Sanayin ang Iba na Umabót ng Pribilehiyo
Sanayin ang Iba na Umabót ng Pribilehiyo
“Ang bawat isa na sakdal na naturuan ay magiging tulad ng kaniyang guro.”—LUC. 6:40.
1. Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, paano itinatag ni Jesus ang pundasyon ng isang kahanga-hangang kongregasyon?
SA KATAPUSAN ng Ebanghelyo ni apostol Juan, isinulat niya: “Sa katunayan, marami pa ring ibang bagay ang ginawa ni Jesus, na, kung sakaling ang mga iyon ay naisulat nang lubhang detalyado, sa palagay ko, sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga balumbong isinulat.” (Juan 21:25) Kasama sa mga naisagawa ni Jesus sa kaniyang maikli pero masiglang ministeryo ay ang paghahanap, pagsasanay, at pag-oorganisa ng mga lalaking mangunguna sa gawain pagkatapos ng kaniyang buhay sa lupa. Nang bumalik siya sa langit noong 33 C.E., naitatag niya ang pundasyon ng isang kahanga-hangang kongregasyon na lalago at magkakaroon ng libu-libong mángangarál.—Gawa 2:41, 42; 4:4; 6:7.
2, 3. (a) Bakit kailangang umabót ng mga pribilehiyo ang mga bautisadong lalaki? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Sa ngayon, may mahigit pitong milyong aktibong mamamahayag ng Kaharian sa mahigit 100,000 kongregasyon sa buong daigdig. Kaya malaki pa rin ang pangangailangan para sa mga lalaking mangunguna sa organisasyon, gaya ng mga elder. Karapat-dapat sa komendasyon ang mga umaabót sa pribilehiyong ito dahil sila ay “nagnanasa ng isang mainam na gawa.”—1 Tim. 3:1.
3 Pero may mga kahilingan bago magkaroon ng mga pribilehiyo sa kongregasyon ang isang lalaki. Hindi sapat ang sekular na edukasyon, karanasan sa buhay, o abilidad. Para makapaglingkod Luc. 6:40) Sa artikulong ito, tatalakayin kung paano tinulungan ng Dalubhasang Guro na si Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad na maging kuwalipikado sa mas mabibigat na pananagutan. Tatalakayin din kung ano ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa.
nang tama, kailangang mayroon siyang espirituwal na mga kuwalipikasyon at katangian. Paano matutulungan ang mga lalaki sa kongregasyon na maging kuwalipikado? “Ang bawat isa na sakdal na naturuan ay magiging tulad ng kaniyang guro,” ang sabi ni Jesus. (“Tinawag Ko Na Kayong mga Kaibigan”
4. Paano ipinakita ni Jesus na isa siyang tunay na kaibigan sa kaniyang mga alagad?
4 Hindi inisip ni Jesus na nakatataas siya sa kaniyang mga alagad; kaibigan ang turing niya sa kanila. Gumugol siya ng panahon kasama nila, nagtiwala sa kanila, at ‘ipinaalam sa kanila ang lahat ng bagay na narinig niya sa kaniyang Ama.’ (Basahin ang Juan 15:15.) Isip-isipin kung gaano kasaya ang mga alagad nang sagutin ni Jesus ang tanong nila: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mat. 24:3, 4) Ipinaalam din ni Jesus sa kanila ang kaniyang iniisip at nadarama. Halimbawa, noong gabing ipagkakanulo siya, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa hardin ng Getsemani, kung saan marubdob siyang nanalangin. Hindi niya itinago sa kanila ang kaniyang pagkabagabag, kaya malamang na naunawaan nila kung gaano kaseryoso ang sitwasyon. (Mar. 14:33-38) Isip-isipin din ang epekto sa tatlong apostol ng pagbabagong-anyo ni Jesus. (Mar. 9:2-8; 2 Ped. 1:16-18) Ang matalik na pakikipagkaibigan ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang pinaghugutan nila ng lakas para magampanan ang tinanggap nilang mabibigat na atas nang maglaon.
5. Paano tinutulungan ng mga elder ang iba?
5 Gaya ni Jesus, kinakaibigan at tinutulungan ng mga elder ang iba. Sinisikap nilang maging magiliw at malapít sa mga kapananampalataya, anupat nagpapakita ng personal na interes. Bagaman marunong silang mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay, ibinabahagi naman nila sa mga kapatid ang mga natututuhan nila sa Bibliya. May tiwala sila sa kanilang mga kapatid. Hindi nila minamaliit ang isang ministeryal na lingkod dahil lang sa mas bata ito. Sa halip, itinuturing nila siya bilang isang taong espirituwal na may potensiyal at gumaganap ng mahalagang paglilingkod sa kongregasyon.
