Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mag-ingat sa mga Silo ng Diyablo!

Mag-ingat sa mga Silo ng Diyablo!

“[Tumakas kayo] mula sa silo ng Diyablo.”​—2 TIM. 2:26.

1, 2. Anong mga silo ng Diyablo ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

TULAD ng isang mangangaso, minamanmanan ng Diyablo ang mga lingkod ni Jehova. Pero hindi niya laging pinapatay ang kaniyang nasisila. Sa halip, mas gusto niya silang hulihin nang buháy at gamitin sila ayon sa kaniyang kagustuhan.​—Basahin ang 2 Timoteo 2:24-26.

2 Para mahuling buháy ang kaniyang biktima, ang isang mambibitag ay maaaring gumamit ng isang uri ng silo. Baka gumawa siya ng paraan para mabulabog ang hayop mula sa pinagtataguan nito at masilo ito gamit ang isang lubid. O baka gumamit siya ng isang nakatagong bitag na may tali na kapag nasaling ay biglang iigkas para mahuli ang walang kamalay-malay na hayop. Gumagamit din ang Diyablo ng katulad na mga silo para mahuling buháy ang mga lingkod ng Diyos. Kung gayon, dapat tayong maging alisto at sundin ang mga babalang nagpapahiwatig na may nakaumang na silo, o bitag, si Satanas. Tatalakayin ng artikulong ito kung paano tayo makapag-iingat laban sa tatlong bitag na matagumpay na ginagamit ng Diyablo. Ang mga ito ay (1) walang-ingat na pananalita, (2) takot at panggigipit, at (3) sobrang panunumbat ng budhi. Tatalakayin naman ng susunod na artikulo ang dalawa pang bitag, o silo, ni Satanas.

IWASAN ANG APOY NG WALANG-INGAT NA PANANALITA

3, 4. Ano ang posibleng maging resulta ng di-pagkontrol sa ating dila? Magbigay ng halimbawa.

3 Sinusunog ng ilang mangangaso ang isang bahagi ng gubat para bulabugin ang mga hayop mula sa pinagtataguan ng mga ito at hulihin. Gusto rin ng Diyablo na magpasimula ng sunog, wika nga, sa kongregasyong Kristiyano. Kapag nagtagumpay siya, mabubulabog niya ang mga miyembro nito mula sa ligtas na kanlungang iyon patungo sa kaniyang mga kamay. Paano tayo di-sinasadyang nagiging kasabuwat ni Satanas at sa gayo’y nabibitag niya?

4 Inihalintulad ng alagad na si Santiago ang dila sa isang apoy. (Basahin ang Santiago 3:6-8.) Kung hindi natin kokontrolin ang ating dila, baka magsimula tayo ng makasagisag na sunog sa loob ng kongregasyon. Paano ito maaaring mangyari? Isipin ang sitwasyong ito: Sa isang pagpupulong, ipinatalastas na naaprobahan bilang regular pioneer ang isang sister. Pagkatapos ng pulong, pinag-usapan ng dalawang mamamahayag ang patalastas na iyon. Habang ang isa ay tuwang-tuwa para sa bagong payunir, kinukuwestiyon naman ng isa ang motibo nito. Pinalilitaw niya na nagpayunir ito dahil gusto nitong maging prominente sa kongregasyon. Sino sa kanila ang gusto mong maging kaibigan? Kitang-kita natin kung sino sa kanila ang malamang na magpasimula ng “sunog” sa kongregasyon dahil sa walang-ingat na pananalita.

5. Para maiwasan ang apoy ng walang-ingat na pananalita, anong pagsusuri sa sarili ang dapat nating gawin?

5 Paano natin maiiwasan ang apoy ng walang-ingat na pananalita? Sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat. 12:34) Kaya ang unang hakbang ay ang pagsusuri sa ating puso. Inaalis ba natin ang negatibong mga damdamin na nagsisilbing gatong sa mapanirang pananalita? Halimbawa, kapag nabalitaan natin na ang isang brother ay umaabót ng pribilehiyo sa kongregasyon, nagtitiwala ba tayo na malinis ang motibo niya, o nagsususpetsa tayo na udyok lang ito ng pansariling interes? Kung may tendensiya tayong maging mapaghinala, tandaan natin na kinuwestiyon ng Diyablo ang motibo ni Job, isang tapat na lingkod ng Diyos. (Job 1:9-11) Sa halip na pagsuspetsahan ang ating kapatid, pag-isipan kung bakit natin siya pinipintasan. Talaga bang may basehan tayo na gawin iyon? O baka naman nahawahan na tayo ng kawalang-pag-ibig na palasak sa mga huling araw na ito?​—2 Tim. 3:1-4.

