Hinahayaan Mo Bang Tanungin Ka ni Jehova?
Hinahayaan Mo Bang Tanungin Ka ni Jehova?
ANG Bibliya ay may daan-daang tanong na tumatagos sa puso. Sa katunayan, ang Diyos na Jehova mismo ay gumamit ng mga tanong para magturo ng mahahalagang katotohanan. Halimbawa, nang pagsabihan ni Jehova si Cain tungkol sa kaniyang masamang landasin, gumamit siya ng ilang tanong. (Gen. 4:6, 7) Kung minsan naman, isang tanong lang ni Jehova, napapakilos na agad ang isang tao. Nang marinig ang tanong ni Jehova: “Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” sumagot si propeta Isaias: “Narito ako! Isugo mo ako.”—Isa. 6:8.
Si Jesus, ang Dakilang Guro, ay mahusay rin sa paggamit ng mga tanong. Mahigit 280 tanong niya ang nakaulat sa mga Ebanghelyo. Bagaman may pagkakataong gumamit siya ng mga tanong para patahimikin ang mga kritiko, kadalasan nang ang layunin niya ay para abutin ang puso ng kaniyang mga tagapakinig, anupat nauudyukan silang pag-isipan ang kanilang kaugnayan sa Diyos. (Mat. 22:41-46; Juan 14:9, 10) Si apostol Pablo, na sumulat ng 14 na aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay gumamit din ng mapanghikayat na mga tanong. (Roma 10:13-15) Halimbawa, sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, napakaraming tanong. Nakatulong ang mga ito para mapahalagahan ng mga mambabasa niya “ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos.”—Roma 11:33.
May mga tanong na nangangailangan ng berbal na sagot, pero may mga tanong din na nilayong pag-isipín ang isa. Sa ulat ng mga Ebanghelyo, ang ikalawang uring ito ng tanong ang malimit gamitin ni Jesus. Minsan ay binabalaan niya ang kaniyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes,” na tumutukoy sa pagpapaimbabaw at maling turo ng mga ito. (Mar. 8:15; Mat. 16:12) Hindi ito naintindihan ng mga alagad ni Jesus kung kaya nagtalu-talo sila dahil hindi sila nakapagdala ng tinapay. Pansinin ang mga tanong ni Jesus. “Sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nagtatalo sa dahilang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo napag-uunawa at nakukuha ang kahulugan? Ang inyo bang mga puso ay mapurol sa pag-unawa? “Bagaman may mga mata, hindi ba kayo nakakakita; at bagaman may mga tainga, hindi ba kayo nakaririnig?” . . . Hindi pa ba ninyo nakukuha ang kahulugan?’” Ang mga tanong ni Jesus ay nilayong pag-isipín ang kaniyang mga alagad para maunawaan nila ang kaniyang mga sinasabi.—Mar. 8:16-21.
“Tatanungin Kita”
Gumamit ang Diyos na Jehova ng mga tanong para ituwid ang kaisipan ng kaniyang lingkod na si Job. Sa pamamagitan ng mga tanong, naituro ni Jehova kay Job ang kaniyang pagiging hamak kung ihahambing sa kaniyang Maylikha. (Job, kab. 38-41) Naghintay ba si Jehova ng sagot sa mga tanong na iyon? Hindi naman. Ang mga tanong na gaya ng “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa?” ay maliwanag na para lang pag-isipín si Job at antigin ang kaniyang damdamin. Ilang tanong pa lang, halos hindi na makapagsalita si Job. Nasabi lang niya: “Ano ang isasagot ko sa iyo? Ang aking kamay ay itinakip ko sa aking bibig.” (Job 38:4; 40:4) Nakuha ni Job ang punto at nagpakumbaba siya. Pero hindi lang naturuan ni Jehova si Job na maging mapagpakumbaba. Naituwid din ang kaniyang kaisipan. Paano?
