Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagagalak Ka ba sa “Pribilehiyong Magbigay Nang May Kabaitan”?

Nagagalak Ka ba sa “Pribilehiyong Magbigay Nang May Kabaitan”?

Nagagalak Ka ba sa “Pribilehiyong Magbigay Nang May Kabaitan”?

KILALA ang unang mga Kristiyano sa Filipos sa kanilang bukas-palad na pagsuporta sa tunay na pagsamba. Sa kinasihang liham ni apostol Pablo, isinulat niya: “Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos sa tuwing maaalaala kayo sa bawat pagsusumamo ko para sa inyong lahat, habang inihahandog ko ang aking pagsusumamo nang may kagalakan, dahil sa iniabuloy ninyo sa mabuting balita mula nang unang araw hanggang sa sandaling ito.” (Fil. 1:3-5) Naaalaala pa ni Pablo na nang mabautismuhan si Lydia at ang sambahayan nito, namanhik ito sa kaniya at sa mga kasama niyang mángangarál na tumuloy sila sa kaniyang bahay.​—Gawa 16:14, 15.

Di-nagtagal mula noon, nagpunta si Pablo sa Tesalonica na halos 160 kilometro ang layo. Doon, namalagi siya nang ilang linggo kasama ng mga kapananampalataya. Dalawang beses nagpadala sa kaniya ng panustos ang bagong-tatag na kongregasyon sa Filipos. (Fil. 4:15, 16) Makalipas ang ilang taon, habang ang mga taga-Filipos at iba pang kapatid sa Macedonia ay dumaranas ng kapighatian at “matinding karalitaan,” nabalitaan nila ang pangangailangan ng pinag-uusig na mga Kristiyano sa Jerusalem at gusto nilang makatulong. Sinabi ni Pablo na “higit pa nga [ito] sa kanilang talagang kakayahan.” Pero isinulat niya: “Sila . . . ay patuloy na nagsumamo sa amin na may matinding pamamanhik upang magkaroon ng pribilehiyong magbigay nang may kabaitan.”​—2 Cor. 8:1-4; Roma 15:26.

Mga sampung taon mula nang tanggapin ng mga taga-Filipos ang Kristiyanismo, hindi pa rin kumukupas ang kanilang pagkabukas-palad. Nang mabalitaan nilang nabilanggo si Pablo sa Roma, isinugo nila si Epafrodito, na naglakbay nang mga 1,287 kilometro sa dagat at lupa, dala ang mga panustos para sa apostol. Maliwanag, gustong paglaanan ng mga taga-Filipos si Pablo para patuloy siyang makapangaral at makapagpatibay sa mga kapatid, kahit nakabilanggo siya.​—Fil. 1:12-14; 2:25-30; 4:18.

Para sa tunay na mga Kristiyano sa ngayon, isang pribilehiyo na suportahan ang gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mat. 28:19, 20) Itinataguyod nila ang Kaharian sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang panahon, lakas, at salapi. Ipinakikita ng kahon sa ibaba ang ilang paraan para masuportahan mo ang bigay-Diyos na gawaing ito.

[Kahon sa pahina 22, 23]

KUNG PAANO NAGBIBIGAY NG DONASYON ANG IBA

MGA KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagbubukod ng halagang inihuhulog nila sa mga kahon ng kontribusyon na may markang “Pambuong-Daigdig na Gawain.”

Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga pondong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kani-kanilang bansa. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ding tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., PO Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa. (Ang kusang-loob na mga donasyon na binanggit sa ibaba ay maaari ding ipadala sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.) Ang mga tseke na ipadadala sa nabanggit na adres ay dapat ipangalan sa “Watch Tower Society.” Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ding iabuloy. Dapat ilakip sa mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

CONDITIONAL-DONATION TRUST ARRANGEMENT

Ang salapi ay maaaring ilagak sa Watch Tower Society para magamit sa pambuong-daigdig na gawain. Pero kung hihilingin ng nag-abuloy ang salapi, ito ay ibabalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong sumulat sa Treasurer’s Office sa nabanggit na adres o tumawag sa (02) 411-6090.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod sa tuwirang mga kaloob na salapi, may iba pang mga paraan ng pagbibigay para masuportahan ang gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Insurance: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy o ng isang retirement/pension plan.

Deposito sa Bangko: Depende sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar, ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o deposito sa pagreretiro ng isa ay maaaring ipangalan o ibigay sa Watch Tower Society kapag namatay siya.

Stock at Bond: Ang mga stock at bond ay maaaring iabuloy sa Watch Tower Society bilang tuwirang kaloob o maaaring ipangalan sa Watch Tower Society bilang Transfer on Death na benepisyaryo.

Lupa’t Bahay: Ang lupa’t bahay na madaling ibenta ay maaaring ibigay na donasyon sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob. O kung nakatira pa roon ang nagkaloob, puwedeng magkaroon ng kasunduan na maninirahan siya roon hangga’t nabubuhay siya. Makipag-ugnayan muna sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang titulo ng anumang lupa’t bahay.

Gift Annuity: Ang mga stock, bond, o salapi ay maaaring ilipat sa isang itinalagang korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Kapalit nito, ang nagkaloob, o ang isa na itinalaga ng nagkaloob, ay tatanggap ng espesipikong annuity payment bawat taon habang siya’y nabubuhay. Ang nagkaloob ay makakakuha ng diskuwento sa buwis sa taon kung kailan isinaayos ang gift annuity.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang legal na testamento, o kaya’y puwedeng gawing benepisyaryo ang Watch Tower Society sa isang trust agreement. Maaaring mabawasan ang ilang bayarin sa buwis kapag ang trust ay napapakinabangan ng isang relihiyosong organisasyon.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano ng nagkakaloob. Para matulungan ang mga gustong sumuporta sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isa sa mga plano sa pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob, ito man ay ibibigay na ngayon o ipamamana kapag namatay ang nagbigay ng donasyon. Matapos basahin ang brosyur at konsultahin ang kanilang abogado o tagapayo sa buwis, marami ang nakatulong sa pagsuporta sa ating relihiyosong mga gawain at pagkakawanggawa sa buong daigdig at nakakuha rin sila ng malaking diskuwento sa buwis. Makakakuha ng brosyur na ito sa Charitable Planning Office.

Para sa higit pang impormasyon, maaari kang tumawag o sumulat sa Charitable Planning Office sa adres na nakatala sa ibaba. Maaari ka ring makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa inyong bansa.

Charitable Planning Office

Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc.

186 Roosevelt Avenue

San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: (02) 411-6090