Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova ‘ang Tagapaglaan Natin ng Pagtakas’

Si Jehova ‘ang Tagapaglaan Natin ng Pagtakas’

Si Jehova ‘ang Tagapaglaan Natin ng Pagtakas’

“Tutulungan sila ni Jehova at paglalaanan sila ng pagtakas.”​—AWIT 37:40.

1, 2. Anong saligang katotohanan tungkol kay Jehova ang nagdudulot sa atin ng kaaliwan at lakas?

 HABANG umiikot ang mundo, ang posisyon ng mga anino na likha ng liwanag ng araw ay gumagalaw at nagbabago. Gayunman, ang Maylalang ng mundo at araw ay hindi nagbabago. (Mal. 3:6) Sinasabi ng Bibliya na, “sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (Sant. 1:17) Ang saligang katotohanang ito tungkol kay Jehova ay talagang nagdudulot sa atin ng kaaliwan at lakas, lalung-lalo na kapag napapaharap tayo sa mahihirap na pagsubok at hamon. Bakit?

2 Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, pinatunayan ni Jehova na siya ‘ang Tagapaglaan ng pagtakas’ noong panahon ng Bibliya. (Awit 70:5) Siya ay hindi nagbabago at tapat sa kaniyang salita; kaya naman, may dahilan ang kaniyang mga mananamba sa ngayon na magtiwala sa kaniya na ‘tutulungan niya sila at paglalaanan sila ng pagtakas.’ (Awit 37:40) Paano naglalaan si Jehova ng pagtakas sa kaniyang modernong-panahong mga lingkod? Paano niya ito maaaring gawin sa atin bilang mga indibiduwal?

Iniligtas Mula sa mga Mananalansang

3. Bakit tayo nakatitiyak na hindi mapahihinto ng mga mananalansang ang bayan ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita?

3 Gaano man katindi ang pagsalansang ni Satanas, hindi nito mapahihinto ang mga Saksi ni Jehova sa pagbibigay ng nararapat na bukod-tanging pagsamba kay Jehova. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo.” (Isa. 54:17) Nabigo ang pagsisikap ng mga mananalansang na pahintuin ang bayan ng Diyos sa pagtupad ng kanilang atas na mangaral. Isaalang-alang ang dalawang halimbawa.

4, 5. Anong pag-uusig ang naranasan ng bayan ni Jehova noong 1918, at ano ang naging resulta?

4 Noong 1918, tumindi ang pag-uusig sa bayan ni Jehova. Ito ay dahil sa mga klero na gustong pahintuin ang kanilang gawaing pangangaral. Noong Mayo 7, ang pamahalaan ng Estados Unidos ay naglabas ng utos na arestuhin si J. F. Rutherford, na siyang nangangasiwa sa pandaigdig na gawaing pangangaral noong panahong iyon, at ang iba pang nasa punong tanggapan. Wala pang dalawang buwan, di-makatarungang sinentensiyahan ng maraming taon ng pagkabilanggo sa salang pakikipagsabuwatan si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasamahan. Nagtagumpay ba ang mga mananalansang sa paggamit ng mga hukuman para pahintuin ang gawaing pangangaral? Siyempre hindi!

5 Alalahanin ang pangako ni Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” Noong Marso 26, 1919​—siyam na buwan matapos sentensiyahan si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasamahan​—​biglang nagbago ang mga pangyayari. Napalaya ang mga nabilanggong kapatid dahil sila ay nakapagpiyansa. Nang sumunod na taon, Mayo 5, 1920, iniurong ang mga demanda laban sa kanila. Sinamantala ng mga kapatid ang kanilang kalayaan para magpatuloy sa gawaing pang-Kaharian. Ano ang naging resulta? Aba, kahanga-hanga ang naging pagsulong mula noon! Ang lahat ng papuri ay nararapat lamang iukol sa ‘Tagapaglaan ng pagtakas.’​—1 Cor. 3:7.

6, 7. (a) Paano tinrato ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya sa ilalim ng mga Nazi, at ano ang naging resulta? (b) Ano ang pinatutunayan ng modernong kasaysayan ng bayan ni Jehova?

6 Isaalang-alang naman natin ngayon ang isa pang halimbawa. Noong 1934, sumumpa si Hitler na lilipulin niya ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. At gayon nga ang ginawa niya, marami ang inaresto at ibinilanggo. Libu-libong Saksi ang naging biktima; at daan-daan ang pinatay sa mga kampong piitan. Nagtagumpay ba si Hitler na lipulin ang mga Saksi? Napahinto ba niya nang lubusan ang pangangaral ng mabuting balita sa Alemanya? Hinding-hindi! Noong panahon ng pag-uusig, patuloy na nangaral nang palihim ang ating mga kapatid. Matapos bumagsak ang rehimeng Nazi, naging malaya ang mga kapatid na ipagpatuloy ang pangangaral. Sa ngayon, mayroon nang mahigit sa 165,000 mamamahayag ng Kaharian sa Alemanya. Muli na namang tinupad ng ‘Tagapaglaan ng pagtakas’ ang kaniyang pangako: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”

7 Pinatutunayan ng modernong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova na hinding-hindi hahayaan ni Jehova na malipol ang kaniyang bayan bilang isang grupo. (Awit 116:15) Subalit paano naman naglalaan si Jehova ng pagtakas sa atin bilang indibiduwal?