Bagaman si Job ay “isang lalaking walang kapintasan at matuwid,” paminsan-minsan ay nakikita rin sa kaniyang mga sinasabi ang maling pangmalas. Binanggit ito ni Elihu nang sawayin niya si Job dahil “ipinahahayag niyang matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na Job 1:8; 32:2; 33:8-12) Naituwid ng mga tanong ni Jehova ang saloobin ni Job. Nang kausapin si Job mula sa buhawi, sinabi ng Diyos: “Sino itong nagpapalabo ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman? Bigkisan mo ang iyong mga balakang, pakisuyo, tulad ng isang matipunong lalaki, at tatanungin kita, at magsabi ka sa akin.” (Job 38:1-3) Sa pamamagitan din ng mga tanong, itinampok naman ni Jehova ang kaniyang walang-hanggang karunungan at kapangyarihan gaya ng makikita sa kaniyang kahanga-hangang mga gawa. Tumulong ito kay Job na lalong magtiwala sa mga pagpapasiya at pamamaraan ni Jehova. Isa ngang napakagandang karanasan para kay Job—ang tanungin mismo ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat!
ang Diyos.” (Kung Paano Natin Hahayaang Tanungin Tayo ni Jehova
Kumusta naman tayo? Puwede rin ba tayong makinabang sa mga tanong na nakaulat sa Bibliya? Puwede! Kung pag-iisipan natin itong mabuti, tatanggap tayo ng saganang espirituwal na pagpapala. Lalong nagiging mabisa ang Salita ng Diyos dahil sa nakaaantig na mga tanong dito. Oo, “ang salita ng Diyos ay . . . may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Pero lalo tayong makikinabang kung iisipin nating tayo ang tinatanong, at si Jehova mismo ang nagtatanong. (Roma 15:4) Tingnan natin ang ilang halimbawa.
“Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?” (Gen. 18:25) Ito ang itinanong ni Abraham kay Jehova nang hatulan ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Para kay Abraham, malayong mangyari na si Jehova ay maging di-makatarungan—na patayin ang mga matuwid kasama ng masasama. Ipinakikita ng tanong ni Abraham na lubos siyang nananampalatayang matuwid si Jehova.
Sa ngayon, may mga espekulasyon ang ilan tungkol sa gagawing paghatol ni Jehova, halimbawa’y kung sino ba talaga ang makakaligtas sa Armagedon o kung sino ang bubuhaying muli. Sa halip na guluhin ang isip sa ganitong mga tanong, puwede nating alalahanin ang tanong ni Abraham. Gaya niya, alam na alam nating si Jehova ay isang makatarungan, maawain, at mabait na Ama. Kaya hindi natin inaaksaya ang ating panahon at lakas sa pag-aalala, pag-aalinlangan, at walang-saysay na pagdedebate.
“Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” (Mat. 6:27) Sa pakikipag-usap sa mga tao at sa kaniyang mga alagad, ginamit ni Jesus ang tanong na ito para idiin na kailangan nilang ipaubaya ang kanilang sarili sa maibiging kamay ni Jehova. Maraming kabalisahan sa mga huling araw na ito ng masamang sistema ng mga bagay, pero kahit isipin natin ito nang isipin, wala itong maitutulong para humaba o mas gumanda ang ating buhay.
Kailanma’t nababalisa tayo para sa ating sarili at sa mga mahal natin sa buhay, alalahanin ang tanong ni Jesus para magkaroon tayo ng tamang pangmalas. Tutulong ito na maalis ang ating pagkabalisa at negatibong kaisipan na umuubos ng mental, emosyonal, at pisikal na lakas. Gaya ng tiniyak sa atin ni Jesus, ang ating pangangailangan ay alam na alam ng ating makalangit na Ama, na siyang nagpapakain sa mga ibon sa langit at nagdaramit sa mga pananim sa parang.—Mat. 6:26-34.
