Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Patuloy Mong Ingatan ang Ministeryo na Tinanggap Mo sa Panginoon”

“Patuloy Mong Ingatan ang Ministeryo na Tinanggap Mo sa Panginoon”

“Patuloy Mong Ingatan ang Ministeryo na Tinanggap Mo sa Panginoon”

“Patuloy mong ingatan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon, na tuparin mo ito.”​—COL. 4:17.

1, 2. Ano ang pananagutan ng mga Kristiyano sa sangkatauhan?

 MAY seryosong pananagutan tayo sa mga tao sa palibot natin. Ang mga pagpapasiyang ginagawa nila ngayon ay maaaring mangahulugan ng buhay o kamatayan pagsapit ng “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:14) Sinabi ng kinasihang manunulat ng aklat ng Kawikaan: “Iligtas mo yaong mga dinadala sa kamatayan; at yaong mga sumusuray-suray patungo sa patayan, O pigilan mo nawa sila.” Napakahalaga nga ng mga pananalitang ito! Kung hindi natin gagampanan ang responsibilidad na babalaan ang mga tao hinggil sa pagpapasiyang dapat nilang gawin, tayo ang mananagot sa kanilang kamatayan. Sa katunayan, ganito pa ang sinasabi sa tekstong iyon: “Kung sasabihin mo: ‘Narito! Hindi namin alam iyon,’ hindi ba ito matatalos niyaong sumusukat ng mga puso, at malalaman niyaong nagbabantay sa iyong kaluluwa at gagantihan nga niya ang makalupang tao ayon sa kaniyang gawa?” Maliwanag, hindi maaaring ikatuwiran ng mga lingkod ni Jehova na ‘hindi nila alam’ na nanganganib ang buhay ng mga tao.​—Kaw. 24:11, 12.

2 Mahalaga kay Jehova ang buhay. Pinasisigla niya ang kaniyang mga lingkod na gawin ang kanilang buong makakaya upang makaligtas ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. Kailangang ihayag ng bawat ministro ng Diyos ang nagliligtas-buhay na mensaheng masusumpungan sa Salita ng Diyos. Ang ating atas ay tulad niyaong sa isang bantay na nagbibigay ng babala kapag may nagbabantang panganib. Ayaw nating singilin sa atin ang dugo ng mga taong nanganganib malipol. (Ezek. 33:1-7) Kung gayon, napakahalaga ngang patuloy nating ‘ipangaral ang salita’!​—Basahin ang 2 Timoteo 4:1, 2, 5.

3. Anu-anong paksa ang tatalakayin sa artikulong ito at sa dalawa pang kasunod na artikulo?

3 Tatalakayin sa artikulong ito kung paano mo mapagtatagumpayan ang mga hadlang sa iyong nagliligtas-buhay na ministeryo at kung paano ka makatutulong sa mas maraming tao. Susuriin sa kasunod na artikulo kung paano mo mapasusulong ang sining ng pagtuturo ng napakahalagang mga katotohanan. Tatalakayin naman sa ikatlong araling artikulo ang ilang nakapagpapatibay na mga resulta ng gawain ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa buong daigdig. Gayunman, bago natin pag-usapan ang mga paksang ito, makabubuting repasuhin muna natin kung bakit nga ba napakapanganib ng ating panahon.

Kung Bakit Marami ang Walang Pag-asa

4, 5. Ano ang nararanasan ng sangkatauhan, at ano ang nadarama ng maraming tao dahil dito?

4 Ipinakikita ng mga pangyayari sa daigdig na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” at napakalapit na ng wakas. Nararanasan na ng sangkatauhan ang mga pangyayari at kalagayang ayon kay Jesus at sa kaniyang mga alagad ay magaganap sa “mga huling araw.” Ang sangkatauhan ay sinasalot ng “mga hapdi ng kabagabagan” tulad ng digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, at iba pang kalamidad. Palasak ang katampalasanan, pagkamakasarili, at di-makadiyos na mga pag-uugali. Kahit para sa mga taong nagsisikap mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, ‘mapanganib ang mga panahong ito at mahirap pakitunguhan.’​—Mat. 24:3, 6-8, 12; 2 Tim. 3:1-5.

5 Gayunman, hindi alam ng karamihan sa sangkatauhan ang tunay na kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig. Kaya naman marami ang nababahala sa seguridad nila at ng kanilang pamilya. Marami rin ang nagdurusa dahil sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay o dahil sa iba pang mga trahedyang naranasan nila. Palibhasa’y walang tumpak na kaalaman ang mga taong ito kung bakit nangyayari ang gayong mga bagay at kung ano ang solusyon sa mga ito, wala silang pag-asa.​—Efe. 2:12.

