Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Magpakalakas-Loob Ka at Lubhang Magpakatibay’

‘Magpakalakas-Loob Ka at Lubhang Magpakatibay’

“Magpakalakas-loob ka . . . at lubhang magpakatibay . . . Si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.”​—JOS. 1:7-9.

1, 2. (a) Kung minsan, ano ang kailangan para magawa ang tama? (b) Ano ang tatalakayin natin?

ANG lakas ng loob ay kabaligtaran ng takot, kadunguan, at karuwagan. Kapag pinag-uusapan ang isang taong may lakas ng loob, baka maisip natin ang isang taong malakas, magiting, at matapang. Pero kahit sa ating pang-araw-araw na buhay, kung minsan ay kailangan ang lakas ng loob para magawa ang tama.

2 May mga tauhan sa Bibliya na nanatiling walang takot kahit sa mahihirap na kalagayan. Ang iba naman ay nagpakita ng lakas ng loob sa mga sitwasyong karaniwang napapaharap sa mga lingkod ni Jehova. Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawang ito? Paano tayo magkakaroon ng lakas ng loob?

MGA SAKSING MAY LAKAS NG LOOB SA ISANG DI-MAKADIYOS NA SANLIBUTAN

3. Ano ang inihula ni Enoc hinggil sa mga di-makadiyos?

3 Kailangan ang lakas ng loob para maging isang saksi ni Jehova sa gitna ng mga balakyot bago ang Baha noong panahon ni Noe. Halimbawa, si Enoc, “ang ikapito sa linya mula kay Adan,” ay matapang na naghayag ng hulang ito: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Jud. 14, 15) Nagsalita si Enoc na para bang nangyari na ang mga sinasabi niya, yamang siguradong magkakatotoo ang mga ito. At talaga ngang napuksa sa pangglobong delubyo ang mga di-makadiyos!

4. Sa anong mga kalagayan ‘lumakad si Noe na kasama ng Diyos’?

4 Naganap ang Baha noong 2370 B.C.E., mahigit 650 taon pagkamatay ni Enoc. Samantala, ipinanganak si Noe, nagpamilya, at nagtayo ng arka kasama ng kaniyang mga anak. Ang balakyot na mga anghel ay nagkatawang-tao, sumiping sa magagandang babae, at nagkaanak ng mga Nefilim. Bukod diyan, lumaganap ang kasamaan ng tao at ang lupa ay napuno ng karahasan. (Gen. 6:1-5, 9, 11) Sa kabila nito, “si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos” at may-katapangang nagpatotoo bilang “isang mangangaral ng katuwiran.” (Basahin ang 2 Pedro 2:4, 5.) Kailangan natin ang gayong lakas ng loob sa mga huling araw na ito.

NAGPAKITA SILA NG PANANAMPALATAYA AT LAKAS NG LOOB

5. Paano nagpakita ng pananampalataya at lakas ng loob si Moises?

5 Si Moises ay uliran sa pananampalataya at lakas ng loob. (Heb. 11:24-27) Mula 1513-1473 B.C.E., ginamit siya ng Diyos para pangunahan ang mga Israelita papalabas ng Ehipto at akayin sila sa ilang. Bagaman sa tingin ni Moises ay hindi niya kaya ang atas na ito, tinanggap pa rin niya ito. (Ex. 6:12) Siya at ang kapatid niyang si Aaron ay paulit-ulit na humarap sa mapaniil na Paraon ng Ehipto at lakas-loob na ipinagbigay-alam dito ang Sampung Salot na gagamitin ni Jehova para hiyain ang mga diyos ng Ehipto at iligtas ang Kaniyang bayan. (Ex., kab. 7-12) Naipakita ni Moises ang pananampalataya at lakas ng loob dahil lagi siyang tinutulungan ng Diyos, gaya rin ng ginagawa ni Jehova sa atin ngayon.​—Deut. 33:27.

6. Kapag pinagtatatanong tayo ng sekular na mga awtoridad, paano tayo makapagpapatotoo nang may lakas ng loob?

6 Kailangan natin ang lakas ng loob na gaya ng kay Moises. Sinabi ni Jesus: “Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa. Gayunman, kapag dinala nila kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin; sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras na iyon; sapagkat ang nagsasalita ay hindi lamang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo.” (Mat. 10:18-20) Kapag pinagtatatanong tayo ng sekular na mga awtoridad, aalalayan tayo ng espiritu ni Jehova para magalang tayong makapagpatotoo nang may pananampalataya at lakas ng loob.​—Basahin ang Lucas 12:11, 12.

