Nakahihigit ang Edukasyong Mula sa Diyos
Nakahihigit ang Edukasyong Mula sa Diyos
“Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.”—FIL. 3:8.
1, 2. Ano ang ipinasiya ng ilang Kristiyano, at bakit?
BATA pa lang si Robert, lagi na siyang nangunguna sa klase. Noong siya’y walong taóng gulang, dumalaw sa bahay nila ang isa sa kaniyang mga guro at sinabing malayo ang kaniyang mararating. Sinabi pa nito na balang-araw ay magiging mahusay siyang doktor. Dahil matataas ang kaniyang grado noong siya’y nasa haiskul, naging kuwalipikado siyang pumasok sa pinakamahuhusay na unibersidad sa kanilang bansa. Pero sa halip na samantalahin ang itinuturing ng marami na pambihirang pagkakataon para magtagumpay, sinikap niyang abutin ang kaniyang tunguhing mag-regular pioneer.
2 Gaya ni Robert, maraming Kristiyano—bata’t matanda—ang may mga pagkakataong magtagumpay sa sistemang ito ng mga bagay. Hindi sinasamantala ng ilan ang mga pagkakataong ito. Sa halip, sinisikap nilang maabot ang kanilang espirituwal na mga tunguhin. (1 Cor. 7:29-31) Ano ang nagpakilos sa mga Kristiyanong gaya ni Robert na magsakripisyo para sa pangangaral? Ang pangunahing dahilan ay mahal nila si Jehova. Bukod diyan, alam nilang nakahihigit ang edukasyong mula sa Diyos. Napag-isip-isip mo na ba kung ano ang naging buhay mo kung hindi mo nalaman ang katotohanan? Ang pagbubulay-bulay sa mga pagpapalang tinatamasa ng mga tinuruan ni Jehova ay makatutulong sa atin na patuloy na pahalagahan ang mabuting balita at maging masigasig sa pangangaral nito sa iba.
Pribilehiyong Maturuan ng Diyos
3. Bakit natin matitiyak na handang turuan ni Jehova ang di-sakdal na mga tao?
3 Dahil napakabait ni Jehova, handa niyang turuan ang di-sakdal na mga tao. Ganito ang inihula sa Isaias 54:13 tungkol sa mga pinahirang Kristiyano: “Ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.” Kapit din ang simulaing ito sa “ibang mga tupa” ni Kristo. (Juan 10:16) Malinaw itong makikita sa hulang natutupad sa panahon natin. Nakita ni Isaias sa pangitain ang mga taong nagmula sa lahat ng bansa na humuhugos sa tunay na pagsamba. Sa pangitain ding iyon, nakita niyang sinasabi nila sa isa’t isa: “Umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.” (Isa. 2:1-3) Kaylaki ngang pribilehiyo na maturuan ng Diyos!
4. Ano ang hinihiling ni Jehova sa mga tinuturuan niya?
4 Ano ang dapat nating gawin upang maturuan ni Jehova? Isa sa mga pangunahing kahilingan ang pagiging maamo at handang matuto. Ganito ang isinulat ng salmistang si David: “Mabuti at matuwid si Jehova. . . . Ituturo niya sa maaamo ang kaniyang daan.” (Awit 25:8, 9) Sinabi naman ni Jesus: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat maingat mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Luc. 10:21) Tiyak na mapapalapit ka sa Diyos na ‘nagbibigay ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.’—1 Ped. 5:5.
5. Paano natin natutuhan ang kaalaman tungkol sa Diyos?
5 Natutuhan ba natin ang katotohanan dahil sa sarili nating karunungan? Hindi. Sa katunayan, ganito ang sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Sa pamamagitan ng pangangaral at ng banal na espiritu, inaakay ni Jehova kay Jesus ang mga tulad-tupang indibiduwal, “ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.” (Hag. 2:7) Hindi ka ba nagpapasalamat na isa ka sa mga inakay ni Jehova sa kaniyang Anak?—Basahin ang Jeremias 9:23, 24.
