Luwalhatiin ang Diyos sa Bawat Araw ng Iyong Buhay
Luwalhatiin ang Diyos sa Bawat Araw ng Iyong Buhay
“SA UMAGA ay iparinig mo sa akin ang iyong maibiging-kabaitan,” ang panalangin kay Jehova ng salmistang si David. “Ipaalam mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran.” (Awit 143:8) Gaya ka ba ni David? Kapag gumigising ka sa umaga at nagpapasalamat kay Jehova, hinihiling mo rin ba na tulungan kang makagawa ng tamang mga desisyon? Tiyak iyon.
Bilang mga nakaalay na lingkod ni Jehova, “[tayo] man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman,” sinisikap nating ‘gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ (1 Cor. 10:31) Alam natin na ang mga ginagawa natin sa araw-araw ay maaaring makapagparangal o makasirang-puri kay Jehova. Alam din natin na sinasabi sa Salita ng Diyos na inaakusahan ni Satanas ang mga kapatid ni Kristo—at, sa katunayan, ang lahat ng lingkod ng Diyos sa lupa—“araw at gabi.” (Apoc. 12:10) Kaya “araw at gabi” rin tayong nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa ating makalangit na Ama para masagot ang mga akusasyon ni Satanas at mapasaya ang puso ni Jehova.—Apoc. 7:15; Kaw. 27:11.
Talakayin natin sa maikli ang dalawang mahahalagang paraan para maluwalhati ang Diyos sa bawat araw ng ating buhay. Ang una ay ang pagtatakda ng tamang mga priyoridad. Ang ikalawa ay ang pagiging makonsiderasyon sa iba.
Tuparin ang Ating Pangako
Nang ialay natin ang ating buhay kay Jehova, inihayag natin ang ating taimtim na hangaring paglingkuran siya. Nangako rin tayong lalakad sa kaniyang mga daan “sa araw-araw”—oo, magpakailanman. (Awit 61:5, 8) Paano kaya natin matutupad ang pangakong ito? Paano natin maipakikita ang buong-pusong pag-ibig kay Jehova sa bawat araw?
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya ang mga responsibilidad na inaasahan sa atin ni Jehova. (Deut. 10:12, 13) Ang ilan ay nakatala sa kahong “Bigay-Diyos na mga Responsibilidad,” sa pahina 22. Palibhasa’y galing sa Diyos, mahalaga ang lahat ng ito. Pero kapag nagkasabay ang dalawa o higit pa sa mga ito, alin kaya ang uunahin natin?
Uunahin natin ang ating sagradong paglilingkod, gaya ng pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, mga pulong, at ministeryo. (Mat. 6:33; Juan 4:34; 1 Ped. 2:9) Pero hindi naman puwedeng ito na lang ang gagawin natin sa maghapon. Kailangan din nating maghanapbuhay, pumasok sa paaralan, at tapusin ang mga gawaing-bahay. Magkagayunman, tinitiyak nating hindi makakaabala ang mga ito sa ating sagradong paglilingkod, gaya ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Halimbawa, kapag nagpaplanong magbakasyon, hindi natin ito itinataon sa dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, araw ng pantanging asamblea, pansirkitong asamblea, o pandistritong kombensiyon. Kung minsan, puwede nating pagsabayin ang ilan sa ating mga responsibilidad. Halimbawa, puwede nating gawing proyekto ng pamilya ang paglilinis ng Kingdom Hall o samantalahin ang panahon ng pananghalian sa trabaho o sa paaralan para makapagpatotoo sa mga katrabaho o kaeskuwela. Oo, kapag nagpapasiya—may kinalaman sa trabaho, pag-aaral, o pagpili ng mga kaibigan—lagi nating isinasaalang-alang ang pinakamahalaga sa ating buhay—ang pagsamba kay Jehova, ang ating maibiging Ama.—Ecles. 12:13.
Maging Makonsiderasyon sa Iba
Gusto ni Jehova na magmalasakit tayo sa iba at gumawa ng mabuti sa kanila. Pero ang gusto naman ni Satanas ay maging makasarili tayo. Ang sanlibutan niya ay punô ng mga taong “maibigin sa kanilang sarili,” “maibigin sa mga kaluguran,” at ‘naghahasik may kinalaman sa laman.’ (2 Tim. 3:1-5; Gal. 6:8) Marami ang walang pakialam kung ano ang epekto sa iba ng ginagawa nila. “Ang mga gawa ng laman” ay laganap kahit saan.—Gal. 5:19-21.