7. Paano nagkaroon ng lakas ng loob si Josue at nagtagumpay?

7 Tumibay ang pananampalataya at lumakas ang loob ng kahalili ni Moises na si Josue dahil sa regular na pag-aaral ng Kautusan ng Diyos. Noong 1473 B.C.E., naghahanda nang pumasok sa Lupang Pangako ang Israel. ‘Magpakalakas-loob ka at lubhang magpakatibay,’ ang utos ng Diyos. Kung susundin ni Josue ang Kautusan, kikilos siya nang may karunungan at magtatagumpay. Sinabi sa kaniya: “Huwag kang magitla o masindak, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.” (Jos. 1:7-9) Tiyak na napatibay si Josue! At totoong sumakaniya ang Diyos dahil ang kalakhang bahagi ng Lupang Pangako ay nasakop sa loob lang ng anim na taon​—noong 1467 B.C.E.

MAGIGITING NA BABAING NANINDIGAN

8. Paano nagpakita ng pananampalataya at lakas ng loob si Rahab?

8 Sa loob ng maraming siglo, maraming kababaihan ang nagpakita ng lakas ng loob sa paglilingkod kay Jehova. Halimbawa, ang patutot na si Rahab ng Jerico ay nanampalataya sa Diyos, anupat buong-katapangang ikinubli ang dalawang tiktik na isinugo ni Josue at iniligaw ang mga tauhan ng hari ng lunsod. Siya at ang kaniyang sambahayan ay naligtas nang kubkubin ng mga Israelita ang Jerico. Tinalikuran ni Rahab ang kaniyang pamumuhay sa kasalanan, naging tapat na mananamba ni Jehova, at naging ninuno ng Mesiyas. (Jos. 2:1-6; 6:22, 23; Mat. 1:1, 5) Talagang pinagpala siya dahil sa kaniyang pananampalataya at lakas ng loob!

9. Paano nagpakita ng lakas ng loob sina Debora, Barak, at Jael?

9 Noong mga 1450 B.C.E., pagkamatay ni Josue, mga hukom ang naglapat ng katarungan sa Israel. Dalawampung taon nang sinisiil ni Haring Jabin ng Canaan ang mga Israelita nang utusan ng Diyos ang propetisang si Debora na pasiglahing kumilos si Hukom Barak. Tinipon ni Barak ang 10,000 tauhan niya sa Bundok Tabor para makipaglaban kay Sisera, pinuno ng militar ni Jabin. Pumasok si Sisera sa agusang libis ng Kison kasama ang kaniyang hukbo at 900 karong pandigma. Nang humayo ang mga Israelita sa kapatagang libis, nagpasapit ang Diyos ng rumaragasang baha kaya nagputik ang libis at nabalaho ang mga karo ng mga Canaanita. Nagtagumpay ang hukbo ni Barak, at “ang buong kampo ni Sisera ay bumagsak sa pamamagitan ng talim ng tabak.” Tumakas si Sisera at nanganlong sa tolda ni Jael, pero pinatay siya ni Jael habang natutulog. Gaya ng sinabi ni Debora kay Barak, “ang kagandahan,” o papuri, para sa tagumpay na ito ay napunta sa babaing si Jael. Dahil kumilos nang may lakas ng loob sina Debora, Barak, at Jael, ang Israel ay “hindi na nagkaroon ng kaligaligan sa loob ng apatnapung taon.” (Huk. 4:1-9, 14-22; 5:20, 21, 31) Maraming makadiyos na lalaki at babae ang nagpakita ng gayunding pananampalataya at lakas ng loob.

NAKAPAGPAPALAKAS NG LOOB ANG ATING MGA SALITA

10. Anong halimbawa ang nagpapakita na maaaring makapagpalakas ng loob ang ating mga salita?

10 Ang mga salita natin ay makapagpapalakas ng loob ng ating mga kapananampalataya. Noong ika-11 siglo B.C.E., sinabi ni Haring David sa anak niyang si Solomon: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay ka at kumilos. Huwag kang matakot ni masindak man, sapagkat ang Diyos na Jehova, na aking Diyos, ay sumasaiyo. Hindi ka niya pababayaan o iiwan man hanggang sa ang lahat ng gawaing paglilingkod sa bahay ni Jehova ay matapos.” (1 Cro. 28:20) Lakas-loob na kumilos si Solomon at itinayo ang maringal na templo ni Jehova sa Jerusalem.

11. Paano nakatulong sa isang lalaki ang mga salita ng isang matapang na batang babaing Israelita?

11 Noong ikasampung siglo B.C.E., pinagpala ang isang lalaking ketongin dahil sa mga salita ng isang matapang na batang babaing Israelita. Ang batang ito ay binihag ng isang pangkat ng mandarambong at naging lingkod ng ketonging si Naaman, na pinuno ng hukbo ng Sirya. Palibhasa’y alam ng bata ang mga himalang ginawa ni Jehova sa pamamagitan ni Eliseo, sinabi niya sa asawa ni Naaman na kung pupunta si Naaman sa Israel, pagagalingin siya ng propeta ng Diyos. Pumunta nga si Naaman sa Israel, napagaling sa makahimalang paraan, at naging mananamba ni Jehova. (2 Hari 5:1-3, 10-17) Kung ikaw ay isang kabataang umiibig sa Diyos gaya ng batang babaing Israelita, mabibigyan ka ni Jehova ng lakas ng loob na magpatotoo sa iyong mga guro, kamag-aral, at iba pa.