Ipinagsasanggalang ni Jehova sa Pisikal na Paraan

8, 9. (a) Paano natin nalaman na hindi ginagarantiyahan ni Jehova ang pagsasanggalang sa atin sa pisikal na paraan? (b) Anong katotohanan ang dapat nating tanggapin?

8 Alam natin na hindi nangako si Jehova na ipagsasanggalang niya tayo bilang indibiduwal sa pisikal na paraan. Tinutularan natin ang pangmalas ng tatlong tapat na Hebreo na tumangging yumukod sa imaheng ginto ni Haring Nabucodonosor. Hindi inisip ng mga may-takot sa Diyos na kabataang lalaking iyon na makahimala silang ipagsasanggalang ni Jehova sa pisikal na paraan. (Basahin ang Daniel 3:17, 18.) Pero gaya ng nangyari, iniligtas sila ni Jehova mula sa maapoy na hurno. (Dan. 3:21-27) Gayunman, maging noong panahon ng Bibliya ay bibihira ang makahimalang pagliligtas. Marami ring tapat na lingkod ni Jehova ang namatay sa kamay ng kanilang mga mananalansang.​—Heb. 11:35-37.

9 Kumusta naman sa ngayon? Bilang ‘Tagapaglaan ng pagtakas,’ tiyak na kaya ni Jehova na iligtas ang mga indibiduwal mula sa mapanganib na mga situwasyon. Pero masasabi ba natin nang may katiyakan kung talaga ngang kumilos si Jehova sa isang espesipikong situwasyon? Hindi. Gayunman, baka nadarama ng isang nakatakas sa mapanganib na situwasyon na tinulungan siya ni Jehova. Hindi naman maganda na salungatin ang paniniwala ng taong ito. Pero dapat nating tanggapin ang katotohanan na maraming tapat na Kristiyano ang namatay dahil sa pag-uusig gaya noong panahon ng Nazi. Namatay naman ang iba sa trahedya. (Ecles. 9:11) Baka maitanong natin, “Nabigo ba si Jehova na maging ‘Tagapaglaan ng pagtakas’ sa mga tapat na pinatay o namatay dahil sa aksidente o karamdaman?” Hindi nga gayon.

10, 11. Bakit walang kalaban-laban ang tao sa kamatayan, pero ano ang gagawin ni Jehova hinggil dito?

10 Isaalang-alang ito: Walang kalaban-laban ang tao sa kamatayan dahil walang tao ang ‘makapaglalaan ng pagtakas para sa kaniyang kaluluwa mula sa kamay ng Sheol,’ o Hades, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Awit 89:48) Pero kumusta naman si Jehova? Naalaala ng isang sister, na nakatakas sa bangis ng mga Nazi, ang sinabi noon ng kaniyang ina na isang Saksi para aliwin siya sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay sa mga kampong piitan: “Kung hindi madaraig ang kamatayan, lumalabas na mas malakas pa ito sa Diyos, hindi ba?” Tiyak na walang kalaban-laban ang kamatayan sa makapangyarihan-sa-lahat na Bukal ng buhay! (Awit 36:9) Nasa alaala ni Jehova ang lahat niyaong nasa Sheol, o Hades, at maglalaan siya ng pagtakas para sa bawat isa sa kanila.​—Luc. 20:37, 38; Apoc. 20:11-14.

11 Samantala, talagang nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang tapat na mga mananamba sa ngayon. Isaalang-alang natin ngayon ang tatlong paraan kung saan tiyak na siya ang nagiging ‘Tagapaglaan natin ng pagtakas.’

Ipinagsasanggalang sa Espirituwal na Paraan

12, 13. Bakit ang pagsasanggalang sa espirituwal na paraan ang pinakamahalagang proteksiyon, at paano ito inilalaan sa atin ni Jehova?

12 Ipinagsasanggalang tayo ni Jehova sa espirituwal na paraan, at ito ang pinakamahalagang proteksiyon. Bilang mga tunay na Kristiyano, alam nating mayroon pang mas mahalaga kaysa sa kasalukuyan nating buhay. Ang ating pinakamahalagang pag-aari ay ang ating personal na kaugnayan kay Jehova. (Awit 25:14; 63:3) Kung wala ang kaugnayang iyan, mawawalan ng saysay ang ating buhay at wala rin tayong pag-asa sa hinaharap.

