Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Mexico
NAKATUTUWANG makita na parami nang paraming kabataang Saksi ang nagpapasimple ng kanilang buhay para mapalawak ang kanilang ministeryo. (Mat. 6:22) Anong mga pagbabago ang ginagawa nila? Anong mga hadlang ang napapaharap sa kanila? Para masagot ang mga ito, kilalanin natin ang ilan sa kanila na naglilingkod ngayon sa Mexico.
“KAILANGAN NAMING GUMAWA NG MGA PAGBABAGO”
Sina Dustin at Jassa, mula sa Estados Unidos, ay ikinasal noong Enero 2007. Di-nagtagal, nakamit nila ang matagal na nilang pinapangarap—ang magkaroon ng sailboat at tumira doon buong taon. Nakadaong ang bangka nila sa Astoria, Oregon, E.U.A., isang napakagandang bayan na napalilibutan ng magubat na mga burol at mga bundok na nababalutan ng niyebe, di-kalayuan sa Karagatang Pasipiko. “Kahit saan ka tumingin,” ang sabi ni Dustin, “napakaganda ng tanawin!” Akala ng mag-asawa, namumuhay na sila nang simple at umaasa kay Jehova. ‘Tutal,’ ang naisip nila, ‘nakatira kami sa isang bangka na mga walong metro ang haba, nagtatrabaho nang part-time, nakaugnay sa isang kongregasyon na banyaga ang wika, at nag-o-auxiliary pioneer paminsan-minsan.’ Pero nang maglaon, napag-isip-isip nilang dinadaya lang nila ang kanilang sarili. “Sa halip na suportahan ang mga gawain ng kongregasyon, kadalasan ay abala kami sa pagre-repair ng aming bangka,” ang sabi ni Dustin. “Alam namin na kung talagang gusto naming unahin si Jehova sa aming buhay, kailangan naming gumawa ng mga pagbabago.”
Idinagdag ni Jassa: “Noong dalaga pa ako, naninirahan ako sa Mexico at nakaugnay sa isang kongregasyong Ingles. Nasiyahan ako sa paglilingkod doon, at gustung-gusto kong makabalik.” Para mapatindi ang pagnanais nilang maglingkod sa ibang bansa, binabasa nina Dustin at Jassa sa panahon ng kanilang pampamilyang pagsamba ang talambuhay ng mga kapatid na lumipat sa mga lupain kung saan may mga bukid na handa nang anihin. (Juan 4:35) “Gusto naming maranasan ang ganoong kagalakan,” ang sabi ni Dustin. Nang mabalitaan nila sa mga kaibigan nila sa Mexico na nangangailangan ng tulong ang isang bagong-tatag na grupo roon, nagbitiw sina Dustin at Jassa sa kanilang mga trabaho, ibinenta ang kanilang sailboat, at lumipat sa Mexico.
“ITO ANG PINAKAMAGANDANG BAGAY NA NANGYARI SA AMIN”
Tumira sina Dustin at Jassa sa bayan ng Tecomán
Ano ang nadarama nina Dustin at Jassa sa kanilang bagong pamumuhay? “Ang paglipat na ito ang pinakamagandang bagay na nangyari sa amin,” ang sabi nila. “Mas tumibay ang kaugnayan namin kay Jehova at sa isa’t isa kaysa sa inaasahan namin. Araw-araw, magkasama naming ginagawa ang maraming bagay
LIBU-LIBONG KUSANG-LOOB NA MANGGAGAWA —ANO ANG NAGPAPAKILOS SA KANILA?
