Nakikita sa mga Nilalang ang Karunungan ni Jehova
Nakikita sa mga Nilalang ang Karunungan ni Jehova
‘Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay napag-uunawa sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.’—ROMA 1:20.
1. Ano ang epekto sa maraming tao ng pakikinig sa itinuturing ng sanlibutan na marurunong?
PARA sa sanlibutan, itinuturing na marunong ang mga taong maraming alam. Pero talaga bang marunong sila? Hindi, dahil ang sinasabing mga intelektuwal na ito ay hindi nakapagbibigay ng mapananaligang payo kung paano magiging mas maligaya at makabuluhan ang buhay. Sa katunayan, ang mga nakikinig sa gayong mga tao ay “sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo.”—Efe. 4:14.
2, 3. (a) Bakit si Jehova ang “tanging marunong”? (b) Paano naiiba ang karunungan ng Diyos sa karunungan ng sanlibutan?
2 Ibang-iba talaga ang mga nakikinig sa Diyos na Jehova, ang Pinagmumulan ng tunay na karunungan! Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ang “tanging marunong.” (Roma 16:27) Alam niya ang lahat tungkol sa uniberso. Nilalang ni Jehova ang lahat ng batas ng kalikasan, na ginagamit ng mga tao na saligan sa pagsasaliksik. Kaya hindi siya napapahanga ng mga imbensiyon o ng di-umano’y matatayog na pilosopiya ng tao. “Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.”—1 Cor. 3:19.
3 Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jehova ay “nagbibigay ng karunungan” sa kaniyang mga lingkod. (Kaw. 2:6) Di-tulad ng mga pilosopiya ng tao, ang karunungan ng Diyos ay hindi mahirap maunawaan. Nakatutulong ito sa atin na gumawa ng mahuhusay na pasiya, batay sa tumpak na kaalaman at kaunawaan. (Basahin ang Santiago 3:17.) Humanga si apostol Pablo sa karunungan ni Jehova. Sumulat siya: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” (Roma 11:33) Dahil si Jehova ang pinakamarunong sa lahat, makapagtitiwala tayo na ang kaniyang mga batas ang pinakamainam na patnubay sa buhay. Tutal, siya naman talaga ang nakaaalam kung ano ang kailangan natin para maging maligaya.—Kaw. 3:5, 6.
Si Jesus—Ang “Dalubhasang Manggagawa”
4. Ano ang isang paraan upang maunawaan natin ang karunungan ni Jehova?
4 Mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit na nilalang, makikita ang karunungan ni Jehova. Makikita rin sa mga ito ang iba pa niyang walang-katulad na mga katangian. (Basahin ang Roma 1:20.) Saanman tayo tumingin, napakaraming ebidensiya na may matalino at maibiging Maylalang. Kung isasaalang-alang natin ang mga ito, marami tayong matututuhan tungkol sa kaniya.—Awit 19:1; Isa. 40:26.
5, 6. (a) Sino ang kasama ni Jehova nang lalangin niya ang langit at lupa? (b) Ano ang ating tatalakayin? Bakit mahalaga na talakayin ito?
5 Hindi nag-iisa si Jehova nang ‘lalangin niya ang langit at ang lupa.’ (Gen. 1:1) Ipinahihiwatig ng Bibliya na bago lalangin ang mga bagay na nakikita natin, nilalang niya ang isang espiritung persona. Sa pamamagitan ng personang ito, nilalang ng Diyos ang “lahat ng iba pang bagay.” Siya ang bugtong na Anak ng Diyos, “ang panganay sa lahat ng nilalang.” Nang maglaon, siya ay nabuhay sa lupa bilang ang taong si Jesus. (Col. 1:15-17) Gaya ni Jehova, si Jesus ay may karunungan din. Sa katunayan, sa Kawikaan kabanata 8, siya ang kumakatawan sa karunungan. Sa kabanata ring iyon, tinutukoy si Jesus bilang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos.—Kaw. 8:12, 22-31.
Kawikaan 30:24-28 na “may likas na karunungan.” *
6 Kaya isinisiwalat ng mga nilalang na nakikita natin ang karunungan ni Jehova at ng kaniyang Dalubhasang Manggagawa, si Jesus. Marami tayong mahahalagang aral na matututuhan dito. Talakayin natin ang tungkol sa apat na nilalang na inilarawan saIsang Aral sa Kasipagan
7, 8. Anong mga bagay hinggil sa langgam ang gustung-gusto mo?