Nababago ng Edukasyong Mula sa Diyos ang Buhay ng mga Tao
6. Anong kapansin-pansing epekto ang makikita sa mga taong natuto ng “kaalaman kay Jehova”?
6 Sa kaniyang hula, inilarawan ni Isaias ang pagbabagong-buhay ng mga tao sa ating panahon. Naging mapayapa ang dating mararahas na tao. (Basahin ang Isaias 11:6-9.) Ang mga dating magkaaway dahil sa lahi, nasyonalidad, tribo, o kultura ay nagkaisa. Sa makasagisag na paraan, ‘pinukpok nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Isa. 2:4) Bakit sila nagbago? Dahil natutuhan nila ang “kaalaman kay Jehova” at ikinapit ito sa kanilang buhay. Bagaman di-sakdal at nagmula sa iba’t ibang bansa, itinuturing ng mga lingkod ng Diyos ang isa’t isa bilang magkakapatid. Ang positibong pagtugon ng mga tao sa mabuting balita, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, at ang magandang resulta nito sa kanilang buhay ay mga patotoo na nakahihigit ang edukasyong mula sa Diyos.—Mat. 11:19.
7, 8. (a) Anong “mga bagay na matibay ang pagkakatatag” ang ‘naitiwarik’ ng mga tao dahil sa edukasyong mula sa Diyos? (b) Ano ang nagpapakitang nagdudulot ng kapurihan kay Jehova ang edukasyong ito?
7 Itinulad ni apostol Pablo sa espirituwal na digmaan ang pagpapatotoo ng mga lingkod ng Diyos. Isinulat niya: “Ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos para sa pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag. Sapagkat itinitiwarik namin ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ibinangon laban sa kaalaman sa Diyos.” (2 Cor. 10:4, 5) Ano ang ilan sa “mga bagay na matibay ang pagkakatatag” kung saan napalalaya ng edukasyong mula sa Diyos ang mga tao? Ang ilan sa mga ito ay huwad na mga turo, pamahiin, at pilosopiya ng tao. (Col. 2:8) Natutulungan ng edukasyong mula sa Diyos ang mga tao na mapagtagumpayan ang masasamang gawain at malinang ang makadiyos na mga katangian. (1 Cor. 6:9-11) Dahil din sa edukasyong ito, gumaganda ang pagsasama ng mga pamilya at nagiging makabuluhan ang buhay ng marami. Ito ang edukasyong kailangan ng mga tao sa ngayon.
8 Ang pagiging tapat ay isa sa mga katangiang itinuturo ni Jehova sa mga tao. (Heb. 13:18) Halimbawa, isang babae sa India ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya at nang maglaon ay naging di-bautisadong mamamahayag. Minsan, nang pauwi na siya galing sa kaniyang pagboboluntaryo sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall, nakapulot siya ng gintong alahas malapit sa isang istasyon ng bus. Ang halaga ng alahas ay walong daang dolyar (U.S.). Bagaman mahirap lamang siya, dinala niya ang alahas sa istasyon ng pulis upang maisauli ito sa may-ari. Hindi makapaniwala ang pulis na nakausap niya! Isa pang pulis ang nagtanong sa kaniya, “Bakit mo gustong isauli ang alahas?” Ipinaliwanag niya, “Nagbagong-buhay ako nang mag-aral ako ng Bibliya kaya gusto kong maging tapat.” Palibhasa’y humanga, sinabi ng pulis sa Kristiyanong elder na kasama ng babae: “May mahigit 38 milyon katao sa estadong ito. Kung matutulungan ninyo ang sampung tao na maging katulad ng babaing ito, napakalaking tulong nito.” Kapag isinaalang-alang natin ang milyun-milyong buhay na binago ng edukasyong mula sa Diyos, hindi ba napakikilos tayong purihin si Jehova?