6, 7. (a) Ano ang ilang dahilan kung bakit tayo nagiging mapamintas? (b) Paano tayo dapat tumugon kapag nilait tayo?

6 Pansinin ang iba pang dahilan kung bakit tayo nagiging mapamintas. Baka gusto nating mas mapansin ang mabubuting bagay na nagawa natin. Sa diwa, hinahatak natin ang iba pababa para makaangat tayo sa kanila. O baka naman ipinagmamatuwid lang natin ang ating sariling mga pagkukulang. Udyok man ito ng pagmamapuri, inggit, o kawalang-tiwala sa sarili, kapaha-pahamak ang resulta nito.

7 Baka nadarama natin na may katuwiran tayong magsalita ng negatibo tungkol sa isang tao. Marahil naging biktima tayo ng kaniyang walang-ingat na pananalita. Totoo man iyan, hindi solusyon ang pagganti. Lalo lang nitong gagatungan ang apoy at sa gayo’y nasusunod ang kalooban ng Diyablo, hindi ang sa Diyos. (2 Tim. 2:26) Makabubuting tularan natin si Jesus. Nang siya ay laitin, “hindi siya nanlait bilang ganti.” Sa halip, “patuloy [niyang] ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Ped. 2:21-23) May tiwala si Jesus na itutuwid ni Jehova ang mga bagay-bagay sa Kaniyang takdang panahon at paraan. Dapat din tayong magkaroon ng ganiyang tiwala sa Diyos. Kapag nakapagpapatibay ang ating pananalita, naiingatan natin ang “nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan” sa kongregasyon.​—Basahin ang Efeso 4:1-3.

TAKASAN ANG SILO NG TAKOT AT PANGGIGIPIT

8, 9. Bakit hinatulan ni Pilato si Jesus ng kamatayan?

8 Kapag nasilo ang isang hayop, hindi na ito gaanong makakakilos. Sa katulad na paraan, kapag ang isang tao ay nagpadala sa takot at panggigipit, hindi na niya gaanong kontrolado ang kaniyang mga kilos. (Basahin ang Kawikaan 29:25.) Pag-usapan natin ang dalawang lalaking nagpadaig sa panggigipit at takot, at tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa kanila.

9 Alam ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato na walang kasalanan si Jesus at lumilitaw na ayaw niya itong mapahamak. Sa katunayan, sinabi ni Pilato na ‘walang anumang nagawa si Jesus na karapat-dapat sa kamatayan.’ Sa kabila nito, hinatulan niya si Jesus ng kamatayan. Bakit? Dahil nagpadala si Pilato sa panggigipit ng mga tao. (Luc. 23:15, 21-25) “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar,” ang sabi ng mga mananalansang, para makuha ang gusto nila. (Juan 19:12) Maaaring natatakot si Pilato na matanggal sa puwesto​—o mamatay pa nga​—kung kakampi siya kay Kristo. Kaya nagpadala siya sa panggigipit at sinunod ang kalooban ng Diyablo.

10. Bakit ikinaila ni Pedro si Kristo?

10 Si apostol Pedro ay isa sa pinakamalalapít na kasama ni Jesus. Ipinahayag niya na si Jesus ang Mesiyas. (Mat. 16:16) Nang hindi maunawaan ng ibang mga alagad ni Jesus ang sinabi niya at iniwan nila siya, nanatiling matapat si Pedro. (Juan 6:66-69) At nang dumating ang mga kaaway para dakpin si Jesus, gumamit si Pedro ng tabak para ipagtanggol ang kaniyang Panginoon. (Juan 18:10, 11) Pero nang maglaon, nagpadala si Pedro sa takot at ikinaila pa nga si Jesu-Kristo. Ang apostol na ito ay sandaling nasilo ng takot sa tao kung kaya hindi siya nakakilos nang may lakas ng loob.​—Mat. 26:74, 75.

11. Anong masasamang impluwensiya ang dapat nating paglabanan?

11 Bilang mga Kristiyano, kailangan nating labanan ang panggigipit na gumawa ng mga bagay na di-kalugud-lugod sa Diyos. Baka pilitin tayo ng ating amo at ng iba pa na mandaya o maaaring udyukan nila tayong gumawa ng imoralidad. Ang mga estudyante ay maaaring gipitin ng kanilang mga kaeskuwela na mandaya sa exam, manood ng pornograpya, manigarilyo, magdroga, maglasing, o gumawa ng kahalayan. Kung gayon, ano ang makatutulong sa atin para makatakas sa silo ng takot at panggigipit na gumawa ng mga bagay na di-kalugud-lugod kay Jehova?

