Iwasan ang mga Panggambala sa ‘Araw na Ito ng Mabuting Balita’
Iwasan ang mga Panggambala sa ‘Araw na Ito ng Mabuting Balita’
PINAG-IISIPAN ng apat na ketongin ang kanilang gagawin. Walang naglilimos sa kanila sa pintuang daan ng lunsod. Kinubkob ng mga Siryano ang Samaria at hinadlangang makapagpasok ng pagkain sa lunsod. May pagkain man sa lunsod, napakamahal naman nito. Iniulat na may nangyari nang kanibalismo roon.—2 Hari 6:24-29.
‘Bakit hindi na lang tayo magpunta sa kampo ng mga Siryano?,’ inisip ng mga ketongin. ‘Wala namang mawawala sa atin.’ Kaya nang gumabi na, nagpunta sila sa kampo. Tahimik at walang mga bantay. Nakatali ang mga kabayo at asno, pero walang mga sundalo. Sumilip sila sa isang tolda. Walang tao roon, pero napakaraming pagkain at inumin. Kumain at uminom sila. Nakakita rin ang mga ketongin ng ginto, pilak, damit, at iba pang mahahalagang bagay. Kinuha nila ang gusto nila, itinago ang mga ito, at nagbalik sa kampo upang kumuha pa. Sa pamamagitan ng himala, pinarinig ni Jehova sa mga Siryano ang ingay ng hukbong militar. Inakala ng mga Siryano na sila’y sinasalakay kung kaya’t nagtakbuhan sila. Inabandona nila ang buong kampo!
Kinuha ng mga ketongin ang mahahalagang bagay. Pero nang maalaala nila na nagugutom ang Samaria, nakonsiyensiya sila. Sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay isang araw ng mabuting balita!” Nagmadaling bumalik sa Samaria ang mga ketongin at ibinalita ang kanilang natuklasan.—2 Hari 7:1-11.
Sa ngayon, nabubuhay tayo sa masasabing “araw ng mabuting balita.” Hinggil sa isang mahalagang bahagi ng “tanda . . . ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mat. 24:3, 14) Paano ito dapat makaapekto sa atin?
Maaari Tayong Mapabigatan ng mga Alalahanin sa Buhay
Palibhasa’y tuwang-tuwa sa kanilang natuklasan, pansamantalang nalimutan ng mga ketongin ang Samaria. Naituon nila ang kanilang pansin sa kung ano ang makukuha nila. Maaari din ba itong mangyari sa atin? Ang “kakapusan sa pagkain” ay bahagi ng tanda ng katapusan ng sistema ng mga bagay. (Luc. 21:7, 11) Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay.” (Luc. 21:34) Bilang mga Kristiyano, hindi natin dapat hayaan ang mga alalahanin sa buhay na maging dahilan upang malimutan natin na nabubuhay tayo sa “araw ng mabuting balita.”
Hindi hinayaan ni Blessing na mapabigatan siya ng mga alalahanin sa buhay. Nagpayunir siya, nakapag-aral, nakapag-asawa ng isang Bethelite, at naging miyembro ng pamilyang Bethel sa Benin. Sinabi niya: “Isa akong housekeeper, at gustung-gusto ko ang aking trabaho.” Si Blessing ay 12 taon nang naglilingkod nang buong panahon. Maligaya siya na itinuon niya ang kaniyang pansin sa “araw ng mabuting balita” na kinabubuhayan natin ngayon.
Iwasan ang mga Panggambalang Nakauubos ng Panahon
Nang isugo ni Jesus ang 70 alagad, sinabi niya: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Luc. 10:2) Kapag ipinagpaliban ang pag-aani, maaaring masira ang mga aanihin. Sa katulad na paraan, kapag ipinagpaliban ang pangangaral, maaaring mangahulugan ito ng kamatayan ng maraming tao. Kaya sinabi pa ni Jesus: “Huwag yakapin sa daan ang sinuman bilang pagbati.” (Luc. 10:4) Ayon sa orihinal na wika, ang salitang “pagbati” ay maaaring higit pa sa pagsasabing “hello” o “magandang araw.” Maaaring kasama rito ang pagyakap at mahabang kuwentuhan kapag nagkasalubong ang magkaibigan. Kaya tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na iwasan ang mga panggambala na makauubos ng kanilang oras. Apurahan ang kanilang pangangaral.
Isipin ang oras na mauubos ng mga panggambala. Sa loob ng maraming taon, ang telebisyon ang pangunahin nang nakauubos ng panahon sa maraming lugar. Kumusta naman ang mga cellphone at computer? Ayon sa isang surbey sa 1,000 adulto sa Britanya, “ang karaniwang Britano ay gumugugol araw-araw ng 88 minuto sa telepono, 62 minuto sa cellphone, 53 minuto sa pag-i-e-mail at 22 minuto sa pagte-text.” Kapag pinagsama-sama ang mga ito, mahigit pa ito sa oras na ginugugol ng isang auxiliary pioneer sa loob ng dalawang araw! Kaya kumusta ang panahong ginugugol mo sa telepono, pag-i-e-mail, at pagte-text?
Sina Ernst at Hildegard Seliger ay maingat sa paggamit ng kanilang panahon. Sa kabuuan, gumugol sila ng mahigit 40 taon sa mga kampong piitan ng mga Nazi at sa mga bilangguan ng mga Komunista. Nang sila’y makalaya, naglingkod sila bilang payunir hanggang sa matapos nila ang kanilang makalupang landasin.
Marami ang sumusulat sa mag-asawang Seliger. Maaari sana nilang gugulin ang kanilang panahon sa pagbabasa at pagsulat ng mga liham. Pero ang espirituwal na mga bagay ang pangunahin sa kanilang buhay.
Siyempre, wala namang masama na makipag-ugnayan sa ating mga mahal sa buhay. Kapaki-pakinabang din naman ang mga bagay na kinawiwilihan nating gawin gaya nito. Gayunpaman, isang katalinuhan na maging maingat sa mga panggambalang makauubos ng panahon sa araw na ito ng pangangaral ng mabuting balita.
Lubusang Ipangaral ang Mabuting Balita
Isang pagpapala ang mabuhay sa “araw ng mabuting balita.” Huwag nawang malihis ang ating pansin gaya ng nangyari sa apat na ketongin sa simula. Tandaan na nasabi nila nang dakong huli: “Hindi tama ang ginagawa natin.” Sa katulad na paraan, hindi tama na hayaan natin ang personal na mga bagay o mga panggambalang nakauubos ng panahon na humadlang sa atin upang lubusang makibahagi sa ministeryo.
Sa bagay na ito, mainam na halimbawa si apostol Pablo. Ganito ang isinulat niya nang alalahanin niya ang unang 20 taon ng kaniyang ministeryo: “Lubusan kong naipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Roma 15:19) Hindi hinayaan ni Pablo ang anumang bagay na maging dahilan upang mabawasan ang kaniyang sigasig sa ministeryo. Tularan nawa natin ang kaniyang sigasig sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa ‘araw na ito ng mabuting balita.’
[Larawan sa pahina 28]
Hindi hinayaan ni Blessing na magambala siya sa kaniyang buong-panahong paglilingkod
[Larawan sa pahina 29]
Maingat na ginamit ng mag-asawang Seliger ang kanilang panahon