13 Mabuti na lamang, binibigyan tayo ni Jehova ng lahat ng ating kailangan para manatiling malapít sa kaniya. Nariyan ang kaniyang Salita, ang banal na espiritu, at ang pandaigdig na kongregasyon para tulungan tayo. Paano natin magagamit nang husto ang mga paglalaang ito? Sa pamamagitan ng regular at masikap na pag-aaral ng kaniyang Salita, tumitibay ang ating pananampalataya at lumiliwanag ang ating pag-asa. (Roma 15:4) Sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin para humingi ng kaniyang espiritu, tinutulungan tayo ni Jehova na labanan ang tukso na sisira sa ating kaugnayan sa kaniya. (Luc. 11:13) Kung patuloy tayong umaalinsabay sa tagubiling inilalaan ng uring alipin sa pamamagitan ng mga salig-Bibliyang publikasyon gayundin ng mga pagpupulong, asamblea, at kombensiyon, tayo ay mapalalakas ng mga espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Ang gayong mga paglalaan ay magsasanggalang sa atin sa espirituwal at tutulong sa atin na manatiling malapít sa Diyos.​—Sant. 4:8.

14. Maglahad ng karanasan hinggil sa paglalaan ni Jehova ng espirituwal na proteksiyon.

14 Bilang halimbawa ng gayong espirituwal na proteksiyon, alalahanin ang mag-asawa na binanggit sa simula ng naunang artikulo. Mga ilang araw matapos nilang ireport na nawawala ang kanilang anak na si Theresa, nakatanggap sila ng masamang balita: Pinatay siya. * Naalaala pa ng ama: “Nanalangin ako kay Jehova na ipagsanggalang siya. Nang matagpuan siyang pinaslang, aaminin ko na ang una kong naisip ay kung bakit hindi sinagot ang aking mga panalangin. Sabihin pa, alam ko na hindi ginagarantiyahan ni Jehova ng makahimalang proteksiyon ang kaniyang bayan sa indibiduwal na paraan. Nagpatuloy akong nanalangin ukol sa kaunawaan. Naaliw ako sa pagkaalam na ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa espirituwal na paraan​—alalaong baga, naglalaan siya ng kailangan natin upang maingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Ang uring iyan ng proteksiyon ang pinakamahalaga, sapagkat maaapektuhan nito ang ating walang-hanggang kinabukasan. Sa diwang iyan, ipinagsanggalang ni Jehova si Theresa; naglilingkod siya sa kaniya nang may katapatan nang siya’y mamatay. Nakasumpong ako ng kapayapaan sa pagkaalam na ang pag-asa niya na mabuhay sa hinaharap ay nasa maibiging mga kamay ni Jehova.”

Inaalalayan sa Panahon ng Karamdaman

15. Sa anu-anong paraan tayo tinutulungan ni Jehova sa panahon na mayroon tayong malubhang karamdaman?

15 Inaalalayan tayo ni Jehova “sa kama ng karamdaman,” gaya ng ginawa niya kay David. (Awit 41:3) Bagaman hindi naglalaan si Jehova ng pagtakas sa ngayon sa pamamagitan ng makahimalang pagpapagaling, tinutulungan naman niya tayo sa ibang paraan. Paano? Matutulungan tayo ng mga simulaing matatagpuan sa kaniyang Salita na gumawa ng matatalinong desisyon tungkol sa pagpapagamot at iba pang mga bagay. (Kaw. 2:6) Makakakuha rin tayo ng kapaki-pakinabang na impormasyon at mga praktikal na mungkahi mula sa mga artikulo sa Ang Bantayan at Gumising! na tumatalakay sa ating partikular na problema sa kalusugan. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, maaari tayong bigyan ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan” upang maharap ang ating situwasyon at mapanatili ang ating katapatan anuman ang mangyari. (2 Cor. 4:7) Dahil sa gayong tulong, mas nabibigyan natin ng pansin ang ating kaugnayan kay Jehova kaysa sa ating karamdaman.

16. Paano hinarap ng isang brother ang kaniyang karamdaman?

16 Isaalang-alang ang kabataang brother na binanggit sa simula ng naunang artikulo. Noong 1998, natuklasang mayroon siyang amyotrophic lateral sclerosis, o ALS, na paparalisa sa kaniyang buong katawan. * Paano niya hinarap ang kaniyang karamdaman? Ipinaliwanag niya: “May mga pagkakataon na nakadarama ako ng sakit at pagkasiphayo at naiisip kong sana’y mamatay na lang ako. Kapag nalulungkot ako, nananalangin ako kay Jehova na sana ay bigyan niya ako ng tatlong bagay: mahinahong puso, pagtitiis, at pagbabata. Nararamdaman kong sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ko. Ang pagkakaroon ng mahinahong puso ay tumutulong sa akin na pag-isipan ang mga bagay na nakaaaliw sa akin gaya ng magagawa ko sa bagong sanlibutan kung saan makalalakad na ako, masisiyahan sa masasarap na pagkain, at muling makakausap ang aking pamilya. Tinutulungan naman ako ng pagtitiis na harapin ang mga problema at hamon ng paralisis. Dahil sa pagbabata, nananatili akong tapat at balanse sa espirituwal. Tulad ng salmistang si David, nadama ko rin na inalalayan ako ni Jehova sa kama ng karamdaman.”​—Isa. 35:5, 6.