“Nagbigay Ako ng Parisan Para sa Inyo”
6, 7. Anong halimbawa ang iniwan ni Jesus sa kaniyang mga alagad? Paano ito nakatulong sa kanila?
6 Mapagpahalaga sa espirituwal na mga bagay ang mga alagad ni Jesus. Pero kung minsan, naiimpluwensiyahan sila ng kanilang pinagmulan at kultura. (Mat. 19:9, 10; Luc. 9:46-48; Juan 4:27) Sa kabila nito, hindi sinermunan o tinakot ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Hindi niya sila pinagawa ng mga bagay na hindi nila kayang gawin o na ayaw niya mismong gawin. Sa halip, nagpakita siya ng magandang halimbawa sa kanila.—Basahin ang Juan 13:15.
7 Anong huwaran ang iniwan ni Jesus sa kaniyang mga alagad? (1 Ped. 2:21) Pinanatili niyang simple ang kaniyang buhay para mas makapaglingkod siya sa iba. (Luc. 9:58) Itinuro niya ang natutuhan niya mula kay Jehova at hindi ang kaniyang sariling opinyon. (Juan 5:19; 17:14, 17) Mabait siya at madaling lapitan. Pag-ibig ang motibo niya sa lahat ng kaniyang ginagawa. (Mat. 19:13-15; Juan 15:12) Nakatulong sa mga apostol ang huwaran ni Jesus. Halimbawa, nagbigay ito kay Santiago ng lakas ng loob na maglingkod sa Diyos kahit ipapatay pa siya. (Gawa 12:1, 2) Si Juan naman ay tapat na sumunod sa mga yapak ni Jesus nang mahigit 60 taon.—Apoc. 1:1, 2, 9.
8. Anong huwaran ang ipinakikita ng mga elder sa mga nakababatang lalaki at sa iba pa?
8 Ang mapagsakripisyo, mapagpakumbaba, at maibiging mga elder ay mahuhusay na halimbawa sa mga nakababatang lalaki. (1 Ped. 5:2, 3) Ang mga elder na huwaran sa pananampalataya, pagtuturo, Kristiyanong pamumuhay, at sa ministeryo ay maligaya dahil alam nilang maaari silang tularan ng iba.—Heb. 13:7.
‘Binigyan Sila ni Jesus ng mga Utos at Isinugo’
9. Paano natin nalaman na sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa pangangaral?
9 Matapos mangaral si Jesus nang mga dalawang taon, isinugo rin niya ang kaniyang 12 apostol para mangaral. Pero binigyan muna niya sila ng mga tagubilin. (Mat. 10:5-14) Bago siya magpakain ng libu-libo katao sa makahimalang paraan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung paano pagpapangkat-pangkatin ang mga tao at ipamamahagi ang pagkain. (Luc. 9:12-17) Maliwanag, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng pagbibigay ng malinaw at espesipikong mga tagubilin. Dahil sa gayong paraan ng pagsasanay at sa tulong ng banal na espiritu, naorganisa ng mga apostol ang malawakang pangangaral na nagsimula noong 33 C.E.
10, 11. Paano maaaring sanayin ang mga baguhan?
10 Sa ngayon, nagsisimula ang pagsasanay sa isang lalaki kapag tumanggap siya ng pag-aaral sa Bibliya. Baka kailangan natin siyang tulungan na maging mahusay sa pagbabasa. Habang tinuturuan natin siya sa Bibliya, tinutulungan din natin siya sa iba pang paraan. Kapag regular na siyang dumadalo sa pulong, patuloy siyang susulong kung siya’y makikibahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at magiging di-bautisadong mamamahayag. Matapos mabautismuhan, maaari siyang sanayin sa iba pang gawain gaya ng pagmamantini ng Kingdom Hall. Sa tamang panahon, maaaring ipaliwanag sa kaniya ng mga elder kung ano ang dapat niyang gawin para maging ministeryal na lingkod.
11 Kapag binigyan ng atas ang isang bautisadong brother, ipaliliwanag sa kaniya ng isang elder ang kaugnay na mga kaayusan at mga tagubilin. Kailangang malinaw sa brother kung ano ang dapat niyang gawin. Kung nahihirapan siyang gawin ang atas, hindi agad iisipin ng maibiging elder na hindi siya kuwalipikado. Sa halip, sasabihin sa kaniya ng elder kung ano ang kailangan niyang pasulungin at rerepasuhin sa kaniya ang mga tunguhin at kaayusan. Nagagalak ang mga elder na tulungan ang isang brother sa pag-aasikaso ng kaniyang atas dahil alam nilang magbibigay sa kaniya ng kaligayahan ang paglilingkod sa iba.—Gawa 20:35.