“Makapagtutumpok ba ang isang tao ng apoy sa kaniyang dibdib at hindi rin masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan?” (Kaw. 6:27) Ang unang siyam na kabanata ng Mga Kawikaan ay naglalaman ng maiikling payo ng isang ama sa kaniyang anak. Ang tanong sa itaas ay tumutukoy sa masasaklap na bunga ng pangangalunya. (Kaw. 6:29) Kapag napag-isip-isip nating tayo pala’y nakikipagligaw-biro o nagpapantasya ng anumang kahalayan, ang tanong na ito ay dapat na magsilbing babala sa atin. Puwede rin natin itong itanong sa ating sarili kapag natutukso tayong gumawa ng masama. Napakalinaw na idiniriin ng tanong na ito ang makatotohanang simulain sa Bibliya: ‘Kung ano ang inihasik, iyon din ang aanihin’!—Gal. 6:7.
“Sino ka upang humatol sa tagapaglingkod sa bahay ng iba?” (Roma 14:4) Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, binanggit ni Pablo ang problema ng kongregasyon noong unang siglo. Ang ilang Kristiyanong magkakaiba ng pinagmulan at kalagayan sa buhay ay may tendensiyang maging mapanghatol sa mga desisyon at gawain ng kanilang mga kapananampalataya. Ang tanong ni Pablo ay nagsilbing paalaala sa kanila na tanggapin ang isa’t isa at ipaubaya kay Jehova ang paghatol.
Sa ngayon, iba’t iba rin ang kalagayan sa buhay ng mga lingkod ni Jehova. Pero tinipon Niya tayo para magkaisa. Nakakatulong ba tayo sa mahalagang pagkakaisang iyon? Kung may tendensiya tayong hatulan agad ang ginagawa ng isang kapatid, makabubuting alalahanin ang tanong ni Pablo sa itaas!
Mga Tanong na Tumutulong Para Lalo Tayong Mápalapít kay Jehova
Ipinakikita ng ilang halimbawang ito na ang mga tanong mula sa Salita ng Diyos ay nakakatulong para masuri ang ating sarili. Kung isasaalang-alang natin ang konteksto ng bawat tanong, makikita natin kung paano ikakapit sa ating buhay ang simulain nito. At sa patuloy nating pagbabasa ng Bibliya, makakakita tayo ng iba pang mga tanong na makakatulong sa atin.—Tingnan ang kahon sa pahina 14.
Kung patatagusin natin sa ating puso ang nakaaantig na mga tanong mula sa Salita ng Diyos, ang ating isip at damdamin ay magiging kaayon ng matuwid na pamamaraan ni Jehova. Matapos tanungin ni Jehova, sumagot si Job: “Sa sabi-sabi ay nakarinig ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata.” (Job 42:5) Oo, naging totoong-totoo si Jehova para kay Job, na para bang nakikita niya mismo ang Diyos. Sinabi naman ng alagad na si Santiago: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Hayaan sana natin ang bawat bahagi ng Salita ng Diyos, pati na ang mga tanong dito, na tumulong sa atin na sumulong sa espirituwal at ‘makita’ si Jehova nang mas malinaw!
[Kahon sa pahina 14]
Paano makakatulong ang mga tanong na ito para matularan mo ang pangmalas ni Jehova?
▪ “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod sa tinig ni Jehova?”—1 Sam. 15:22.
▪ “Ang Isa na nag-aanyo ng mata, hindi ba siya makakakita?”—Awit 94:9.
▪ “Ang paghahanap ng mga tao ng sarili nilang kaluwalhatian, kaluwalhatian nga ba iyon?”—Kaw. 25:27.
▪ “Tama bang mag-init ka sa galit?”—Jon. 4:4.
▪ “Ano ang magiging pakinabang ng isang tao kung matamo niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang kaluluwa?”—Mat. 16:26.
▪ “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo?”—Roma 8:35.
▪ “Ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap?”—1 Cor. 4:7.
▪ “Anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?”—2 Cor. 6:14.
[Larawan sa pahina 15]
Ano ang natutuhan ni Job sa mga tanong ni Jehova?