7 May matututuhan tayong aral sa disenyo at gawain maging ng “pinakamaliliit sa lupa.” Halimbawa, isaalang-alang ang likas na karunungan ng langgam.—Basahin ang Kawikaan 30:24, 25.
8 Napakaraming langgam na abalang-abala sa pagtatrabaho sa ilalim at ibabaw ng lupa. Naniniwala ang ilang mananaliksik na 200,000 beses na mas marami ang langgam kaysa sa tao. May mga kolonya ang mga langgam, at karaniwan nang makikita sa mga ito ang tatlong uri ng langgam: reyna, lalaki, at manggagawa. May ginagampanang papel ang bawat uri para masapatan ang mga pangangailangan ng kolonya. Ang isang partikular na langgam, ang leaf-cutting ant sa Timog Amerika, ay maituturing na bihasang hardinero. Ang maliit na insektong ito ay naglalagay ng abono at naglilipat at nagpupungos ng mga fungus upang umani nang sagana. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mahusay na hardinerong ito ay nagpapagal depende sa pagkaing kailangan ng kolonya. Sa gayon, nakatitipid ito ng panahon at lakas. *
9, 10. Paano natin matutularan ang kasipagan ng langgam?
9 May matututuhan tayo sa mga langgam. Dapat tayong maging masipag para umani nang mabuting bunga. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka. Bagaman wala itong kumandante, opisyal o tagapamahala, naghahanda ito ng kaniyang pagkain sa tag-araw; nagtitipon ito ng kaniyang laang pagkain sa pag-aani.” (Kaw. 6:6-8) Parehong masipag si Jehova at ang kaniyang Dalubhasang Manggagawa, si Jesus. Sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.”—Juan 5:17.
10 Bilang mga tagatulad sa Diyos at kay Kristo, dapat din tayong maging masipag. Anuman ang ating pribilehiyo ng paglilingkod sa organisasyon ng Diyos, tayong lahat ay dapat na “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Kung gayon, makabubuting sundin natin ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Huwag magmakupad sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova.” (Roma 12:11) Hindi mawawalan ng kabuluhan ang ating pagsisikap, dahil tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”—Heb. 6:10.
Proteksiyon Mula sa Espirituwal na Panganib
11. Ilarawan ang ilang katangian ng kuneho sa batuhan.
11 May matututuhan din tayong mahahalagang aral sa isa pang maliit na nilalang, ang kuneho sa batuhan. (Basahin ang Kawikaan 30:26.) Pabilog ang mga tainga nito at maiigsi ang binti. Matalas din ang mga mata nito. Ang lungga nito sa matatarik na batuhan ay nagsisilbing proteksiyon mula sa mga maninila. Likas sa mga kuneho sa batuhan na manirahan nang magkakasama at nagsisilbi itong proteksiyon para makatagal sila sa taglamig. *
12, 13. Ano ang matututuhan natin sa kuneho sa batuhan?
12 Ano ang matututuhan natin sa kuneho sa batuhan? Una, alisto ang hayop na ito. Nakikita ng matatalas nitong mata kung may maninila mula sa malayo. Hindi ito lumalayo sa kaniyang lungga sa batuhan na nagsisilbing kanlungan. Sa katulad na paraan, kailangan din tayong maging alisto sa mga panganib sa sanlibutan ni Satanas. Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Ped. 5:8) Noong narito siya sa lupa, nanatiling mapagbantay si Jesus sa lahat ng pamamaraan ni Satanas na sirain ang Kaniyang katapatan. (Mat. 4:1-11) Napakagandang halimbawa si Jesus para sa lahat ng kaniyang tagasunod!
13 Ang espirituwal na proteksiyon na inilalaan ni Jehova ay makatutulong sa atin na maging mapagbantay. Hindi natin dapat pabayaan ang pag-aaral sa Salita ng Diyos at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Luc. 4:4; Heb. 10:24, 25) Bukod diyan, kung paanong nananatiling magkakasama ang mga kuneho sa batuhan, kailangan din nating manatiling malapít sa ating kapuwa Kristiyano upang ‘magpatibayang-loob’ sa isa’t isa. (Roma 1:12) Kapag ginagawa natin ang mga ito, ipinakikita natin na sumasang-ayon tayo sa salmistang si David, na sumulat: “Si Jehova ang aking malaking bato at aking moog at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas. Ang aking Diyos ang aking bato. Manganganlong ako sa kaniya.”—Awit 18:2.