“Ang Nakikinig sa Payo ay Marunong”
12. Bakit mabisa ang payo ni Jesus?
12 Sinanay rin ni Jesus ang mga alagad niya sa pamamagitan ng pagbibigay ng payo na angkop sa kanilang pangangailangan. Halimbawa, sinaway ni Jesus sina Santiago at Juan dahil gusto ng mga ito na magpababa ng apoy mula sa langit sa mga Samaritanong hindi tumanggap sa kaniya. (Luc. 9:52-55) Nang lumapit kay Jesus ang ina nina Santiago at Juan para humiling na bigyan ang mga ito ng mataas na posisyon sa Kaharian, sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Ang pag-upong ito sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagbibigay, kundi nauukol ito sa kanila na mga pinaghandaan niyaon ng aking Ama.” (Mat. 20:20-23) Ang payo ni Jesus ay laging malinaw, praktikal, at nakasalig sa makadiyos na mga simulain. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na mangatuwiran ayon sa mga simulaing iyon. (Mat. 17:24-27) Alam din ni Jesus na hindi sakdal ang kaniyang mga tagasunod kaya inunawa niya ang kanilang mga limitasyon. Tunay na pag-ibig ang nag-udyok sa kaniya na payuhan sila.—Juan 13:1.
13, 14. (a) Sino ang nangangailangan ng payo? (b) Magbigay ng halimbawa ng mga payo na maaaring ibigay ng isang elder sa isang brother na hindi sumusulong.
13 Lahat ng lalaking umaabót ng pribilehiyo sa kongregasyon ay nangangailangan ng payo mula sa Kasulatan sa pana-panahon. “Ang nakikinig sa payo ay marunong,” ang sabi ng Kawikaan 12:15. “Ang pinakamalaking hamon sa akin ay ang sarili kong mga pagkukulang,” ang sabi ng isang kabataang brother. “Dahil sa payo ng isang elder, nagkaroon ako ng tamang pangmalas.”
14 Kung mapansin ng mga elder na hindi sumusulong ang isang brother dahil sa isang kuwestiyunableng paggawi, sisikapin nilang ibalik siya sa ayos sa espiritu ng kahinahunan. (Gal. 6:1) Kung minsan, kailangan din ang payo para maituwid ang isang di-magandang ugali. Halimbawa, kung tila hindi nagpupursigi ang isang brother, maaaring itawag-pansin sa kaniya ng isang elder na si Jesus ay isang masigasig na mamamahayag ng Kaharian at inatasan niya ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20; Luc. 8:1) Kung waring ambisyoso naman ang isang brother, maaaring ipaliwanag sa kaniya ng elder kung paano ipinakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang mga panganib ng paghahangad na maging prominente. (Luc. 22:24-27) Paano kung nahihirapang magpatawad ang isang brother? Makatutulong sa kaniya ang ilustrasyon tungkol sa alipin na hindi nagpatawad ng isang maliit na utang bagaman siya mismo ay pinatawad sa kaniyang mas malaking pagkakautang. (Mat. 18:21-35) Kapag kailangan, agad magbibigay ng payo ang mga elder.—Basahin ang Kawikaan 27:9.
“Sanayin Mo ang Iyong Sarili”
15. Paano makatutulong ang pamilya ng isang brother para makapaglingkod siya sa iba?
15 Mga elder ang nangunguna sa pagsasanay sa mga lalaki para makaabót ng pribilehiyo. Pero may maitutulong din ang pamilya ng isang lalaki. At kung elder na siya, mahalaga pa rin ang suporta ng kaniyang mabait na asawa at mga anak. Para magampanan ang kaniyang pananagutan, nauunawaan ng kaniyang pamilya na kailangan niyang gamitin ang ilang panahon at lakas niya alang-alang sa iba. Ang kanilang pagsasakripisyo ay nagbibigay sa kaniya ng kagalakan at pinahahalagahan din ng iba.—Kaw. 15:20; 31:10, 23.
16. (a) Sino ang may pananagutan sa pag-abot sa mga pribilehiyo? (b) Paano maaaring umabót ng mga pribilehiyo ang isang lalaki?