6. Bakit hindi natutulungan ng “Babilonyang Dakila” ang kaniyang mga tagasunod?

6 Walang gaanong naibibigay na kaaliwan sa sangkatauhan ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sa halip, nilasing niya sa “alak ng kaniyang pakikiapid” ang napakaraming tao anupat sumusuray-suray sila at litung-lito sapagkat hindi nila alam kung paano sila magkakaroon ng kaugnayan sa Diyos. Bukod diyan, gaya ng isang patutot, inakit at inimpluwensiyahan ng huwad na relihiyon ang “mga hari sa lupa,” at sa pamamagitan ng kaniyang huwad na mga doktrina at mga espiritistikong gawain, ginawa niyang sunud-sunuran ang karamihan ng mga tao sa pulitikal na mga tagapamahala. Kaya naging makapangyarihan at maimpluwensiya ang huwad na relihiyon. Subalit kasabay nito, ganap niyang tinanggihan ang mga katotohanan sa Bibliya.​—Apoc. 17:1, 2, 5; 18:23.

7. Ano ang kahihinatnan ng karamihan sa sangkatauhan, subalit paano matutulungan ang ilan sa kanila?

7 Itinuro ni Jesus na karamihan ng mga tao ay tumatahak sa malapad na daan na patungo sa pagkapuksa. (Mat. 7:13, 14) Ang ilan ay nasa malapad na daang iyon dahil sadya nilang tinanggihan ang itinuturo ng Bibliya, pero maraming iba pa ang naroroon dahil hindi itinuro ng mga lider ng kanilang relihiyon kung ano ang talagang hinihiling sa kanila ni Jehova. Malamang na handa namang baguhin ng ilan ang paraan ng kanilang pamumuhay kung maipaliliwanag sa kanila ang maka-Kasulatang dahilan para magbago. Subalit yaong mga nananatili sa Babilonyang Dakila at patuloy na tumatanggi sa mga pamantayan ng Bibliya ay hindi makaliligtas sa “malaking kapighatian.”​—Apoc. 7:14.

Patuloy na Mangaral “Nang Walang Humpay”

8, 9. Nang salansangin ang mga Kristiyano noong unang siglo, ano ang ginawa nila, at bakit?

8 Sinabi ni Jesus na ipangangaral ng kaniyang mga alagad ang mabuting balita ng Kaharian at gagawa sila ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Kaya noon pa man, itinuturing na ng tunay na mga Kristiyano ang pangangaral bilang kapahayagan ng kanilang katapatan sa Diyos at isang napakahalagang kahilingan sa kanilang relihiyon. Iyan ang dahilan kung bakit patuloy na nangaral ang unang mga tagasunod ni Jesus sa kabila ng pagsalansang. Umasa sila sa lakas na ibinibigay ni Jehova, anupat nanalanging tulungan sila na patuloy na ‘salitain ang kaniyang salita nang buong katapangan.’ Sinagot ni Jehova ang kanilang panalangin at pinuspos sila ng banal na espiritu upang maihayag nang may katapangan ang salita ng Diyos.​—Gawa 4:18, 29, 31.

9 Huminto ba sa pangangaral ng mabuting balita ang mga tagasunod ni Jesus nang maging marahas ang pagsalansang sa kanila? Hindi. Nayamot ang mga Judiong lider ng relihiyon sa pangangaral ng mga apostol kaya inaresto, pinagbantaan, at pinagpapalo nila ang mga ito. Gayunman, ang mga apostol ay “nagpatuloy . . . nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” Maliwanag sa kanila na kailangan nilang “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:28, 29, 40-42.

10. Anu-anong pagsubok ang napapaharap sa mga Kristiyano sa ngayon, subalit ano ang maaaring ibunga ng kanilang mainam na paggawi?

10 Karamihan sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay hindi naman nabubugbog o nabibilanggo dahil sa kanilang pangangaral. Gayunman, napapaharap sa iba’t ibang pagsubok ang lahat ng tunay na Kristiyano. Halimbawa, malamang na hindi magustuhan ng iba ang paggawi mo dahil sinusunod mo ang mga pamantayan ng Bibliya udyok ng iyong budhi anupat napapaiba ka. Maaaring isipin ng iyong mga katrabaho, kaeskuwela, o kapitbahay na hindi ka normal dahil nagpapasiya ka batay sa mga simulain ng Bibliya. Pero hindi ka dapat panghinaan ng loob dahil sa kanilang negatibong reaksiyon. Nasa espirituwal na kadiliman ang sanlibutan, subalit ang mga Kristiyano ay dapat na “[sumikat] bilang mga tagapagbigay-liwanag.” (Fil. 2:15) Kapag nakita ng ilang taimtim na tao ang iyong maiinam na gawa, malamang na humanga sila at magbigay ng kaluwalhatian kay Jehova.​—Basahin ang Mateo 5:16.

