Kung Paano Magiging Maligaya Kahit Walang Asawa
Kung Paano Magiging Maligaya Kahit Walang Asawa
“AT SILA’Y ikinasal at naging maligaya habang buhay.” Ganiyan nagtatapos ang maraming kuwentong pambata. Madalas na ganiyan din nagtatapos ang mga pelikula at nobela na tungkol sa pag-ibig. Bukod diyan, bahagi ng maraming kultura ang pambubuyo na mag-asawa na ang mga nasa edad 18 hanggang 25. “Sinasabi ng mga tao na para bang walang kabuluhan ang buhay ng isang babae kung hindi siya mag-aasawa,” ang sabi ni Debby na mga 25 taóng gulang. “Waring sinasabi nila na sasaya lamang ang buhay mo kapag nag-asawa ka.”
Pero hindi ganiyan ang pananaw ng isang taong may kabatiran sa pangmalas ni Jehova tungkol sa pag-aasawa. Bagaman karaniwan sa mga Israelita ang pag-aasawa, bumabanggit ang Bibliya ng mga binata’t dalaga na naging maligaya sa buhay. Sa ngayon, pinipili rin ng ilang Kristiyano na manatiling walang asawa. Ang iba naman ay hindi nag-aasawa dahil wala sila sa kalagayang makapag-asawa. Anuman ang dahilan, mahalagang itanong: Paano magiging maligaya ang isang Kristiyano kahit wala siyang asawa?
Si Jesus mismo ay hindi nag-asawa dahil na rin sa atas na tinanggap niya mula sa kaniyang Ama. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na ilan sa kaniyang mga tagasunod ay ‘maglalaan din ng dako,’ o magpasiya, na hindi mag-asawa. (Mat. 19:10-12) Sa gayon, ipinahiwatig ni Jesus na ang paglalaan ng dako sa pagiging walang asawa ay dapat nasa puso’t isip ng isa para manatili siyang maligaya.
Kapit lang ba ang payo ni Jesus sa mga nananatiling walang asawa dahil gusto nilang ituon ang kanilang pansin sa kanilang teokratikong atas? (1 Cor. 7:34, 35) Hindi naman. Isaalang-alang din ang kalagayan ng isang Kristiyano na gusto namang mag-asawa pero wala pang makita na tamang mapapangasawa. “Kamakailan, di ko inaasahan na aalukin ako ng kasal ng isa kong katrabaho,” ang sabi ni Ana, isang sister na mahigit 30 taóng gulang na. “Medyo natuwa ako, pero pinigilan ko agad ang aking damdamin dahil ang gusto kong mapangasawa ay isang lalaki na lalong maglalapít sa akin kay Jehova.”
Ang pagnanais na mag-asawa “sa Panginoon” ay tumutulong sa maraming sister, tulad ni Ana, na hindi mag-asawa ng di-kapananampalataya. * (1 Cor. 7:39; 2 Cor. 6:14) Dahil gusto nilang sundin ang utos ng Diyos, nagpasiya silang manatiling walang asawa hanggang sa makakita sila ng mapapangasawa. Paano nila ito magagawa nang matagumpay?
Maging Positibo
Ang ating saloobin ay makatutulong sa atin na tanggapin ang ating kalagayan kahit na hindi natin ito gusto. “Nasisiyahan ako sa kung ano ang mayroon ako, at hindi ko pinapangarap ang mga bagay na wala naman ako,” ang sabi ng dalagang mahigit 40 taóng gulang na si Carmen. Sabihin pa, may mga panahong nakadarama tayo ng lungkot. Pero kapag naiisip nating 1 Ped. 5:9, 10.
ganito rin ang nadarama ng maraming kapatid sa buong daigdig, tutulong ito sa atin na magpatuloy pa rin sa ating gawain nang may pagtitiwala. Tinulungan ni Jehova na maging matagumpay ang maraming walang asawa na harapin ang mga hamon sa kanilang buhay.—Natuklasan ng maraming Kristiyano ang bentaha ng pagiging walang asawa. “Sa tingin ko ang sekreto sa kaligayahan ay ang pagiging positibo anuman ang situwasyon ng isa,” ang sabi ng dalagang si Ester na mga 35 taóng gulang. “Naniniwala ako na kung uunahin ko ang Kaharian, hindi ako pagkakaitan ni Jehova ng anumang mabuti, may asawa man ako o wala,” ang dagdag ni Carmen. (Awit 84:11) “Maaaring hindi ito ang pinangarap kong buhay pero masaya ako at lagi akong magiging masaya.”
