Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ibigin ang Katuwiran Nang Buong Puso

Ibigin ang Katuwiran Nang Buong Puso

Ibigin ang Katuwiran Nang Buong Puso

“Iniibig mo ang katuwiran.”​—AWIT 45:7.

1. Ano ang tutulong sa atin na lumakad sa “mga landas ng katuwiran”?

SA PAMAMAGITAN ng kaniyang Salita at banal na espiritu, inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan sa “mga landas ng katuwiran.” (Awit 23:3) Pero dahil hindi tayo sakdal, may tendensiya tayong lumihis sa landas na iyon. Para makabalik sa paggawa ng tama, kailangan ang determinasyon at pagsisikap. Ano ang tutulong sa atin para magtagumpay? Gaya ni Jesus, dapat nating ibigin ang tama.​—Basahin ang Awit 45:7.

2. Ano ang “mga landas ng katuwiran”?

2 Ano ang “mga landas ng katuwiran”? Ang landas ay isang makitid na daang nilalakaran. Ang “mga landas” na iyon ay nakasalig sa pamantayan ng katuwiran na itinakda ni Jehova. Sa Hebreo at Griego, ang “katuwiran” ay tumutukoy sa isang bagay na “matuwid”; nagpapahiwatig ito ng mahigpit na panghahawakan sa mga simulain hinggil sa moral. Yamang si Jehova ang “tinatahanang dako ng katuwiran,” sa kaniya umaasa ang kaniyang mga mananamba para magtakda ng matuwid na landas na dapat lakaran.​—Jer. 50:7.

3. Paano tayo higit na matututo tungkol sa katuwiran ng Diyos?

3 Ang tanging paraan para lubos nating mapalugdan ang Diyos ay ang buong-pusong pagsunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Deut. 32:4) Para magawa ito, kailangan muna ang masigasig na pag-aaral tungkol sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Habang dumarami ang ating natututuhan tungkol sa kaniya at mas nápapalapít sa kaniya, lalo nating iniibig ang kaniyang katuwiran. (Sant. 4:8) Dapat din nating tanggapin ang patnubay ng kinasihang Salita ng Diyos kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon sa buhay.

Hanapin ang Katuwiran ng Diyos

4. Ano ang nasasangkot sa paghanap sa katuwiran ng Diyos?

4 Basahin ang Mateo 6:33. Ang paghanap sa katuwiran ng Diyos ay hindi basta pakikibahagi lang sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Para maging kaayaaya kay Jehova ang ating paglilingkod, dapat na kaayon ng kaniyang matataas na pamantayan ang ating paggawi sa araw-araw. Ano ang kailangang gawin ng lahat ng humahanap sa katuwiran ni Jehova? Dapat silang “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”​—Efe. 4:24.

5. Ano ang makatutulong sa atin para mapaglabanan ang panghihina ng loob?

5 Habang sinisikap nating sundin ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos, baka panghinaan tayo ng loob paminsan-minsan dahil sa ating mga pagkukulang. Ano ang makatutulong para mapaglabanan ang matinding panghihina ng loob at matutuhang ibigin at isagawa ang katuwiran? (Kaw. 24:10) Dapat tayong regular na manalangin kay Jehova nang “may tapat na mga puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya.” (Heb. 10:19-22) Tayo man ay pinahirang Kristiyano o may makalupang pag-asa, nananampalataya tayo sa haing pantubos ni Jesu-Kristo at sa kaniyang paglilingkod bilang ating dakilang Mataas na Saserdote. (Roma 5:8; Heb. 4:14-16) Ipinaliwanag sa kauna-unahang labas ng magasing ito ang bisa ng itinigis na dugo ni Jesus. (1 Juan 1:6, 7) Sinabi sa artikulo: “Totoo na [kapag] ang isang bagay na iskarlata o krimson [ay] sinilip mula sa pulang kristal na nasa liwanag, ang bagay na iyon ay parang puti; kaya ang mga kasalanan man natin ay gaya ng iskarlata o krimson, kapag lumagay tayo kung saan makikita iyon ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, iyon ay ituturing na puti.” (Hulyo 1879, p. 6) Talagang kahanga-hanga ang haing pantubos na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang minamahal na Anak!​—Isa. 1:18.