9. Ano ang nakatulong sa mga tao na magbagong-buhay?
9 Dahil sa Salita ng Diyos at sa tulong ng banal Roma 12:2; Gal. 5:22, 23) Sinasabi sa Colosas 3:10: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” Naisisiwalat ng mensaheng masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang tunay na pagkatao ng isa, at kaya nitong baguhin ang kaniyang pag-iisip at pananaw. (Basahin ang Hebreo 4:12.) Kapag natutuhan ng isang tao ang tumpak na kaalaman sa Kasulatan at iniayon ang kaniyang buhay sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova, maaari siyang maging kaibigan ng Diyos at mabuhay magpakailanman.
na espiritu ni Jehova, nagagawa ng mga tao na magbagong-buhay. (Inihahanda Tayo ni Jehova sa Mangyayari sa Hinaharap
10. (a) Bakit si Jehova lamang ang makatutulong sa atin na paghandaan ang mangyayari sa hinaharap? (b) Anong malaking pagbabago ang malapit nang maganap sa lupa?
10 Dahil alam ni Jehova kung ano ang mangyayari sa hinaharap, siya lamang ang makatutulong sa atin na paghandaan ito. Batid niya ang kinabukasan ng sangkatauhan. (Isa. 46:9, 10) Sinasabi ng Bibliya na “ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na.” (Zef. 1:14) Ganito ang sinasabi sa Kawikaan 11:4 tungkol sa araw na iyon: “Ang mahahalagang pag-aari ay hindi mapakikinabangan sa araw ng poot, ngunit katuwiran ang magliligtas mula sa kamatayan.” Kapag ilalapat na ni Jehova ang hatol niya sa sanlibutan ni Satanas, ang mahalaga ay ang katayuan natin sa Diyos. Mawawalan ng halaga ang pera. Sa katunayan, sinasabi ng Ezekiel 7:19: “Sa mga lansangan ay itatapon nila ang kanilang pilak, at magiging nakamumuhing bagay ang kanilang ginto.” Ang pagkaalam nito ay makatutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya sa ngayon.
11. Upang makapaghanda sa hinaharap, ano ang isa pang tulong ng edukasyong mula sa Diyos?
11 Upang maihanda tayo sa dumarating na araw ni Jehova, tinuturuan din niya tayong unahin ang mga bagay na mas mahalaga. Sumulat si apostol Pablo kay Timoteo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos.” Kahit na hindi tayo mayaman, maaari tayong makinabang sa payong ito mula kay Jehova. Paano? Sa halip na mag-imbak ng kayamanan, dapat tayong “gumawa ng mabuti” at “maging mayaman sa maiinam na gawa.” Kung uunahin natin sa ating buhay ang espirituwal na mga bagay, ‘nag-iimbak tayo para sa ating sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap.’ (1 Tim. 6:17-19) Isang katalinuhan ang gayong pagsasakripisyo yamang sinabi ni Jesus, “ano ang magiging pakinabang ng isang tao kung matamo niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang kaluluwa?” (Mat. 16:26, 27) Dahil napakalapit na ng araw ni Jehova, makabubuting pag-isipan natin: ‘Saan ba ako nag-iimbak ng kayamanan? Kanino ba ako nagpapaalipin, sa Diyos o sa Kayamanan?’—Mat. 6:19, 20, 24.
12. Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob kapag hinahamak ng iba ang ating ministeryo?
12 Para sa mga Kristiyano, ang pinakamahalaga sa “maiinam na gawa” na binanggit sa Salita ng Diyos ay ang nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Gaya ng nangyari noong unang siglo, maaaring hamakin ng iba ang ating ministeryo. (Basahin ang 1 Corinto 1:18-21.) Pero sa kabila nito, hindi nawawalan ng halaga ang ating mensahe at ang pagkakataong ibinibigay natin sa mga tao na manampalataya rito habang may panahon pa. (Roma 10:13, 14) Makatitiyak tayo sa saganang pagpapala ni Jehova habang tinutulungan natin ang iba na makinabang sa edukasyong mula sa Diyos.