Mahigit 2,900 kapatid
Para maipakita ang pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa. Si Leticia ay nabautismuhan sa edad na 18. Sinabi niya: “Nang mag-alay ako kay Jehova, alam kong ang ibig sabihin nito ay paglingkuran siya nang aking buong puso at kaluluwa. Kaya para maipakita ang aking buong-pusong pag-ibig kay Jehova, gusto kong gamitin nang higit ang aking panahon at lakas sa paglilingkod sa kaniya.” (Mar. 12:30) Si Hermilo, asawa ni Leticia, ay mahigit 20 anyos lang nang lumipat para maglingkod kung saan mas kailangan ang mga mangangaral ng Kaharian. Sinabi niya: “Napag-isip-isip ko na ang pinakamabuting paraan para maipakita ang pag-ibig sa aking kapuwa ay ang tulungan silang masapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mar. 12:31) Kaya iniwan niya ang maunlad na lunsod ng Monterrey, kung saan siya nagtatrabaho sa isang bangko at namumuhay nang komportable, at lumipat sa isang maliit na bayan.
Para maranasan ang tunay at namamalaging kagalakan. Di-nagtagal pagkatapos siyang mabautismuhan, sumama si Leticia sa isang makaranasang sister na payunir para mangaral sa isang liblib na bayan sa loob ng isang buwan. Naalaala ni Leticia: “Humanga ako sa magandang pagtugon ng mga tao sa mensahe ng Kaharian, at tuwang-tuwa ako. Nang makaisang buwan na ako roon, sinabi ko sa sarili ko, ‘Ito ang gusto kong gawin sa buhay ko!’” Ganiyan din ang dahilan ni Essly, isang sister na ngayon ay mahigit 20 anyos. Noong nasa high school pa siya, marami siyang nakilalang masisigasig na Saksi na naglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sinabi niya, “Nang makita ko ang masasayang mukha ng mga kapatid na iyon, gusto ko ring magkaroon ng ganoong klase ng buhay.” Maraming sister ang katulad ni Essly. Sa katunayan, mahigit 680 sister na walang asawa ang naglilingkod sa Mexico kung saan mas malaki ang pangangailangan. Napakagandang halimbawa nga sila para sa mga bata at matatanda!
Para magkaroon ng makabuluhan at kasiya-siyang buhay. Pagka-graduate sa high school, inalok si Essly ng scholarship sa isang unibersidad. Hinikayat siya ng mga kaedad niya na tanggapin ito at magtaguyod ng “normal na buhay”—magkaroon ng digri sa kolehiyo, karera, kotse, at maglakbay. Pero hindi niya sinunod ang payo nila. Sinabi ni Essly: “Itinaguyod ng ilan sa mga kaibigan kong Kristiyano ang mga bagay na ito, at napansin kong hindi na sila nakapokus sa espirituwal na mga tunguhin. Nakita ko rin na nasiraan sila ng loob dahil sa mga problemang dulot ng pagiging abala sa mga gawain ng sanlibutang ito. Gusto kong gamitin ang kabataan ko para paglingkuran si Jehova nang lubos.”
Kumuha si Essly ng ilang maiikling kurso para makahanap ng trabahong pansuporta habang nagpapayunir siya. Pagkatapos, lumipat siya kung saan may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Nag-aral pa nga siya ng katutubong wika na sinasalita ng mga Otomi at Tlapaneco. Ngayon, pagkatapos ng tatlong-taóng pangangaral sa liblib na mga rehiyon, sinabi niya: “Talagang naging kasiya-siya at makabuluhan ang buhay ko dahil sa paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Higit sa lahat, tumibay ang kaugnayan ko kay Jehova.” Sang-ayon dito ang mag-asawang Phillip at Racquel, mahigit 30 anyos at mula sa Estados Unidos. “Napakabilis ng mga pagbabago sa daigdig at marami ang walang kapanatagan sa buhay. Pero ang paglilingkod kung saan marami pa ang nakikinig sa mensahe ng Bibliya ay nagbibigay-kahulugan sa aming buhay. Talagang kasiya-siya ito!”
