Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Inyong Anak na Magtaguyod ng Kapayapaan

Turuan ang Inyong Anak na Magtaguyod ng Kapayapaan

Turuan ang Inyong Anak na Magtaguyod ng Kapayapaan

Sabik na sabik ang walong-taóng-gulang na si Nicole sa kanilang paglipat sa malayong lugar kaya palagi niyang ikinukuwento sa kaniyang matalik na kaibigang si Gabrielle ang bawat detalye ng kanilang paghahanda. Isang araw, bigla na lamang sinabi ni Gabrielle kay Nicole na wala siyang pakialam sa paglipat nito. Nasaktan at nagalit si Nicole kaya sinabi nito sa kaniyang ina, “Ayoko na pong makita si Gabrielle kahit kailan!”

KAPAG nagkakaroon ng ganitong mga problema ang mga bata gaya ng nangyari kina Nicole at Gabrielle, madalas na kailangan nila ang tulong ng kanilang mga magulang​—hindi lamang para mapaglubag ang kalooban ng mga bata kundi para turuan sila kung paano haharapin ang situwasyon. Likas lamang sa mga bata “ang mga ugali ng isang sanggol,” at madalas na hindi nila alam ang pinsalang maidudulot ng kanilang sinasabi at ginagawa. (1 Corinto 13:11) Kailangan nilang malinang ang mga katangiang magtataguyod ng kapayapaan sa kanilang pakikitungo sa mga kapamilya at sa ibang mga tao.

Interesadung-interesado ang mga Kristiyanong magulang na sanayin ang kanilang mga anak na ‘hanapin ang kapayapaan at itaguyod iyon.’ (1 Pedro 3:11) Kailangan ng pagsisikap para mapaglabanan ang pagkadama ng pagdududa, pagkabigo, at pagkapoot. Subalit sulit naman kapag nagtataguyod ng kapayapaan ang isa yamang matatamasa niya ang kaligayahang idudulot nito. Kung isa kang magulang, paano mo matuturuan ang iyong mga anak na magtaguyod ng kapayapaan?

Tulungan Silang Magkaroon ng Hangaring Paluguran “ang Diyos ng Kapayapaan”

Si Jehova ay inilalarawan bilang “ang Diyos ng kapayapaan” at ang isa na “nagbibigay ng kapayapaan.” (Filipos 4:9; Roma 15:33) Kaya ginagamit ng matatalinong magulang ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa mahusay na paraan para ikintal sa kanilang mga anak ang hangaring paluguran ang Diyos at tularan ang kaniyang mga katangian. Halimbawa, tulungan mo ang iyong mga anak na ilarawan sa kanilang isip ang kagila-gilalas na pangitain ni apostol Juan​—isang maringal, kulay berde, at tulad-esmeraldang bahaghari sa palibot ng trono ni Jehova. * (Apocalipsis 4:2, 3) Ipaliwanag na ang bahagharing ito ay kumakatawan sa kapayapaan at katiwasayan sa palibot ng presensiya ni Jehova at na ang gayong mga pagpapala ay ipagkakaloob sa lahat ng sumusunod sa kaniya.

Nagbibigay rin si Jehova ng patnubay sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus, na tinatawag na “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6, 7) Kaya basahin at talakayin sa inyong mga anak ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa mahahalagang turo ni Jesus na iwasan ang pakikipag-away at pakikipagtalo. (Mateo 26:51-56; Marcos 9:33-35) Ipaliwanag kung bakit si Pablo, na dating “isang taong walang pakundangan,” ay nagbago at sumulat na “ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, . . . nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.” (1 Timoteo 1:13; 2 Timoteo 2:24) Baka magulat ka sa positibong tugon ng iyong anak.

Natatandaan ni Evan na noong pitong taóng gulang siya, may isang batang nambubuska sa kaniya sa school bus. “Pikon na pikon na ako at gusto ko nang gumanti!” ang sabi niya. “Pero naalaala ko ang aral na natutuhan ko sa bahay kung ano ang dapat kong gawin kapag hinamon ako ng away. Alam kong gusto ni Jehova na ‘huwag akong gumanti ng masama sa masama’ at ‘makipagpayapaan ako sa lahat ng tao.’” (Roma 12:17, 18) Dahil dito, nakapagpigil sa sarili si Evan at sumagot siya sa mahinahong paraan para lumamig ang mainit na situwasyong iyon. Gusto niyang paluguran ang Diyos ng kapayapaan.

Maging Mabuting Halimbawa

Mapayapa ba ang inyong tahanan? Kung gayon, maraming matututuhan ang iyong mga anak hinggil sa kapayapaan kahit sa pagmamasid lamang sa iyo. Makatutulong nang malaki sa pagtuturo mo sa iyong mga anak ang pagtulad mo sa Diyos at kay Kristo sa pagtataguyod ng kapayapaan.​—Roma 2:21.

