpak na kaalaman sa Kasulatan, alam natin kung paano ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan mula sa balakyot na sistemang ito. Mayroon din tayong mabuting balita na naibabahagi sa mga tao. At tiyak na pagpapalain tayo ni Jehova habang itinuturo natin sa iba ang mga bagay na natututuhan natin sa pagbabasa ng Salita ng Diyos.

MAGBASA AT MAGBULAY-BULAY

4. Ano ang ibig sabihin ng basahin ang Bibliya “nang pabulong”?

4 Ayaw ni Jehova na madaliin natin ang pagbabasa ng kaniyang Salita. Sinabi niya kay Josue: “Ang aklat na  ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at babasahin mo ito nang pabulong araw at gabi.” (Jos. 1:8; Awit 1:2) Ibig bang sabihin, kailangan nating literal na basahin nang pabulong ang bawat salita mula Genesis hanggang Apocalipsis? Hindi naman. Dapat tayong magbasa sa paraang mabubulay-bulay natin ang ating binabasa. Kapag binabasa natin ang Bibliya “nang pabulong,” mabibigyang-pansin natin ang mga tekstong kapaki-pakinabang at nakapagpapatibay sa atin sa pagkakataong iyon. Kapag nakakita ng nakapagpapatibay na pananalita o ulat, basahin ang mga ito nang dahan-dahan, marahil ay binibigkas pa nga ang mga salita. Sa gayon, tatagos sa ating puso ang puntong idiniriin ng Kasulatan. Bakit ito mahalaga? Dahil mas maikakapit natin ang payo ng Diyos kung talagang nauunawaan natin ito.

5-7. Paano makatutulong ang pagbabasa ng Salita ng Diyos nang pabulong para (a) makapanatiling malinis sa moral; (b) mapakitunguhan ang iba nang may pagtitiis at kabaitan; (c) mapatibay ang tiwala kay Jehova sa kabila ng mga problema?

5 Malaking tulong ang pagbabasa nang pabulong kapag pinag-aaralan natin ang mga aklat ng Bibliya na hindi pamilyar sa atin. Pag-isipan ang tatlong sitwasyon na ito. Una, isang kabataang brother ang nagbabasa ng hula ni Oseas. Pagdating sa kabanata 4, huminto siya matapos niyang basahin nang pabulong ang talata 11 hanggang 13. (Basahin ang Oseas 4:11-13.) Bakit? Nakatawag-pansin sa kaniya ang mga talatang iyon dahil may pinaglalabanan siyang mga tukso sa paaralan. Binulay-bulay niya ang mga talatang ito at sinabi sa kaniyang sarili: ‘Nakikita ni Jehova ang masasamang bagay na ginagawa ng mga tao kahit palihim. Ayoko siyang masaktan.’ Naging determinado ang brother na ito na manatiling malinis sa moral sa harap ng Diyos.

6 Ikalawa, isang sister ang nagbabasa ng hula ni Joel at nakarating sa kabanata 2, talata 13. (Basahin ang Joel 2:13.) Habang binabasa niya nang pabulong ang tekstong ito, binulay-bulay niya kung paano niya dapat tularan si Jehova, na “magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” Ipinasiya niyang huwag nang gumamit ng sarkastiko at galít na pananalita kapag nakikipag-usap sa kaniyang asawa at sa iba.

7 Ikatlo, isang Kristiyanong padre de pamilya ang nawalan ng trabaho at nababahala sa kapakanan ng kaniyang asawa at mga anak. Sa Nahum 1:7, nabasa niya na “nakikilala [ni Jehova] yaong mga nanganganlong sa kaniya” at pinoprotektahan niya sila gaya ng “isang moog sa araw ng kabagabagan.” Naaliw siya at nadama niya ang pagmamahal ni Jehova sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Kaya naman, hindi na siya gaanong nag-alala. Pagkatapos, binasa niya ang talata 15 nang pabulong. (Basahin ang Nahum 1:15.) Naunawaan niya na kung mangangaral siya ng mabuting balita sa kabila ng mga problema, maipakikita niya na talagang kinikilala niya si Jehova bilang kaniyang moog. Habang naghahanap ng trabaho, gumugugol din siya ng higit na panahon para suportahan ang paglilingkod sa gitnang sanlinggo.