Magpatuloy sa Ministeryo sa Kabila ng Pagsalansang
14. Bagaman maaaring hindi nakakatakot ang isang balang, kumusta ang isang kulupon ng mga balang?
14 May mapupulot din tayong aral sa balang. Ang isang balang ay may haba na mga dalawang pulgada. Maaaring hindi ka matakot sa isang balang, pero tiyak na mangingilabot ka sa isang kulupon ng mga balang. (Basahin ang Kawikaan 30:27.) Palibhasa’y malalakas kumain, kayang-kayang salantain ng mga insektong ito ang isang bukid na handa na sa pag-aani. Inihahambing ng Bibliya ang ingay ng dumarating na kulupon ng mga insekto, kasama na rito ang mga balang, sa dumadagundong na mga karo at sa lumalagablab na apoy na lumalamon ng pinaggapasan. (Joel 2:3, 5) Nagsisigâ ang mga tao para mapigilan ang pananalanta ng kulupon ng mga balang, pero karaniwan nang hindi ito mabisa. Bakit? Dahil naaapula ang apoy ng bumabagsak na katawan ng mga namatay na balang anupat nakapagpapatuloy sa pananalanta ang kulupon. Kahit wala silang hari o lider, ang kulupon ng mga balang ay napakaorganisado gaya ng hukbo ng militar, at nadaraig nila ang halos lahat ng hadlang. *—Joel 2:25.
15, 16. Paanong naging gaya ng kulupon ng mga balang ang makabagong mga tagapaghayag ng Kaharian?
15 Inihambing ni propeta Joel ang sigasig ng mga lingkod ni Jehova sa mga balang. Sumulat siya: “Tumatakbo silang gaya ng makapangyarihang mga lalaki. Sumasampa sila sa pader na gaya ng mga lalaking mandirigma. At humahayo sila bawat isa sa kani-kaniyang mga lakad, at hindi sila nagbabago ng kanilang mga landas. At hindi sila nagtutulakan sa isa’t isa. Gaya ng matipunong lalaki sa kaniyang landas, sila ay patuloy na humahayo; at kung may mabuwal man maging sa gitna ng mga suligi, ang iba ay hindi lumilihis ng landas.”—Joel 2:7, 8.
16 Hindi ba ganiyang-ganiyan ang makabagong mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos? Walang anumang “pader” ng pagsalansang ang nakahahadlang sa kanilang pangangaral. Tinutularan nila si Jesus, na nagpatuloy sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa kabila ng panghahamak ng marami. (Isa. 53:3) Totoo, may ilang Kristiyanong ‘nabuwal sa gitna ng mga suligi.’ Namatay sila bilang mga martir dahil sa kanilang pananampalataya. Gayunpaman, patuloy pa rin ang gawaing pangangaral at ang pagdami ng mga tagapaghayag ng Kaharian. Sa katunayan, kadalasan nang dahil sa pag-uusig, napangaralan ang mga taong mahirap mapaabutan ng mensahe ng Kaharian. (Gawa 8:1, 4) Gaya ng balang, patuloy ka pa rin ba sa iyong ministeryo sa kabila ng kawalan ng interes at pagsalansang ng mga tao?—Heb. 10:39.
“Kumapit Kayo sa Mabuti”
17. Bakit nakakakapit ang tuko kahit sa makikinis na dingding o kisame?
17 Waring walang epekto ang grabidad sa maliit na tuko. (Basahin ang Kawikaan 30:28.) Sa katunayan, manghang-mangha ang mga siyentipiko kung paano nagagawa ng maliit na nilalang na ito na tumakbo sa mga dingding at maging sa makikinis na kisame nang hindi nahuhulog. Paano nga ba ito nagagawa ng tuko? Walang espesyal na pandikit ang hayop na ito. Sa halip, ang bawat daliri sa paa ng tuko ay may maliliit na umbok na may libu-libong balahibo. Ang bawat balahibo naman ay may daan-daang napakaliliit na hibla na ang dulo ay hugis platito. Ang puwersa sa pagitan ng mga molekula na nanggagaling sa mga hibla nito ay may sapat na lakas upang masuportahan ang bigat ng tuko—kahit pa tumakbo ito sa kisameng singkinis ng salamin! Palibhasa’y manghang-mangha ang mga mananaliksik sa kakayahang ito ng tuko, iniisip nilang gumawa ng matibay na pandikit na kasintibay ng kapit ng paa ng tuko. *