12. Paano tumugon sa mga salita ni Haring Hezekias ang kaniyang mga sakop?

12 Sa panahon ng panganib, makapagpapalakas-loob ang tamang mga salita. Nang humayo ang mga Asiryano laban sa Jerusalem noong ikawalong siglo B.C.E., sinabi ni Haring Hezekias sa kaniyang mga sakop: “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay. Huwag kayong matakot ni masindak man dahil sa hari ng Asirya at dahil sa buong pulutong na kasama niya; sapagkat ang kasama natin ay mas marami kaysa sa kasama niya. Ang sumasakaniya ay isang bisig na laman, ngunit ang sumasaatin ay si Jehova na ating Diyos upang tulungan tayo at upang ipakipaglaban ang ating mga pakikipagbaka.” Paano tumugon ang kaniyang mga sakop? “Ang bayan ay nagsimulang manalig sa mga salita ni Hezekias”! (2 Cro. 32:7, 8) Ang mga salitang gaya ng kay Hezekias ay makapagpapalakas ng ating loob at ng iba pang Kristiyano sa panahon ng pag-uusig.

13. Paano nagpakita ng lakas ng loob si Obadias na katiwala ni Haring Ahab?

13 Kung minsan, maipakikita natin ang lakas ng loob sa pamamagitan ng pananahimik. Noong ikasampung siglo B.C.E., lakas-loob na ikinubli ni Obadias, na katiwala ni Haring Ahab, ang isang daang propeta ni Jehova “nang lima-limampu sa isang yungib” para hindi sila mapatay ng napakasamang si Reyna Jezebel. (1 Hari 18:4) Tulad ng makadiyos na si Obadias, ipinagsasanggalang ng maraming tapat na lingkod ni Jehova sa ngayon ang kanilang mga kapananampalataya sa pamamagitan ng hindi pagsisiwalat ng impormasyon sa mga mang-uusig.

SI ESTHER​—ISANG REYNANG MAY LAKAS NG LOOB

14, 15. Paano nagpakita ng pananampalataya at lakas ng loob si Reyna Esther, at ano ang resulta?

14 Si Reyna Esther ay nagpakita ng matibay na pananampalataya at lakas ng loob. Noong ikalimang siglo B.C.E., nagpakana ang balakyot na si Haman na lipulin ang mga Judio sa buong Imperyo ng Persia. Kaya naman nagdalamhati sila at nag-ayuno. Tiyak na nanalangin din sila nang buong puso! (Esth. 4:1-3) Balisang-balisa si Reyna Esther. Pinadalhan siya ng kaniyang pinsang si Mardokeo ng isang kopya ng kautusan na nagpapahintulot sa masaker at inutusan siyang humarap sa hari para mamanhik dito alang-alang sa mga kapuwa Judio. Pero ang sinumang pumaroon sa hari nang hindi ipinatatawag ay papatayin.​—Esth. 4:4-11.

15 Gayunman, sinabi ni Mardokeo kay Esther: ‘Kung tatahimik ka, ang katubusan ay babangon mula sa ibang dako. Ngunit sino ang nakaaalam kung dahil nga sa pagkakataong katulad nito kaya nagkamit ka ng maharlikang dangal?’ Sinabihan ni Esther si Mardokeo na tipunin ang mga Judio sa Susan at mag-ayuno alang-alang sa kaniya. “Ako ay mag-aayuno nang gayundin,” ang sabi niya, “at sa gayon ay paroroon ako sa hari, na hindi ayon sa kautusan; at kung mamamatay ako ay mamamatay nga ako.” (Esth. 4:12-17) Lakas-loob na kumilos si Esther, at ipinakikita ng aklat na ipinangalan sa kaniya na iniligtas ng Diyos ang Kaniyang bayan. Sa panahon natin, ang pinahirang mga Kristiyano at ang ibang mga tupa ay nagpapakita ng gayunding lakas ng loob sa harap ng pagsubok​—at laging nasa panig nila ang “Dumirinig ng panalangin.”​—Basahin ang Awit 65:2; 118:6.

“LAKASAN NINYO ANG INYONG LOOB!”