8. Ibahagi ang isang espirituwal na hiyas na natuklasan mo sa iyong pagbabasa ng Bibliya.

8 Ang mga puntong nabanggit ay galing sa mga aklat ng Bibliya na maaaring mahirap maunawaan para sa ilan. Kapag sinusuri mo ang mga aklat nina Oseas, Joel, at Nahum, gugustuhin mo ring mabasa pa ang ibang mga talata rito nang pabulong. Saganang karunungan at kaaliwan ang nilalaman ng mga isinulat na ito ng mga propeta! Kumusta naman ang ibang bahagi ng Bibliya? Ang Salita ng Diyos ay gaya ng isang minahan ng diamante. Habang binabasa mo ang buong Bibliya, sikaping makita ang mga “diamante,” o mga tagubilin at pampatibay-loob mula sa Diyos.

PAGSIKAPANG UNAWAIN ANG IYONG BINABASA

9. Paano natin mapasusulong ang unawa natin sa kalooban ng Diyos?

9 Mahalaga ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw, pero tiyakin mo rin na nauunawaan mo  ang iyong binabasa. Para magawa ito, gamitin ang ating mga publikasyon para makapagsaliksik tungkol sa mga tao, lugar, at mga pangyayaring nababasa mo. Kung hindi mo alam kung paano ikakapit ang isang turo ng Bibliya sa iyong buhay, makahihingi ka ng tulong sa isang elder o sa iba pang may-gulang na Kristiyano. Para makita natin ang kahalagahan ng tamang pagkaunawa, talakayin natin ang halimbawa ng unang-siglong Kristiyano na si Apolos.

10, 11. (a) Paano natulungan si Apolos na maging mas mahusay na ministro ng mabuting balita? (b) Ano ang matututuhan natin sa ulat tungkol kay Apolos? (Tingnan ang kahong “Nakaaalinsabay ba ang Itinuturo Mo?”)

10 Si Apolos ay isang Judiong Kristiyano na “bihasa sa Kasulatan” at ‘maningas sa espiritu.’ Sinasabi sa aklat ng Mga Gawa: “Siya ay nagsalita at nagturo nang may kawastuan ng mga bagay tungkol kay Jesus, ngunit may kabatiran lamang sa bautismo ni Juan.” Walang kamalay-malay si Apolos na may bagong itinuro si Jesus sa mga alagad tungkol sa bautismo. Nang marinig ng mag-asawang Priscila at Aquila ang pagtuturo niya sa Efeso, ipinaliwanag nila sa kaniya “ang daan ng Diyos nang may higit na kawastuan.” (Gawa 18:24-26) Paano ito nakatulong kay Apolos?

11 Matapos mangaral sa Efeso, pumunta si Apolos sa Acaya. “Nang makarating siya roon, malaki ang naitulong niya sa mga naniwala dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos; sapagkat taglay ang kasidhian, lubusan niyang pinatunayan nang hayagan na mali ang mga Judio, habang ipinakikita niya sa pamamagitan ng Kasulatan na si Jesus ang Kristo.” (Gawa 18:27, 28) Dahil nauunawaan na ni Apolos ang kahulugan ng bautismong Kristiyano, naipaliwanag niya ito nang wasto. Kaya naman, “malaki ang naitulong niya” para sumulong sa tunay na pagsamba ang mga baguhan. Ano ang matututuhan natin dito? Gaya ni Apolos, sinisikap  nating maunawaan ang nababasa natin sa Bibliya. Pero kung isang makaranasang kapananampalataya ang magbigay ng mungkahi para mapasulong natin ang ating pagtuturo, magpasalamat at mapagpakumbabang tanggapin ang tulong na iyon. Kung gagawin natin ito, tiyak na susulong ang kalidad ng ating sagradong paglilingkod.

