Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
• Bakit napakahalaga na manatiling tapat bilang Kristiyano?
Kapag nananatili tayong tapat, ipinakikita nating nasa panig tayo ni Jehova at na mahal natin siya. Pinatutunayan din nating sinungaling si Satanas. Iyan din ang saligan ng Diyos sa paghatol sa atin, kaya napakahalaga nito sa ating pag-asa sa hinaharap.—12/15, pahina 4-6.
• Ano ang ilang titulo na naglalarawan sa papel ni Jesus sa layunin ng Diyos?
Ang ilan ay: Bugtong na Anak, Salita, Amen, Tagapamagitan ng isang bagong tipan, Mataas na Saserdote, at ipinangakong Binhi.—12/15, pahina 15.
• Bakit hiniling ni Elias sa tagapaglingkod niya na tumingin sa dagat habang siya ay nananalangin para umulan? (1 Hari 18:43-45)
Ipinakikita nito na alam ni Elias ang tungkol sa siklo ng tubig. Alam niya na ang mga ulap ay mamumuo sa ibabaw ng dagat at dadalhin ng hangin sa ibabaw ng lupa upang bumagsak bilang ulan.—1/1, pahina 15-16.
• Paano natin mapasisidhi ang ating kagalakan sa ministeryo?
Ihanda ang ating puso sa pagtulong sa iba. Mangaral tayo na ang tunguhin ay makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Kung walang interes sa relihiyon ang mga tao sa ating teritoryo, ibagay ang ating presentasyon sa paraang pupukaw ng kanilang interes.—1/15, pahina 8-10.
• Ang ketong ba na binabanggit sa Bibliya ay kapareho ng ketong sa ngayon?
Ang impeksiyong dala ng baktirya na tinatawag na ketong ay talagang umiral noong panahon ng Bibliya. (Lev. 13:4, 5) Binabanggit din ng Bibliya ang tungkol sa ketong na lumilitaw sa mga damit at bahay. Ang gayong “ketong” ay maaaring tumukoy sa amag. (Lev. 13:47-52)—2/1, pahina 19.
• Paano dapat makaapekto ang itinuturo ng Bibliya sa pangmalas at mga kaugalian ng isang Kristiyano hinggil sa burol at libing?
Bagaman maaaring nagdadalamhati ang isang Kristiyano, alam niyang wala nang kabatiran ang namatay niyang mahal sa buhay. Kahit pa batikusin siya ng mga di-mananampalataya, iniiwasan niya ang mga kaugaliang nauugnay sa paniniwalang may magagawa pa ang mga patay sa mga buháy. Para maiwasang bumangon ang mga problema, isinusulat ng ilang Kristiyano ang kanilang mga habilin para sa mga kaayusan sa burol at libing.—2/15, pahina 29-31.
• Ayon sa Awit 1:1, ano ang tatlong bagay na dapat nating iwasan para maging maligaya tayo?
Binabanggit ng teksto ang “payo ng mga balakyot,” “daan ng mga makasalanan,” at “upuan ng mga manunuya.” Oo, kailangan nating layuan ang mga taong tumutuya at nagwawalang-bahala sa mga kautusan ng Diyos. Dapat tayong magkaroon ng kaluguran sa kautusan ni Jehova.—3/1, pahina 17.
• Nawala bang mga aklat ng Bibliya ang “aklat ni Jasar” at “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova”? (Jos. 10:13; Bil. 21:14)
Hindi. Malamang na ang mga ito ay di-kinasihang mga dokumento na umiral noong panahon ng Bibliya at tinukoy lamang ng ilang manunulat ng Bibliya.—3/15, pahina 32.
• Anong kapansin-pansing pagbabago ang ginawa sa modernong salin ng Bibliya sa Latin?
Noong 1979, inaprubahan ni Pope John Paul II ang Nova Vulgata, isang bagong salin ng Bibliya sa Latin. Makikita ang banal na pangalang Iahveh, o Jehova, sa ilang talata sa unang edisyon nito. (Ex. 3:15; 6:3) Gayunman, nang ilathala ang pangalawang edisyon noong 1986, pinalitan ang Iahveh ng titulong Dominus [Panginoon].—4/1, pahina 22.