Mga Halimbawa sa Bibliya ng mga Walang Asawa
Wala sa plano ng anak ni Jepte na manatiling walang asawa. Pero dahil sa panata ng kaniyang ama, naglingkod siya sa santuwaryo sa buong buhay niya. Tiyak na nabago ang kaniyang mga plano sa buhay dahil sa di-inaasahang atas na ito. Hindi na siya magkakaroon ng asawa at mga anak. Dahil dito, nagdalamhati siya nang dalawang buwan. Gayunman, tinanggap niya ang kaniyang kalagayan at masayang naglingkod sa santuwaryo sa buong buhay niya. Taun-taon siyang pinapupurihan ng ibang mga babaing Israelita dahil sa kaniyang sakripisyo.—Huk. 11:36-40.
Maaaring hindi masaya sa kanilang kalagayan ang ilang literal na bating noong panahon ni Isaias. Hindi sinasabi ng Bibliya kung bakit sila naging bating. Pero dahil dito, hindi sila maaaring maging ganap na miyembro ng kongregasyon ng Israel, ni maaari man silang mag-asawa o magkaanak. (Deut. 23:1) Gayunman, naunawaan ni Jehova ang kanilang damdamin, at pinahalagahan niya ang kanilang buong-pusong pagsunod sa kaniyang tipan. Sinabi niya na magkakaroon sila ng “isang bantayog” at “isang pangalan hanggang sa panahong walang takda” sa kaniyang bahay. Sa ibang salita, tiyak na magtatamasa ng buhay na walang hanggan ang mga tapat na bating sa ilalim ng Mesiyanikong pamamahala ni Jesus. Hinding-hindi sila malilimutan ni Jehova.—Isa. 56:3-5.
Ibang-iba naman ang naging kaso ni Jeremias. Pagkatapos atasan si Jeremias na maging propeta, tinagubilinan siya ng Diyos na huwag mag-asawa dahil sa mapanganib na panahong kinabubuhayan niya at sa uri ng kaniyang atas. “Huwag kang kukuha sa ganang iyo ng asawa, at huwag kang magkaroon ng mga anak na lalaki at mga anak na babae sa dakong ito,” ang sabi ni Jehova. (Jer. 16:1-4) Hindi sinasabi sa Bibliya kung ano ang naging damdamin ni Jeremias sa tagubiling ito. Pero nakatitiyak tayo na nalulugod siya sa salita ni Jehova. (Jer. 15:16) Tiyak na nakita ni Jeremias nang maglaon ang karunungan sa pagsunod sa utos ni Jehova na huwag mag-asawa nang maranasan niya ang kakila-kilabot na pagkubkob sa Jerusalem sa loob ng 18 buwan.—Panag. 4:4, 10.
Kung Paano Magiging Masaya ang Iyong Buhay
Ang mga binanggit na tauhan sa Bibliya ay mga walang asawa pero nasiyahan sa suportang ibinigay ni Jehova. Ginugol nila ang kanilang buhay sa paglilingkod sa kaniya. Gayundin sa ngayon, magiging masaya tayo kung makabuluhan ang ating ginagawa. Inihula ng Bibliya na magiging malaking hukbo ang mga babaing nangangaral ng mabuting balita. (Awit 68:11) Kabilang sa libu-libong ito ang mga sister na walang asawa. Dahil sa sigasig nila sa ministeryo, marami sa kanila ang pinagpala ng espirituwal na mga anak.—Mar. 10:29, 30; 1 Tes. 2:7, 8.
“Nagkaroon ng direksiyon ang buhay ko dahil sa pagpapayunir,” ang sabi ni Loli makalipas ang 14 na taon sa ganitong gawain. “Kahit wala akong asawa, abalang-abala ako kaya hindi ako nalulungkot. Nasisiyahan ako bawat araw dahil nakikita kong nakatutulong talaga ang aking ministeryo sa mga tao. Ito ang nagpapasaya sa akin.”
Maraming sister ang natuto ng ibang wika, at pinalawak ang kanilang ministeryo sa pangangaral sa mga dayuhan. “Libu-libo ang dayuhan sa aming siyudad,” ang sabi ni Ana na binanggit na. Masaya siyang nangangaral sa mga taong nagsasalita ng Pranses. “Nagkaroon ako ng bagong teritoryo at naging kasiya-siya ang aking pangangaral nang matuto ako ng bagong wika.”
Yamang kadalasan nang mas kaunti ang obligasyon sa pamilya ng mga walang asawa, sinasamantala ng ilan ang kanilang kalagayan para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. “Talagang naniniwala ako na habang mas marami kang ginagawa para paglingkuran si Jehova, mas madali kang magkaroon ng kaibigan at mas minamahal ka,” ang sabi ng dalagang si Lidiana na mga 35 taóng gulang na at naglingkod sa mga lugar na mas malaki ang pangangailangan. “Nagkaroon ako ng maraming matalik na kaibigan mula sa iba’t ibang bansa, at naging masaya ang buhay ko dahil sa kanila.”