Pinaglalaanan ng mga Pangangailangan

17. Ano ang ipinangako ni Jehova sa atin, at ano ang ibig sabihin ng pangakong ito?

17 Nangangako si Jehova na paglalaanan niya tayo sa materyal na paraan. (Basahin ang Mateo 6:33, 34 at Hebreo 13:5, 6.) Hindi naman ito nangangahulugan na aasa na lamang tayo sa himala o na hindi na tayo magtatrabaho. (2 Tes. 3:10) Ang ibig sabihin ng pangakong ito ay: Kung uunahin natin sa ating buhay ang Kaharian ng Diyos at handa tayong magtrabaho, makaaasa tayo na tutulungan tayo ni Jehova na mapaglaanan ang ating mga pangangailangan sa buhay. (1 Tes. 4:11, 12; 1 Tim. 5:8) Maaari niyang ilaan ang ating mga pangangailangan sa paraang hindi natin inaasahan, marahil sa pamamagitan ng isang kapananampalataya na gusto tayong tulungan o alukan ng trabaho.

18. Maglahad ng karanasan na nagpapakitang maaari tayong mapaglaanan sa panahong kailangang-kailangan natin.

18 Alalahanin ang nagsosolong ina na binanggit sa simula ng naunang artikulo. Nang lumipat siya ng tirahan kasama ang kaniyang anak na babae, nahirapan siyang maghanap ng trabaho. Ipinaliwanag niya: “Naglilingkod ako sa larangan sa umaga, at naghahanap naman ng trabaho sa hapon. Natatandaan ko pa isang araw nang bumili ako ng gatas sa tindahan. Nakatayo lamang ako at nakatitig sa mga gulay dahil wala akong pambili ng mga ito. Hindi pa ako nakadama ng gayong kalungkutan sa buong buhay ko. Noong umuwi ako ng bahay nang araw ding iyon, punung-puno ng mga supot ng iba’t ibang gulay ang likuran ng bahay. Makasasapat ito sa pangangailangan namin sa loob ng ilang buwan. Napaiyak ako at nagpasalamat kay Jehova.” Nalaman ng sister na nanggaling ang mga gulay sa isang brother na may maliit na taniman. Ganito ang laman ng sulat niya sa brother: “Bagaman lubos na akong nagpasalamat sa iyo nang araw na iyon, nagpasalamat din ako kay Jehova dahil ginamit niya ang iyong kabaitan para ipaalaala sa akin ang Kaniyang pag-ibig.”​—Kaw. 19:17.

19. Sa malaking kapighatian, sa ano makapagtitiwala ang mga lingkod ni Jehova, at ano ang dapat na determinado nating gawin ngayon?

19 Maliwanag, ang mga ginawa ni Jehova noong panahon ng Bibliya gayundin sa ating panahon ay dahilan para magtiwala tayo sa kaniya bilang ating Katulong. Hindi na magtatagal, kapag dumating na ang malaking kapighatian sa sanlibutan ni Satanas, higit pa nating kakailanganin ang tulong ni Jehova. Pero ang mga lingkod ni Jehova ay lubusang makapagtitiwala sa kaniya. Maitataas nila ang kanilang mga ulo at magsasaya sapagkat alam nilang malapit na ang kanilang katubusan. (Luc. 21:28) Samantala, anumang pagsubok ang dumating sa atin, maging determinado nawa tayong ibigay ang ating pagtitiwala kay Jehova anupat lubusang nakatitiyak na ang ating di-nagbabagong Diyos, sa katunayan, ay ‘ang Tagapaglaan natin ng pagtakas.’

[Mga talababa]

Naaalaala Mo Ba?

• Paano naglalaan ng pagtakas si Jehova para sa mga pinatay o namatay dahil sa aksidente o karamdaman?

• Bakit ang pagsasanggalang sa espirituwal na paraan ang pinakamahalagang proteksiyon?

• Ano ang ibig sabihin ng pangako ni Jehova na paglalaanan niya tayo sa materyal na paraan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 8]

Inaresto noong 1918 si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasamahan pero pinalaya rin sila di-nagtagal at iniurong ang mga demanda laban sa kanila

[Larawan sa pahina 10]

Inaalalayan tayo ni Jehova sa “kama ng karamdaman”