11. (a) Paano maaaring tumugon ang ilan sa gawaing pangangaral? (b) Anong pagsalansang ang naranasan ni apostol Pablo, at ano ang ginawa niya?

11 Kailangan ang lakas ng loob upang patuloy nating maipangaral ang mensahe ng Kaharian. Maaaring tuyain ka ng ilang tao, maging ng iyong mga kamag-anak, o maaaring tangkain nila na pahinain ang iyong loob sa paanuman. (Mat. 10:36) Hindi lamang minsan binugbog si apostol Pablo dahil sa kaniyang pangangaral. Pansinin kung ano ang ginawa niya nang mapaharap siya sa gayong pagsalansang: “Pagkatapos na maghirap muna kami at mapakitunguhan nang walang pakundangan,” ang isinulat niya, “nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tes. 2:2) Tiyak na kailangan ni Pablo ng lakas ng loob upang patuloy na maihayag ang mabuting balita matapos siyang dakpin, hubaran, hampasin ng mga pamalo, at ibilanggo. (Gawa 16:19-24) Ano ang nagbigay sa kaniya ng katapangan, o lakas ng loob, upang magpatuloy? Nanaig sa kaniya ang hangaring ganapin ang kaniyang bigay-Diyos na atas na mangaral.​—1 Cor. 9:16.

12, 13. Anu-anong problema ang napapaharap sa ilan, at paano nila sinisikap na mapagtagumpayan ang mga ito?

12 Hindi rin madaling manatiling masigasig sa mga teritoryo kung saan bihirang matagpuan ang mga tao sa kanilang bahay o marami ang walang interes sa mensahe ng Kaharian. Ano ang maaari nating gawin sa gayong mga kalagayan? Baka kailangan nating mag-ipon ng higit na lakas ng loob upang makapagpatotoo sa di-pormal na paraan. Maaari din nating baguhin ang ating iskedyul o ituon ang ating mga pagsisikap na mangaral sa mga lugar kung saan mas marami tayong makakausap na mga tao.​—Ihambing ang Juan 4:7-15; Gawa 16:13; 17:17.

13 Ang iba pang mga problema na napapaharap sa marami ay ang pagtanda at paghina ng kalusugan, anupat maaaring limitado na ang nagagawa nila sa pangangaral. Kung ganiyan ang nararanasan mo, huwag kang masiraan ng loob. Alam na alam ni Jehova ang iyong mga limitasyon at pinahahalagahan niya ang kaya mong gawin. (Basahin ang 2 Corinto 8:12.) Anuman ang iyong problema​—pagsalansang, kawalang-interes ng mga tao, o mahinang kalusugan​—gawin mo lamang ang makakaya mo sa pangangaral ng mabuting balita.​—Kaw. 3:27; ihambing ang Marcos 12:41-44.

‘Patuloy Mong Ingatan ang Iyong Ministeryo’

14. Anong halimbawa ang ipinakita ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano, at ano ang ipinayo niya?

14 Dinibdib ni apostol Pablo ang kaniyang ministeryo, at pinasigla niya ang kaniyang mga kapananampalataya na gayundin ang gawin. (Gawa 20:20, 21; 1 Cor. 11:1) Isa sa mga indibiduwal na pinatibay-loob ni Pablo ay si Arquipo, isang Kristiyano noong unang siglo. Isinulat ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas: “Sabihin ninyo kay Arquipo: ‘Patuloy mong ingatan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon, na tuparin mo ito.’” (Col. 4:17) Wala na tayong iba pang nalalaman tungkol kay Arquipo o sa kaniyang buhay, pero maliwanag na tinanggap niya ang atas na mangaral. Kung isa kang nakaalay na Kristiyano, tumanggap ka rin ng atas na mangaral. Patuloy mo bang iniingatan ang iyong ministeryo at tinutupad ito?

15. Ano ang kahulugan ng pag-aalay ng isang Kristiyano, at anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?

15 Bago tayo nabautismuhan, inialay natin ang ating buhay kay Jehova sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin. Nangangahulugan ito na determinado tayong gawin ang kaniyang kalooban. Kaya dapat nating tanungin ang ating sarili ngayon, ‘Ang paggawa ba ng kalooban ng Diyos ang talagang pinakamahalaga sa aking buhay?’ Marahil, marami tayong pananagutan na inaasahan ni Jehova na aasikasuhin natin​—gaya ng paglalaan para sa ating pamilya. (1 Tim. 5:8) Pero paano ba natin ginagamit ang natitira nating panahon at lakas? Ano ang inuuna natin sa ating buhay?​—Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15.

16, 17. Anu-anong tunguhin ang maaaring pag-isipan ng mga kabataang Kristiyano o ng iba pa na wala namang gaanong pananagutan?