Nagsikap nang husto sina Russ at Cindy para sanayin ang kanilang dalawang anak na lalaki na magpakita pa rin ng pag-ibig kahit na iniinis sila ng iba. Ganito ang sinabi ni Cindy: “Ang saloobing ipinakikita namin ni Russ sa mga bata at sa iba kapag may problema ay may malaking epekto sa kung paano hinaharap ng aming mga anak ang gayunding mga situwasyon.”

Kapag nagkamali ka​—at sino namang magulang ang hindi nagkakamali?—​magagamit mo pa rin ang pagkakataong ito para turuan sila ng mahahalagang aral. “May mga pagkakataong nakagalitan at nadisiplina namin ng misis kong si Terry ang aming tatlong anak kahit na hindi pa namin alam ang buong pangyayari,” ang inamin ni Stephen. “Kapag nangyayari iyon, humihingi kami ng paumanhin sa mga bata.” Sinabi pa ni Terry: “Sinasabi namin sa aming mga anak na hindi kami sakdal at nagkakamali rin kami. Sa palagay namin, hindi lamang ito nakatulong para maging mapayapa ang aming pamilya kundi nakatulong din ito sa mga bata na matuto kung paano magtataguyod ng kapayapaan.”

Natututo bang magtaguyod ng kapayapaan ang iyong mga anak dahil sa nakikita nilang pakikitungo mo sa kanila? Nagpayo si Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Sa kabila ng iyong mga pagkukulang, makatitiyak ka na ang pagmamahal na ipinakikita mo sa iyong mga anak ay magdudulot ng mabubuting resulta. Mas madali silang makikinig sa iyo kapag tinuturuan mo sila sa maibiging paraan.

Maging Mabagal sa Pagkagalit

Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 19:11: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na magkaroon ng gayong kaunawaan? Inilahad ni David ang isang praktikal na paraang ginawa niya at ng kaniyang asawa, si Mariann, na nakatulong sa kanilang anak na lalaki at anak na babae. Sinabi niya: “Kapag naiinis sila sa isa na nakapagsalita o nakagawa ng isang bagay na nakasakit sa kanila, tinutulungan namin silang magkaroon ng empatiya. Tinatanong namin sila ng simpleng mga tanong gaya ng: ‘Hindi kaya pagód lang siya? Nagtatampo kaya siya? Hindi kaya may dinaramdam lang siya?’” Sinabi pa ni Mariann, “Dahil dito, naglulubag ang kalooban ng mga bata sa halip na mag-isip sila ng negatibong mga bagay o igiit kung sino ang tama o mali.”

Ang gayong pagsasanay ay maaaring magdulot ng magagandang resulta. Pansinin kung paanong si Nicole, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito, ay natulungan ng kaniyang inang si Michelle, na hindi lamang basta makipagbati sa kaniyang kaibigang si Gabrielle. “Binasa namin ni Nicole ang kabanata 14 ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro,” ang sabi ni Michelle. * “Saka ko ipinaliwanag sa kaniya kung ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin nito na dapat nating patawarin ang iba nang ‘pitumpu’t pitong ulit.’ Nakinig akong mabuti habang sinasabi ni Nicole ang kaniyang niloloob, at pagkatapos ay tinulungan ko siyang maintindihan ang kabiguan at kalungkutang nadarama ni Gabrielle dahil mapapalayo na ang kaniyang matalik na kaibigan.”​—Mateo 18:21, 22.

Dahil naunawaan na ni Nicole ang posibleng dahilan kung bakit nakapagsalita ng gayon si Gabrielle, nagkaroon siya ng empatiya rito at nagpakilos ito sa kaniya na tawagan si Gabrielle sa telepono para magsori. “Mula noon,” ang sabi ni Michelle, “sumasaya si Nicole kapag nakapagpapakita siya ng konsiderasyon at gumagawa ng mabubuting bagay sa iba upang mapaligaya sila.”​—Filipos 2:3, 4.

Tulungan ang inyong mga anak na huwag mainis kapag may nakagagawa sa kanila ng pagkakamali o nagkaroon ng di-pagkakaunawaan. Malamang na masiyahan ka kapag nakita mong ang iyong mga anak ay nagpapakita ng tunay na kabutihan at magiliw na pagmamahal sa iba.​—Roma 12:10; 1 Corinto 12:25.

Ituro ang Kabutihan ng Pagpapatawad

“Kagandahan . . . na palampasin ang pagsalansang,” ang sabi sa Kawikaan 19:11. Nang mismong sandaling dumaranas ng matinding paghihirap si Jesus, tinularan niya ang kaniyang Ama at naging mapagpatawad. (Lucas 23:34) Matututuhan ng iyong mga anak ang kagandahan, o kabutihan, ng pagpapatawad kapag sila mismo ay pinatatawad mo sa kanilang pagkakamali.