12. Ano ang matututuhan natin kina Pilato at Pedro?

12 Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin kina Pilato at Pedro. Walang gaanong alam si Pilato tungkol kay Kristo. Pero alam niya na walang kasalanan si Jesus at hindi ito ordinaryong tao. Gayunman, walang kapakumbabaan at pag-ibig sa tunay na Diyos si Pilato. Kaya napakadali para sa Diyablo na hulihin siyang buháy. Samantala, si Pedro ay may tumpak na kaalaman at may pag-ibig sa Diyos. Pero kung minsan, hindi niya alam ang kaniyang limitasyon, naging matatakutin siya, at nagpadala sa panggigipit. Bago maaresto si Jesus, ipinagmalaki ni Pedro: “Kahit na ang lahat ng iba pa ay matisod, ngunit ako ay hindi.” (Mar. 14:29) Naging mas handa sana ang apostol sa mga pagsubok kung tinularan niya ang salmista na nagtiwala sa Diyos at umawit: “Si Jehova ay nasa panig ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?” (Awit 118:6) Noong huling gabi ng buhay ni Jesus sa lupa, isinama niya si Pedro at ang dalawa pang apostol sa looban ng hardin ng Getsemani. Pero sa halip na manatiling gising, nakatulog si Pedro at ang kaniyang mga kasama. Ginising sila ni Jesus at sinabi: “Mga lalaki, patuloy kayong magbantay at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mar. 14:38) Pero nakatulog na naman si Pedro at nang maglaon ay nagpadala sa takot at panggigipit.

13. Paano natin mapaglalabanan ang panggigipit na gumawa ng masama?

13 Itinuturo sa atin ng halimbawa nina Pilato at Pedro na madadaig natin ang panggigipit kung kikilalanin natin ang ating mga limitasyon, kung mayroon tayong tumpak na kaalaman, kapakumbabaan, pag-ibig sa Diyos, at takot kay Jehova, hindi sa mga tao. Kung ang pananampalataya natin ay salig sa tumpak na kaalaman, lakas-loob tayong magsasalita nang may pananalig tungkol sa ating paniniwala. Tutulong ito para malabanan natin ang panggigipit at madaig ang takot sa tao. Siyempre pa, hindi dapat lumabis ang kumpiyansa natin sa sarili. Sa halip, mapagpakumbaba nating kilalanin na kailangan natin ang kapangyarihan ng Diyos para mapaglabanan ang panggigipit. Kailangang manalangin tayo ukol sa espiritu ni Jehova at hayaang pakilusin tayo ng pag-ibig sa kaniya na itaguyod ang kaniyang pangalan at mga pamantayan. Karagdagan pa, kailangan nating paghandaan ang panggigipit. Halimbawa, ang patiunang paghahanda na may kasamang pananalangin ay tutulong sa ating mga anak na manindigan kapag ginigipit silang gumawa ng masama.​—2 Cor. 13:7. *

IWASAN ANG BITAG NA DUMUDUROG​—SOBRANG PANUNUMBAT NG BUDHI

14. Ano ang gusto ng Diyablo na isipin natin kung tungkol sa ating mga nakaraang pagkakamali?

14 Ang ilang bitag ay ginagamitan ng mabigat na troso o bato na nakabitin sa landas na madalas daanan ng hayop. Kapag nasaling ng hayop ang tali ng bitag, mababagsakan ito at madudurog ng nakabiting troso o bato. Ang labis na panunumbat ng budhi ay tulad ng mabigat na pasan na dumudurog sa isa. Kapag naaalaala natin ang ating mga nakaraang pagkakamali, baka madama nating tayo ay ‘nasisiil [o, nadurog] nang lubusan.’ (Basahin ang Awit 38:3-5, 8.) Gusto ni Satanas na isipin nating hindi na tayo kaaawaan ni Jehova at hindi natin kayang abutin ang Kaniyang mga kahilingan.

15, 16. Paano mo maiiwasan ang bitag ng sobrang panunumbat ng budhi?

15 Paano mo maiiwasan ang bitag na dumudurog? Kung nakagawa ka ng malubhang kasalanan, kumilos ka para maisauli ang iyong pakikipagkaibigan kay Jehova. Lumapit ka sa mga elder at hingin ang kanilang tulong. (Sant. 5:14-16) Gawin mo ang iyong makakaya para ituwid ang pagkakamali. (2 Cor. 7:11) Kapag tumanggap ka ng disiplina, huwag panghinaan ng loob. Ang disiplina ay katibayan na talagang mahal ka ni Jehova. (Heb. 12:6) Maging determinado na huwag maulit ang pagkakasala, pati na ang mga hakbang na umakay roon. Matapos magsisi at manumbalik, manampalataya ka na talagang matatakpan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo ang iyong mga pagkakamali.​—1 Juan 4:9, 14.

