Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Takót Ako Noon sa Kamatayan

Takót Ako Noon sa Kamatayan

Takót Ako Noon sa Kamatayan

Ayon sa salaysay ni Piero Gatti

PALAKAS nang palakas ang dagundong. Sinundan ito ng ingay ng sirenang nagbababala sa mga tao na magkubli. Pagkatapos ay sunud-sunod ang nakabibinging pagsabog ng bomba.

Ganiyan ang kalagayan sa Milan, Italya noong 1943/1944. Isa akong kabataang sundalo na nakadestino roon. Madalas akong nauutusan na maghakot ng labí ng mga natabunan sa binombang mga air-raid shelter. Lasug-lasog ang katawan nila kaya hindi na sila makilala. Kitang-kita kong namamatay ang mga tao at may mga pagkakataong ako mismo ay nabingit sa kamatayan. Noong mga panahong iyon, nagdarasal ako sa Diyos at nangangakong gagawin ko ang kalooban niya basta makaligtas ako sa digmaan.

Naalis ang Takot Ko sa Kamatayan

Lumaki ako sa isang nayon na mga sampung kilometro ang layo sa Como, Italya, malapit sa hanggahan ng Switzerland. Sa murang edad, takót na ako sa kamatayan. Namatay sa trangkaso Espanyola ang dalawa kong ate. Pagkatapos, noong 1930, nang anim na taóng gulang pa lang ako, namatay naman ang nanay kong si Luigia, na labis kong ipinagdalamhati. Dahil pinalaki akong Katoliko, sinusunod ko ang mga patakaran ng aming relihiyon at nagsisimba ako linggu-linggo. Pero sa isang barberya, at hindi sa simbahan, naalis ang takot ko sa kamatayan, pagkalipas ng maraming taon.

Pagsapit ng 1944, parami nang parami ang namamatay sa Digmaang Pandaigdig II. Isa ako sa libu-libong sundalong Italyano na lumikas patungong Switzerland, na walang pinapanigan sa digmaan. Pagdating doon, dinala kami sa mga kampo para sa mga nagsilikas. Napunta ako sa kampong malapit sa Steinach, sa hilagang-silangan ng bansa. Binigyan kami roon ng kaunting kalayaan. Isang barbero sa Steinach ang nangangailangan ng tulong sa kaniyang barberya kaya nakitira ako at nagtrabaho sa kaniya. Isang buwan lang iyon, pero may nakilala ako roon na nagpabago sa aking buong buhay.

Isa sa mga kostumer sa barberya si Adolfo Tellini, isang Italyanong nakatira sa Switzerland. Isa siya sa mga Saksi ni Jehova. Hindi ko kilala ang grupong ito, at hindi naman nakapagtataka dahil mga 150 lang ang mga Saksi sa buong Italya nang panahong iyon. Ibinahagi sa akin ni Adolfo ang magagandang katotohanan sa Bibliya, mga pangako ng kapayapaan at ng ‘buhay na sagana.’ (Juan 10:10; Apoc. 21:3, 4) Gustung-gusto ko ang sinabi niya na mawawala na ang digmaan at kamatayan. Pagbalik ko sa kampo para sa mga nagsilikas, ibinalita ko ang pag-asang ito sa isa pang kabataang Italyano na si Giuseppe Tubini. Nagustuhan din niya ang mga narinig niya. Paminsan-minsan, dumadalaw sa kampo si Adolfo at ang iba pang Saksi.

Isinama ako ni Adolfo sa Arbon, mga sampung kilometro mula sa Steinach, kung saan nagdaraos ng mga pulong sa wikang Italyano ang isang maliit na grupo ng mga Saksi. Tuwang-tuwa ako sa mga narinig ko, kaya nang sumunod na linggo, naglakad ako papunta roon. Nang maglaon, dumalo ako sa asamblea ng mga Saksi sa isang convention hall sa Zurich. Nangilabot ako sa napanood kong slide presentation na nagpapakita ng patung-patung na bangkay sa mga kampo ng lansakang pagpatay. Marami palang Saksing Aleman na pinatay dahil sa kanilang pananampalataya. Nakilala ko sa asambleang iyon si Maria Pizzato. Dahil sa gawain niya bilang Saksi, sinentensiyahan siya ng 11-taóng pagkabilanggo ng mga awtoridad ng pamahalaang Pasista sa Italya.

Pagkatapos ng digmaan, umuwi ako sa Italya at umugnay sa isang maliit na kongregasyon sa Como. Hindi pa ako pormal na inaralan sa Bibliya, pero nauunawaan ko na ang pangunahing mga katotohanan nito. Kakongregasyon ko si Maria Pizzato. Sinabi niyang kailangan kong magpabautismo at pinasigla niya akong makipagkita kay Marcello Martinelli, na taga-Castione Andevenno, sa probinsiya ng Sondrio. Si Brother Martinelli ay isang tapat na pinahirang kapatid na sinentensiyahan din ng 11-taóng pagkabilanggo sa ilalim ng rehimeng diktadura. Nagbisikleta ako nang 80 kilometro para makita siya.