Tiyaking Suot Mo ang Espirituwal na Kagayakang Pandigma

6. Bakit mahalagang tiyakin na suot natin ang espirituwal na kagayakang pandigma?

6 Dapat na palagi nating suot ang “baluti ng katuwiran,” sapagkat ito’y mahalagang bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma mula sa Diyos. (Efe. 6:11, 14) Tayo man ay bago pa lang nakapag-alay ng sarili kay Jehova o maraming dekada nang naglilingkod, mahalagang tiyakin na suot natin ang espirituwal na kagayakang pandigma araw-araw. Bakit? Dahil inihagis na sa kapaligiran ng lupa ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo. (Apoc. 12:7-12) Galít si Satanas, at alam niyang maikli na ang kaniyang panahon. Kaya naman lubus-lubusan na ang pagsalakay niya sa bayan ng Diyos. Nauunawaan ba natin kung bakit mahalagang suot natin ang “baluti ng katuwiran”?

7. Paano tayo gagawi kung nauunawaan natin ang kahalagahan ng “baluti ng katuwiran”?

7 Ang baluti ay proteksiyon sa literal na puso. Dahil hindi tayo sakdal, ang ating makasagisag na puso ay may tendensiyang maging mapandaya at mapanganib. (Jer. 17:9) Yamang nakahilig sa paggawa ng mali ang puso, dapat natin itong sanayin at disiplinahin. (Gen. 8:21) Kung nauunawaan natin ang kahalagahan ng “baluti ng katuwiran,” hindi natin ito huhubarin paminsan-minsan anupat pipili ng mga libangang kinapopootan ng Diyos o magpapantasya sa paggawa ng masama. Hindi tayo mag-aaksaya ng malaking panahon sa panonood ng TV. Sa halip, patuloy nating pagsisikapang gawin ang kalugud-lugod kay Jehova. Madapa man tayo kung minsan dahil sa pagpapadala sa makalamang kaisipan, muli tayong babangon sa tulong ni Jehova.​—Basahin ang Kawikaan 24:16.

8. Bakit natin kailangan ang “malaking kalasag ng pananampalataya”?

8 Kasama sa ating espirituwal na kagayakang pandigma ang “malaking kalasag ng pananampalataya.” Ito ang ating ‘ipanunugpo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.’ (Efe. 6:16) Ang pananampalataya at buong-pusong pag-ibig kay Jehova ay tutulong naman sa atin na magsagawa ng katuwiran at manatili sa daang patungo sa buhay na walang hanggan. Habang natututuhan nating ibigin si Jehova, lalo nating napahahalagahan ang kaniyang katuwiran. Pero kumusta naman ang ating budhi? Paano ito nakatutulong sa pagsisikap nating ibigin ang katuwiran?

Panatilihin ang Isang Mabuting Budhi

9. Paano tayo nakikinabang sa pagpapanatili ng isang mabuting budhi?

9 Noong bautismuhan tayo, humiling tayo kay Jehova ng “isang mabuting budhi.” (1 Ped. 3:21) Dahil nananampalataya tayo sa pantubos, tinatakpan ng dugo ni Jesus ang ating mga kasalanan anupat nagkakaroon tayo ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Subalit para maingatan ito, kailangan nating panatilihin ang isang mabuting budhi. Kung may mga pagkakataong tayo’y inaakusahan at binababalaan ng ating budhi, dapat nating ipagpasalamat na gumagana iyon nang maayos. Ipinakikita nito na hindi pa iyon manhid sa matuwid na mga daan ni Jehova. (1 Tim. 4:2) Pero mayroon pang maitutulong ang budhi sa mga nagnanais umibig sa katuwiran.

10, 11. (a) Maglahad ng karanasan na nagpapakita kung bakit dapat pakinggan ang ating budhing sinanay sa Bibliya. (b) Bakit nagdudulot ng malaking kasiyahan ang pag-ibig sa katuwiran?

