Pagbabasa ng Bibliya ang Pinagkukunan Ko ng Lakas
Pagbabasa ng Bibliya ang Pinagkukunan Ko ng Lakas
Ayon sa salaysay ni Marceau Leroy
“NANG pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Ito ang unang mga salita ng aklat na palihim kong binabasa sa aking kuwarto. Bakit palihim? Dahil siguradong hindi matutuwa si Tatay, na isang ateista, sa hawak kong aklat—ang Bibliya.
Noon lang ako nakapagbasa ng Bibliya. Nang mabasa ko ang mga salitang ito sa Genesis, naisip ko, ‘Ito ang paliwanag sa kahanga-hangang pagkakatugma ng mga pisikal na batas!’ Manghang-mangha ako kaya nagbasa ako mula alas otso ng gabi hanggang alas kuwatro ng umaga. Ganito nagsimula ang pagbabasa ko ng Salita ng Diyos. Hayaan ninyong ikuwento ko kung paano ko pinagkunan ng lakas ang pagbabasa ng Bibliya.
“Araw-araw Mo Na ’Yang Babasahin”
Ipinanganak ako noong 1926 sa hilagang Pransiya, sa nayon ng Vermelles, na may minahan ng karbon. Noong Digmaang Pandaigdig II, napakahalaga ng karbon sa Pransiya. Kaya bilang minero, eksemted ako sa paglilingkod sa militar. Pero dahil gusto kong umasenso, nag-aral ako ng radioelectronics at electricity. Lalo akong humanga sa pagkakatugma ng mga pisikal na batas. Noong 21 anyos ako, isang kaklase ko ang nagbigay sa akin ng Bibliya. Sinabi niya, “Sulit basahin ang aklat na ito.” Matapos kong basahin ang buong Bibliya, nakumbinsi ako na ito ang Salita ng Diyos, isang pagsisiwalat sa sangkatauhan.
Akala ko, sabik ding magbasa ng Bibliya ang mga kapitbahay namin kaya kumuha ako ng walong kopya. Pero nilait lang nila ako. Binabalaan ako ng mapamahiin kong mga kamag-anak, “Kapag sinimulan mo ang librong ’yan, araw-araw mo na ’yang babasahin!” Ganoon nga ang ginawa ko, at hindi ako nagsisi. Nakaugalian ko na itong basahin.
Alam ng ilang kapitbahay namin na interesado ako sa Bibliya, kaya ibinigay nila sa akin ang mga publikasyong natanggap nila sa mga Saksi ni Jehova. Ipinaliliwanag ng mga buklet na gaya ng Isang Sanlibutan, Isang Pamahalaan * (makikita sa larawan sa wikang Pranses) kung bakit itinuturo ng Bibliya na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. (Mat. 6:10) Lalo akong naging determinadong ibahagi sa iba ang pag-asang ito.
Isa sa mga unang tumanggap ng Bibliya na ipinamigay ko ay ang kababata kong si Noël na Awit 115:4-8 at Mateo 23:9, 10 na hindi sang-ayon ang Diyos na sumamba tayo sa mga idolo at tawagin ang mga klerigo gamit ang relihiyosong titulo. Ito ang nagpalakas ng loob ko na ipagtanggol ang mga natututuhan ko. Dahil dito, tinanggap ni Noël ang katotohanan, at hanggang ngayon, isa pa rin siyang tapat na Saksi.
isang aktibong Katoliko. Isinaayos niyang makausap namin ang isang seminarista. Natakot ako, pero nabasa ko saDinalaw ko rin ang ate ko. Ang asawa niya ay may mga aklat tungkol sa espiritismo at nililigalig ng mga demonyo. Sa umpisa, natakot ako, pero napatibay ako ng mga tekstong gaya ng Hebreo 1:14 na tumitiyak ng suporta ng mga anghel ni Jehova. Nang ikapit ng bayaw ko ang mga simulain sa Bibliya at itapon ang lahat ng bagay na may bahid ng okulto, tinigilan na siya ng mga demonyo. Siya at ang ate ko ay naging masisigasig na Saksi.
Noong 1947, ang saya-saya ko nang dumalaw sa bahay namin si Arthur Emiot, isang Saksing Amerikano. Tinanong ko siya kung saan nagpupulong ang mga Saksi. Sinabi niya sa akin na may isang grupo sa Liévin, mga sampung kilometro ang layo. Bihira ang mga bisikleta nang mga panahong iyon, kaya sa loob ng ilang buwan, naglalakad ako para makadalo. Walong taon nang bawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya noon. Sa buong bansa, 2,380 lang ang mga Saksi—marami sa kanila ay galing sa Poland. Pero noong Setyembre 1, 1947, legal na kinilala sa Pransiya ang ating gawain. Muling nagbukas ng tanggapang pansangay sa Paris, sa Villa Guibert. Walang payunir noon sa Pransiya, kaya pinasigla ng Informant (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian), isyu ng Disyembre 1947, ang mga kapatid na maglingkod bilang general pioneer. Gugugol sila ng 150 oras bawat buwan sa pangangaral. (Ginawa itong 100 oras noong 1949.) Kumbinsido ako sa sinabi ni Jesus sa Juan 17:17 na ang “salita [ng Diyos] ay katotohanan,” kaya nagpabautismo ako noong 1948, at nagpayunir noong Disyembre 1949.
