Si Jehova—Ang Ating Tahanang Dako
“O Jehova, ikaw ay naging tunay na tahanang dako namin sa sali’t salinlahi.”—AWIT 90:1.
1, 2. Ano ang nadarama ng mga lingkod ng Diyos sa kasalukuyang sistema ng mga bagay? Sa anong diwa mayroon silang tahanan?
PANATAG ka ba sa sanlibutang ito? Kung hindi, huwag kang mag-alala dahil hindi ka nag-iisa! Mula noong sinaunang panahon, nadarama ng lahat ng tunay na nagmamahal kay Jehova na sila ay mga estranghero, o mga dayuhan, sa sistemang ito ng mga bagay. Halimbawa, habang nagpapalipat-lipat ng kampamento sa lupain ng Canaan ang tapat na mga mananamba ng Diyos, ‘hayagan nilang sinabi na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.’—Heb. 11:13.
2 Ang “pagkamamamayan” ng mga pinahirang tagasunod ni Kristo ay “nasa langit.” Kaya naman, itinuturing nila ang kanilang sarili bilang “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan” sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Fil. 3:20; 1 Ped. 2:11) Ang “ibang mga tupa” ni Kristo ay “hindi [rin] bahagi ng sanlibutan, kung paanong [si Jesus] ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 10:16; 17:16) Pero hindi ibig sabihin na walang “tahanan” ang bayan ng Diyos. Sa katunayan, mayroon tayong ligtas na tahanang punung-puno ng pagmamahal—isang tahanang nakikita lang ng mata ng pananampalataya. Sumulat si Moises: “O Jehova, ikaw ay naging tunay na tahanang dako namin sa sali’t salinlahi.” * (Awit 90:1) Bakit masasabing si Jehova ang “tahanang dako” para sa kaniyang tapat na mga lingkod noong unang panahon? Sa anong diwa siya ang “tunay na tahanang dako” ng kaniyang bayan sa ngayon? At paanong siya lang ang magiging tiwasay na tahanang dako sa hinaharap?
SI JEHOVA—“TUNAY NA TAHANANG DAKO” NG KANIYANG SINAUNANG MGA LINGKOD
3. Anong paksa, larawan, at pagkakatulad ang makikita natin sa Awit 90:1?
3 Gaya ng maraming ilustrasyon sa Bibliya, ang Awit 90:1 ay may paksa, larawan, at pagkakatulad. Ang paksa ay si Jehova. Ang larawan ay isang tahanan. Maraming pagkakatulad si Jehova sa isang tahanan. Halimbawa, si Jehova ay naglalaan ng proteksiyon sa kaniyang bayan. Hindi nakapagtataka iyan dahil siya mismo ang personipikasyon ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Siya rin ay Diyos ng kapayapaan, anupat ‘pinatatahan nang tiwasay’ ang mga tapat sa kaniya. (Awit 4:8) Talakayin natin ang pakikitungo niya sa tapat na mga patriyarka, pasimula kay Abraham.
4, 5. Paano naging “tunay na tahanang dako” ang Diyos para kay Abraham?
4 Malamang na nabalisa si Abraham, na tinatawag noong Abram, nang sabihin ni Jehova: “Yumaon ka sa iyong lakad mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak . . . patungo sa lupain na ipakikita ko sa iyo.” Pero tiyak na napatibay siya sa sinabi pa ni Jehova: “Gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita at padadakilain ko ang iyong pangalan . . . At pagpapalain ko yaong mga nagpapala sa iyo, at siya na sumusumpa sa iyo ay susumpain ko.”—Gen. 12:1-3.
5 Nangako si Jehova na magiging tiwasay na tahanan siya ni Abraham at ng mga inapo nito. (Gen. 26:1-6) Tinupad ni Jehova ang pangakong ito. Halimbawa, hinadlangan niya ang Paraon ng Ehipto at ang hari ng Gerar na si Abimelec sa pagkuha kay Sara at pagpatay kay Abraham. Ipinagsanggalang din niya sina Isaac at Rebeka sa katulad na paraan. (Gen. 12:14-20; 20:1-14; 26:6-11) Mababasa natin: “Hindi [pinahintulutan ni Jehova na] dayain sila ng sinumang tao, kundi dahil sa kanila ay sumaway siya ng mga hari, na sinasabi: ‘Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran, at ang aking mga propeta ay huwag ninyong gawan ng masama.’”—Awit 105:14, 15.