KUNG PAANO HAHARAPIN ANG MGA HAMON
Siyempre pa, may kaakibat na mga hamon ang paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang isa sa mga ito ay kung paano tutustusan ang iyong sarili. Para magawa ito, kailangang handa kang mag-adjust sa lugar na pupuntahan mo. Ganito ang paliwanag ni Verónica, isang makaranasang payunir: “Sa isang lugar na pinaglingkuran ko, nagluluto ako at nagtitinda ng murang pagkain. Sa isang lugar naman, nagtitinda ako ng damit at naggugupit ng buhok. Sa ngayon, naglilinis ako ng bahay at nagdaraos ng klase sa mga bagong magulang para turuan sila kung paano makikipagtalastasan sa kanilang mga anak.”
Malaking hamon din ang mag-adjust sa ibang kultura at mga kostumbre kapag nakatira ka kasama ng mga katutubo sa isang liblib na lugar. Ganiyan ang nangyari kina Phillip at Racquel nang maglingkod sila sa lugar ng mga taong nagsasalita ng wikang Nahuatl. “Ibang-iba ang kultura nila,” ang sabi ni Phillip. Paano sila nakapag-adjust? “Nagpokus kami sa positibong mga bagay na naobserbahan namin sa mga Nahuatl
KUNG PAANO IHAHANDA ANG IYONG SARILI
Kung gusto mong maglingkod sa liblib na mga lugar na malaki ang pangangailangan, paano mo maihahanda ang iyong sarili? Ganito ang payo ng mga kapatid na may karanasan sa ganitong paglilingkod: Bago ka lumipat, pasimplehin mo na ang buhay mo at matutong maging kontento. (Fil. 4:11, 12) Ano pa ang puwede mong gawin? Ikinuwento ni Leticia: “Iniwasan ko ang mga sekular na trabaho kung saan mapipilitan akong manatili sa isang lugar sa loob ng mahabang panahon. Ang gusto ko, puwede akong lumipat kahit saan at kahit kailan.” Sinabi ni Hermilo: “Natuto akong magluto, maglaba, at mamalantsa.” Inilahad ni Verónica: “Noong nakatira pa ako sa amin kasama ng mga magulang at mga kapatid ko, tumutulong ako sa paglilinis. Natuto akong magluto ng mura pero masustansiyang pagkain. Natuto rin akong mag-ipon.”
Ikinuwento naman nina Levi at Amelia, mula sa Estados Unidos at walong taon nang kasal, kung paano nakatulong sa kanila ang espesipikong mga panalangin para maghanda sa paglilingkod sa Mexico. Sinabi ni Levi: “Tinuos namin kung magkano ang kailangan naming pera para makapaglingkod sa ibang bansa sa loob ng isang taon. Pagkatapos, hiniling namin kay Jehova sa panalangin na tulungan kaming kumita ng eksaktong halagang kailangan namin.” Sa loob ng ilang buwan, naipon nila ang halagang ipinanalangin nila, at agad silang lumipat. Sinabi ni Levi: “Sinagot ni Jehova ang aming espesipikong kahilingan, kaya panahon na ngayon para gawin naman namin ang aming bahagi.” Idinagdag ni Amelia: “Akala namin, isang taon lang kami rito, pero nakapitong taon na kami, at wala kaming planong umalis! Dito, personal naming nararanasan ang tulong ni Jehova. Araw-araw, nakikita namin ang katibayan ng kaniyang kabutihan.”
Para kina Adam at Jennifer, isang mag-asawa mula sa Estados Unidos na naglilingkod sa teritoryong nagsasalita ng Ingles sa Mexico, mahalagang papel din ang ginampanan ng panalangin. Mungkahi nila: “Huwag hintayin ang perpektong mga kalagayan. Ipanalangin ang iyong pagnanais na maglingkod sa ibang bansa, at pagkatapos ay kumilos kaayon nito. Pasimplehin ang iyong buhay, sumulat sa sangay sa bansa kung saan mo gustong maglingkod, at pagkatapos timbangin ang mga bagay-bagay, lumipat na!” * Sa paggawa nito, isang kapana-panabik na buhay na punô ng espirituwal na pagpapala ang naghihintay sa iyo.
^ par. 21 Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong “Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?” sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Agosto 2011.