Paglaya at Pagbalik sa Dunkerque
Hindi ako nagtagal sa unang atas ko sa Agen, sa timugang Pransiya. Dahil huminto ako sa pagtatrabaho sa minahan, obligado na akong maglingkod sa militar. Nabilanggo ako dahil sa pagtangging magsundalo. Hindi ako pinayagang magkaroon ng Bibliya, pero nakakuha ako ng ilang pahina ng aklat ng Mga Awit. Napatibay ako ng mga ito. Paglaya ko, kailangan kong magdesisyon: Hihinto ba ako sa buong-panahong paglilingkod para pumirme sa isang lugar at maghanapbuhay? Muli, natulungan ako ng Bibliya. Pinag-isipan kong mabuti ang sinabi ni Pablo sa Filipos 4:11-13: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” Ipinasiya kong magpatuloy sa pagpapayunir. Noong 1950, tumanggap ako ng bagong atas sa nayon ng Dunkerque, na dati kong teritoryo.
Pagdating ko roon, walang-wala ako. Napakalaki ng pinsalang idinulot sa Dunkerque ng Digmaang Pandaigdig II, at napakahirap humanap ng matutuluyan. Dinalaw ko ang pamilya na dati kong pinangangaralan. Tuwang-tuwa ang ginang: “Nakalaya ka na pala, Mr. Leroy! Sabi ng asawa ko, kung mas marami ang gaya mo, walang giyera.” May bahay-tuluyan sila, kaya tinanong nila ako kung gusto kong tumira doon hangga’t wala pang mga turista. Nang araw ding iyon, inalok ako ng trabaho ng kapatid ni Arthur Emiot na si Evans. * Isang interpreter sa piyer si Evans at naghahanap siya ng magbabantay ng barko sa gabi. Ipinakilala niya ako sa isa sa mga first officer ng barko. Napakapayat ko noon. Nang ipaliwanag ni Evans na kalalabas ko lang sa bilangguan, sinabi sa akin ng officer na huwag akong mahiyang kumuha ng pagkain sa refrigerator. Sa loob lang ng maghapon, nagkaroon ako ng matutuluyan, trabaho, at pagkain! Lalong tumibay ang pagtitiwala ko sa pangako ni Jesus sa Mateo 6:25-33.
Nang magdatingan ang mga turista, kami ng partner kong payunir na si Simon Apolinarski ay kinailangang maghanap ng ibang matutuluyan. Pero determinado kaming manatili sa aming atas. May nagpatulóy sa amin sa isang kuwadra ng kabayo, at sa mga dayami kami nahihiga. Lagi kaming maghapon sa ministeryo. Nagpatotoo kami sa may-ari ng kuwadra, at isa siya sa marami na tumanggap ng katotohanan. Hindi pa kami nagtatagal doon nang isang artikulo sa pahayagan ang magbabala sa mga taga-Dunkerque tungkol sa “paglaganap ng gawain ng mga Saksi ni Jehova,” samantalang kami lang naman ni Simon at iilang mamamahayag ang Saksi roon! Kahit mahirap ang kalagayan namin, napatibay kami ng pagbubulay-bulay sa aming pag-asa at sa pangangalaga ni Jehova. Mga 30 na ang mamamahayag sa Dunkerque nang mabigyan ako ng ibang atas noong 1952.
Pinatibay Para sa Bagong mga Responsibilidad
Pagkatapos ng maikling panahon sa lunsod ng Amiens, inatasan ako bilang special pioneer sa Boulogne-Billancourt, sa timog-silangan ng Paris. Marami akong Bible study, at ilan sa kanila ay naglingkod nang buong panahon at naging mga misyonero. Isa sa kanila ang kabataang si Guy Mabilat, na naging tagapangasiwa ng sirkito at pagkatapos ay tagapangasiwa ng distrito. Nang maglaon, nangasiwa siya sa pagtatayo ng palimbagan sa kasalukuyang Bethel sa Louviers, na may kalayuan sa Paris. Dahil lagi kong ipinakikipag-usap ang Bibliya sa ministeryo, lalo itong napaukit sa isip ko, na nagpasaya sa akin at nagpasulong ng kakayahan ko sa pagtuturo.