Gamit ang Bibliya, ipinaliwanag ni Brother Martinelli ang mga kahilingan para sa bautismo. Pagkatapos manalangin, binautismuhan niya ako sa ilog ng Adda, noong Setyembre 1946. Napakaespesyal na araw iyon! Masayang-masaya ako dahil ipinasiya kong paglingkuran si Jehova at mayroon na akong tiyak na pag-asa sa hinaharap. Sa sobrang saya ko, kinagabihan ko na naisip na 160 kilometro pala ang binisikleta ko nang araw na iyon!

Noong Mayo 1947, ginanap sa Milan ang unang asamblea sa Italya pagkatapos ng digmaan. Mga 700 ang dumalo, kasama rito ang marami na dumanas ng pag-uusig ng mga Pasista. May kakaibang nangyari sa asambleang iyon. Si Giuseppe Tubini, na pinangaralan ko sa kampo, ang bumigkas ng pahayag sa bautismo​—pero pagkatapos, kasama siya sa mga binautismuhan!

Sa asambleang iyon, nagkapribilehiyo akong makilala si Brother Nathan Knorr na mula sa Brooklyn Bethel. Hinimok niya kami ni Giuseppe na gamitin ang buhay namin sa paglilingkod sa Diyos. Ipinasiya kong hindi lilipas ang isang buwan at papasok ako sa buong-panahong paglilingkod. Pag-uwi ko, sinabi ko sa mga kapamilya ko ang aking desisyon. Bagaman hindi sila sang-ayon dito, buo na ang pasiya ko. Pagkalipas ng isang buwan, nagsimula akong maglingkod sa Bethel sa Milan. Apat na misyonero ang naroroon: si Giuseppe (Joseph) Romano at ang kaniyang asawang si Angelina; si Carlo Benanti at ang kaniyang asawang si Costanza. Si Giuseppe Tubini, na kararating lang, ang ikalimang miyembro ng pamilyang Bethel, at ako ang ikaanim.

Pagkatapos ng isang buwan sa Bethel, naatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito. Ako ang kauna-unahang taal na Italyano na naging tagapangasiwa ng sirkito sa bansa. Nasa gawaing paglalakbay na si Brother George Fredianelli, ang kauna-unahang misyonero mula sa Estados Unidos na dumating sa Italya noong 1946. Ilang linggo lang niya akong sinanay, at naglakbay na akong mag-isa. Hindi ko makakalimutan ang unang kongregasyon na dinalaw ko​—ang Faenza. Bago nito, hindi pa ako nakapagpapahayag kahit minsan sa alinmang kongregasyon! Pero sinikap kong patibayin ang mga dumalo, pati na ang maraming kabataan, na pumasok sa buong-panahong ministeryo. Nang maglaon, ang ilan sa mga kabataang iyon ay nabigyan ng mabibigat na responsibilidad sa teritoryo sa Italya.

Nagsimula ang kapana-panabik na buhay ko bilang naglalakbay na tagapangasiwa​—punô ng sorpresa, pagbabago, hamon, at kagalakan. Damang-dama ko ang pagmamahal ng mga kapatid.

Kalagayan ng Relihiyon sa Italya Pagkatapos ng Digmaan

Nang panahong iyon, ang Simbahang Katoliko ay namamayagpag at walang kaagaw sa puwesto sa Italya. Bagaman nagkabisa ang isang bagong konstitusyon noong 1948, noong 1956 lang naibasura ang mga batas ng Pasista na nagbabawal sa pangangaral ng mga Saksi. Dahil sa panggigipit ng klero, madalas magambala ang mga pansirkitong asamblea. Pero kung minsan, nabibigo ang klero, gaya ng nangyari noong 1948 sa Sulmona, isang maliit na bayan sa sentro ng Italya.

Ginanap ang asamblea sa isang teatro. Noong Linggo ng umaga, ako ang chairman, at si Giuseppe Romano ang nagbigay ng pahayag pangmadla. Wala pang 500 ang mamamahayag sa buong bansa noon, pero 2,000 ang nagsiksikan sa teatro! Pagkatapos ng pahayag, isang kabataang lalaki, na sinulsulan ng dalawang pari, ang umakyat sa entablado at nagsisigaw para manggulo. Agad kong sinabi sa kaniya, “Kung may gusto kang sabihin, umarkila ka ng bulwagan, at doon mo sabihin ang lahat ng gusto mong sabihin.” Nainis sa kaniya ang mga tagapakinig at nasapawan siya ng ingay ng mga gustong magpaalis sa kaniya. Dahil dito, bumaba ng entablado ang lalaki at naglahong parang bula.