GAMITIN ANG NATUTUHAN MO PARA TULUNGAN ANG IBA

12, 13. Paano mataktikang magagamit ang Kasulatan para tulungan ang mga inaaralan sa Bibliya na sumulong sa espirituwal?

12 Gaya nina Priscila, Aquila, at Apolos, puwede nating tulungan ang iba. Kapag natulungan mo ang isang taong interesado na mapagtagumpayan ang hadlang sa kaniyang pagsulong sa katotohanan, ano ang nadarama mo? Kung isa kang elder, ano ang madarama mo kung pasalamatan ka ng isang kapatid dahil sa ipinayo mo mula sa Kasulatan noong may problema siya? Magiging maligaya tayo kung gagamitin natin ang Salita ng Diyos para tulungan ang iba na makagawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay. * Paano mo magagawa iyan?

13 Noong panahon ni Elias, maraming Israelita ang di-makapagpasiya kung papanig sila sa tunay na pagsamba o sa huwad. Ang payo ni Elias sa kanila ay makatutulong sa isang inaaralan sa Bibliya na hindi pa desididong maglingkod kay Jehova. (Basahin ang 1 Hari 18:21.) O kung ang isang interesado ay takót sa iisipin ng kaniyang mga kapamilya at kaibigan, mapatitibay mo ang determinasyon niyang maglingkod kay Jehova sa pamamagitan ng Isaias 51:12, 13.Basahin.

14. Paano mo maaalaala ang mga teksto sa Bibliya kapag kailangan mo ang mga ito para tulungan ang iba?

14 Oo, ang Bibliya ay naglalaman ng maraming salita na puwedeng magpasigla, magtuwid, o magpatibay sa mga bumabasa rito. Pero baka maitanong mo, ‘Paano ko malalaman kung anong teksto ang gagamitin ko kapag kailangan ko ang mga ito?’ Basahin mo ang Bibliya at bulay-bulayin ang kaisipan ng Diyos araw-araw. Sa gayon, makapag-iimbak ka ng mga pananalita ng Diyos na maipaaalaala sa iyo ng banal na espiritu kapag kailangan mo ang mga ito.Mar. 13:11; basahin ang Juan 14:26. *

15. Ano ang tutulong sa iyo na lubusang maunawaan ang Salita ng Diyos?

15 Gaya ni Haring Solomon, manalangin kay Jehova para sa karunungan upang magampanan ang iyong ministeryo at pananagutan sa kongregasyon. (2 Cro. 1:7-10) Tularan ang mga propeta at ‘masikap na siyasatin at maingat na saliksikin’ ang Salita ng Diyos para sa tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban. (1 Ped. 1:10-12) Pinasigla ni apostol Pablo si Timoteo na pag-aralan ang “mga salita ng pananampalataya at ng mainam na turo.” (1 Tim. 4:6) Sa paggawa nito, makatutulong ka sa iba sa espirituwal na paraan. Mapatitibay mo rin ang iyong pananampalataya.

ISANG PROTEKSIYON ANG PAGBABASA NG BIBLIYA

16. (a) Paano nakinabang ang mga taga-Berea sa ‘maingat na pagsusuri sa Kasulatan sa araw-araw’? (b) Bakit napakahalaga sa ngayon ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw?

16 Kaugalian ng mga Judio sa lunsod ng Berea sa Macedonia na ‘maingat na suriin ang Kasulatan sa araw-araw.’ Nang mangaral si Pablo sa kanila, pinaghambing nila ang sinabi niya at ang nalalaman nila tungkol sa Kasulatan. Dahil dito, marami sa kanila ang nakumbinsi na ang itinuturo ni Pablo ay katotohanan kung kaya “naging mananampalataya” sila. (Gawa 17:10-12) Ipinakikita nito na ang  pagbabasa ng Bibliya araw-araw ay nagpapatibay ng pananampalataya kay Jehova. Kailangan natin ang matibay na pananampalataya para makaligtas tayo tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos.Heb. 11:1.