16 Isa ka bang nakaalay na kabataang Kristiyano na nakapagtapos na o malapit nang magtapos ng haiskul? Malamang na wala ka pang gaanong mabibigat na pananagutan sa pamilya. Kaya ano ang plano mong gawin sa iyong buhay? Anong mga pasiya ang makatutulong sa iyo na lubusang tuparin ang iyong pangako na gawin ang kalooban ni Jehova? Isinaayos ng marami ang kanilang iskedyul at mga gawain upang makapagpayunir, at nagdulot ito sa kanila ng napakalaking kagalakan at kasiyahan.​—Awit 110:3; Ecles. 12:1.

17 Marahil ay isa kang binata o dalaga. Mayroon kang buong-panahong sekular na trabaho pero wala ka pa namang gaanong pananagutan maliban sa pagsuporta sa iyong sarili. Malamang na nasisiyahan kang makibahagi sa mga gawain ng kongregasyon hangga’t ipinahihintulot ng iyong iskedyul. Gusto mo bang magkaroon ng higit pang kagalakan? Napag-isipan mo na bang palawakin ang iyong pakikibahagi sa ministeryo? (Awit 34:8; Kaw. 10:22) Sa ilang teritoryo, marami pang kailangang gawin upang ang lahat ay mapaabutan ng nagbibigay-buhay na mensahe ng katotohanan. Maaari ka bang gumawa ng mga pagbabago sa iyong buhay, marahil upang makapaglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian?​—Basahin ang 1 Timoteo 6:6-8.

18. Anu-anong pagbabago ang ginawa ng isang bagong mag-asawa, at ano ang naging resulta?

18 Kuning halimbawa sina Kevin at Elena, mula sa Estados Unidos. * Gaya ng karaniwan sa mga bagong-kasal sa kanilang lugar, gusto rin nilang makabili ng sariling bahay. Pareho silang nagtatrabaho nang buong panahon at maalwan ang buhay nila. Pero dahil sa kanilang iskedyul sa trabaho at sa dami ng gawaing-bahay, kaunti na lamang ang panahon nila sa paglilingkod sa larangan. Napag-isip-isip nila na halos nauubos na ang panahon at lakas nila sa pag-aasikaso sa kanilang mga ari-arian. Gayunman, nang mapansin nila ang simple subalit masayang buhay ng isang mag-asawang payunir, ipinasiya nina Kevin at Elena na baguhin ang kanilang priyoridad sa buhay. Matapos manalangin at humingi ng patnubay ni Jehova, ibinenta nila ang kanilang bahay at lumipat sila sa isang apartment. Binawasan ni Elena ang panahong ginugugol niya sa pagtatrabaho at saka nagpayunir. Palibhasa’y napatibay si Kevin sa mga karanasan ng kaniyang asawa sa ministeryo, nagbitiw siya sa kaniyang buong-panahong trabaho at nagpayunir. Pagkalipas ng ilang panahon, lumipat sila sa isang bansa sa Timog Amerika upang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. “Masaya naman ang pagsasama naming mag-asawa noon pa man,” ang sabi ni Kevin, “pero nang pagsikapan naming abutin ang tunguhin na pag-ibayuhin ang aming paglilingkod sa Diyos, lalo kaming naging masaya.”​—Basahin ang Mateo 6:19-22.

19, 20. Bakit ang pangangaral ng mabuting balita ang pinakamahalagang gawain sa ngayon?

19 Ang pangangaral ng mabuting balita ang pinakamahalagang gawain sa lupa ngayon. (Apoc. 14:6, 7) Nakatutulong ito upang mapabanal ang pangalan ni Jehova. (Mat. 6:9) Taun-taon, libu-libo ang tumatanggap sa mensahe ng Bibliya. Napabubuti nito ang kanilang buhay at maaari itong umakay sa kanilang kaligtasan. Pero “paano . . . nila maririnig kung walang mangangaral?” ang tanong ni apostol Pablo. (Roma 10:14, 15) Paano nga? Bakit hindi maging determinado na gawin ang iyong buong makakaya upang ganapin ang iyong ministeryo?

20 Ang isa pang paraan para matulungan mo ang mga tao na maunawaan ang kahulugan ng mapanganib na mga panahong ito at ang mga kahihinatnan ng kanilang mga pagpapasiya ay ang pasulungin ang iyong kakayahan sa pagtuturo. Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ Binago ang mga pangalan.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang pananagutan ng mga Kristiyano sa sangkatauhan?

• Paano natin mapagtatagumpayan ang mga hadlang sa ating pangangaral?

• Paano natin tutuparin ang ministeryong tinanggap natin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 5]

Kailangan ang lakas ng loob sa pangangaral sa harap ng pagsalansang

[Larawan sa pahina 7]

Ano ang maaari mong gawin kung nangangaral ka sa mga teritoryo kung saan bihirang matagpuan ang mga tao sa kanilang bahay?