18. Paano natin matitiyak na palagi tayong ‘kumakapit sa mabuti’?
18 Ano namang aral ang mapupulot natin sa tuko? Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Kamuhian ninyo ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.” (Roma 12:9) Maaaring maimpluwensiyahan tayo ng sanlibutan ni Satanas na hindi na manghawakan sa makadiyos na mga simulain. Halimbawa, ang pakikisama sa mga hindi sumusunod sa batas ng Diyos—sa paaralan man o sa trabaho—ay maaaring makaapekto sa ating determinasyong gawin kung ano ang tama. Kasali rin dito ang pagpili ng libangang hindi nakalulugod sa Diyos. Huwag mong hayaang pahinain ng mga ito ang iyong pagkapit sa mabuti! Nagbabala ang Salita ng Diyos: “Huwag kang magpakarunong sa iyong sariling paningin.” (Kaw. 3:7) Makabubuting sundin natin ang matalinong payo na ibinigay noon ni Moises sa bayan ng Diyos: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong katakutan. Siya ang dapat mong paglingkuran, at sa kaniya ka dapat mangunyapit.” (Deut. 10:20) Kung patuloy tayong mangungunyapit o kakapit kay Jehova, matutularan natin si Jesus. Ganito ang sinabi tungkol sa kaniya: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan.”—Heb. 1:9.
Mga Aral Mula sa mga Nilalang
19. (a) Anu-anong katangian ni Jehova ang nakikita mo sa kaniyang mga nilalang? (b) Paano tayo makikinabang sa karunungan ng Diyos?
19 Gaya ng natalakay natin, malinaw na makikita ang mga katangian ni Jehova sa mga bagay na ginawa niya. May mahahalaga ring aral tayong matututuhan mula sa kaniyang mga nilalang. Kapag higit nating sinusuri ang mga gawa ni Jehova, lalo tayong napapahanga sa kaniyang karunungan. Kung patuloy tayong magbibigay-pansin sa karunungan ng Diyos, magiging mas maligaya tayo ngayon at magiging tiyak ang ating pag-asa sa hinaharap. (Ecles. 7:12) Oo, mararanasan natin mismo ang katotohanan ng sinasabi sa Kawikaan 3:13, 18: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagtatamo ng kaunawaan. Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.”
[Mga talababa]
^ par. 6 Pinasisigla partikular na ang mga kabataan na basahin ang mga reperensiya sa mga talababa. Kapag tinalakay na ang artikulong ito sa Pag-aaral sa Bantayan, maaari silang magkomento hinggil sa kanilang nabasa.
^ par. 8 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa leaf-cutting ant, tingnan ang Gumising! ng Marso 22, 1997, pahina 31, at Mayo 22, 2002, pahina 31.
^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa kuneho sa batuhan o rock badger, tingnan ang Gumising! ng Setyembre 8, 1990, pahina 15-16.
^ par. 14 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa balang, tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1996, pahina 23.
^ par. 17 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa tuko, tingnan ang Gumising! ng Abril 2008, pahina 26.
Naaalaala Mo Ba?
Anong aral ang matututuhan natin mula sa . . .
• langgam?
• kuneho sa batuhan?
• balang?
• tuko?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 16]
Masipag ka ba gaya ng langgam?
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang pananatiling magkakasama ng mga kuneho sa batuhan ay isang proteksiyon. Nananatili ka bang malapít sa iyong mga kapananampalataya?
[Mga larawan sa pahina 18]
Gaya ng mga balang, nagpapatuloy ang mga Kristiyano sa kanilang gawain sa kabila ng pagsalansang
[Larawan sa pahina 18]
Kung gaano kahigpit ang kapit ng tuko sa mga dingding o kisame, mahigpit din ang pagkapit ng mga Kristiyano sa mabuti
[Credit Line]
Stockbyte/Getty Images