17, 18. (a) Paano nagsisilbing proteksiyon sa makasagisag na puso ng isang Kristiyano ang matibay na pananampalataya at pag-ibig? (b) Paano tayo pinoprotektahan ng ating pag-asa?

17 Kaya naman isinulat ni Pablo: “Kung para sa atin na nauukol sa araw, panatilihin natin ang ating katinuan at isuot ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.” (1 Tes. 5:8) Ang baluti ay isinusuot ng isang kawal para protektahan ang kaniyang puso. Sa katulad na paraan, ang makasagisag na puso ng isang Kristiyano ay nangangailangan ng proteksiyon laban sa kasalanan. Ano ang resulta kapag ang isang lingkod ni Jehova ay may matibay na pananampalataya at may pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang kapuwa? Siya ay nagsusuot ng pinakamainam na espirituwal na baluti. Tiyak na hindi siya gagawa ng anumang bagay na puwedeng maging dahilan para maiwala niya ang pagsang-ayon ng Diyos.

18 Binanggit din ni Pablo ang tungkol sa helmet, “ang pag-asa ng kaligtasan.” Ang mga kawal noong panahon ng Bibliya ay gumagamit ng helmet. Kapag matibay ang helmet, hindi sila daranas ng malubhang pinsala kahit tamaan ang ulo nila. Kapag matibay ang pag-asa natin sa kakayahang magligtas ni Jehova, protektado ang ating isip. Malalabanan natin ang mga apostata at ang kanilang “walang-katuturang mga usapan” na tulad ng ganggrena. (2 Tim. 2:16-19) Mapalalakas din tayo ng ating pag-asa para tanggihan ang mga humihikayat sa atin na gumawa ng mga bagay na hinahatulan ni Jehova.

MAHALAGA SA KALIGTASAN

19, 20. Bakit malaki ang pagpapahalaga natin sa Salita ng Diyos? Paano natin ito maipakikita? (Tingnan ang kahong “Ibinibigay ni Jehova ang Talagang Kailangan Ko.”)

19 Habang papalapít tayo sa wakas ng sistemang ito, mas kailangan nating manalig sa Salita ni Jehova. Ang payo nito ay tutulong sa atin para maituwid ang mga maling kaugalian at makontrol ang ating makasalanang hilig. Patitibayin tayo nito at aaliwin para mabata ang anumang pagsubok na galing kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan. Sa patnubay ng Salita ni Jehova, makapananatili tayo sa landas ng buhay.

20 Tandaan na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” Kasama rito ang mga lingkod ni Jehova at ang lahat ng handang makinig sa ating pangangaral at pagtuturo. Pero lahat ng nagnanais maligtas ay kailangang magtamo ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Samakatuwid, ang kaligtasan sa mga huling araw na ito ay nakasalalay sa pagbabasa ng Bibliya at pagkakapit ng kinasihang mga tagubilin nito. Oo, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw, maipakikita natin kung gaano natin pinahahalagahan ang Salita ni Jehova.Juan 17:17.

^ par. 12 Siyempre pa, hindi natin gagamitin ang Bibliya para gipitin o husgahan ang iba. Tularan natin si Jehova, at maging matiisin at mabait sa ating mga inaaralan sa Bibliya.Awit 103:8.

^ par. 14 Paano kung alam mo ang mga salita sa isang teksto pero hindi mo matandaan ang aklat, kabanata, at talata? Makikita mo ang mga salitang ito sa indise na nasa likod ng Bibliya, sa Watchtower Library, o sa konkordansiya ng New World Translation.