Binanggit ng Bibliya si Felipe na ebanghelisador na mayroong apat na dalagang anak na nanghuhula. (Gawa 21:8, 9) Malamang na masigasig din sila tulad ng kanilang ama. Kung gayon, tiyak na ginamit nila ang kanilang kaloob na panghuhula para sa kapakanan ng kanilang mga kapuwa Kristiyano sa Cesarea. (1 Cor. 14:1, 3) Sa ngayon, napapatibay rin ng maraming sister na walang asawa ang iba sa kongregasyon dahil sa kanilang regular na pagdalo at pagkokomento sa mga Kristiyanong pagpupulong.
Sa kabilang banda, pinuri sa Bibliya si Lydia, isang Kristiyano sa Filipos, dahil sa kaniyang pagkamapagpatuloy. (Gawa 16:14, 15, 40) Dahil sa pagiging bukas-palad ni Lydia—posibleng isang dalaga o balo—nasiyahan siya sa pakikisama sa mga naglalakbay na tagapangasiwa gaya nina Pablo, Silas, at Lucas. Ang pagkakaroon din ng gayong katangian ay nagdudulot ng pagpapala sa ngayon.
Kung Paano Nila Madaramang Minamahal Sila
Bukod sa makabuluhang gawain para maging masaya sa buhay, kailangan din nating lahat na madamang minamahal tayo. Kumusta ang mga walang asawa? Una, laging nariyan si Jehova para palakasin tayo, makinig sa atin, at ipadama na mahal niya tayo. Nadama minsan ni Haring David na siya ay “nag-iisa at napipighati.” Pero alam niyang lagi siyang makahihingi ng tulong kay Jehova. (Awit 25:16; 55:22) “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin,” ang isinulat niya. (Awit 27:10) Inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng kaniyang lingkod na lumapit sa kaniya at maging matalik niyang kaibigan.—Awit 25:14; Sant. 2:23; 4:8.
Karagdagan pa, makakakita rin tayo ng mga espirituwal na ama, ina, at kapatid sa loob ng pandaigdig na kapatiran. Ang kanilang pagmamahal ay magdudulot sa atin ng kaligayahan. (Mat. 19:29; 1 Ped. 2:17) Nasisiyahan ang maraming Kristiyano na walang asawa na tularan si Dorcas na “nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.” (Gawa 9:36, 39) “Saanman ako pumuntang kongregasyon, naghahanap ako ng mga tunay na kaibigan na magmamahal at tutulong sa akin kapag ako ay may problema,” ang sabi ni Loli. “Para mapatibay ang gayong pakikipagkaibigan, sinisikap kong magpakita ng pag-ibig at interes sa iba. Naglingkod ako sa walong kongregasyon, at nakahanap ako roon ng mga tunay na kaibigan. Kadalasan nang hindi ko sila kaedad, ang iba ay lola na at ang iba ay tin-edyer.” Sa bawat kongregasyon, may mga kapatid na nangangailangan ng pagmamahal. Ang pagpapakita ng interes sa gayong mga kapatid ay makatutulong sa kanila at sa ating pagnanais na magmahal at mahalin.—Luc. 6:38.
Hindi Malilimutan ni Jehova
Ipinapakita sa Bibliya na lahat ng Kristiyano ay kailangang magsakripisyo sa paanuman dahil sa mahirap na panahong kinabubuhayan natin. (1 Cor. 7:29-31) Tiyak na karapat-dapat sa ating pantanging paggalang at pagmamalasakit ang mga nananatiling walang asawa dahil sa kanilang determinasyon na sundin ang utos ng Diyos na mag-asawa tangi lamang sa Panginoon. (Mat. 19:12) Gayunman, ang ganitong kahanga-hangang pagsasakripisyo ay hindi naman nangangahulugan na hindi na sila magiging tunay na maligaya.
“Nakadepende ang kaligayahan ko sa aking kaugnayan at paglilingkod kay Jehova,” ang sabi ni Lidiana. “May kilala akong may-asawa na masaya pero mayroon din namang hindi. Ang bagay na ito ang nakakakumbinsi sa akin na ang aking kaligayahan ay hindi nakadepende sa pagkakaroon ng asawa.” Gaya ng sinabi ni Jesus, ang kaligayahan ay pangunahin nang nakadepende sa pagbibigay at paglilingkod, isang bagay na kayang gawin ng lahat ng Kristiyano.—Juan 13:14-17; Gawa 20:35.
Talagang magdudulot sa atin ng kaligayahan na malaman na pagpapalain tayo ni Jehova anuman ang ating isakripisyo para gawin ang kaniyang kalooban. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”—Heb. 6:10.
[Talababa]
^ par. 6 Bagaman mga sister ang tinutukoy sa artikulong ito, kapit din ang mga simulaing ito sa mga brother.
[Blurb sa pahina 25]
“Nasisiyahan ako sa kung ano ang mayroon ako, at hindi ko pinapangarap ang mga bagay na wala naman ako.”—Carmen
[Larawan sa pahina 26]
Masayang naglilingkod sina Loli at Lidiana kung saan mas malaki ang pangangailangan
[Larawan sa pahina 27]
Inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng kaniyang lingkod na lumapit sa kaniya