10 Kapag may ginagawa tayong mali, maaari tayong hatulan o bagabagin ng ating budhi. Isang kabataan ang lumihis sa “mga landas ng katuwiran.” Naadik siya sa pornograpya at nagsimulang humitit ng marijuana. Nakokonsiyensiya siya kapag dumadalo sa mga pulong at nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, kaya tumigil siya sa mga gawaing ito. “Pero,” ang sabi niya, “hindi ko akalaing uusigin ako ng aking budhi.” Sinabi pa niya, “Mga apat na taon din akong nawala sa katinuan.” Pagkatapos, naisip niyang bumalik sa katotohanan. Kahit iniisip niyang hindi pakikinggan ni Jehova ang kaniyang panalangin, nanalangin pa rin siya at humingi ng tawad. Makalipas lang ang ilang minuto, dinalaw siya ng kaniyang ina at pinasiglang dumalo sa mga pulong. Nagpunta siya sa Kingdom Hall at humiling ng pag-aaral ng Bibliya sa isang elder. Nang maglaon, nabautismuhan siya, at laking pasasalamat niya kay Jehova sa pagliligtas sa kaniyang buhay.

11 Hindi nga ba’t talagang malaking kasiyahan ang dulot ng paggawa ng tama? Habang natututuhan nating ibigin at lubusang isagawa ang katuwiran, lalo tayong nakadarama ng kagalakan sa paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa ating makalangit na Ama. At isip-isipin ito! Darating ang panahon na puro positibong damdamin ang magmumula sa ating budhi; lubusan nang masasalamin sa mga tao ang larawan ng Diyos. Kaya ngayon pa lang, itimo na natin sa ating puso ang pag-ibig sa katuwiran at pasayahin si Jehova.​—Kaw. 23:15, 16.

12, 13. Paano natin sasanayin ang ating budhi?

12 Paano natin sasanayin ang ating budhi? Kapag nag-aaral tayo ng Bibliya at ng ating salig-Bibliyang mga publikasyon, mahalagang tandaan na “ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.” (Kaw. 15:28) Tingnan natin kung paanong ito’y kapaki-pakinabang kapag may mga tanong tayo hinggil sa trabaho. Kung maliwanag na salungat sa utos ng Bibliya ang isang partikular na trabaho, sinusunod agad ng karamihan sa atin ang patnubay ng uring tapat at maingat na alipin. Pero kapag walang tuwirang sagot sa tanong, dapat alamin ang mga simulain sa Bibliya at isaalang-alang ito nang may pananalangin. * Kabilang sa mga simulaing ito ang pag-iwas na makasakit sa budhi ng iba. (1 Cor. 10:31-33) Lalo nang dapat isaalang-alang ang mga simulaing may kinalaman sa kaugnayan natin sa Diyos. Kung talagang totoo sa atin si Jehova, una nating itatanong, ‘Masasaktan ba si Jehova kung tatanggapin ko ang trabahong ito?’​—Awit 78:40, 41.

13 Kapag naghahanda para sa Pag-aaral sa Bantayan o Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, dapat tandaan na kailangan nating bulay-bulayin ang impormasyong inihaharap. Basta na lang ba natin sinasalungguhitan ang sagot at saka lilipat sa susunod na parapo? Malamang na hindi ito makatutulong na mapalalim ang pag-ibig natin sa katuwiran at malinang ang isang sensitibong budhi. Para maibig natin ang katuwiran, kailangan ang masikap na pag-aaral at pagbubulay-bulay sa nababasa natin sa Salita ng Diyos. Walang shortcut sa paglilinang ng buong-pusong pag-ibig sa katuwiran!

Pagkagutom at Pagkauhaw sa Katuwiran

14. Ano ang gusto ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo na madama natin tungkol sa ating sagradong paglilingkod?

14 Gusto ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo na maging maligaya tayo sa ating sagradong paglilingkod. Ano ang isang makapagpapaligaya sa atin? Aba, ang pag-ibig sa katuwiran! Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, yamang sila ay bubusugin.” (Mat. 5:6) Ano ang kahulugan ng mga salitang ito para sa mga nagnanais umibig sa katuwiran?

15, 16. Sa anu-anong paraan papawiin ang espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw ng mga umiibig sa katuwiran?

15 Ang sanlibutang ito ay pinamamahalaan ng isa na balakyot. (1 Juan 5:19) Kung magbabasa tayo ng diyaryo saanmang bansa, mababalitaan natin ang mga ulat tungkol sa matitinding kalupitan at karahasan. Ang kalupitan ng tao sa kaniyang kapuwa ay nakababagabag sa taong matuwid. (Ecles. 8:9) Bilang mga umiibig kay Jehova, alam natin na siya lang ang makapapawi sa espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw ng mga taong nagnanais matuto ng katuwiran. Ang mga di-makadiyos ay malapit nang alisin, at ang mga umiibig sa katuwiran ay hindi na mapipighati dahil sa masuwaying mga tao at sa kanilang masasamang gawa. (2 Ped. 2:7, 8) Kaylaking ginhawa niyan!

