“Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos na Nasa Inyong Pangangalaga”
“Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos na Nasa Inyong Pangangalaga”
“Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban.”—1 PED. 5:2.
1. Ano ang sitwasyon ng mga Kristiyano nang isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham?
ISINULAT ni apostol Pedro ang kaniyang unang liham bago pag-usigin ni Nero ang mga Kristiyano sa Roma. Gusto niyang patibayin ang mga kapatid. Ang Diyablo ay “gumagala-gala,” na naghahanap ng mga Kristiyanong masisila. Para makatayong matatag laban sa kaniya, kailangan nilang ‘panatilihin ang kanilang katinuan’ at ‘magpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.’ (1 Ped. 5:6, 8) Kailangan din nilang panatilihin ang pagkakaisa. Hindi sila dapat ‘magkagatan at maglamunan sa isa’t isa,’ dahil baka ‘maglipulan sila sa isa’t isa.’—Gal. 5:15.
2, 3. Kanino tayo nakikipaglaban, at ano ang tatalakayin natin sa seryeng ito?
2 Ganiyan din ang sitwasyon natin sa ngayon. Naghahanap ang Diyablo ng mga pagkakataon para lamunin tayo. (Apoc. 12:12) At malapit nang dumating ang “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan.” (Mat. 24:21) Tulad ng unang-siglong mga Kristiyano, dapat din nating iwasan ang pagtatalu-talo. Para magawa ito, kung minsan ay kailangan natin ang tulong ng kuwalipikadong matatanda.
3 Talakayin natin kung paano higit na mapahahalagahan ng mga elder ang pribilehiyong magpastol sa ‘kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga.’ (1 Ped. 5:2) Pag-uusapan din natin ang tamang paraan ng pagpapastol. Sa susunod na artikulo, pag-aaralan natin kung paano ‘maisasaalang-alang ng kongregasyon yaong mga nagpapagal at namumuno’ sa kawan. (1 Tes. 5:12) Ang pagtalakay sa mga ito ay tutulong sa atin na makatayong matatag laban sa ating pinakamahigpit na Kalaban, yamang alam natin na sa kaniya tayo nakikipagbuno.—Efe. 6:12.
Pastulan ang Kawan ng Diyos
4, 5. Ano ang dapat na maging pangmalas ng matatandang lalaki sa kawan? Ilarawan.
4 Hinimok ni Pedro ang matatandang lalaki noong unang siglo na magkaroon ng makadiyos na pangmalas sa kawan na ipinagkatiwala sa kanila. (Basahin ang 1 Pedro 5:1, 2.) Bagaman itinuturing na isang haligi sa kongregasyon, si Pedro ay hindi nagsalita sa matatanda na para bang nakatataas siya sa kanila. Sa halip, pinaalalahanan niya sila bilang mga kapuwa matatanda. (Gal. 2:9) Katulad ni Pedro, ang Lupong Tagapamahala sa ngayon ay nagpapayo sa mga elder na magsikap sa pagganap ng mabigat na pananagutang magpastol sa kawan ng Diyos.
5 Isinulat ng apostol na ang matatandang lalaki ay dapat ‘magpastol sa kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga.’ Napakahalagang kilalanin nila na ang kawan ay pag-aari ni Jehova at ni Jesu-Kristo. Ang mga elder ay magsusulit sa paraan ng pangangalaga nila sa mga tupa ng Diyos. Ipagpalagay na inihabilin sa iyo ng isang matalik na kaibigan ang kaniyang mga anak habang wala siya. Hindi ba aalagaan mo silang mabuti at pakakainin? Kung magkasakit ang isa sa kanila, hindi ba ipagagamot mo siya? Sa katulad na paraan, ang mga elder sa kongregasyon ay dapat “magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Lagi nilang iniisip na ang bawat tupa ay binili ng mahalagang dugo ni Kristo Jesus. Yamang magsusulit sila, pinakakain, pinoprotektahan, at pinangangalagaan ng mga elder ang kawan.