Pinagpapala ni Jehova ang Kanilang Pagsasakripisyo
13. Ano ang isinakripisyo ni apostol Pablo alang-alang sa mabuting balita?
13 Bago naging Kristiyano si Pablo, sinasanay na siya para maging matagumpay sa Judiong sistema ng mga bagay. Noong mga 13 taóng gulang siya, lumipat siya mula sa kaniyang bayan na Tarso tungo sa Jerusalem upang maturuan ni Gamaliel, isang iginagalang na guro ng Kautusan. (Gawa 22:3) Nang maglaon, naging mas mahusay si Pablo sa kaniyang mga kasabayan. Kung nagpatuloy siya rito, malamang na naging prominenteng miyembro siya ng Judaismo. (Gal. 1:13, 14) Nang tanggapin niya ang mabuting balita at ang atas na mangaral, iniwan niya ang lahat ng iyon. Pinagsisihan ba ni Pablo ang naging pasiya niya? Hindi. Sa katunayan, sumulat siya: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon.”—Fil. 3:8.
14, 15. Anu-anong pagpapala ang nararanasan natin bilang “mga kamanggagawa ng Diyos”?
14 Gaya ni Pablo, ang mga Kristiyano sa ngayon ay nagsasakripisyo alang-alang sa mabuting balita. (Mar. 10:29, 30) Napagkakaitan ba tayo ng anuman dahil dito? Nadarama ng marami ang nadama ni Robert, na binanggit sa pasimula. Sinabi niya: “Wala akong pinagsisisihan. Nagdulot sa akin ng kagalakan ang buong-panahong ministeryo, at dahil dito, ‘natikman ko at nakitang si Jehova ay mabuti.’ Kapag nagsasakripisyo ako ng materyal na mga bagay alang-alang sa espirituwal na mga tunguhin, laging ibinabalik ni Jehova ang higit sa aking isinakripisyo. Para bang hindi ako nagsakripisyo. Palagi akong pinagpapala!”—Awit 34:8; Kaw. 10:22.
Gawa 16:14) Nadama mo ba ang tulong ni Jehova para mapagtagumpayan mo ang mga hadlang at mapalawak ang iyong ministeryo? Nadama mo ba ang pagtulong niya nang manghina ka dahil sa iyong mga problema anupat patuloy kang nakapaglilingkod sa kaniya? (Fil. 4:13) Kapag personal nating nararanasan ang tulong ni Jehova sa ating ministeryo, lalo siyang nagiging totoo sa atin at lalo tayong napapalapít sa kaniya. (Isa. 41:10) Hindi ba isang pagpapala ang maging isa sa “mga kamanggagawa ng Diyos” sa malawakang gawain ng pagtuturo sa iba ng tungkol sa kaniya?—1 Cor. 3:9.
15 Kung matagal-tagal ka nang nakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo, tiyak na nagkaroon ka na ng mga pagkakataong matikman at makitang si Jehova ay mabuti. May mga panahon bang nadama mong tinulungan ka ng kaniyang espiritu habang ipinangangaral mo ang mabuting balita? Nakita mo bang natuwa ang iba nang buksan ni Jehova ang kanilang puso upang magbigay-pansin sa dala mong mensahe? (16. Ano ang nadarama mo sa iyong pagsisikap at pagsasakripisyo alang-alang sa edukasyong mula sa Diyos?
16 Maraming tao ang naghahangad na may magawa silang bagay na tunay na makabuluhan at nagtatagal. Pero nakikita natin na sa sanlibutang ito, madalas na nalilimutan maging ang pambihirang mga bagay na nagawa ng tao. Sa kabilang dako, ang mga ginagawa ngayon ni Jehova may kaugnayan sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan ay tiyak na hindi kailanman malilimutan sa kasaysayan ng bayan ng Diyos. (Kaw. 10:7; Heb. 6:10) Pahalagahan nawa natin ang ating natatanging pribilehiyo na ibahagi sa iba ang edukasyong mula sa Diyos.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang hinihiling ni Jehova sa mga tinuturuan niya?
• Paano nababago ng edukasyong mula sa Diyos ang buhay ng mga tao?
• Anu-anong pagpapala ang nakakamit natin sa pagtulong sa iba na makinabang sa edukasyong mula sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Itinuturing ng mga naturuan ni Jehova mula sa iba’t ibang bansa ang isa’t isa bilang magkakapatid
[Larawan sa pahina 24]
Hindi ba isang pagpapala ang maging isa sa “mga kamanggagawa ng Diyos”?