16 Bilang mga lingkod ni Jehova at tagasunod ni Jesu-Kristo, alam natin na ang lahat ng nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay “bubusugin.” Lubusan silang mabubusog sa isinaayos ng Diyos na mga bagong langit at bagong lupa na ‘tatahanan ng katuwiran.’ (2 Ped. 3:13) Kaya huwag tayong masiraan ng loob o magtaka kung nawala man ang katuwiran sa sanlibutang ito dahil sa paniniil at karahasan. (Ecles. 5:8) Alam ni Jehova, ang Kataas-taasan, kung ano ang nangyayari at malapit na niyang iligtas ang mga umiibig sa katuwiran.

Makinabang sa Pag-ibig sa Katuwiran

17. Ano ang ilang pakinabang na idinudulot ng pag-ibig sa katuwiran?

17 Idiniriin ng Awit 146:8 ang isang natatanging pakinabang sa pagsunod sa landas ng katuwiran. Umawit ang salmista: “Iniibig ni Jehova ang mga matuwid.” Isip-isipin iyan! Iniibig tayo ng Soberano ng uniberso dahil iniibig natin ang katuwiran! Dahil sa pag-ibig ni Jehova, nagtitiwala tayo na paglalaanan niya tayo habang inuuna natin ang kapakanan ng Kaharian. (Basahin ang Awit 37:25; Kawikaan 10:3.) Darating ang panahon, ang buong planetang ito ay magiging pag-aari ng mga umiibig sa katuwiran. (Kaw. 13:22) Dahil sa kanilang matuwid na pamumuhay, ang karamihan sa bayan ng Diyos ay gagantimpalaan ng masidhing kagalakan at buhay na walang hanggan sa isang magandang paraisong lupa. Ngayon pa lang, ang mga umiibig sa katuwiran ng Diyos ay nagtatamasa na ng panloob na kapayapaan na nakatutulong sa pagkakaisa ng kanilang pamilya at kongregasyon.​—Fil. 4:6, 7.

18. Ano ang dapat nating gawin habang hinihintay ang araw ni Jehova?

18 Habang hinihintay natin ang dakilang araw ni Jehova, dapat na patuloy nating hanapin ang kaniyang katuwiran. (Zef. 2:2, 3) Kung gayon, magpakita tayo ng tunay na pag-ibig sa matuwid na mga daan ni Jehova. Dapat na lagi nating suot ang “baluti ng katuwiran” bilang proteksiyon sa ating makasagisag na puso. Dapat din nating panatilihin ang isang mabuting budhi na magpapagalak sa atin at magpapasaya sa puso ng ating Diyos.​—Kaw. 27:11.

19. Ano ang dapat na determinado nating gawin? Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 ‘Ang mga mata ni Jehova ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.’ (2 Cro. 16:9) Talaga ngang nakaaaliw ang mga salitang iyan habang ginagawa natin ang tama sa kabila ng lumulubhang kaguluhan, karahasan, at kasamaan sa maligalig na daigdig na ito! Totoo, maaaring pinagtatakhan ng maraming taong di-makadiyos ang ating matuwid na pamumuhay. Pero malaking pakinabang sa atin ang panghahawakan sa katuwiran ni Jehova. (Isa. 48:17; 1 Ped. 4:4) Kaya taglay ang pusong sakdal, maging determinado sana tayo na buong-pusong ibigin at isagawa ang katuwiran, na siyang magdudulot sa atin ng kasiyahan. Gayunman, kasama rin sa pagkakaroon ng pusong sakdal ang pagkapoot sa katampalasanan. Ipakikita ng susunod na artikulo kung ano ang ibig sabihin nito.

[Talababa]

^ par. 12 Para sa pagtalakay sa mga simulain sa Bibliya tungkol sa trabaho, tingnan Ang Bantayan ng Abril 15, 1999, pahina 28-30.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit kailangang pahalagahan ang pantubos para maibig ang katuwiran?

• Bakit mahalagang suot natin ang “baluti ng katuwiran”?

• Paano natin masasanay ang ating budhi?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 26]

Matutulungan tayo ng sinanay na budhi para masagot ang mga tanong tungkol sa trabaho