6. Ano ang iniutos ni Isaac kay Jacob? Ano ang malamang na nadama ni Jacob?
6 Kasama sa mga propetang iyon ang apo ni Abraham na si Jacob. Nang panahon na para mag-asawa si Jacob, sinabihan siya ng kaniyang amang si Isaac: “Huwag kang kukuha ng asawa mula sa mga anak na babae ng Canaan. Bumangon ka, pumaroon ka sa Padan-aram sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina at doon ka kumuha ng asawa mula sa mga anak na babae ni Laban.” (Gen. 28:1, 2) Agad na sumunod si Jacob kay Isaac. Iniwan ni Jacob ang katiwasayan sa piling ng kaniyang pamilya sa Canaan at lumilitaw na mag-isang naglakbay nang daan-daang kilometro patungong Haran. (Gen. 28:10) Marahil naisip niya: ‘Gaano katagal akong mapapalayo? Tatanggapin kaya ako ng aking tiyuhin at bibigyan ako ng asawang may-takot sa Diyos?’ Kung nabalisa man si Jacob, nawala ito nang makarating siya sa Luz, mga 100 kilometro mula sa Beer-sheba. Ano ang nangyari pagdating niya sa Luz?
7. Paano pinatibay ng Diyos si Jacob sa pamamagitan ng panaginip?
7 Sa Luz, nagpakita si Jehova kay Jacob sa panaginip at nagsabi: “Narito, ako ay sumasaiyo at iingatan kita sa lahat ng paroroonan mo at ibabalik kita sa lupang ito, sapagkat hindi kita iiwan hanggang sa magawa ko nga ang sinalita ko sa iyo.” (Gen. 28:15) Siguradong napatibay si Jacob sa mabait na pananalitang iyon! Pagkatapos, tiyak na inasam-asam niya kung paano tutuparin ni Jehova ang Kaniyang pangako. Kung iniwan mo ang iyong tahanan para maglingkod sa ibang bansa, malamang na naiintindihan mo ang magkahalong emosyon ni Jacob. Pero tiyak na naranasan mo rin ang pagmamalasakit sa iyo ni Jehova.
8, 9. Sa anong mga paraan naging “tunay na tahanang dako” si Jehova para kay Jacob? Ano ang matututuhan natin dito?
8 Nang makarating si Jacob sa Haran, mainit siyang tinanggap ng tiyuhin niyang si Laban at nang maglaon ay ibinigay nito sa kaniya sina Lea at Raquel bilang asawa. Pero di-nagtagal, sinikap ni Laban na dayain si Jacob, anupat binago nang sampung ulit ang kabayaran nito! (Gen. 31:41, 42) Tiniis ni Jacob ang kawalang-katarungang ito dahil nagtitiwala siyang hindi siya pababayaan ni Jehova—at talagang pinangalagaan Niya siya! Nang sabihin ng Diyos kay Jacob na bumalik sa Canaan, mayroon na siyang “malalaking kawan at mga alilang babae at mga alilang lalaki at mga kamelyo at mga asno.” (Gen. 30:43) Buong-pasasalamat na nanalangin si Jacob: “Ako ay di-karapat-dapat sa lahat ng maibiging-kabaitan at sa lahat ng katapatan na ipinakita mo sa iyong lingkod, sapagkat ang dala ko lamang ay ang aking baston nang tawirin ko itong Jordan at ngayon ay naging dalawang kampo na ako.”—Gen. 32:10.
9 Totoo nga ang sinabi ni Moises sa panalangin: “O Jehova, ikaw ay naging tunay na tahanang dako namin sa sali’t salinlahi”! (Awit 90:1) Kapit pa rin hanggang sa ngayon ang pananalitang iyan. Kay Jehova ay “wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino” at nananatili siyang isang tiwasay na tahanan para sa mga tapat sa kaniya. (Sant. 1:17) Isaalang-alang natin kung paano.