Pagkatapos, noong 1953, bigla akong inatasang maging tagapangasiwa ng sirkito sa Alsace-Lorraine, isang rehiyon na dalawang beses sinakop ng Alemanya sa pagitan ng 1871 at 1945. Kaya kailangan kong mag-aral ng wikang Aleman. Nang magsimula ako sa gawaing pansirkito, kaunti lang ang may kotse, TV, o makinilya sa lugar na iyon. Wala ring radyo o computer. Pero hindi ako nalungkot. Sa katunayan, napakasayang panahon iyon. Dahil sa pagsunod sa payo ng Bibliya na panatilihing ‘simple ang mata,’ hindi ako nagambala sa paglilingkod kay Jehova.—Mat. 6:19-22.
Hindi ko malilimutan ang “Triumphant Kingdom” Assembly sa Paris noong 1955. Doon ko nakilala ang asawa kong si Irène Kolanski, na naunang magpayunir sa akin nang isang taon. Ang mga magulang niyang taga-Poland ay matagal nang masisigasig na Saksi. Si Adolf Weber na dating hardinero ni Brother Russell ang unang dumalaw sa kanila sa Pransiya. Nagpunta siya sa Europa para ihayag
ang mabuting balita. Nagpakasal kami ni Irène noong 1956, at sumama siya sa akin sa gawaing pansirkito. Napakalaking tulong niya sa akin sa paglipas ng mga taon!Pagkaraan ng dalawang taon, may isa pang sorpresa—naatasan ako bilang tagapangasiwa ng distrito. Pero dahil kaunti lang ang kuwalipikadong mga brother, dumadalaw pa rin ako sa mga kongregasyon bilang tagapangasiwa ng sirkito. Ang dami kong gawain noon! Bukod sa pangangaral nang 100 oras kada buwan, nagbibigay ako ng mga pahayag linggu-linggo, tatlong book study ang dinadalaw ko, may mga rekord na kailangang i-check, at mga report na kailangang ihanda. Saan pa ako kukuha ng panahon para sa pagbabasa ng Salita ng Diyos? Isa lang ang nakita kong solusyon—ginupit ko ang mga pahina ng isang lumang Bibliya at dinadala ko ang ilan sa mga ito. Kapag may hinihintay, nagbabasa ako. Kasiya-siya ang mga sandaling iyon at napatibay ang determinasyon kong magpatuloy sa aking atas.
Noong 1967, kami ni Irène ay inanyayahang maglingkod sa Bethel sa Boulogne-Billancourt. Mahigit 40 taon na ako sa Service Department. Nasisiyahan akong sagutin ang mga sulat tungkol sa mga tanong sa Bibliya. Gustung-gusto kong magsaliksik sa Salita ng Diyos at ‘ipagtanggol ang mabuting balita’! (Fil. 1:7) Natutuwa rin akong talakayin ang Bibliya bilang chairman sa pang-umagang pagsamba bago mag-almusal. Noong 1976, naatasan ako bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Pransiya.
Pinakamakabuluhang Buhay
Marami akong pinagdaanang pagsubok, pero ang pinakamahirap ay ngayong limitado na ang nagagawa namin ni Irène dahil sa katandaan at pagkakasakit. Pero nananatiling buháy ang aming pag-asa dahil magkasama kaming nagbabasa at nag-aaral ng Salita ng Diyos. Nasisiyahan kaming mag-bus papunta sa teritoryo ng aming kongregasyon para ibahagi ang pag-asang ito sa iba. Kung pagsasamahin, kaming mag-asawa ay nakagugol ng mahigit 120 taon sa buong-panahong paglilingkod. Kaya naman mairerekomenda namin ang ganitong karera sa lahat ng gustong magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay. Nang isulat ni Haring David ang Awit 37:25, siya ay ‘matanda na,’ pero gaya niya, masasabi ko rin na “hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan.”
Sa buong buhay ko, pinalakas ako ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Mahigit 60 taon na ang nakalilipas, sinabi ng mga kamag-anak ko na magiging habambuhay na kaugalian ko ang pagbabasa ng Bibliya. Tama sila. Naging pang-araw-araw na kaugalian ko nga ito na hindi ko pinagsisisihan!
[Mga talababa]
^ par. 8 Inilathala noong 1944 pero hindi na inililimbag.
^ par. 14 Para sa higit pang impormasyon tungkol kay Evans Emiot, tingnan Ang Bantayan, Enero 1, 1999, pahina 22 at 23.
[Larawan sa pahina 5]
Kami ni Simon
[Larawan sa pahina 5]
Bibliyang katulad ng unang kopyang natanggap ko
[Larawan sa pahina 5]
Noong naglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito
[Larawan sa pahina 6]
Sa araw ng aming kasal
[Larawan sa pahina 6]
Nasisiyahan kami ni Irène sa pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos