Kinapopootan Mo ba ang Katampalasanan?
Kinapopootan Mo ba ang Katampalasanan?
“Kinapootan mo [Jesus] ang katampalasanan.”—HEB. 1:9.
1. Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa pag-ibig?
UPANG idiin ang kahalagahan ng pag-ibig, sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig sa isa’t isa. Ang pag-ibig na iyon ang magiging pagkakakilanlan nila. Ipinayo rin niya: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.”—Mat. 5:44.
2. Anong pagkapoot ang dapat linangin ng mga tagasunod ni Kristo?
2 Pero bukod sa pagtuturo tungkol sa pag-ibig, itinuro din ni Jesus sa kanila kung ano ang dapat kapootan. Sinasabi hinggil kay Jesus: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan [kabalakyutan].” (Heb. 1:9; Awit 45:7) Ipinakikita nito na hindi lang pag-ibig sa katuwiran ang dapat nating linangin, kundi pati na ang pagkapoot sa kasalanan, o katampalasanan. Kapansin-pansin na espesipikong sinabi ni apostol Juan: “Ang bawat isa na namimihasa sa kasalanan ay namimihasa rin sa katampalasanan, kung kaya ang kasalanan ay katampalasanan.”—1 Juan 3:4.
3. Anu-anong pitak ng buhay ang tatalakayin sa artikulong ito may kinalaman sa pagkapoot sa katampalasanan?
3 Bilang mga Kristiyano, magandang itanong sa ating sarili, ‘Kinapopootan ko ba ang katampalasanan?’ Talakayin natin kung paano maipakikita ang pagkapoot sa kasamaan sa apat na pitak ng buhay: (1) saloobin sa pag-abuso sa alak, (2) pangmalas sa okulto, (3) pananaw sa imoralidad, at (4) pangmalas sa mga umiibig sa katampalasanan.
Magkaroon ng Tamang Pangmalas sa Alak
4. Bakit malayang nakapagpayo si Jesus tungkol sa labis na pag-inom?
4 Umiinom din ng alak si Jesus paminsan-minsan, anupat kinilalang kaloob ito ng Diyos. (Awit 104:14, 15) Pero hindi niya ito kailanman inabuso sa pamamagitan ng labis na pag-inom. (Kaw. 23:29-33) Kaya naman malaya siyang nakapagpayo laban sa gayong bisyo. (Basahin ang Lucas 21:34.) Ang pag-abuso sa alak ay maaaring humantong sa iba pang malulubhang kasalanan. Dahil dito, sumulat si apostol Pablo: “Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan, kundi patuloy kayong mapuspos ng espiritu.” (Efe. 5:18) Pinayuhan din niya ang matatandang babae sa kongregasyon na huwag ‘magpaalipin sa maraming alak.’—Tito 2:3.
5. Anu-ano ang maaaring itanong sa sarili ng mga umiinom ng alak?
5 Kung iinom ka ng alak, maganda ring itanong sa iyong sarili: ‘Tinutularan ko ba ang pangmalas ni Jesus sa labis na pag-inom? Kung kailangan kong magpayo sa iba tungkol dito, malaya ba akong makapagsasalita? Umiinom ba ako para matakasan ang kabalisahan o mabawasan ang stress? Gaano karaming alak ang nakokonsumo ko bawat linggo? Ano ang reaksiyon ko kapag may nagsabi na parang napapalakas ang pag-inom ko? Nangangatuwiran ba ako agad o nagagalit pa nga?’ Ang pagpapaalipin sa maraming alak ay makaaapekto sa kakayahan nating mag-isip nang maayos at magpasiya nang tama. Sinisikap ng mga tagasunod ni Kristo na ingatan ang kanilang kakayahang mag-isip.—Kaw. 3:21, 22.
Umiwas sa Okultismo
6, 7. (a) Paano hinarap ni Jesus si Satanas at ang mga demonyo? (b) Bakit napakalaganap ng okultismo sa ngayon?
6 Noong narito sa lupa si Jesus, buong-katatagan niyang sinalansang si Satanas at ang mga demonyo. Nilabanan din niya ang mga tuwirang pagsalakay ni Satanas sa kaniyang katapatan. (Luc. 4:1-13) Nagawa niyang tukuyin at tanggihan ang mga tusong pagtatangka na impluwensiyahan ang kaniyang pag-iisip at pagkilos. (Mat. 16:21-23) Tinulungan ni Jesus na makatakas sa kalupitan ng mga demonyo ang mga karapat-dapat.—Mar. 5:2, 8, 12-15; 9:20, 25-27.
7 Matapos iluklok si Jesus bilang Hari noong 1914, nilinis niya ang langit mula sa nagpaparuming impluwensiya ni Satanas at ng mga demonyo. Bilang resulta, lalong naging determinado si Satanas na ‘iligaw ang buong tinatahanang lupa.’ (Apoc. 12:9, 10) Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit patuloy na lumalaganap ang pagkahumaling sa okulto. Ano ang maaari nating gawin para maproteksiyunan ang ating sarili?
8. Anong pagsusuri sa sarili ang dapat gawin kapag pumipili ng libangan?
Deuteronomio 18:10-12.) Sa ngayon, iniimpluwensiyahan ni Satanas at ng mga demonyo ang pag-iisip ng mga tao sa pamamagitan ng mga pelikula, aklat, at video game na nagtatanghal ng okultismo. Kaya dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Sa nakalipas na mga buwan, pinili ko bang maging libangan ang mga pelikula, programa sa TV, video game, aklat, o komiks na nagtatampok ng mga kababalaghan? Naiintindihan ko ba kung bakit dapat iwasan ang impluwensiya ng okulto, o binabale-wala ko ang mga panganib nito? Naisip ko man lamang ba kung ano ang nadarama ni Jehova tungkol sa mga pinipili kong libangan? Kung naiimpluwensiyahan na ako ni Satanas, pakikilusin ba ako ng pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga simulain para itigil na ito?’—Gawa 19:19, 20.
8 Malinaw na nagbababala ang Bibliya tungkol sa mga panganib ng espiritismo. (Basahin angSundin ang Babala ni Jesus Tungkol sa Imoralidad
9. Kailan masasabing naglilinang ang isa ng pag-ibig sa katampalasanan?
9 Itinaguyod ni Jesus ang pamantayan ni Jehova hinggil sa kalinisang-asal sa sekso. Sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:4-6) Alam ni Jesus na ang tinitingnan ng mga mata ay nakaaapekto sa puso. Kaya sa Sermon sa Bundok, sinabi niya: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mat. 5:27, 28) Ang totoo, ang mga nagwawalang-bahala sa babala ni Jesus ay naglilinang ng pag-ibig sa katampalasanan.
10. Maglahad ng karanasan na nagpapakitang ang isa ay puwedeng makalaya sa pornograpya.
10 Pinalalaganap ni Satanas ang seksuwal na imoralidad sa pamamagitan ng pornograpya. Palasak na palasak ito sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Nahihirapan ang mga nanonood ng pornograpya na burahin sa kanilang isip ang imoral na mga eksena. Maaari pa nga silang maadik dito. Tingnan ang nangyari sa isang brother. Sinabi niya: “Lihim akong nanonood ng pornograpya. Gumawa ako ng sarili kong mundo na akala ko’y walang kinalaman sa paglilingkod ko kay Jehova. Alam kong mali ang bisyong ito pero inisip kong tatanggapin pa rin ng Diyos ang aking paglilingkod.” Ano ang nagpabago sa saloobin ng brother na ito? Ang sabi niya: “Ipinasiya kong ipagtapat sa mga elder ang problema ko, kahit iyon ang pinakamahirap sa lahat ng ginawa ko.” Nang maglaon, nakalaya siya sa maruming bisyong iyon. “Nang maalis ko ang kasalanang iyon,” inamin niya, “sa wakas ay nadama kong malinis na ang budhi ko.” Ang mga napopoot sa katampalasanan ay dapat matutong mapoot sa pornograpya.
11, 12. Paano natin maipakikita ang pagkapoot sa katampalasanan kapag pumipili ng musika?
11 Ang musika at ang mga liriko nito ay may malaking impluwensiya sa ating emosyon at, samakatuwid, sa ating makasagisag na puso. Isa itong kaloob ng Diyos at matagal nang bahagi ng tunay na pagsamba. (Ex. 15:20, 21; Efe. 5:19) Pero ang musikang pinalalaganap ng balakyot na sanlibutan ni Satanas ay nagtatampok ng imoralidad. (1 Juan 5:19) Paano mo malalaman kung ang musikang pinakikinggan mo ay nakapagpapasamâ sa iyo o hindi?
12 Puwede mong itanong sa iyong sarili: ‘Ang pinakikinggan ko bang mga awit ay nagtatampok ng pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, at pamumusong? Kung babasahin ko sa isang tao ang liriko ng ilang awit na pinakikinggan ko, iisipin ba niyang napopoot ako sa katampalasanan, o ipakikita ng mga ito na marumi ang puso ko?’ Hindi natin masasabing kinapopootan natin ang katampalasanan kung nakikinig naman tayo sa mga musikang nagtatampok nito. “Ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso,” ang sabi ni Jesus, “at ang mga bagay na iyon ang nagpaparungis sa isang tao. Bilang halimbawa, mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang patotoo, mga pamumusong.”—Mat. 15:18, 19; ihambing ang Sant. 3:10, 11.
Tularan ang Pangmalas ni Jesus sa mga Umiibig sa Katampalasanan
13. Ano ang naging pangmalas ni Jesus sa mga manhid na sa paggawa ng kasalanan?
13 Sinabi ni Jesus na pumarito siya para tawagin ang mga makasalanan, o mga tampalasan, upang magsisi. (Luc. 5:30-32) Pero ano ang naging pangmalas ni Jesus sa mga manhid na sa paggawa ng kasalanan? Mariin siyang nagbabala laban sa pagpapaimpluwensiya sa gayong mga tao. (Mat. 23:15, 23-26) Malinaw din niyang sinabi: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon [kapag inilapat na ng Diyos ang hatol], ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’” Gayunman, itatakwil niya ang mga nagsasagawa ng katampalasanan na ayaw magsisi, na sinasabi: “Lumayo kayo sa akin.” (Mat. 7:21-23) Bakit ganoon katindi ang hatol? Dahil nilalapastangan nila ang Diyos at pinipinsala ang iba sa pamamagitan ng kanilang mga gawang tampalasan.
14. Bakit inaalis sa kongregasyon ang mga nagkasalang hindi nagsisisi?
14 Ipinag-uutos ng Bibliya na alisin sa kongregasyon ang mga nagkasalang hindi nagsisisi. (Basahin ang 1 Corinto 5:9-13.) Kailangan itong gawin sa tatlong dahilan: (1) para hindi madusta ang pangalan ni Jehova, (2) para maingatang malinis ang kongregasyon, at (3) para matulungang magsisi ang nagkasala, kung posible.
15. Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan may kaugnayan sa katapatan kay Jehova?
15 Tinutularan ba natin ang pangmalas ni Jesus sa mga namimihasa sa mga gawang tampalasan? Dapat nating pag-isipan ang mga tanong na ito: ‘Palagi ba akong makikisama sa isang tiwalag o sa isa na kusang humiwalay sa kongregasyong Kristiyano? Paano kung siya’y malapit na kamag-anak na hindi na kapisan sa bahay?’ Talagang masusubok dito ang ating pag-ibig sa katuwiran at katapatan sa Diyos. *
16, 17. Anong suliranin ang napaharap sa isang sister? Ano ang nakatulong sa kaniya na sundin ang kaayusan sa pagtitiwalag?
16 Isaalang-alang ang karanasan ng isang
sister na may adultong anak na lalaki na dati’y umiibig kay Jehova. Pinili nito ang paggawa ng katampalasanan at hindi nagsisi kung kaya natiwalag. Mahal ng sister na ito si Jehova, pero mahal din niya ang kaniyang anak kaya napakahirap para sa kaniya na sundin ang utos ng Bibliya na iwasan ang pakikipag-ugnayan dito.17 Ano ang ipapayo mo sa sister na ito? Ipinaliwanag sa kaniya ng isang elder na naiintindihan ni Jehova ang sakit na nadarama niya. Hinimok siya nito na isipin ang sakit na nadama ni Jehova nang maghimagsik ang ilan sa kaniyang mga anak na anghel. Sinabi ng elder na kahit alam ni Jehova kung gaano kasakit ang gayong sitwasyon, ipinag-utos pa rin Niya na itiwalag ang mga nagkasalang hindi nagsisisi. Tinanggap ng sister ang mga paalaala at may-katapatang sinunod ang kaayusan sa pagtitiwalag. * Ang gayong katapatan ay nagpapasaya sa puso ni Jehova.—Kaw. 27:11.
18, 19. (a) Ano ang ating kinapopootan kapag pinutol natin ang pakikipag-ugnayan sa isang gumagawa ng katampalasanan? (b) Ano ang maaaring maging resulta kung mananatili tayong tapat sa Diyos at sa kaniyang kaayusan?
18 Kung ganiyan din ang iyong sitwasyon, huwag mo sanang kalilimutan na alam ni Jehova ang iyong nadarama. Kung puputulin mo ang pakikipag-ugnayan sa isang natiwalag o kusang humiwalay, ipinakikita mong napopoot ka sa mga saloobin at pagkilos na naging dahilan nito. Pero ipinakikita mo rin na mahal mo ang nagkasala anupat handa mong gawin ang pinakamabuti para sa kaniya. Mas malamang na magsisi at manumbalik ang nadisiplina kung mananatili kang tapat kay Jehova.
19 Isang indibiduwal na natiwalag at nakabalik na sa kongregasyon ang sumulat: “Ako’y natutuwa at ganiyan na lamang ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan [anupat pinananatili niyang] malinis ang kaniyang organisasyon. Ang wari’y isang kalupitan . . . sa pananaw ng mga tagalabas ay kapuwa kailangan at talagang isang maibiging bagay na dapat gawin.” Sa palagay mo ba’y matatauhan ang indibiduwal na iyon kung palagi pa ring nakikipag-ugnayan sa kaniya ang mga miyembro ng kongregasyon, pati na ang kaniyang pamilya, noong tiwalag siya? Pinatutunayan ng ating pagsuporta sa maka-Kasulatang kaayusan sa pagtitiwalag na iniibig natin ang katuwiran at kinikilala ang karapatan ni Jehova na magtakda ng pamantayan ng paggawi.
“Kapootan Ninyo ang Kasamaan”
20, 21. Bakit mahalaga na matutuhan nating kapootan ang katampalasanan?
20 “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay,” ang babala ni apostol Pedro. Bakit? Dahil “ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Ped. 5:8) Ikaw na kaya ang susunod na masisila? Depende iyan sa tindi ng pagkapoot mo sa katampalasanan.
21 Hindi madaling matutuhan ang pagkapoot sa kasamaan. Tayo ay ipinanganak na makasalanan at namumuhay sa isang sanlibutang pumupukaw sa makalamang mga pagnanasa. (1 Juan 2:15-17) Pero kung tutularan natin si Jesu-Kristo at lilinangin ang masidhing pag-ibig sa Diyos na Jehova, matututuhan nating kapootan ang katampalasanan. Maging determinado sana tayong ‘kapootan ang kasamaan,’ anupat lubusang nagtitiwala na ‘binabantayan ni Jehova ang kaniyang mga matapat; mula sa kamay ng mga balakyot ay inililigtas niya sila.’—Awit 97:10.
[Mga talababa]
^ par. 15 Para sa detalyadong pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang Setyembre 15, 1981, isyu ng The Watchtower, pahina 26-31.
^ par. 17 Tingnan din ang Enero 15, 2007, isyu ng Ang Bantayan, pahina 17-20.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang makatutulong para masuri ang ating pangmalas sa alak?
• Ano ang maaari nating gawin para maproteksiyunan ang ating sarili laban sa okultismo?
• Bakit mapanganib ang pornograpya?
• Paano natin maipakikita ang pagkapoot sa katampalasanan kapag natiwalag ang isang minamahal?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 29]
Kung iinom ka ng alak, ano ang dapat mong pag-isipan?
[Larawan sa pahina 30]
Mag-ingat sa impluwensiya ni Satanas kapag pumipili ng libangan
[Larawan sa pahina 31]
Anong pag-ibig ang nililinang ng isang nanonood ng pornograpya?