Talagang ibang-iba ang paggawi ng mga tao na nakikitungo nang may pag-ibig, kabaitan, at kabutihan udyok ng banal na espiritu ni Jehova! (Gal. 5:22) Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na unahin ang pangangailangan ng iba bago ang sa atin. Kaya naman interesado tayo sa kapakanan ng isa’t isa, bagaman nag-iingat din tayong huwag panghimasukan ang personal na mga bagay. (1 Cor. 10:24, 33; Fil. 2:3, 4; 1 Ped. 4:15) Mapagmalasakit tayo lalo na sa ating mga kapuwa Saksi. Pero nagsisikap din naman tayong makatulong sa mga hindi natin kapananampalataya. (Gal. 6:10) May naiisip ka bang paraan para magpakita ng kabaitan sa iba sa araw na ito?—Tingnan ang kahong “Maging Makonsiderasyon sa Kanila,” sa pahina 23.
Ang pagpapakita ng konsiderasyon ay hindi Gal. 6:2; Efe. 5:2; 1 Tes. 4:9, 10) Sa halip, araw-araw tayong nagpapakita ng interes sa kalagayan ng iba anupat handang tumulong sa kanila, kahit na kung minsan ay mahirap ito para sa atin. Gusto nating maging bukas-palad sa anumang maibibigay natin—panahon, materyal na pag-aari, karanasan, at karunungan. Tinitiyak sa atin ni Jehova na kapag bukas-palad tayo sa iba, magiging bukas-palad din siya sa atin.—Kaw. 11:25; Luc. 6:38.
namimilì ng panahon o sitwasyon. (Sagradong Paglilingkod “Araw at Gabi”
Posible nga kayang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod kay Jehova “araw at gabi”? Oo, magagawa natin iyan kung magiging regular tayo at masipag sa lahat ng pitak ng ating pagsamba. (Gawa 20:31) Araw-araw tayong magbabasa at magbubulay-bulay ng Salita ng Diyos, walang-lubay na mananalangin, regular na dadalo sa mga pulong, at masikap na magpapatotoo.—Awit 1:2; Luc. 2:37; Gawa 4:20; 1 Tes. 3:10; 5:17.
Personal ba tayong nag-uukol ng gayong sagradong paglilingkod kay Jehova? Kung oo, makikita sa lahat ng pitak ng ating buhay na gusto nating mapaluguran si Jehova at masagot ang mga akusasyon ni Satanas. Sinisikap nating luwalhatiin si Jehova sa lahat ng ating ginagawa, anuman ang ating kalagayan. Hinahayaan nating gabayan tayo ng kaniyang mga simulain pagdating sa ating pananalita, paggawi, at paggawa ng mga desisyon. Lubos tayong nagtitiwala at naglilingkod sa kaniya sa abot ng ating makakaya para ipakita ang ating pagpapahalaga sa kaniyang maibiging pangangalaga at tulong. At kapag hindi tayo nakakaabot sa kaniyang mga pamantayan dahil sa ating di-kasakdalan, tinatanggap natin ang kaniyang payo at disiplina.—Awit 32:5; 119:97; Kaw. 3:25, 26; Col. 3:17; Heb. 6:11, 12.
Luwalhatiin natin ang Diyos sa bawat araw ng ating buhay. Sa paggawa nito, makasusumpong ng kaginhawahan ang ating kaluluwa at maibigin tayong pangangalagaan ng ating makalangit na Ama magpakailanman.—Mat. 11:29; Apoc. 7:16, 17.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 22]
Bigay-Diyos na mga Responsibilidad
• Palaging manalangin.—Roma 12:12.
• Basahin at pag-aralan ang Bibliya, at ikapit ito.—Awit 1:2; 1 Tim. 4:15.
• Sambahin si Jehova sa loob ng kongregasyon.—Awit 35:18; Heb. 10:24, 25.
• Paglaanan ang ating pamilya sa materyal, espirituwal, at emosyonal na paraan.—1 Tim. 5:8.
• Ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian, at gumawa ng mga alagad.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
• Pangalagaan ang ating pisikal, espirituwal, at emosyonal na kalusugan, kasama na rito ang pagkakaroon ng kapaki-pakinabang na mga libangan.—Mar. 6:31; 2 Cor. 7:1; 1 Tim. 4:8, 16.
• Asikasuhin ang mga responsibilidad sa kongregasyon.—Gawa 20:28; 1 Tim. 3:1.
• Pangalagaan ang inyong bahay at Kingdom Hall.—1 Cor. 10:32.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Maging Makonsiderasyon sa Kanila
• May-edad nang kapatid.—Lev. 19:32.
• May pisikal at emosyonal na karamdaman.—Kaw. 14:21.
• Kakongregasyon na may mahigpit na pangangailangan.—Roma 12:13.
• Kapamilya.—1 Tim. 5:4, 8.
• Kapananampalatayang namatayan ng asawa.—1 Tim. 5:9.
• Masipag na elder sa inyong kongregasyon.—1 Tes. 5:12, 13; 1 Tim. 5:17.