16 Totoong makatutulong ang iba, pero ang brother mismo ang may pananagutan sa pag-abot sa pribilehiyo. (Basahin ang Galacia 6:5.) Siyempre, hindi naman kailangang ministeryal na lingkod o elder ang isang brother para makatulong sa iba at lubos na makibahagi sa ministeryo. Pero para magkaroon ng pribilehiyo sa kongregasyon, may mga kuwalipikasyon sa Kasulatan na dapat maabot. (1 Tim. 3:1-13; Tito 1:5-9; 1 Ped. 5:1-3) Kaya kung gustong maglingkod ng isang lalaki bilang ministeryal na lingkod o elder pero hindi pa siya nahihirang, mahalagang alamin niya kung ano ang dapat niyang pasulungin. Kasama rito ang regular na pagbabasa ng Bibliya, masikap na personal na pag-aaral, taimtim na pagbubulay-bulay, taos-pusong pananalangin, at masigasig na pakikibahagi sa ministeryo. Sa gayon, maikakapit niya ang payo ni Pablo kay Timoteo: “Sanayin mo ang iyong sarili na ang tunguhin mo ay makadiyos na debosyon.”—1 Tim. 4:7.
17, 18. Ano ang puwedeng gawin ng isang brother na hindi umaabót ng pribilehiyo dahil sa kabalisahan, pagkadama ng kawalang-kakayahan, o kawalan ng pagnanais na maglingkod?
17 Pero paano kung hindi umaabót ng pribilehiyo ang isang brother dahil sa kabalisahan o pagkadama ng kawalang-kakayahan? Makabubuting pag-isipan niya ang mga ginagawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo para sa atin. Si Jehova ang ‘araw-araw na nagdadala ng pasan para sa atin.’ (Awit 68:19) Kaya ang ating Ama sa langit ay makatutulong sa kaniya na magampanan ang mga pananagutan sa kongregasyon. Kung ang isang brother ay hindi pa ministeryal na lingkod o elder, makabubuting alalahanin niya na malaki ang pangangailangan para sa may-gulang na mga lalaking gaganap ng mga pribilehiyo sa organisasyon ng Diyos. Pakikilusin siya nito na labanan ang negatibong mga damdamin. Maaari niyang hilingin ang banal na espiritu. Kabilang sa mga bunga nito ang kapayapaan at pagpipigil sa sarili—mga katangiang kailangan para maalis ang kabalisahan at pagkadama ng kawalang-kakayahan. (Luc. 11:13; Gal. 5:22, 23) Makapagtitiwala siyang pagpapalain ni Jehova ang lahat ng umaabót ng mga pribilehiyo nang may tamang motibo.
18 Paano kung walang pagnanais na maglingkod ang isang brother? Ano ang makatutulong sa kaniya? Sumulat si apostol Pablo: “Ang Diyos ang isa na alang-alang sa kaniyang ikinalulugod ay kumikilos sa loob ninyo upang kapuwa ninyo loobin at ikilos.” (Fil. 2:13) Galing sa Diyos ang pagnanais na maglingkod, at ang espiritu ni Jehova ay magpapalakas sa isa na mag-ukol ng sagradong paglilingkod. (Fil. 4:13) Maaari ding ipanalangin ng isang Kristiyano na tulungan siya ng Diyos na gawin ang tama.—Awit 25:4, 5.
19. Ano ang ibig sabihin ng pagbabangon ni Jehova ng “pitong pastol, oo, walong duke”?
19 Pinagpapala ni Jehova ang pagsisikap ng mga elder na sanayin ang iba. Pinagpapala rin niya ang mga umaabót ng mga pribilehiyo sa kongregasyon. Sinasabi ng Kasulatan na magbabangon si Jehova ng “pitong pastol, oo, walong duke mula sa mga tao.” (Mik. 5:5) Katiyakan ito na ang bayan ng Diyos ay magkakaroon ng sapat na mga lalaking mangunguna sa organisasyon. Sa ngayon, maraming mapagpakumbabang brother ang nagnanais na maglingkod sa iba at sinasanay na mangalaga sa kongregasyon. Nagbibigay ito ng papuri kay Jehova at saganang pagpapala sa atin!
Paano Mo Sasagutin?
• Paano tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging kuwalipikado sa mas mabibigat na pananagutan?
• Paano matutularan ng mga elder si Jesus sa pagtulong sa mga lalaki na maglingkod sa kongregasyon?
• Paano makatutulong ang pamilya ng isang brother para makaabót siya ng mga pribilehiyo?
• Ano ang maaaring gawin mismo ng isang brother para makaabót ng mga pribilehiyo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 31]
Anong pagsasanay ang maibibigay mo sa iyong estudyante sa Bibliya habang sinisikap niyang sumulong?
[Larawan sa pahina 32]
Paano maipakikita ng mga lalaki na umaabót sila ng mga pribilehiyo?