6. Ano ang pananagutan ng mga pastol noon?
6 Isipin ang mga pananagutan ng mga pastol noong panahon ng Bibliya. Kailangan nilang tiisin ang init ng araw at ang lamig ng gabi sa pagbabantay sa kawan. (Gen. 31:40) Isinasapanganib pa nga nila ang kanilang buhay para sa mga tupa. Iniligtas ng kabataang pastol na si David ang kaniyang kawan mula sa mababangis na hayop, gaya ng leon at oso. Sinabi ni David na ‘sinunggaban niya ang balbas niyaon at pinabagsak iyon at pinatay.’ (1 Sam. 17:34, 35) Napakatapang nga niya! Posibleng muntik na siyang masakmal ng hayop na iyon! Pero pilit pa rin niyang iniligtas ang tupa.
7. Paano maaaring agawin ng mga elder ang mga tupa mula sa pagkakasakmal ni Satanas?
7 Sa ngayon, ang mga elder ay kailangang magbantay laban sa tulad-leong pagsalakay ng Diyablo. Baka kailangan ang lakas ng loob para maagaw ang tupa mula sa pagkakasakmal ng Diyablo. Kung susunggaban ng mga elder ang balbas ng mabangis na hayop, wika nga, maililigtas nila ang tupa. Baka kailangan nilang payuhan ang mga kapatid na walang kamalay-malay na natutukso ng mga silo ni Satanas. (Basahin ang Judas 22, 23.) Siyempre pa, hindi ito magagawa ng mga elder kung walang tulong ni Jehova. Magiliw nilang inaalagaan ang nasugatang tupa, anupat binebendahan ito at ginagamitan ng nakagiginhawang pamahid, ang Salita ng Diyos.
8. Saan inaakay ng mga elder ang kawan, at paano?
8 Inaakay rin ng pastol ang kawan tungo sa madamong pastulan at lugar na may tubig. Sa katulad na paraan, inaakay ng mga elder ang kawan patungo sa kongregasyon, anupat pinasisigla sila na palaging dumalo sa mga pulong para makakain nang husto at makatanggap ng “kanilang pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Baka kailangang gumugol ang mga elder ng karagdagang panahon para tulungan ang mga maysakit sa espirituwal na tumanggap ng nakapagpapalusog na Salita ng Diyos. Baka sinisikap ng isang naligaw na tupa na bumalik sa kawan. Sa halip na pagalitan, magiliw na ipinaliliwanag sa kaniya ng mga elder ang mga simulain sa Bibliya at ipinakikita kung paano maikakapit ang mga ito sa kaniyang buhay.
9, 10. Paano dapat asikasuhin ng mga elder ang mga maysakit sa espirituwal?
9 Kapag may sakit ka, aling doktor ang pipiliin mo? Ang isa na nagmamadali at nagrereseta agad para matingnan ang susunod na pasyente? O ang isa na nakikinig na mabuti, nagpapaliwanag kung ano ang posibleng sakit mo, at nagsasabi kung paano ka maaaring gamutin?
10 Kaya naman ang mga elder ay nakikinig sa isang maysakit sa espirituwal at tumutulong sa paggamot sa sugat, na para bang “pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova.” (Basahin ang Santiago 5:14, 15.) Gaya ng balsamo sa Gilead, ang Salita ng Diyos ay nakagiginhawa sa maysakit. (Jer. 8:22; Ezek. 34:16) Ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay makatutulong sa mahihina para muling lumakas sa espirituwal. Oo, malaki ang maitutulong ng mga elder kung pakikinggan nila ang ikinababahala ng may-sakit na tupa at mananalanging kasama niya.
Hindi Napipilitan Kundi Maluwag sa Kalooban
11. Ano ang nag-uudyok sa mga elder na magpastol sa kawan ng Diyos nang maluwag sa kalooban?
11 Ipinaalaala rin ni Pedro sa matatandang lalaki kung ano ang dapat at di-dapat na maging saloobin kapag nagpapastol sa kawan ng Diyos. Dapat itong gawin ng mga elder nang “hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban.” Ano ang nag-uudyok sa kanila na maglingkod sa mga kapatid nang maluwag sa kalooban? Ano nga ba ang nag-udyok kay Pedro para pastulan at pakainin ang mga tupa ni Jesus? Ang kaniyang pag-ibig sa Panginoon. (Juan 21:15-17) Dahil sa pag-ibig, ang mga elder ay ‘hindi na nabubuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila.’ (2 Cor. 5:14, 15) Ang pag-ibig na ito, kalakip ang pag-ibig nila sa Diyos at sa kanilang mga kapatid, ang nag-uudyok sa mga elder na maglingkod sa kawan, anupat handang gamitin ang kanilang lakas, pera, at panahon para magawa iyon. (Mat. 22:37-39) Nagsasakripisyo sila nang hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban.
12. Hanggang saan ipinakita ni Pablo ang pagiging mapagsakripisyo?
12 Hanggang saan dapat ipakita ng mga elder ang pagiging mapagsakripisyo? Sa pangangalaga sa mga tupa, tinutularan nila si apostol Pablo, kung paanong tinularan niya si Jesus. (1 Cor. 11:1) Dahil sa magiliw na pagmamahal sa mga kapatid sa Tesalonica, nalugod si Pablo at ang kaniyang mga kasama na ibahagi sa kanila ‘hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang kanilang sariling mga kaluluwa.’ Sa paggawa nito, sila ay banayad na “gaya ng isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak.” (1 Tes. 2:7, 8) Nauunawaan ni Pablo ang damdamin ng isang nagpapasusong ina sa anak nito. Gagawin nito ang lahat para sa kaniyang anak, anupat bumabangon kahit hatinggabi para pasusuhin ito.
13. Sa ano dapat na maging timbang ang mga elder?
13 Kailangang maging timbang ang mga elder sa kanilang mga pananagutan bilang pastol at sa mga obligasyon nila sa kanilang pamilya. (1 Tim. 5:8) Ang panahong ginugugol ng mga elder para sa kongregasyon ay mahalagang panahon na para sana sa kanilang pamilya. Ang isang paraan para maging timbang ay ang pag-aanyaya sa iba na sumama paminsan-minsan sa kanilang Pampamilyang Pagsamba. Ganiyan ang ginawa ni Masanao, isang elder sa Japan. Sa nakalipas na mga taon, inanyayahan niyang sumama sa pag-aaral ng kanilang pamilya ang mga binata’t dalaga at ang mga pamilyang may ama na hindi Saksi. Nang maglaon, ang ilang natulungan ni Masanao ay naging mga elder at tumulad sa kaniyang magandang halimbawa.
Iwasan ang Di-tapat na Pakinabang—Pastulan ang Kawan Nang May Pananabik
14, 15. Bakit dapat magbantay ang mga elder laban sa “pag-ibig sa di-tapat na pakinabang,” at paano nila matutularan si Pablo sa bagay na ito?
14 Hinimok din ni Pedro ang matatanda na pastulan ang kawan “hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik.” Ang gawain ng mga elder ay umuubos ng Apoc. 18:2, 3) Dapat magbantay ang mga elder sa ngayon laban sa ganitong tendensiya.
malaking panahon, pero hindi sila naghihintay ng kabayaran. Nakita ni Pedro na kailangang mabigyan ng babala ang kapuwa niya matatanda tungkol sa panganib na magpastol sa kawan dahil sa “pag-ibig sa di-tapat na pakinabang.” Kitang-kita ang panganib na ito sa maluhong pamumuhay ng mga lider ng relihiyon ng “Babilonyang Dakila” samantalang naghihirap naman ang maraming tao. (15 Nagpakita si Pablo ng magandang halimbawa para sa mga elder. Bagaman isa siyang apostol at puwedeng maging “magastos na pasanin” para sa mga Kristiyano sa Tesalonica, hindi siya ‘kumain ng pagkain mula sa sinuman nang walang bayad.’ Sa halip, siya’y ‘nagtrabaho at nagpagal gabi at araw.’ (2 Tes. 3:8) Maraming elder sa ngayon, kasama na ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, ang nagpapakita ng magandang halimbawa sa bagay na ito. Bagaman tinatanggap nila ang paglalaan ng mga kapatid, hindi sila naglalagay ng “magastos na pasanin” sa sinuman.—1 Tes. 2:9.
16. Ano ang ibig sabihin ng pagpapastol sa kawan nang “may pananabik”?
16 Ang mga elder ay nagpapastol sa kawan nang “may pananabik.” Makikita ito sa kanilang mapagsakripisyong saloobin sa pagtulong sa kawan. Gayunman, hindi nila pinipilit ang kawan na maglingkod kay Jehova, ni hinihimok man nilang gawin ito ng kawan para lang makipagpaligsahan. (Gal. 5:26) Nauunawaan ng mga elder na magkakaiba ang mga tupa. Nasasabik silang tulungan ang mga kapatid na maglingkod kay Jehova nang may kagalakan.
