Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masayang Pagbibigay Mula sa Puso

Masayang Pagbibigay Mula sa Puso

Masayang Pagbibigay Mula sa Puso

SUMULAT si apostol Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso,” at idinagdag pa niya: “Hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Cor. 9:7) Hindi tayo pinipilit ni Jehova na suportahan ang dalisay na pagsamba. Gusto niya na ang kaniyang mga lingkod ay magbigay nang masaya at kusang-loob para maipakita ang kanilang debosyon sa kaniya. Tuwang-tuwa itong ginawa ng kaniyang mga lingkod noon. Tingnan natin ang tatlong halimbawa.

Matapos akayin ni Jehova ang mga Israelita palabas sa Ehipto, inutusan niya silang magtayo ng tabernakulo. Kailangan ng mga materyales kung kaya pinasigla ang mga Israelita na mag-abuloy. Bilang tugon, “ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso” ay nagdala ng ginto at pilak, alahas, at iba pa. Sobra-sobra ang ibinibigay ng bayan kung kaya pinatigil na sila sa pagdadala ng abuloy.​—Ex. 35:5, 21; 36:6, 7.

Pagkalipas ng ilang siglo, muling naipakita ng bayan ng Diyos ang kanilang pagsuporta sa dalisay na pagsamba nang itayo naman ang templo. Napakalaki ng naging abuloy ni Haring David sa proyektong ito at hinimok din niya ang iba na magbigay. May-pananabik naman silang nagbigay. Aba, ang mga abuloy na ginto at pilak pa lamang ay mahigit nang 100 bilyong dolyar sa halaga ngayon! Nagsaya ang bayan sa kanilang kusang-loob na paghahandog kay Jehova.​—1 Cro. 29:3-9; 2 Cro. 5:1.

Masaya ring nagbigay ang unang mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Noong Pentecostes 33 C.E., mga 3,000 ang nabautismuhan, at karamihan sa kanila ay hindi taga-Jerusalem. Para matuto nang higit tungkol sa kanilang bagong pananampalataya, kailangan nilang manatili pa sa lunsod. Pero dahil halos wala nang panggastos ang iba, nagkaroon ng pansamantalang pangongolekta ng salapi para maitulong sa kanila. Nagbenta ang mga kapatid ng kanilang mga ari-arian at dinala ang pera sa mga apostol para itulong sa mga nangangailangan. Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova sa ipinakita nilang pananampalataya at pag-ibig!​—Gawa 2:41-47.

Sa ngayon, patuloy na sinusuportahan ng mga Kristiyano ang dalisay na pagsamba. Bukas-palad at masaya silang nagbibigay ng kanilang panahon, lakas, at salapi. Ipinakikita sa kalakip na kahon kung paano ito puwedeng gawin.

[Kahon sa pahina 18, 19]

KUNG PAANO NAGBIBIGAY NG DONASYON ANG IBA

MGA KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagbubukod ng halagang inihuhulog nila sa mga kahon ng kontribusyon na may markang “Pambuong-Daigdig na Gawain.”

Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga pondong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kani-kanilang bansa. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ding tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa. (Ang kusang-loob na mga donasyon na binanggit sa ibaba ay maaari ding ipadala sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.) Ang mga tseke na ipadadala sa nabanggit na adres ay dapat ipangalan sa “Watch Tower Society.” Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ding iabuloy. Dapat ilakip sa mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

CONDITIONAL-DONATION TRUST ARRANGEMENT

Ang salapi ay maaaring ilagak sa Watch Tower Society para magamit sa pambuong-daigdig na gawain. Pero kung hilingin ng nag-abuloy ang salapi, ito ay maibabalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa Treasurer’s Office sa nabanggit na adres.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod sa tuwirang mga kaloob na salapi, may iba pang mga paraan ng pagbibigay para masuportahan ang gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Insurance: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy o ng isang retirement/pension plan.

Deposito sa Bangko: Depende sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar, ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na mga deposito sa pagreretiro ng isa ay maaaring ipangalan o ibigay sa Watch Tower Society kapag namatay siya.

Stock at Bond: Ang mga stock at bond ay maaaring i-donate sa Watch Tower Society bilang tuwirang kaloob o maaaring ipangalan sa Watch Tower Society bilang Transfer on Death na benepisyaryo.

Lupa’t Bahay: Ang lupa’t bahay na madaling ibenta ay maaaring ibigay na donasyon sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob. Puwede pa ring manirahan doon ang nagkaloob habang siya’y nabubuhay. Makipag-ugnayan muna sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang titulo ng anumang lupa’t bahay.

Gift Annuity: Ang mga stock, bond, o salapi ay maaaring ilipat sa isang itinalagang korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Kapalit nito, ang nagkaloob, o ang isa na itinalaga ng nagkaloob, ay tatanggap ng espesipikong annuity payment bawat taon habang siya’y nabubuhay. Ang nagkaloob ay makakakuha ng diskuwento sa buwis sa taon kung kailan naayos ang gift annuity.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang legal na testamento, o kaya’y puwedeng gawing benepisyaryo ang Watch Tower Society sa isang trust agreement. Maaaring mabawasan ang ilang bayarin sa buwis kapag ang trust ay napapakinabangan ng isang relihiyosong organisasyon.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkakaloob. Para matulungan ang mga gustong sumuporta sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isa sa mga plano sa pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob, ito man ay ibibigay na ngayon o ipamamana kapag namatay ang nagbigay ng donasyon. Matapos mabasa ang brosyur at konsultahin ang kani-kanilang abogado o tagapayo sa buwis, marami ang nakatulong sa pagsuporta sa ating pagkakawanggawa at relihiyosong mga gawain sa buong daigdig at nakakuha rin sila ng malaking diskuwento sa buwis. Makakakuha ng brosyur na ito sa Charitable Planning Office.

Para sa higit pang impormasyon, maaari kang tumawag o sumulat sa Charitable Planning Office, na ang adres ay nakatala sa ibaba. Maaari ka ring makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa inyong bansa.

Charitable Planning Office

Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc.

186 Roosevelt Avenue

San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: (02) 411-6090