SI JEHOVA—“TUNAY NA TAHANANG DAKO” NATIN SA NGAYON
10. Bakit tayo makatitiyak na mananatiling tiwasay na tahanang dako si Jehova para sa kaniyang mga lingkod?
10 Ipagpalagay mong tumetestigo ka laban sa isang makapangyarihang sindikato. Ang lider nito ay napakatuso, makapangyarihan, napakasinungaling, at mamamatay-tao. Ano ang madarama mo paglabas mo ng korte matapos ang pagdinig? Panatag? Imposible! Natural lang na humingi ka ng proteksiyon. Ganiyan ang kalagayan ng mga lingkod ni Jehova, na may-katapangang nagpapatotoo kay Jehova at walang-takot na nagbubunyag sa kaniyang malupit na kaaway, si Satanas! (Basahin ang Apocalipsis 12:17.) Pero napatahimik ba ni Satanas ang bayan ng Diyos? Hindi! Sa katunayan, patuloy ang ating pagsulong—isang bagay na naging posible dahil si Jehova ay nananatiling ating kanlungan, ang “tunay na tahanang dako” para sa atin, lalo na sa mga huling araw na ito. (Basahin ang Isaias 54:14, 17.) Pero siyempre, hindi magiging tiwasay na tahanang dako si Jehova sa atin kung magpapalinlang tayo kay Satanas.
11. Ano ang matututuhan natin sa mga patriyarka?
11 Mayroon pa tayong matututuhan sa mga patriyarka. Kahit nakatira sila sa lupain ng Canaan, nanatili silang hiwalay sa mga tagaroon dahil kinasuklaman nila ang masasamang bagay na ginagawa ng mga ito. (Gen. 27:46) Sila ay mga taong may prinsipyo. Hindi nila kailangan ng mahabang listahan ng mga pagbabawal. Sapat na sa kanila ang kaalaman nila tungkol kay Jehova at sa kaniyang personalidad. Dahil si Jehova ang kanilang tahanang dako, nagsikap silang huwag maging bahagi ng sanlibutan. Napakagandang halimbawa para sa atin! Sinisikap mo bang tularan ang tapat na mga patriyarka sa pagpili ng mga kasama at libangan? Nakalulungkot, may ilan sa kongregasyon na, sa paanuman, komportable na sa sanlibutan ni Satanas. Kung ganiyan ka, ipanalangin mo ito. Tandaan na ang sanlibutang ito ay kay Satanas, kung kaya masasalamin dito ang kaniyang pagkamakasarili at kawalan ng malasakit.—2 Cor. 4:4; Efe. 2:1, 2.
12. (a) Ano ang mga inilalaan ni Jehova sa kaniyang sambahayan ng mga mananampalataya? (b) Ano ang nadarama mo sa mga paglalaang ito?
12 Para malabanan ang mga pakana ni Satanas, kailangang samantalahin natin ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova sa kaniyang sambahayan ng mga mananampalataya. Kabilang dito ang mga Kristiyanong pagpupulong, pampamilyang pagsamba, at ang “mga kaloob na mga tao”—mga pastol na hinirang ng Diyos para magbigay ng kaaliwan at suporta habang nakikipagpunyagi tayo sa mga problema sa buhay. (Efe. 4:8-12) Ganito ang isinulat ni Brother George Gangas, na maraming taóng naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Para akong nasa sariling tahanan kapag kasama ko [ang bayan ng Diyos] sa espirituwal na paraiso.” Ganiyan din ba ang nadarama mo?
13. Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa Hebreo 11:13?
13 Ang isa pang katangian ng mga patriyarka na karapat-dapat tularan ay ang kanilang lakas ng loob na mapaiba sa mga taong nakapalibot sa kanila. Gaya ng binanggit sa parapo 1, ‘hayagan nilang sinabi na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.’ (Heb. 11:13) Determinado ka bang mapaiba sa mga tao sa sanlibutan? Totoo, hindi ito laging madali. Pero makakaya mo iyan sa tulong ng Diyos at ng mga kapuwa Kristiyano. Tandaan mong hindi ka nag-iisa. Lahat ng naglilingkod kay Jehova ay may pakikipaglaban! (Efe. 6:12) Pero magwawagi tayo kung magtitiwala tayo kay Jehova at gagawin siyang ating tiwasay na tahanan.
14. Anong “lunsod” ang hinihintay ni Abraham?
14 Gaya ni Abraham, ituon natin ang ating mga mata sa gantimpala. (2 Cor. 4:18) Isinulat ni apostol Pablo na “hinihintay [ni Abraham] ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.” (Heb. 11:10) Ang “lunsod” na iyon ay ang Mesiyanikong Kaharian. Kinailangang hintayin ni Abraham ang “lunsod” na iyon. Pero sa isang diwa, hindi na natin ito kailangang hintayin dahil namamahala na ito sa langit. Bukod diyan, ipinakikita ng napakaraming ebidensiya na malapit na itong mamahala sa buong lupa. Totoo ba sa iyo ang Kahariang iyan? Nakaiimpluwensiya ba ito sa iyong pananaw sa buhay, pangmalas sa sanlibutang ito, at mga priyoridad?—Basahin ang 2 Pedro 3:11, 12.