Nang panahong iyon, medyo mahirap ang paglalakbay. Para makarating sa iba’t ibang kongregasyon, kung minsan ay naglalakad ako, nagbibisikleta, sumasakay sa tren o sa kakarag-karag at siksikang bus. May mga pagkakataong sa kuwadra o bodega ako tumutuloy. Katatapos lang ng digmaan, kaya mahirap ang buhay ng karamihan sa mga Italyano. Iilan lang ang mga kapatid at naghihikahos sila. Sa kabila nito, napakasarap pa ring maglingkod kay Jehova.

Pagsasanay sa Gilead

Noong 1950, ako at si Giuseppe Tubini ay inanyayahan sa ika-16 na klase ng paaralang Gilead para sa mga misyonero. Sa simula pa lang, alam kong mahihirapan akong mag-Ingles. Ginawa ko ang buong makakaya ko, pero mahirap talaga. Kailangan naming basahin ang buong Bibliya sa Ingles. Kung minsan ay hindi na ako nanananghalian para magpraktis ng pagbabasa nang malakas. Naatasan din akong magpahayag sa klase. Tandang-tanda ko pa ang komento ng instruktor: “Napakahusay mong kumumpas at masigla kang magpahayag, pero wala akong naintindihan sa Ingles mo!” Sa kabila nito, natapos ko rin ang kurso. Pagkagradweyt, kami ni Giuseppe ay muling inatasan sa Italya. Dahil sa pagsasanay na natanggap namin, mas mapaglilingkuran namin ang mga kapatid.

Noong 1955, nagpakasal kami ni Lidia. Pitong taon bago nito, isa siya sa mga kandidatong nabautismuhan nang magbigay ako ng pahayag sa bautismo. Ang biyenan kong si Domenico ay isa ring minamahal na kapatid. Naakay niya sa katotohanan ang lahat ng pito niyang anak, kahit na pinag-usig siya ng rehimeng Pasista at nasentensiyahan ng tatlong-taóng pagkatapon. Matapang ding ipinagtanggol ni Lidia ang katotohanan. Noong bawal pa ang pangangaral sa bahay-bahay, tatlong kaso sa korte ang hinarap niya. Anim na taon pagkaraan ng aming kasal, ipinanganak ang panganay naming si Beniamino. Noong 1972, nasundan pa siya, si Marco. Natutuwa akong sabihin na sila at ang kanilang pamilya ay masigasig na naglilingkod kay Jehova.

Aktibo Pa Ring Naglilingkod kay Jehova

Marami akong di-malilimutang karanasan habang maligayang naglilingkod sa iba. Halimbawa, noong unang mga taon ng dekada ’80, sumulat ang biyenan ko sa presidente ng Italya na si Sandro Pertini. Noong panahon ng diktadurang Pasista, pareho silang ipinatapon sa isla ng Ventotene, kung saan ipinipiit ang mga pinaghihinalaang kaaway ng rehimen. Humiling ang biyenan ko ng appointment sa presidente para mapatotohanan ito. Nang payagan siya, sumama ako, at hindi namin inaasahan ang naging pagtanggap sa amin. Niyakap ng presidente ang biyenan ko. Saka namin ipinakipag-usap ang aming pananampalataya at binigyan siya ng ilang literatura.

Noong 1991, pagkatapos ng 44-na-taóng pagdalaw sa mga kongregasyon sa buong Italya, iniwan ko ang gawaing pansirkito. Nang sumunod na apat na taon, naglingkod ako bilang tagapangasiwa ng Assembly Hall. Pagkatapos nito, kinailangan kong maghinay-hinay muna dahil sa malubhang sakit. Pero dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, nakapanatili ako sa buong-panahong paglilingkod. Sinisikap kong gawin ang buong makakaya ko sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita, at nakapagdaraos ako ng mga pag-aaral sa Bibliya. Sinasabi ng mga kapatid na mapuwersa pa rin akong magpahayag. Nagpapasalamat ako kay Jehova na hindi nabawasan ang aking sigla kahit nagkakaedad na ako.

Noong kabataan pa ako, takót na takót ako sa kamatayan, pero dahil sa tumpak na kaalaman sa Bibliya, nagkaroon ako ng tiyak na pag-asang buhay na walang hanggan​—‘buhay na sagana,’ ang sabi nga ni Jesus. (Juan 10:10) Iyan ang inaasam ko ngayon​—buhay na payapa, panatag, at maligaya, na punô ng pagpapala ni Jehova. Tunay ngang pribilehiyo na dalhin at luwalhatiin ang pangalan ng ating maibiging Maylalang!​—Awit 83:18.

[Mapa sa pahina 22, 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SWITZERLAND

BERN

Zurich

Arbon

Steinach

ITALYA

ROMA

Como

Milan

Ilog ng Adda

Castione Andevenno

Faenza

Sulmona

Ventotene

[Larawan sa pahina 22]

Papunta sa Gilead

[Larawan sa pahina 22]

Kasama si Giuseppe sa Gilead

[Larawan sa pahina 23]

Ang araw ng aming kasal

[Larawan sa pahina 23]

Sa mahigit na 55 taon, patuloy akong sinuportahan ng mahal kong kabiyak