16 Sinisisi pa rin ng iba ang kanilang sarili kahit napatawad na ang kanilang kasalanan. Kung ganiyan ang nadarama mo, tandaan na pinatawad ni Jehova si Pedro at ang ibang mga apostol sa pag-iwan nila sa Kaniyang minamahal na Anak noong nasa matinding kagipitan ito. Pinatawad din ni Jehova ang lalaking itiniwalag sa kongregasyon sa Corinto na nakagawa ng lantarang imoralidad pero nagsisi nang maglaon. (1 Cor. 5:1-5; 2 Cor. 2:6-8) Sa Salita ng Diyos, may binanggit na talamak na mga makasalanan na nagsisi at pinatawad ng Diyos.​—2 Cro. 33:2, 10-13; 1 Cor. 6:9-11.

17. Ano ang magagawa ng pantubos para sa atin?

17 Patatawarin at kalilimutan ni Jehova ang iyong mga nakaraang pagkakamali kung talagang nagsisisi ka at tinatanggap mo ang kaniyang awa. Huwag na huwag mong isipin na di-matatakpan ng haing pantubos ni Jesus ang iyong mga kasalanan. Kung ganiyan ang nadarama mo, biktima ka ng isa sa mga silo ni Satanas. Pero tandaan mo na matatakpan ng pantubos ang mga pagkakasala ng lahat ng nagkasala pero nagsisisi. (Kaw. 24:16) Ang pananampalataya sa pantubos ay makapag-aalis ng mabigat na pasan ng sobrang panunumbat ng budhi. Mabibigyan ka rin nito ng lakas na paglingkuran ang Diyos nang iyong buong puso, pag-iisip, at kaluluwa.​—Mat. 22:37.

ALAM NATIN ANG MGA PAKANA NI SATANAS

18. Paano natin maiiwasan ang mga silo ng Diyablo?

18 Hindi mahalaga kay Satanas kung anong bitag ang sisilo sa atin. Ang mahalaga sa kaniya ay mahuli niya tayo. Pero dahil alam natin ang mga pakana ni Satanas, maiiwasan nating malamangan ng Diyablo. (2 Cor. 2:10, 11) Para huwag niya tayong masilo o mabitag, humingi tayo ng karunungan sa Diyos sa pagharap sa mga pagsubok. Sumulat si Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Sant. 1:5) Kailangan tayong kumilos kaayon ng ating mga panalangin sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos. Ang salig-Bibliyang mga publikasyong inilalaan ng uring tapat at maingat na alipin ay tumutulong sa atin na makita ang mga bitag na iniuumang ng Diyablo at maiwasan ang mga iyon.

19, 20. Bakit natin dapat kapootan ang masama?

19 Ang panalangin at pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa atin na linangin ang pag-ibig sa mabuti. Pero mahalaga rin na linangin natin ang pagkapoot sa masama. (Awit 97:10) Maiiwasan natin ang sakim na pagnanasa kung bubulay-bulayin natin ang kahihinatnan nito. (Sant. 1:14, 15) Kapag napopoot tayo sa masama at talagang iniibig natin ang mabuti, nagiging kasuklam-suklam sa atin ang pain na iniuumang ni Satanas; hindi na ito kaakit-akit sa atin.

20 Laking pasasalamat natin na tinutulungan tayo ng Diyos para huwag tayong malamangan ni Satanas! Sa tulong ng Kaniyang espiritu, Salita, at organisasyon, inililigtas tayo ni Jehova “mula sa isa na balakyot.” (Mat. 6:13) Sa susunod na artikulo, pag-aaralan naman natin kung paano maiiwasan ang dalawa pang bitag na matagumpay na ginagamit ng Diyablo para hulihing buháy ang mga lingkod ng Diyos.

[Talababa]

^ par. 13 Makabubuting talakayin ng mga magulang sa kanilang mga anak ang “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa aklat na Ang Mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, pahina 132-133. Maaaring gamitin ang materyal na ito sa gabi ng Pampamilyang Pagsamba.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 21]

Ang walang-ingat na pananalita ay maaaring magpasimula ng sunog, o problema, sa kongregasyon

[Larawan sa pahina 24]

Maaalis mo ang mabigat na pasan ng sobrang panunumbat ng budhi