Halimbawa, gustung-gusto ng limang-taóng-gulang na si Willy na magkulay ng mga larawan kasama ng kaniyang lola. Minsan nang nagkukulay sila, biglang huminto ang kaniyang lola, pinagalitan si Willy, at basta na lamang umalis. Nasaktan si Willy. Ganito ang sinabi ng kaniyang amang si Sam: “May Alzheimer’s disease ang lola ni Willy. Kaya ipinaliwanag namin ito kay Willy sa paraang mauunawaan niya.” Pagkatapos ipaalaala kay Willy na maraming beses na rin siyang pinatawad sa mga pagkakamali niya at na dapat din niyang patawarin ang iba, nagulat si Sam sa ginawa ni Willy. Inilahad ni Sam: “Hindi namin sukat akalain na lalapitan ng aming anak ang kaniyang 80-anyos na lola para suyuin at akayin ito pabalik sa mesa!”

Talaga ngang maganda ang ibinubunga kapag natutuhan ng mga bata na ‘patuloy na pagtiisan’ ang mga pagkukulang at pagkakamali ng iba at patawarin ang mga ito. (Colosas 3:13) Ikintal sa inyong mga anak na kahit pa sinasadya ng iba na inisin sila, magiging maganda ang resulta kapag itinaguyod nila ang kapayapaan, sapagkat “kapag nalulugod si Jehova sa mga lakad ng isang tao ay pinangyayari niya na maging ang kaniyang mga kaaway ay makipagpayapaan sa kaniya.”​—Kawikaan 16:7.

Patuloy na Tulungan ang Inyong Anak na Magtaguyod ng Kapayapaan

Kapag ginagamit ng mga magulang ang Salita ng Diyos para turuan ang kanilang mga anak “sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan” at bilang mga indibiduwal na “nakikipagpayapaan,” sila ay nagiging tunay na pagpapala sa kanilang mga anak. (Santiago 3:18) Itinuturo ng gayong mga magulang sa kanilang mga anak kung ano ang dapat gawin ng mga ito para malutas ang mga alitan at itaguyod ang kapayapaan. Napakalaki ng magagawa nito upang sila ay maging maligaya sa kanilang buong buhay.

Sina Dan at Kathy ay may tatlong anak na tin-edyer na mahuhusay ang espirituwalidad. “Bagaman may mga problema ring bumabangon sa pagsasanay sa kanila noong sila’y mga bata pa,” ang sabi ni Dan, “tuwang-tuwa kami na makitang maganda ang naging epekto nito sa aming mga anak. Mapayapa silang makitungo sa iba, at handa silang magpatawad kapag may bumabangong di-pagkakaunawaan.” Ganito ang sinabi ni Kathy: “Lalo na itong nagpasigla sa amin, dahil ang kapayapaan ay isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos.”​—Galacia 5:22, 23.

Kung gayon, bilang mga Kristiyanong magulang, may mabuting dahilan kayo upang huwag ‘manghimagod’ sa pagtuturo sa inyong mga anak na mamuhay nang mapayapa​—kahit na waring hindi ito agad na naikakapit ng mga bata. Sa paggawa ninyo nito, makatitiyak kayo na “ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay sasainyo.”​—Galacia 6:9; 2 Corinto 13:11.

[Mga talababa]

^ par. 6 Tingnan ang larawan sa pahina 75 ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 16 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/​Larawan sa pahina 20]

ISANG MABUTING IMPLUWENSIYA?

Ganito ang sinabi sa isang sanaysay na pinamagatang “Karahasan sa mga Pelikula at Palabas sa Telebisyon” na inilathala ng Media Awareness Network: “Ang ideya na karahasan ang solusyon sa problema ay itinatampok sa [mga pelikula at palabas sa telebisyon] kung saan mapapanood ang mga kontrabida at mga bida na madalas na gumagawa ng karahasan.” Mga sampung porsiyento lamang ng mga palabas sa telebisyon, pelikula, at music video na sinuri ang nagpakitang may masamang epekto ang karahasan. Pero sa lahat ng iba pang sinuri, ang sabi ng sanaysay, “pinalilitaw na ang karahasan ay makatuwiran, karaniwan, at di-maiiwasan​—ang tanging paraan para lutasin ang mga problema.”

Nakikita mo ba ang pangangailangang gumawa ng mga pagbabago hinggil sa panonood ng TV sa inyong tahanan? Huwag mong hayaan na mawalan ng saysay ang iyong pagsisikap na turuan ang iyong mga anak na magtaguyod ng kapayapaan dahil sa mga pelikula at palabas sa telebisyon.

[Larawan sa pahina 17]

Ikintal sa inyong mga anak ang hangaring paluguran “ang Diyos ng kapayapaan”

[Larawan sa pahina 18]

Sikaping iwasto ang nakasasakit na mga salita at pagkilos

[Larawan sa pahina 19]

Dapat matutong magsori at magpatawad ang inyong mga anak