Hindi Namamanginoon sa Kawan Kundi Nagpapakita ng Halimbawa
17, 18. (a) Bakit may mga pagkakataong nahirapan ang mga apostol na unawain ang turo ni Jesus tungkol sa kapakumbabaan? (b) Anong sitwasyon ang posibleng katulad nito sa ngayon?
17 Gaya ng natalakay na, dapat tandaan ng mga elder na ang kawan na pinapastulan nila ay pag-aari ng Diyos at hindi kanila. Iniiwasan nilang ‘mamanginoon sa mga mana ng Diyos.’ (Basahin ang 1 Pedro 5:3.) May mga pagkakataong nagsikap umabót ng mga pribilehiyo ang mga apostol ni Jesus, pero mali ang kanilang motibo. Gaya ng mga namamahala sa mga bansa, gusto nilang magkaroon ng prominenteng posisyon.—Basahin ang Marcos 10:42-45.
18 Sa ngayon, dapat suriin ng mga brother na “umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa” kung ano ang kanilang motibo. (1 Tim. 3:1) Nanaisin naman ng mga elder na tapatang suriin ang kanilang sarili kung naghahangad silang magkaroon ng awtoridad o maging prominente gaya ng ilang apostol. Kung ang mga apostol ay nagkaproblema sa bagay na ito, mauunawaan ng mga elder kung bakit dapat din silang magpunyaging alisin ang makasanlibutang tendensiya na maghangad ng awtoridad sa iba.
19. Ano ang dapat tandaan ng mga elder kapag gumagawa ng aksiyon para protektahan ang kawan?
19 Totoo, kung minsan ay kailangang maging matatag ang mga elder, halimbawa’y kapag pinoprotektahan ang kawan laban sa “mapaniil na mga lobo.” (Gawa 20:28-30) Sinabi ni Pablo kay Tito na magpatuloy sa “pagpapayo at pagsaway taglay ang lubos na awtoridad.” (Tito 2:15) Gayunman, kahit kailangan nilang gumawa ng gayong aksiyon, sinisikap ng mga elder na bigyang-dangal ang mga nasasangkot. Alam nila na para maabot nila ang puso ng isa at maudyukan siyang tumahak sa matuwid na landas, kabaitan ang kailangan at hindi kabagsikan.
20. Paano matutularan ng mga elder ang pagpapakita ni Jesus ng magandang halimbawa?
20 Ang magandang halimbawa ni Kristo ay nag-uudyok sa mga elder na ibigin ang kawan. (Juan 13:12-15) Naaantig ang puso natin habang binabasa kung paano niya tinuruan ang mga alagad na mangaral at gumawa ng alagad. Ang kaniyang kapakumbabaan ay nakaantig sa puso ng mga alagad niya, anupat napakilos silang tumahak sa landasing nagpapakita ng ‘kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa kanila.’ (Fil. 2:3) Ang mga elder sa ngayon ay napakikilos ding tularan ang halimbawa ni Jesus, at nais naman nilang maging “halimbawa sa kawan.”
21. Anong gantimpala ang maaasahan ng mga elder?
21 Tinapos ni Pedro ang pagpapayo sa matatandang lalaki sa pamamagitan ng pagtukoy sa isang pangako. (Basahin ang 1 Pedro 5:4.) Ang pinahirang mga tagapangasiwa ay ‘tatanggap ng di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian’ sa langit kasama ni Kristo. Ang mga katulong na pastol naman na kabilang sa “ibang mga tupa” ay magkakaroon ng pribilehiyong magpastol sa kawan ng Diyos sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng “punong pastol.” (Juan 10:16) Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga paraan kung paano makikipagtulungan sa kanila ang mga miyembro ng kongregasyon.
Bilang Repaso
• Bakit angkop na paalalahanan ni Pedro ang kapuwa niya matatanda na pastulan ang kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga?
• Paano dapat pastulan ng mga elder ang mga maysakit sa espirituwal?
• Ano ang nag-uudyok sa mga elder na pastulan ang kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 21]
Gaya ng mga pastol noon, dapat protektahan ng mga elder sa ngayon ang “mga tupa” na nasa kanilang pangangalaga