ANG ATING “TAHANANG DAKO” HABANG PAPALAPÍT ANG WAKAS
15. Ano ang magiging kinabukasan ng mga nagtitiwala sa sanlibutang ito?
15 Habang papalapít ang wakas ng sanlibutan ni Satanas, lalo pang titindi ang “mga hapdi ng kabagabagan” nito. (Mat. 24:7, 8) At tiyak na magiging mas mahirap ang buhay kapag nagsimula na ang malaking kapighatian. Guguho ang mga imprastraktura, at manghihilakbot ang mga tao. (Hab. 3:16, 17) Palibhasa’y desperado, manganganlong sila “sa mga yungib at sa mga batong-limpak ng mga bundok.” (Apoc. 6:15-17) Pero walang maibibigay na proteksiyon ang literal na mga yungib ni ang tulad-bundok na mga pulitikal at komersiyal na organisasyon.
16. Ano ang dapat nating maging pangmalas sa kongregasyong Kristiyano? Bakit?
16 Sa kabaligtaran, ang bayan ni Jehova ay mananatiling ligtas sa kanilang “tunay na tahanang dako,” ang Diyos na Jehova. Gaya ni propeta Habakuk, “magbubunyi [sila] kay Jehova.” Sila ay ‘magagalak sa Diyos ng kanilang kaligtasan.’ (Hab. 3:18) Sa anong mga paraan magiging “tunay na tahanang dako” si Jehova sa panahon ng malaking kapighatian? Malalaman pa natin. Pero makatitiyak tayo: Gaya ng mga Israelita noong panahon ng Pag-alis sa Ehipto, ang “malaking pulutong” ay mananatiling organisado at alisto sa tagubilin ng Diyos. (Apoc. 7:9; basahin ang Exodo 13:18.) Isisiwalat ang tagubiling ito sa teokratikong paraan, malamang ay sa pamamagitan ng kongregasyon. Maaaring ang libu-libong kongregasyon sa buong daigdig ang inilalarawan ng “mga loobang silid” na inihula sa Isaias 26:20. (Basahin.) Pinahahalagahan mo ba ang mga pulong ng kongregasyon? Agad mo bang ikinakapit ang mga tagubiling ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kongregasyon?—Heb. 13:17.
17. Sa anong diwa si Jehova ay mananatiling “tunay na tahanang dako” para sa kaniyang mga lingkod na namatay nang tapat?
17 May mga tapat kay Jehova na baka mamatay bago magsimula ang malaking kapighatian. Si Jehova ay mananatiling “tunay na tahanang dako” para sa kanila. Paano? Maraming taon pagkamatay ng tapat na mga patriyarka, sinabi ni Jehova kay Moises: “Ako ang Diyos . . . ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.” (Ex. 3:6) Matapos sipiin ni Jesus ang mga salitang ito, idinagdag niya: “Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Luc. 20:38) Oo, ang kaniyang mga lingkod na namatay nang tapat ay buháy sa paningin ni Jehova; sigurado ang kanilang pagkabuhay-muli.—Ecles. 7:1.
18. Sa bagong sanlibutan, paano magiging “tunay na tahanang dako” si Jehova para sa kaniyang bayan sa natatanging paraan?
18 Sa bagong sanlibutan, si Jehova ay magiging “tunay na tahanang dako” para sa kaniyang bayan sa natatanging paraan. Sinasabi sa Apocalipsis 21:3: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila.” Sa umpisa, si Jehova ay tatahang kasama ng mga tao sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan na si Kristo Jesus. Pagkatapos ng sanlibong taon, isasauli ni Jesus ang Kaharian sa kaniyang Ama, palibhasa’y naisakatuparan na niya ang kalooban ng Diyos para sa lupa. (1 Cor. 15:28) Sa gayon, hindi na mangangailangan ng tagapamagitan ang sakdal na sangkatauhan. Si Jehova ay sasakanila. Napakagandang kinabukasan! Kaya naman, gaya ng tapat na mga lingkod noon, gawin nating “tunay na tahanang dako” si Jehova ngayon.