16. Ano ang matututuhan ng mga kabataan kay Jesus?

16 Minsan, nang si Jesus ay 12 anyos, nadatnan siya ng kaniyang mga magulang sa templo, na “nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” Bukod diyan, ang “lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” (Luc. 2:41-50) Bagaman bata pa, si Jesus ay may pananampalataya at lakas ng loob na magtanong sa matatandang guro sa templo. Dapat tandaan ng mga kabataan sa kongregasyong Kristiyano ang halimbawa ni Jesus. Makatutulong ito sa kanila na samantalahin ang mga pagkakataong ‘gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi ng katuwiran para sa pag-asa na nasa kanila.’​—1 Ped. 3:15.

17. Bakit hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ‘lakasan ang kanilang loob’? Bakit kailangan tayong kumilos nang may lakas ng loob?

17 Hinimok ni Jesus ang iba na ‘lakasan ang kanilang loob.’ (Mat. 9:2, 22) Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Narito! Ang oras ay dumarating, sa katunayan, dumating na nga, na pangangalatin kayo bawat isa sa kaniyang sariling bahay at iiwan ninyo akong mag-isa; at gayunma’y hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko. Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa pamamagitan ko ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:32, 33) Tulad ng unang mga tagasunod ni Jesus, kinapopootan tayo ng sanlibutan, pero huwag nating tularan ang sanlibutan. Kung bubulay-bulayin natin ang lakas ng loob na ipinakita ng Anak ng Diyos, lalakas din ang ating loob na manatiling hiwalay sa sanlibutang ito. Dinaig niya ang sanlibutan, at magagawa rin natin iyan.​—Juan 17:16; Sant. 1:27.

“LAKASAN MO ANG IYONG LOOB!”

18, 19. Paano nagpakita si apostol Pablo ng pananampalataya at lakas ng loob?

18 Maraming pinagdaanang pagsubok si apostol Pablo. Minsan, muntik na siyang pagluray-lurayin ng mga Judio sa Jerusalem kung hindi siya nailigtas ng mga kawal na Romano. Nang sumunod na gabi, “tumayo sa tabi niya ang Panginoon at nagsabi: ‘Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paanong lubusan mong pinatototohanan ang mga bagay tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.’” (Gawa 23:11) Ganiyan nga ang ginawa ni Pablo.

19 Walang-takot na sinaway ni Pablo ang “ubod-galing na mga apostol,” na nagtangkang pasamain ang kongregasyon sa Corinto. (2 Cor. 11:5; 12:11) Di-tulad nila, may patotoo si Pablo ng kaniyang pagka-apostol​—ang pagkabilanggo, pambubugbog, mapanganib na mga paglalakbay, hirap, gutom, uhaw, at mga gabing walang tulog, pati na ang pagmamalasakit sa mga kapananampalataya. (Basahin ang 2 Corinto 11:23-28.) Napakagandang halimbawa nga ng pananampalataya at lakas ng loob​—patunay na galing sa Diyos ang kaniyang lakas!

20, 21. (a) Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang kailangan tayong patuloy na mag-ipon ng lakas ng loob. (b) Sa anu-anong sitwasyon tayo kailangang magpakita ng lakas ng loob, at sa ano tayo makatitiyak?

20 Hindi lahat ng Kristiyano ay daranas ng matinding pag-uusig. Pero lahat tayo ay kailangang mag-ipon ng katapangan para maharap ang mga hamon sa buhay. Kuning halimbawa ang isang kabataang lalaking taga-Brazil na miyembro ng isang gang. Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, nakita niyang kailangan siyang gumawa ng mga pagbabago. Pero karaniwan na, pinapatay ang mga tumitiwalag sa gang na ito. Nanalangin siya at gumamit ng mga teksto para ipaliwanag sa lider kung bakit kailangan siyang kumalas sa gang. Hinayaan siyang umalis nang hindi sinasaktan, at naging mamamahayag siya ng Kaharian.

21 Kailangan ang lakas ng loob para ipangaral ang mabuting balita. Kailangan ng mga kabataang Kristiyano ang katangiang ito para mapanatili ang katapatan kapag nasa paaralan. Kakailanganin din ang lakas ng loob para magpaalam sa trabaho at sa gayo’y madaluhan ang lahat ng sesyon ng isang kombensiyon. At marami pang mga kalagayan kung saan kailangan natin ng lakas ng loob. Pero anuman ang mga hamong napapaharap sa atin, diringgin ni Jehova ang ating mga “panalangin ng pananampalataya.” (Sant. 5:15) At tiyak na mabibigyan niya tayo ng kaniyang banal na espiritu para ‘magpakalakas-loob at lubhang magpakatibay’!

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 11]

Si Enoc ay lakas-loob na nangaral sa isang di-makadiyos na sanlibutan

[Larawan sa pahina 12]

Matibay at malakas ang loob ni Jael